webnovel

Rowan's Odyssey

May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kailangan niyang malaman kung paano siya "namatay" Sa tulong ng misteryosong lalaki na nagpakilalang si "Jack", magagawa kaya ni Rowan na makatawid sa kabilang-buhay sa tamang oras? O tuluyan na bang magiging huli ang lahat para sa kaniya?

Rosencruetz · Horror
Zu wenig Bewertungen
19 Chs

Kabanata XIII: Pagkamuhi

Mula sa pinakamalalim na pagnanasa'y madalas na nagmumula ang pinaka nakamamatay na galit.~ Socrates ~

-----

"Oras na para umalis kami"

Binitbit na ni Allan ang mga gamit nila ni Fiann para sumakay sa papaalis na tren. Pagkatapos nilang maisakay ang mga gamit ay pormal na silang nagpaalam sa binatilyong si Lorcan na siyang naghatid sa kanila sa estasyon ng Connolly sa Dublin.

"Aalis na kami. Maraming salamat sa iyo, Lorcan."

"Wala 'yon." Sagot ni Lorcan. "Mag-iingat kayo sa biyahe. Lalo ka na, Fiann."

"Oo. Maraming salamat sa lahat-lahat, Lorcan."

Pagkatapos ng maikling pamamaalam ay sumakay na ang dalawa sa tren. Pumuwesto si Fiann sa tabi ng bintana habang si Allan naman ay umupo katabi niya. Kahit papaano'y nababawasan ang pag-aalala ni Fiann tungkol sa nawawala niyang kapatid dahil sa tanawing nakikita niya sa labas. Ngunit hindi parin sapat ang mga iyon para tuluyang mawala sa mukha niya ang pagkabalisa.

"Ayos ka lang ba, Fiann?"

Pumihit ang tingin ni Fiann sa nagtanong na si Allan.

"Ah, ayos lang ako, Kuya. Huwag kang mag-alala."

Sinabi iyon ni Fiann para hindi mag-alala sa kaniya si Allan. Ngunit ang totoo, kanina pa siya hindi mapakali na para bang may hindi magandang mangyayari sa gagawin nilang paghahanap.

Isang masamang kutob.

Kuya Rowan, nasaan ka na ba?

------

"Narito siya."

Itinuro ni Sluagh kay Jack ang posibleng lokasyon ng nawawalang si Rowan base sa inilabas nitong espesyal na mapa. May kakayahan 'di umano ang mapa na matunton ang isang ligaw na kaluluwa sa pamamagitan lamang ng awra nito. Subalit duda si Jack sa resulta ng ginawang paghahanap ni Sluagh dahil pawala-wala sa mapa ang nasasagap na awra ni Rowan at nag-iiba rin ang kulay nito sa mapa.

"Sigurado ka ba na si Rowan 'yan?"

Sumingkit ng bahagya ang mga mata ni Sluagh at pagdaka'y tinaasan niya ng isang kilay si Jack.

"Anong gusto mo? Ituloy ko ang paghahanap o hindi na? Wala ka yatang tiwala sa akin eh! Madali akong kausap!"

"Ano ka ba, nagbibiro lang ako." Agad na binawi ni Jack ang mga sinabi niya at muling nagwika. "Nagtataka lang ako kung bakit pawala-wala sa mapa ang nasasagap na awra mula kay Rowan. At saka bakit iba ang kulay ng awra niya d'yan? Sigurado ako na hindi gan'yan ang kulay ng awra niya."

"Isa lang ang ibig sabihin n'yan..." At tinitigan ni Sluagh ng seryoso si Jack. "May hindi magandang nangyayari sa bata."

"Anong ibig mong sabihin?"

At naglabas ng isang itim na kandila si Sluagh. Sinindihan niya ito at itinapat sa awra na nasasagap ng kaniyang mapa. Ngunit imbis na kulay dilaw na apoy, kulay itim na apoy ang nilikha ng nasabing kandila, indikasyon na may hindi magandang nagaganap sa kaluluwa ni Rowan.

"Narinig mo na siguro ang tinatawag nilang mapaghiganting kaluluwa, hindi ba?"

"Oo." Sagot ni Jack.

"Alam mo naman ang trabaho ko. Pagnanakaw ng mga kaluluwa ang trabaho ko sa mundo ng mga tao. Pero may isang uri ng kaluluwa na hindi namin maaaring nakawin, mga kaluluwa na balot ng matinding pagkamuhi."

"Diretsuhin mo na lang ako, Sluagh." Ani Jack sa kaniya. "Sinasabi mo ba sa akin na..."

"Oo, Jack." At inunahan na ni Sluagh si Jack sa pagsagot. "May nangyayari sa kaluluwa ng batang si Rowan. Hindi maganda...at mapanganib. Hindi sa tinatakot kita, pero mukhang mahihirapan tayong dalawa na bawiin siya. Hindi man sa mga kamay ng tinatawag mong si Mephistopheles, baka sa mga kamay naman ng tinatawag nila na tagatugis."

Tama.

Sa Hantungan ng mga Kaluluwa, may isang grupo ng mga nilalang na iniilagan ng mga katulad ni Sluagh. Tungkulin ng mga nilalang na iyon na siguruhing walang kaluluwa ang sisira sa balanse ng buhay at kamatayan at walang mapaghiganting kaluluwa ang makapaghahasik ng karahasan sa mundo ng mga buhay.

At ang tawag sa kanila?

Mga Tagatugis.

At sa mga oras na iyon, ang isa sa kanila'y nasa mundo na ng mga tao para hulihin at puksain ang isang takas na kaluluwa na hindi magtatagal ay magiging isang ganap na mapaghiganting kaluluwa na.

"Ang akala niya siguro'y makakapagtago siya sa akin sa lugar na ito."

Lumutang sa ere si Zephiel at walang anu-ano'y nawala siyang bigla sa hangin. At kung gaano siya kabilis na nawala'y ganoon rin siya kabilis na nakarating sa gitna ng karagatan kung saan kitang kita ng dalawang mata niya kung paano ipamalas ng mapaghiganting kaluluwa ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng makapal at naglalakihang itim na ulap, malalakas na kulog at makapaminsalang kidlat.

Hinawakan ni Zephiel ng mahigpit ang kaniyang sandata at tinawag ang taong responsable sa nagaganap na unos.

"Magpakita ka sa akin! Mapaghiganting kaluluwa!"

At mula sa makapal at maitim na mga ulap ay nagpakita ang isang binata. Ang kulay ng balat niya'y kakulay ng abo. Bitak-bitak ang mga ito at tuyung-tuyo. Ang kaniya namang mga mata'y tulad ng nagbabagang uling, pulang-pula at nagliliyab sa matinding galit.

"Mukhang naging ganap na ang pagbabagong-anyo mo ah?" Ang sabi ni Zephiel sa binatang kausap na walang iba kundi si Rowan. "Hindi bale. Hindi ko na patatagalin pa ang presensya mo sa mundong ito. Tatapusin na kita agad bago mo paman masira ang balanse sa mundong ito!"

Itinutok ni Zephiel ang kaniyang espada kay Rowan at pagkatapos ay mabilis siyang bumulusok sa ere upang sumugod. Ngunit bago paman umabot kay Rowan ang dulo ng kaniyang espada ay bigla na lang siyang hinarang ng isang 'di nakikitang puwersa na naging dahilan upang tumilapon siya't bumulusok pailalim sa gitna ng karagatan.

Hindi mo ako basta matatalo, mapaghiganting kaluluwa!

Ginamit ni Zephiel ang lakas sa kaniyang mga binti para tumalon at umahon sa tubig. Muli siyang bumulusok ng mabilis sa ere at itinutok ang kaniyang sandata kay Rowan. Sa bilis ni Zephiel ay hindi agad nakagawa ng proteksyon si Rowan. Umabot ang espada sa kaniya, ngunit sa braso lamang ito umabot at hindi sa dibdib na puntirya ng tagatugis na si Zephiel.

"Hindi pa ako tapos!"

Sinundan agad ni Zephiel ang kaniyang pag-atake mula sa likuran. Lumabas sa kaniyang ginintuang espada ang napakaraming malahalimaw na anino at ginapos ng mga ito si Rowan ng sabay-sabay. Pagkatapos na masiguro ni Zephiel na wala nang kawala si Rowan ay saka siya naglabas ng napakalakas na boltahe ng kuryente mula sa kaniyang espada, na nagresulta sa pag matinding pagkuryente sa binatang si Rowan.

Dahil sa matinding sakit mula sa pag-atake ni Zephiel kaya sumigaw si Rowan ng ubod-lakas na dumagundong sa buong kalangitan sa anyo ng isang malakas na kidlat.

------

"Er!"

Napatakip bigla ng kaniyang mga tainga si Fiann dahil sa napakalakas na kidlat na pumunit sa madilim na kalangitan. Nasa kalagitnaan na sila noon ng kanilang biyahe at oras na lang ang hinihintay nila para makarating sa kanilang destinasyon, sa siyudad ng Donegal.

Sumilip sa bintana ang batang si Fiann. Nakita niya ang nakakatakot na anyo ng kalangitan na parang galit na galit at anumang oras ay magpapakita ito ng kaniyang bagsik.

"K—Kuya..."

Hindi namalayan ni Fiann na nasambit niya ang pangalan ng kaniyang nakatatandang kapatid ng hindi niya sinasadya. Bigla siyang napahawak ng mahigpit sa kaniyang dibdib dahil sa kakaibang kaba na sumipa sa kaniyang puso dahil na kidlat kanina.

"Mukhang masama ang panahon ah?" Puna bigla ni Allan matapos din niyang sumilip sa labas ng bintana. "Kung nagkataon pala na kasama ako sa mga lalaot na bangkang pangisda ngayon, tiyak na maiipit kami sa unos sa dagat."

Biglang kinutuban ng kakaiba si Fiann nang mabanggit ni Allan ang salitang dagat. Muli siyang sumilip sa labas at pinagmasdan ang pamumuo ng masamang panahon sa mula sa kalangitan.

"Kuya Allan..." Biglang imik ni Fiann sa katabi niyang si Allan. "Ang sabi mo...madalas magpunta si Kuya Rowan sa dalampasigan, tama ba?"

"Ah, oo." Sagot naman ni Allan. "Gaya nga ng sabi ko sa iyo, huli ko siyang nakita sa dalampasigan ng Fintra."

May kung anong kutob si Fiann na sa dalampasigan ng Fintra niya matatagpuan ang sagot tungkol sa misteryosong pagkawala ng kaniyang Kuya Rowan.

Kaya naman...

"Kuya Allan, ayos lang ba na magpunta tayo sa dalampasigan na sinasabi mo?"

"Ha?" Nagtaka si Allan sa biglaang pasya ni Fiann na magpunta sa dalampasigan ng Fintra. "Pero bakit?"

"Basta."

Hindi na muli pang nagbigay ng detalye si Fiann, at hindi narin naman nagtanong pa si Allan tungkol sa balak ng bata na magpunta sa dalampasigan ng Fintra.

Kuya...

Kinuha ni Fiann ang pakpak na panulat na ibinigay sa kaniya ng kaniyang Kuya Rowan noong pinangakuan siya nito na babalik para kuhanin siya. Hinawakan niya ito ng mahigpit habang nakatanaw sa labas kung saan kitang kita ang pagngangalit ng kalangitan.

Hintayin mo ako, Kuya. Pangako, hahanapin kita.

-----

Para sa marami, ang nangyayaring unos ay isa lamang ordinaryong sama ng panahon sa gitna ng dagat.

Ang hindi nila alam, ang nangyayaring unos na iyon ay likha ng isang nagwawalang kaluluwa na ang puso'y nababalot ng matinding galit.

"Sumuko ka na, mapaghinganting kaluluwa!" Ang sabi ni Zephiel sa nagwawalang si Rowan na hawak niya gamit ang kaniyang espada. "Hindi ka na makakatakas pa sa akin!"

Patuloy sa pagwawala at pagsigaw si Rowan. At habang patuloy siya sa pagwawala ay tumitindi rin ang inilalabas niyang galit na nagiging sanhi para mabulabog ang enerhiya na nasa paligid.

Dahil dito kaya nagpasiya na si Zephiel na huwag ng patagalin pa ang pagwawala ni Rowan. Sinamantala niya na nakagapos ang binata at pagkatapos ay itinutok niya ang kaniyang sandata sa dibdib ni Rowan kung saan nagmumula ang buhay ng kaluluwa.

"Katapusan mo na."

Mabilis na sumugod si Zephiel. Tiwala siya na sa pagkakataon na iyon ay magagawa na niyang tapusin si Rowan. Subalit muli na naman siyang nabigo sa pagpatay niya sa binata dahil sa pagsulpot ng isang 'di inaasahang bisita na pumigil sa kaniyang espada gamit ang isang antigong baril.

"Hindi kita hahayaan na patayin ang batang 'to!"

"A—anong?!"

Itinulak ni Jack si Zephiel palayo sa kaniya. Pagkatapos ay saka niya itinutok ang kaniyang baril sa tagatugis na si Zephiel at nagbanta.

"Wala sa plano ko ang manakit. Pero kung sasaktan mo si Rowan, mapipilitan akong labanan ka, kung sino ka man!"

Ibinaba ni Zephiel ng bahagya ang kaniyang armas. Pero nanatili siyang alerto sa anumang marahas na pagsugod ni Jack sa kaniya.

"Zephiel." Maikli at simple lang ang ginawang pagpapakilala ni Zephiel kay Jack. "Siguruhin mo na maaalala mo ang pangalan ko dahil iyan pangalan na tatapos sa iyo at sa binatang nasa likod mo."

Hindi inalis ni Jack ang tingin niya kay Zephiel. Hawak niya ng mabuti ang baril habang pinakikiramdaman niya ang magiging pagkilos ng kaniyang kalaban.

Iyon nga lang, hindi niya inakala na ang pag-atakeng inaasahan niya'y hindi pala manggagaling sa unahan. Bagkus, manggagaling pala ito sa kaniyang likuran kung saan naroon ang pinoprotektahan niyang si Rowan.

"A—anong...?!"

Hindi halos naramdaman ni Jack ang pagtagos ng kamay ni Rowan sa kaniyang sikmura. Naramdaman na lang niya na kinakain na ng kadiliman ang bahagi kung saan tumagos ang kamay ni Rowan at nagbabadyang kainin ng kadiliman na iyon si Jack hanggang sa wala ng matira pa sa kaniya.

"R--Rowan..."

Dahan-dahan na nilingon ni Jack si Rowan na ngayo'y isa ng ganap na mapaghiganting kaluluwa. Nagliliyab sa galit ang mga mata nito na tumitig kay Jack at nagwika....

"Papatayin kita, Jack!"