webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · Teenager
Zu wenig Bewertungen
60 Chs

Kabanata 39

Kabanata 39

Maingay at magulo. Maraming mga taong nag-uusap. Ang iba ay nagmamadali. At sa tuwing imumulat ko ang mga mata ko'y mapapapikit akong muli dahil sa mga nakakasilaw na ilaw.

"Pwede ka nang dumilat, dear."

Pagkasabi noon ng babaeng nag-make up sa'kin ay dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Halos naninibago pa ako sa pakiramdam dahil may inilagay sila sa akin na pekeng pilikmata. Kailangan daw kasi iyon para mas maganda.

"Perfect! Kahawig na kahawig mo talaga si Madam Belle!" tuwang sabi ni Miss Lea na parang manghang-mangha sa ginawa niya sa akin.

Pero kabaliktaran naman ng reaksyon niya ang emosyong nararamdaman ko. Blangko lang akong napatingin sa repleksyon ko sa salamin. Mas matimbang sa akin ang lungkot kaysa ang saya.

Oo, ako nga itong nakikita ko ngayon, pero ibang-iba na sa dati. Halos hindi ko na makilala ang sarili ko. At masakit sa'king isipin na hindi lang ang panlabas na kaanyuan ko ang magbabago kung hindi ang buong pagkatao ko.

At ayoko mang tanggapin 'yon, wala akong magagawa. Dahil iyon ang inihain sa akin ng tadhana ko.

"Dear, mag-smile ka naman!" sabi pa sa'kin ng Miss Lea, pagkatapos ay nilingon si Mommy. "Madam, napaka-mahiyain pala nitong long lost daughter mo, 'no?"

Natawa lang nang bahagya si Mommy. Tumayo pa ito sa kinauupuan at lumapit sa pwesto namin. "Naku, syempre gan'yan talaga. Hindi pa kasi siya sanay sa ganito, e."

"Darling, kapag artista ka dapat palaging naka-smile! Nakakapangit ang pagsimangot, sige ka," sabi pa ulit ni Miss Lea. Kaya sa huli ay napilitan na lang akong ngumiti.

"Oh! Ayan!" tuwang sabi niya. "Mas maganda, 'di ba?"

Hindi na lang ako sumagot. Sa salamin naman ay nakita kong nagpalit sila ng pwesto ni Mommy, para mas makalapit ito sa akin. Pagkatapos ay masuyong hinaplos ni Mommy ang balikat kong litaw na litaw dahil sa suot kong bestida na walang manggas.

"Kinakabahan ka ba?" tanong niya sa'kin.

"Opo, e," nahihiyang sagot ko.

Sino ba naman ang hindi kakabahan? Napakaraming tao ang nandoon at manonood sa akin. Idagdag pa na may mga ibang tao pa ang manonood noon. Talagang inaabangan dahil isang mainit na intriga ito sa buhay ng mga artista.

Naalala ko tuloy si Danica. Mahilig kasi siya sa mga artista. Isa siya sa mga nakaabang sa buhay ng mga iyon. Napagtanto ko tuloy na hindi palaga maganda 'yon. Mahirap pala sa kalagayan ng mga artista.

"Basta, tandaan mo lang 'yung mga bilin ko sa'yo ha? Tsaka, sabi sa'kin no'ng hinire ko na tutor mo, gumagaling ka na sa English! Kaya I'm sure, makakaya mo 'yan," pagpapakalma sa akin ni Mommy.

Napabuntong-hininga naman ako at napatingin sa kanya. Para bang nanghihingi ng tulong. Gusto kong sabihin sa kanyang alisin na ako dito, pero walang salitang lumabas sa bibig ko. Sinubukan ko na lang ding pakalmahin ang kalooban ko habang nakatingin sa ngiti sa mga labi niya.

Napatingin naman akong muli at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.

Kaya mo 'yan, Maureen. Magiging okay rin ang lahat.

"5 minutes po bago mag-start! Ready na po!" sigaw ng isang staff na kakapasok lang dito sa kwartong kinaroroonan namin. Hitsura pa lang ay mukha na itong aligaga.

"Oh, Anak, basta always smile, ha? Tsaka, kapag may 'di ka maintindihan, or hindi ka komportable, tumingin ka lang sa'kin, ha?" paalala pa sa'kin ni Mommy.

"Opo, Mommy," sagot ko naman.

Ngingiti na sana ako nang makita kong papalapit sa amin si Ma'am Mercedes. Siguradong tatarayan na naman ako nito. Iniisip ko pa lang 'yon ay napapasimangot na ako.

"I just wanted to remind you, 'wag na 'wag kang magkakamaling ipahiya ang pamilya namin. Is that clear?" mariing banta niya sa'kin.

Sunod-sunod naman ang naging pagtango ko.

"Kung 'di mo alam ang sasabihin, please lang, 'wag ka nang magsalita," habol pa niya.

"Mercedes," suway naman ni Mommy sa kanya.

Inis siyang napatingin dito. "What? I'm just reminding her."

"But you don't have to do it that way," pagrarason pa ni Mommy.

"It's my way, Mom and I'm sorry, but you can't do nothing about it," sabi na lang ni Ma'am Mercedes at galit na tumalikod sa amin.

Nagkatinginan na lang kami ni Mommy na tila ba kapwa walang magawa sa kagaspangan ng ugali ni Ma'am Mercedes. Kita ko pa ang pagtaas at pagbaba ng balikat niya.

* * *

Ilang sandali pa nga'y nagsimula na ang The Afternoon Show; ang sikat na sikat na show ni Aniceto. Una siyang ipinakita na bumabati sa mga manonood at binibigayan ang mga ito ng ideya sa kung ano'ng magaganap ngayon sa show niya. Bawat sandali ay lalong lumalala ang kabang nararamdaman ko sa dibdib ko.

Matatanggap kaya ako ng mga taong sumusubaybay sa mga Dela Rama at mga Olivarez? Natatakot ako na baka kagaya rin sila ng mga Olivarez na halos basura ang turing sa'kin. Isang sampid. Masakit man, pero 'yon talaga ang salitang nababagay sa'kin. Masakit, dahil iyon naman talaga ang totoo.

"Mom, let's go," sabi ni Mercedes at hindi na niya hinintay na makasagot si Mommy—nauna na siyang pumunta sa pinaka-backstage ng set.

Mas una silang tinawag ni Aniceto, dahil ang sabi, surprise daw ako. Bigla ko tuloy naisip sina Zeus. Ano kayang magiging reaksyon nila kung sakaling makita nila ako sa TV?

Wala sa sariling napailing ako. Hindi ngayon ang tamang oras para isipin ko siya. Dapat nga hindi na talaga, e. Sa layo ko sa kanya ngayon at sa pagbabagong magaganap pa sa buhay ko, malabo na sigurong magtagpo pa kaming muli. Isa na lang siyang parte ng alaala ko.

"So how about you, Mercedes? How did you feel na, eto, may kapatid ka pa palang babae bukod kay Celestia?"

Mula sa TV na nasa kwartong kinaroroonan ko ay nakikita at naririnig ko ang nagaganap sa show. Hindi ko maiwasan ang sumama ang paningin nang makita ang malawak ngunit pekeng ngiti ni Ma'am Mercedes.

"Of course, Tito Aniceto, I'm very happy! As in! I mean, finally, we've found my long lost sister. At ngayon pa lang, nae-excite na 'ko sa mga mae-experience niya," sagot ni Ma'am Mercedes na halos puro kasinungalingan.

Paanong nae-excite? Siguradong ang kinasasabikan niya ay ang mga paghihirap na daranasin ko. Napabuntong-hininga ako ulit. Kung sana nagkakapera ako tuwing bumubuntong-hininga ako, siguro hindi ko na kailangang gawin 'to.

Pero simula ngayon, kailangan ko nang masanay sa mga bagay na ganito.

"Ma'am Maureen, halika na po sa backstage," sabi sa akin ng isang staff.

Napatango ako at tumayo. Habang sinusundan ang staff ay inihahanda ko na ang sarili ko. Kaya ko 'to. Kakayanin ko 'to.

"Ma'am, wait na lang po kayo sa cue," bilin pa sa'kin ng staff nang makarating kami sa backstage.

Nginitian ko naman ito at tinanguan. Mula naman dito ay dinig pa rin ang boses nila. Ganito pala dito, ano? Ito pala ang mga kaganapan sa likod ng mga napapanood kong palabas sa TV.

"I've seen her photo na, ano? And my gosh, she's really beautiful. Kamukhang-kamukha mo, Belle! So, what are we waiting for? Let's call the long lost princess of the Olivarez family— Maureen Olivarez!"

Pagkasabi noon ni Aniceto ay bumukas ang dalawang malaking screen sa harapan ko kasabay ng isang masiglang tunog. Pagkabukas noon ay halos masilaw ako sa mga ilaw na nakatuon sa stage. Halos hindi ko rin tuloy nakita ang mga tao.

Dahan-dahan at kabadong-kabado akong lumabas mula sa backstage. Pero pinilit ko pa rin ang ngumiti gaya ng bilin nila sa akin. Unti-unti rin ay nakita ko na ang mga tao. May mga nakatanga lang sa'kin, may mga kumukuha ng picture, at mayroong mga nagpapalakpakan.

"Maureen, darling!" Magiliw akong sinalubong ni Aniceto at binigyan ng marahang beso sa kanang pisngi ko. "Welcome to my show."

"Thank you po," sagot ko at ngumiti.

Nasabihan na ako kanina na umupo ako sa gitna nina Mommy at Ma'am Mercedes kapag tinawag na ako. Kaya matapos ng batian namin ni Aniceto ay dumiretso na ako roon.

"Maureen, so, naloka ang lahat dahil sa sa istorya ng buhay mo 'no? Even I. Akala natin sa teleserye lang nangyayari. Possible din pala in real life 'no?" sabi pa ni Aniceto nang maupo ako. "So, how's your feeling? Ano ba'ng na-feel mo no'ng nalaman mo na, oh wow, artista pala ang totoong family mo. How did you feel?"

Napangiti ako kahit pa kinakabahan. Alam kong nasa akin ang paningin ng lahat ng taong nandito ngayon. Maging ang isasagot kong ito ay scripted. At isa lang ang kailangan kong gawin—ang makumbinsi silang totoo ang lahat ng sasabihin ko.

"Syempre, no'ng una po, nagulat ako. Kasi, never ko naman po naisip na sila po pala 'yung parents ko. Sobra din po talaga akong naguluhan, Sir Aniceto. And ngayon po, aaminin ko po, naninibago pa rin po ako na parang panaginip pa rin po ang lahat," sagot ko habang sinasabayan pa ng mga galaw ng kamay, para mas makumbinsi sila.

"Well, If I were you, mawiwindang din naman ako!" tugon ni Aniceto.

Nagkunwari akong natawa dahil sa sagot niyang 'yon.

"Maureen, uh, kinidnap ka raw no'ng kinalakihan mong father. So, ano'ng reaksyon mo no'n? When you found out about it," sunod pang tanong ni Aniceto.

Sa sandaling 'yon ay para namang tumigil ang mundo ko. Gusto ko sanang ipaglaban si Itay. Sabihin na hindi siya gano'n kasama. Na ang tanging kasalanan lang niya ay nagmahal siya ng babaeng may asawa na. Pero alam kong hindi ko 'yon pwedeng gawin.

"Uh, sa totoo lang po, sobrang nawasak po 'yung mundo ko no'ng nalaman ko 'yon. Kasi, syempre, lumaki na rin po ako na siya 'yung tatay ko. Tsaka, mahal na mahal niya po ako. Ni minsan, hindi ko po naramdaman na hindi niya 'ko anak. Kaya no'ng una po, nahirapan din po talaga akong tanggapin," pagsasalaysay ko. Habang nagkukwento naman ako ay tango nang tango si Aniceto na nakikinig nang maigi sa kwento ko.

"Aww, it's very difficult ano? And you're still young to experience that," komento niya, pagkatapos ay tumingin naman siya sa mga manonood. "Para lang tayong nakikinig ng novel 'no? Or mga drama."

Nagpatuloy pa ang usapan naming apat, at halos lahat yata ng nangyari doon ay puro pagpapanggap. Puro kasinungalingan. Pero mabuti naman at natagalan ko. Mukha rin namang napaniwala namin ang mga tao dahil sa mga sumunod na araw ay umalingawngaw ang pangalan ko. Sabi nga ng manager ko, "nag-viral" daw ako.

Kaagad-agad nila akong pinagawa ng mga social media accounts; Facebook, na manager ko ang may hawak, at Instagram at Twitter. Hindi ko nga rin lubos maisip bakit kailangang ganoon pa kadami ang account. Halos parang iisa lang naman ang gamit nila.

Nakikita ko sa comments na marami ang natutuwa sa akin at namamangha sa kwento ko. Mukha ring inaabangan na nila ang mga susunod na mangyayari sa buhay ko. Buti pa sila, masayang nag-aabang. Ako, heto, malungkot pa rin.

"Blta ko di dw cya nkpag aral ng hs. Naku mukang alang alm yn."

"Baka mamaya wala ring talent yan like Mercedes and Celestia. Just saying."

"Mukang english nga di pa kaya. Acting pa kaya?"

Lalo tuloy akong napasimangot sa mga comments na 'yon. Ang sakit naman nilang magsalita. Hindi naman nila alam kung ano'ng kalagayan ko, e. Kung ano'ng pakiramdam ko. Bakit ba ang hilig manghusga ng mga tao kahit wala naman silang alam sa totoo?

Mayamaya ay nakarinig ako ng katok mula sa labas ng kwarto ko.

"Maureen? Si Mommy mo 'to. Can I come in?"

"Opo, Mommy!" sagot ko naman.

"Buti naman gising ka pa," sabi niya pagkapasok niya. Bihis na bihis pa siya at halatang galing da trabaho. Isa rin 'yon sa mga dahilan kung bakit minsan pakiramdam ko mag-isa lang ako. Minsan kasi busy talaga siya at 'di ako nakakamusta.

"Nagbabasa lang po ng comments, Mommy. Matutulog na rin po ako mamaya," sagot ko naman.

"Oo, dapat. May workshop ka pa bukas," sabi naman niya. "Tsaka, 'wag ka na rin masyadong magbasa ng comments. Minsan kasi, may mga comments na nakakainis talaga. Kaya, iwasan mo na lang, okay?"

"Grabe nga po 'yung mga sinasabi nila, e. Pati po 'yung pag-aaral ko, pinapakeelaman nila. E, hindi ko naman po ginusto 'yon, e." Hindi ko na naman napigilan ang magsumbong. Kapag kasi nasasabi ko sa kanya ang problema ko, gumagaan ang loob ko. Nakaka-miss tuloy si Danica. . .

"Naku, Anak, may mga ganyan talagang tao. Pero 'wag mo na lang pansinin 'yan! Kaya nga kita iho-home school. Para makapag-aral ka na ulit. Gusto ko, pagkatapos no'n, hindi ka na nila matatapak-tapakan."

"Pangako, Mommy, gagalingan ko po. Kahit mahirap. Para po sa'yo at kay Itay."

* * *

Kinabukasan, sinamahan ako ng manager ko sa building ng ENJ Network para sa acting workshop ko. Isa raw ito sa pinagdaraanan ng mga gustong mag-artista, para mahasa ang talento nila. Para malaman nila kung paano ba talaga umarte nang mas maganda at mas maayos.

"Okay, Maureen, 'wag kang kabahan, okay? Uh, 'yung mga makakasama mo do'n, katulad mo lang din sila. Nagsisimula pa lang. Kaya 'wag, 'wag kang kakabahan, okay?" bilin sa akin ng manager kong si Prinzee na isang bakla. Buti nga at mabait siya sa akin kahit paaano.

Tumango-tango naman ako. "O-Opo."

"Okay, sige, pumasok ka na. Susunduin na lang kita later, okay?" sabi pa niya. Tumatango-tango na lang ulit ako at pagkatapos noon ay pinapasok na niya ako sa loob.

Pigil hininga akong pumasok sa loob noon. May malaking stage sa gitna at may mga nakahanay naman na upuan sa ibaba. May ilang tao na ang nandoon na parang mga magkakakilala na. Dahil sa pagtunog ng pintuan ay napatingin din sila sa akin.

Napayuko na lang ako at tahimik na naupo sa bandang dulo kung saan walang mga tao.

"Di ba siya 'yung nawalang anak daw nila Sir Frederick?" Narinig kong may nagtanong noon sa kausap niya.

"Oo siya nga. Galing daw 'yan ng probinsya. Well, hitsura pa lang naman mukha nang galing sa putikan," tugon ng kausap nito at tumawa pa.

Ang sakit n'yo namang magsalita.

"Huh. Hindi pa nga raw marunong mag-English 'yan, e. Tapos ipapasok agad sa acting?"

"May bagay namang role sa kanya! Mga pulibi gano'n. Mga baliw."

Ang sakit. Ang sakit marinig ng mga tawa nila. Parang niyuyurakan ang buong pagkatao ko. Ano ba'ng alam nila sa'kin? Bakit? Sila ba, may narating na ba sila para pagsalitaan ako nang ganito?

Napayuko na lang ako at pinigilan ang umiyak. Mayamaya pa'y naramdaman kong bumigat ang kinauupuan ko.Magkakakonekta kasi ang mga upuan sa isang hanay.

Napalingon ako sa tumabi sa'kin. Lalaki pala siya at sobrang tangkad niya!

"Hi," bati niya sabay ngiti sa akin.

Nagulat pa ako noong una at hindi halos makasagot. Hindi ko naman kasi inaakalang may papansin sa akin dito. Akala ko lahat sila ay pagchichismisan na lang ako. Mabuti at dumating ang lalaking 'to. Salamat sa Diyos talaga.

"H-Hello," nahihiyang tugon ko at saka ngumiti nang tipid.

Mayamaya'y napaayos naman ito ng upo at hinarap akong maigi. Napaawang pa ang labi niya't inalis ang shades na nasa mata niya.

"Ikaw 'yung long-lost princess!" singhap niya nang makilala ako.

"Ah, eh. . ." bigla naman akong nahiya.Ang hirap pala nitong alam na ng lahat na anak ka ng artista. Mas gusto ko pang 'di nila alam kung saan ako nagmula.

"Well, I'm just like you. Pamangkin naman ako ni Henry Salazar. He's an action star," dagdag pa niya. Dahil doon ay para naman akong nabuhayan ng loob.

"T-Talaga?" manghang tanong ko pa.

"Hmm." Tumango siya. "Ang hirap 'pag kamag-anak ka ng artista 'no? Ang taas na agad ng expectations nila sa'yo. Na dapat magaling ka agad."

Napangiti naman ako. Natutuwa naman ako at parehas kami ng nararamdaman. Kahit paano, may makakaintindi sa akin. Buti na lang talaga magkaklase kami sa workshop na 'to!

"Oo nga, e. Nakakakaba tuloy," sagot ko sa kanya. Parang ang gaan na tuloy ng pakiramdam ko sa kanya.

"Well, kung gano'n, edi galingan natin. Pakita natin sa kanila na mas mahihigitan pa natin ang expectations nila," sabi niya pa sabay ngiti ng malawak. Ang gwapo niya. Bagay sa kanya 'yung mga role na bidang lalaki na lapitin ng mga babae.

Napangiti na lang ako. Tama siya. Hindi kami dapat panghinaan ng loob dahil lang sa kanila. Dapat gawin pa namin 'yong kalakasan para mas galingan namin.

"Buti nakausap kita. Medyo nawawalan na 'ko ng lakas ng loob, e," pag-amin ko pa sa kanya.

"Okay lang 'yan," sabi pa naman niya.

Hindi ko na lang mapigilan ang mapangiti. Para siyang anghel! Nakakagaan ng loob ang mga sinasabi niya pati ang mga ngiti niya. Siguro padala siya sa'kin ng langit para hindi ako maging mag-isa?

"Uh, ako nga pala si Maureen," sabi ko at naglahad ng kamay. "Ikaw?"

"Vincent," sagot niya sabay ngiti at nakipagkamay sa akin.

Itutuloy. . .