webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · Teenager
Zu wenig Bewertungen
60 Chs

Kabanata 26

Kabanata 26

Dinukot ko ang pendant ko na natatakpan ng T-shirt ko at saka ipinakita kay Danica. Naglalakad na kami ngayon papasok sa mansyon ng mga Lorenzino, at ngayon ko lang naisipang ipakita sa kanya. Masyado rin kasi akong nalibang sa mga bata kahapon, e.

"In fairness kay Tito ah. May soft side din pala siya?" natatawang sabi niya.

"Strikto lang kasi talaga 'yon, pero mahal na mahal ako no'n," sagot ko naman.

"Basta, 'yung regalo ko sa'yo, nando'n sa mansyon. Iniwan ko talaga," sabi naman niya sa akin.

"Happy birthday, Mamau!"

Nagulat na lang ako nang bigla akong hatakin at yakapin ni Jacob noong nandoon na kami sa bakuran ng mga Lorenzino. Wala namang malisya samin iyon dahil talagang magkaibigan lang kami. Para ko na nga siyang Kuya, e. Dahil mas matanda siya ng isang taon sa amin.

"Aray! Ang higpit na ng yakap mo!" reklamo ko sa kanya.

"Naks! Dalaga na siya," komento niya matapos humiwalay sa akin.

"Bakit nandito ka pa sa mansyon?" tanong ko sa kanya. "Di ka pa umuuwi. . ."

"Syempre! Hinintay ko kayo para maabot ko sa'yo 'yung regalo ko," sagot naman niya sa akin. "Monet! Nasa'n na 'yon?"

Kapwa kami napatingin ni Danica kay Monet na kasunod ni Jacob. Nang tignan ko si Danica ay masama na naman ang tingin niya kay Monet.

"Oh. Heto oh," sabi ni Monet at inabot sa akin ang isang regalong nakabalot. Nang kapain ko 'yon ay naramdaman kong malambot ito. Siguro damit o kaya ay bimpo.

"No'ng isang linggo ko pa yan binili. 'Wag mo nang itanong kung magkano. Mura lang 'yan. Si Monet ang nagbalot n'yan!" sabi naman ni Jacob nang makuha ko na ang regalo.

"Ah, Maureen, happy birthday. Sorry, a? Wala akong regalo sa'yo. Pero ako ang nagbalot n'yan. Sana kahit 'yun lang, ma-appreciate mo," sabi naman ni Monet sa akin.

Nginitian ko naman siya. "Okay lang 'yon! Ang mahalaga, binati mo ako."

"Oh, buksan mo na!" sabi pa ni Jacob.

Maingat ko pang binuksan ang regalo, dahil ayoko namang masayang ang gawa ni Monet. Nang mabuksan ko iyon ay tumambad sa akin ang isang puting tela. Kinuha ko iyon at iniladlad. Isa pala 'yong t-shirt na may kaunting design sa bandang dibdib.

"Thank you, Jacob. Sa'yo din, Monet," masayang sabi ko sa kanila.

"Buti naman nagustuhan mo," sabi ni Jacob sa akin. "Pa'no? Uwi na 'ko a! Happy birthday ulit!"

Tumango naman ako. "Salamat! Ingat ka."

Hinabol pa namin siya ng tingin hanggang sa makalayo na siya. Nagulat naman ako nang kumapit sa akin si Monet.

"Halika na, Maureen," sabi pa niya sa akin.

Wala na lang tuloy akong nagawa kung hindi ang sumama sa kanya. Pero medyo naaalangan ako. Pakiramdam ko kasi, naiinis na ngayon si Danica.

"Ay, Monet! Ayan ka lang pala!" bungad ni Manang Guada sa amin pagkapasok namin ng mansyon.

"Manang, birthday po ngayon ni Maureen," sabi naman niya.

"Ay! Siya nga ba?" tanong pa ni Manang.

Ngumiti ako at tumango-tango.

"Edi hapi bertdey," bati sa akin ni Manang.

"Salamat po!" tugon ko.

"Ilang taon ka naman na?" tanong pa ni Manang.

"Sixteen po," sagot ko naman.

"Aba! Dalawang taon na lang pala, e, debut mo na," sabi pa niya.

"Si Manang naman. Matagal pa po 'yon." Natawa na lang ako.

"Ay, oh siya, sige! Mamaya na tayo magkuwentuhan at marami pang gagawin! Na-late kami ng gising, e! Kaya heto, nagmamadali," sabi pa ni Manang at pagkatapos noon ay hinila na niya kaagad si Monet. Bago pa sila makalayo ay sinabihan pa niya kaming dalawa. "Dalian n'yo ah!"

"Hay naku, Maureen. Mamaya ko na nga lang ibibigay 'yung regalo ko sa'yo. Mukhang aligagang-aligaga si Manang, e!" bulong ni Danica sa akin.

"Okay lang 'yon. Dalian na natin," sabi ko naman sa kanya.

Nagbihis na lang kami kaagad ni Danica at sumunod na sa kusina. Biruin mo nga namang kahit nagmamadali kami ay naisipan pa ni Manang na mag-sangag kami ng kanin. Pagkatapos, ang nailuto lang naming ulam ay hotdog at itlog.

Linggo ngayon, pero ang dalawang magkapatid lang ang magsisimba ngayon. Wala pa rin si Ma'am Helen. Apat na araw na rin ang nakalipas no'ng umalis siya. Baka bukas ay nandito na siya.

Pero sa totoo lang, natatakot ako sa pagbabalik niya. Iba na kasi ang sitwasyon ko kumpara sa dati noong nandito pa siya. Hindi ko alam kung matitignan ko pa ba siya nang diretso sa mga mata niya gayong may itinatago akong sikreto sa kanya.

At paano na lang kung malaman niya? Botong-boto pa naman siya kay Marquita. At hindi ko alam kung anong mangyayari sa aming dalawa ni Sir Zeus kung mabunyag ang sikreto namin. Huwag naman sana mangyari 'yon. . .

* * *

"Ano ba naman 'yan! Birthday na birthday mo, nakasimangot ka d'yan."

Nawala ang iniisip ko at napatingin ako kay Ate Bella. Kanina pa nakaalis sina Sir Apollo at Sir Zeus at kami naman ngayon ay naglilinis ng mansyon.

"Ah, wala po 'yon, Ate Bella," sabi ko na lang sa kanya at ngumiti. "May sumagi lang po sa isip ko."

"Sige, 'pag nakuha na natin ang sweldo natin, ililibre kita ng meryenda," sabi pa niya sa'kin.

"Kahit 'wag na po, Ate," sabi ko naman.

"Sige na," pagpipilit pa niya.

"Kayo po ang bahala," sabi ko na lang at ipinagpatuloy na lang ang ginagawa ko.

Tama si Ate Bella. Hindi ako dapat nag-iisip ng kung ano-ano lalo pa't birthday ko ngayon. Dapat masaya ako ngayong araw! At ngayon pa ba ako malulungkot kung kailan ay dapat magdiwang ang puso ko?

"Ate Bella, pwede po ba muna kami pumunta sa kwarto?" tanong ni Danica. "Ibibigay ko lang po kasi 'yung regalo ko sa kanya."

"Sige na nga," pagpayag naman ni Ate Bella.

"Oh, tara, Maureen!" sabi ni Danica at hinila na lang ako. Basta ko na lang tuloy nabitawan ang walis tambo sa isang gilid.

Dumiretso kaming dalawa sa kwartong tinutuluyan namin. At dahil lahat kami ay may ginagawa ngayon, kaming dalawa lang ang nandoon. Lumapit naman siya sa cabinet at saka may kinuha doon.

"Excited talaga 'kong ibigay sa'yo 'to, e. Kasi alam ko, magugustuhan mo 'to!" sabi pa niya habang kinukuha 'yon. "Charan!"

Ipinakita niya sa'kin ang isang teddy bear na kulay tsokolate. Kumpara sa teddy bear na regalo noon ni Sir Zeus kay Marquita, masasabi kong walang-wala ito doon. Pero wala akong pakialam! Sobra nga akong natuwa dito, e.

Kinuha ko 'yon sa kanya at pinisil-pisil.

"Danica! Pa'no mo nabili 'to?" Magkahalong gulat at saya ang nararamdaman ko ngayon.

"Noon pa kasing bago tayo magtrabaho dito, nag-iipon na tayo, 'di ba? Mukhang malaki naman ang sweldo natin, kaya sabi ko, bakit kaya 'di kita ibili ng regalo?

"E, tapos nakita ko 'yung tingin mo no'n sa teddy bear na regalo ni Sir Zeus kay Maldita. 'Yon. Kaya naisip kong 'yan ang bilhin," paliwanag niya sa akin.

"Wow! Ang sweet mo naman!" natatawang sabi ko sa kanya.

"Nagustuhan mo ba?" tanong pa niya.

"Sobra!" sabi ko. "Salamat, Danica, ah. Sobra-sobra. Higit pa dito."

"Naku naman! Nag-drama ka pa! Oh, halika na. Marami pa tayong gagawin," sabi naman niya sa akin.

"Ah, sige. Iwan ko muna 'to dito," sabi ko at ipinatong sa bag na dala ko ang teddy bear na 'yon.

Ano kayang ipapangalan ko sa kanya? E, kung Suzy kaya? Ang totoo, kinuha ko 'yon sa pangalan ni Sir Zeus.

Si Sir Zeus kaya? Naalala niya kayang birthday ko ngayon? Simula kanina hindi pa kami nagkakausap. Naiintindihan ko naman dahil kasama niya si Sir Apollo. . .

Apollo. . . Naalala kong bigla na nagtapat nga rin pala siya sakin noon pa. Pero noon pa man si Sir Zeus na ang nasa puso ko. Natandaan kong sinabi niya noon na siguro kung si Sir Zeus ang nagtapat sa akin, hindi ako tatanggi.

At nagi-guilty ako dahil. . . Tama siya.

Parang nananadya pa talaga ang pagkakataon dahil pagbalik namin sa sala ay siya kaagad ang nakita ko. Si Sir Apollo. Bagaman nagtama ang mga paningin namin ay umiwas ako. May kung ano sa pakiramdam ko na naiilang sa kanya. Hindi dahil sa nararamdaman niya sakin noon, kung hindi dahil sa sikreto namin ni Sir Zeus.

"Maureen. . ."

Si Sir Apollo 'yon.

Dahan-dahan akong lumingon muli sa kanya. Ngayon lang niya ako kinausap muli pagkatapos noon. Parang napakatagal na nga yata noon, e.

"P-Po?"

"Sabi sa'kin ni Bella, birthday mo raw? Gusto lang kitang batiin ng happy birthday," sabi niya sa akin sabay ngiti. Pero hindi ganoon kalawak ang ngiti niya.

"G-Ganoon po ba? Salamat po," sabi ko na lang sa kanya.

Tumango lang naman siya at umakyat na sa itaas. Nakahinga naman ako nang maluwag doon. Wala naman akong kasalanan sa kanya, 'di ba? Pero bakit ganito ang pakiramdam ko?

Maureen, umayos ka nga! Birthday na birthday mo!

"Maureen!"

Boses naman ni Sir Zeus ang narinig ko kaya't napatingin ako sa hagdan kung saan nanggaling ang boses niya.

"Buti nakita kita! Magpapasama sana 'ko sa'yo sa mall," sabi pa niya sa akin.

Mall? Na naman?

"Magmo-mall po uli kayo Sir Zeus?" Mukhang iyon din ang tanong sa isip ni Danica.

"Y-Yeah. May nakalimutan kasi akong bilhin, e," sagot ni Sir Zeus, pero bakit pakiramdam ko ay parang palusot lang 'yon? Tama kaya ako?

"Bakit?" tanong pa niya kay Danica.

"Wala naman po. Ah—Sir! Birthday po pala ni Maureen ngayon," sabi pa ni Danica. "Alam n'yo na po ba?"

"Ah, oo!" sabi ni Sir Zeus at muling humarap sa akin. "Happy birthday."

Tipid akong ngumiti. "Salamat po. S-Sige po. Magbibihis po muna ako."

Hindi ko na siya hinintay na magsalita pa at tumalikod na kaagad ako. Ano'ng ibig sabihin noon? Nakalimutan niya ang birthday ko? Wala naman siguro akong karapatan na mainis sa kanya, pero 'yon ang nararamdaman ko ngayon! Sinabi ko naman sa kanya 'yon, a? Gano'n ba kadaling kalimutan 'yon?

Sa huli ay isinuot ko na lang ang t-shirt na bigay sa akin ni Jacob. Kahit pa bago 'yon at 'di nalalabhan. Ang pang-ibaba ko naman ay ang pedal kong brown at simpleng tsinelas lang. Mas maayos naman ito kumpara sa huli kong isinuot sa mall, 'di ba?

"Nando'n na sa kotse si Sir Zeus. Ikaw na lang ang hinihintay," sabi ni Ate Bella nang lumabas ako.

Tumango-tango naman ako at dinalian na ang paglabas. Wala akong kaimik-imik nang pumasok ako sa loob ng kotse. Maging si Sir Zeus din naman na nakaupo na doon ay wala ring imik. Kaya hanggang sa makarating kami sa mall ay walang tahimik na tahimik ang loob ng sasakyan.

Minsan, nagsasalita si Junard at nagrereklamo sa mga bagay-bagay. Doon lang nagsasalita si Sir Zeus para tugonan siya.

"Ano, Sir? Hintayin ko pa po ba kayo?" tanong ni Junard nang makarating na kami sa mall.

"No. Ite-text na lang kita," sagot naman ni Sir Zeus.

"Sige ho, Sir. Baba ko na lang po kayo dito," sabi naman ni Junard at inihinto ang kotse sa tapat ng gate ng mall. Parehas naman kaming bumaba ni Sir Zeus, at pagkatapos ay umalis na rin si Junard.

"Let's go?" tanong sa akin ni Sir Zeus. Isang tango lang ang isinagot ko sa kanya pagkatapos ay dumiretso na ako sa loob ng mall.

"Kanina ka pa tahimik," puna niya matapos niyang makasabay ng lakad sa akin.

Huminto naman ako sa paglakad at hinarap siya. "Talaga po bang nakalimutan mo na birthday ko ngayon?"

"Ano?" Natawa siya. "Kaya ba 'di ka nagsasalita kanina pa huh? Kaya ba ganyan ang mukha mo?"

Hindi naman ako sumagot at nanatili lang na nakatingin sa kanya.

"Maureen, kaya nga tayo nandito sa mall. Kasi birthday mo!" sabi pa niya na ikinagulat ko naman.

"H-Huh? Akala ko po ba may nakalimutan lang—"

"Kunwari lang 'yon, okay?" pagputol niya sa sasabihin ko at saka muling tumawa. "Tsaka hindi ko nakalimutan na birthday mo 'no!"

Napangiti naman ako. Buong akala ko talaga ay nakalimutan niyang birthday ko ngayon at kung hindi pa sabihin ni Danica ay 'di niya maalala. 'Yon pala, tama ang hinala ko no'ng una na nagpapalusot lang siya para makapag-mall kami!

"Sorry ah? Medyo balat sibuyas lang," sabi ko sa kanya.

Natawa naman siya sinabi ko. "Akala ko naman kung bakit ka tahimik. So ano? Saan mo gustong kunain?"

"Uh. . . L-Libre mo po ba?" nahihiyang tanong ko.

"Oo naman! Kaya kung ako sa'yo, sulitin mo na," sagot naman niya sa akin.

"Kung gano'n ikaw na po ang bahala," sabi ko naman.

"Halika na nga," sabi na lang niya at sa gulat ko ay basta na lang niyang hinila ang kamay ko.

Matapos ang ilang minutong paglalakad sa loob ng mall ay narating namin ang isang kainan na inihaw manok ang binebenta. Kung titignan ang disenyo sa paligid at pati na rin ang mga kagamitan doon ay halatang-halata na pangmayaman talaga ang kainan na 'yon. Siguradong kahit na makasweldo ako ay 'di ko makukuhang makakain sa ganitong kainan.

Si Sir Zeus na ang umorder ng pagkain para sa aming dalawa, dahil madalas naman daw siyang kumain dito. May mga 'branches' din daw kasi 'to doon sa Maynila.

"Ma'am, Sir, here's your order po."

Mayamaya'y may isang tauhan ang lumapit sa amin na may dalang tray. Inilagay niya sa mesa namin ang dalawang platong pa-oblong na may kanin at isang malaking piraso ng inihaw na manok. Binti at hita. Hitsura pa lang noon ay nakakatakam na.

Nagbaba rin siya ng dalawang baso ng iced tea. Matapos no'n ay tuluyan siyang umalis.

"Wow. Parang ang sarap!" nasabi ko kaagad nang wala sa sarili.

"Told you. 'Pag natikman mo pa 'yan," sabi naman ni Sir Zeus.

"M-Magkano po 'to?" tanong ko naman sa kanya.

"Kumain na lang tayo at 'wag ka nang magtanong. Hindi naman kita sisingilin," sabi niya sabay kuha ng platito.

Pinanood ko siyang lagyan 'yon ng toyo at calamansi.

"Tara, kain na tayo," sabi pa niya nang matapos siya sa paggawa ng sawsawan.

"Sir Zeus, maraming salamat dito ah? Kahit naman po 'di na kayo mag-abala," sabi ko naman sa kanya.

"Kumain ka na lang," giit pa niya.

Natawa na lang ako at nag-krus bago tuluyang ginalaw ang pagkain ko. Sa totoo lang, medyo naiilang akong kumain. Bukod sa pinaghatian naming cake noon ni Sir Zeus, ito ang unang beses na makakasabay ko siyang kumain. At harap-harapan pa!

Baka mamaya, ayawan niya ako dahil magsumigaw sa kilos ko ang pagiging mahirap ko.

Pero hindi matapos ang ilang subo ay 'di ko na rin naisip 'yon. Masyadong masarap ang pagkain na 'yon, kaya parang nawala ang mga iniisip ko. Ngayon lang ako nakatikim nito!

Napatigil ako sa pagkain nang marinig ko siyang tumawa. Nang tignan ko siya ay halos maglumundag ang puso ko dahil sa ngiti niya.

"Ganadong-ganado ka ah," komento pa niya sa akin.

"Ang sarap-sarap, e," sabi ko naman.

"I'm happy na nakikita kong masaya ka ngayong birthday mo," sabi naman niya sa akin na medyo nagseryoso na.

Unti-unti namang nag-init ang mga pisngi ko nang sabihin niya 'yon. Napakagat ako sa ibabang labi ko at nag-iwas ng tingin. Sa tanang buhay ko, ito na yata ang pinakamasayang birthday ko. Kung pwede lang na 'di na matapos ang araw na 'to, e.

Matapos naming kumain, akala ko ay aalis na kami. Pero nag-order pa siya ng halo-halo. Pero iba ang halo-halo na 'yon kumpara sa nabibili lang sa kanto namin. May kasama kasing leche flan at ube ice cream ang halo-halo na 'yon. Sobrang sarap!

Sana palagi kaming ganito ni Sir Zeus. Sana malaya kaming nakakalabas kahit kailan namin gustuhin. Hindi 'yung kailangan pa naming magdahilan. Sana pwede kaming magmahalan nang walang sumasagabal. . .

* * *

"May gusto ka pa bang puntahan?" tanong niya habang naglalakad-lakad kami sa mall. Kakatapos lang naming kumain.

"Wala na naman na," sagot ko sa kanya. Halos hindi mawala ang ngiti sa mga labi ko dahil magkahawak ang mga kamay namin ngayon. Sobra-sobra na yata ang regalo sa akin ng langit!

"Sine? Ayaw mo?" tanong pa niya.

"Baka kasi hinahanap na rin tayo sa mansyon," may pag-aalalang sabi ko sa kanya.

Awtomatiko namang napako ang tingin ko sa isang pigurang pamilyar sa akin. Sa pagkagulat ko ay napatigil pa ako sa paglalakad.

"S-Si Sir Apollo ba 'yon?" wala sa sariling tanong ko.

"Nakita mo si Apollo?" gulat na tanong naman sa akin ni Sir Zeus.

Humarap ako sa kanya at tumango-tango. "Oo! A-Ayun—" Napatigil naman ako dahil 'di ko na muling nakita ang lalaking nakita ko kanina. Hindi ko masigurado kung si Sir Apollo nga ba 'yon dahil nakatalikod. Pero kinakabahan ako. . . Paano kung nakita niya kami ni Sir Zeus?

"I don't think so. Baka guniguni mo lang," sabi naman ni Sir Zeus.

Unti-unti ko nang ibinaba ang kamay ko na nabitin sa ere kanina.

"S-Siguro nga. . ."

Sana nga namali lang ako ng tingin. Sana nga hindi si Sir Apollo 'yon. Kung hindi, katapusan na ng lahat ng kasiyahan ko.

Itutuloy. . .