webnovel

Rowan's Odyssey

May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kailangan niyang malaman kung paano siya "namatay" Sa tulong ng misteryosong lalaki na nagpakilalang si "Jack", magagawa kaya ni Rowan na makatawid sa kabilang-buhay sa tamang oras? O tuluyan na bang magiging huli ang lahat para sa kaniya?

Rosencruetz · Horror
Zu wenig Bewertungen
19 Chs

Kabanata IV: Gunita

Ang mga tao ay nag-iiwan ng mga kakaiba at maliliit na bahagi ng mga alaala sa kanilang mga sarili kapag sila ay namatay.~ Haruki Murakami, Norwegian Wood ~

-----

Ika-12 ng Marso...

Sa siyudad ng Dublin, bansang Irlanda.

Haaa...haaa...

Sa kalagitnaan ng isang mapanganib na pagtakas ay natagpuan ng isang batang babae ang kaniyang sarili sa loob ng isang abandunado at madilim na gusali. Gutay-gutay ang laylayan ng kaniyang suot na kulay asul na bestida at puno rin ito ng putik at dumi na parang nanggaling siya sa isang masalimuot na lakaran. Pakiramdam ng bata'y itinutulak siya ng kadiliman patungo sa isang dako kung saan paulit-ulit siyang sinasaksak. Hindi ng patalim, kundi ng isang 'di nakikitang puwersa na nagtatago sa likod ng kadiliman.

Haaa...Haaa...

Tulong!

Papatayin niya ako!

Pilit na inihakbang ng batang babae ang kaniyang mga paa kahit duguan na ang mga ito at hindi na kayang maglakad pa. Humapay-hapay siyang naglakad ng mabilis habang sinusubukan niyang humanap ng isang ligtas na lugar. Hindi naman siya nabigo dahil nasumpungan niya ang isang abandunadong silid kung saan may mga nakahelerang sirang kama, mga upuan at ilang mga kagamitan na karaniwang makikita sa mga lumang ospital.

Hanggang sa...

Liwanag?

Tama. May liwanag siyang nakita. Galing iyon sa isang malaking butas sa bubungan ng nasabing silid kung saan malayang bumabanaag ang liwanag mula sa buwan.

Liwanag!

Naakit ang batang babae sa liwanag kaya agad itong pumasok sa nasabing silid sa pag-asang maililigtas siya nito mula sa humahabol sa kaniya. Subalit hindi ganoon ang nangyari, dahil doon pa mismo sa liwanag lumitaw ang nilalang na kanina pa pilit tinatakasan ng batang babae.

"Marline, tama ba?"

Isang matangkad na lalaki ang biglang nagpakita sa likod ng liwanag. Nakasuot siya ng isang pormal na purong puting terno. Banat at nakahagod ng husto ang kaniyang itim na itim na buhok na mayroon lamang kaunting lawit upang iharang sa kaniyang noo. At ang kaniyang mga mata na kasing lamig ng gabi ay nahaharangan naman ng makapal na antiparas, sapat upang magbigay sa sinoman ng istriktong impresyon tungkol sa lalaki sa unang kita mo pa lamang sa kaniya.

Umatras ang batang babae na may matinding panginging at takot sa kaniyang mukha.

"Lumayo ka!" umyak niya sa lalaki.

Ngunit hindi nagpatinag ang lalaki at lumapit pa ito ng husto imbis na lumayo. Kinuha niya mula sa loob ng kaniyang suot na pang-itaas ang isang gintong pakpak na panulat. Walang anu-ano'y winasiwas niya sa hangin ang hawak niyang panulat hanggang sa ito'y magbagong-anyo at naging isang mahabang gintong espada.

"Wala ka nang takas pa, mapaghiganting kaluluwa."

Humakbang paatras ang batang babae kasabay ng pagkawala ng maamo niyang hitsura. Nagbago ang porma ng kaniyang ekspresyon na para bang may kung anong matinding poot ang gustong kumawala mula sa kaniya.

"Hustisya..." biglang lumapad ang masamang ngiti sa labi ng batang babae at nagwika gamit ang gasgas nitong tinig, "...hindi maibibigay sa akin ng kabilang-buhay ang hustisyang kailangan ko, kundi ako lang!"

Biglang nagbago ang mukha ng batang babae. Malayung malayo ito sa kaawa-awa niyang hitsura kanina. Mabilis na nanuyot ang kaniyang balat, nagsugat at nangitim ang mga ito tulad nang sa isang bangkay. Pagkatapos ay lumuwa ang kaniyang mga mata, nawala ang mga balintataw at pagdaka'y naging kulay pula ang mga ito sa isang iglap lang. Lalo pang pinasindak ng bata ang kaniyang anyo dahil sa kaniyang mga ngipin na nagmistulang mga pangil ng pirana, hanggang sa lumabas ang kulay itim at malapot na likido sa mga pangil nito na kayang tumunaw ng anumang bagay sa isang kisap-mata lang.

"Hindi ko talaga gusto ang mga gaya mo."

Tumama ang liwanag ng buwan sa salamin ng lalaki. Kasabay niyon ang ang mabilis na pagkawala niya sa hangin at ang biglang pagdilim ng paligid na para bang sadyang hinarangan ng kung anong puwersa ang liwanag na tumatagos sa bubungan ng gusali.

Nagulilat ang batang babae sa bilis ng pagkilos na ginawa ng kaniyang kalaban. Ngunit hindi siya nagpatinag at agad na kumilos upang makalamang sa kalaban. Pinalabas ng batang babae mula sa kaniyang katawan ang napakaraming makakapal na baging na balot ng kaniyang kamandag at hinayaan niya itong lumibot ng marahas sa buong silid sa pag-asang matatamaan niya ang kaniyang kalaban.

Papatayin kita!

Papatayin kita!

Nasaan ka?!

Magpakita ka sa akin!

Ngunit...

"Tapos ka na ba?" nayanig ang atensyon ng batang babae nang marinig nito mula sa kung saan ang tinig ng kalaban niyang lalaki, "Marami pa kasi akong gagawin, kaya wala akong oras para makipaglaro sa isang batang katulad mo."

At mula sa itaas ay biglang lumitaw ang lalaki habang nakatutok ang espada nito sa bunbunan ng kaniyang kalaban.

"Hindi!"

Walang nagawa ang bata sa bilis ng mga sumunod na nangyari. Bumaon sa ulo niya ang espada ng kalaban. Tumagos hanggang sa kaniyang lalamunan ang dulo ng sandata hanggang sa lumuwa mula roon ang kaniyang dila. Binalot ng itim na apoy ang espadang hawak ng lalaki at saka niya ito muling itinarak sa kaniyang kalaban. Mabilis na nilamon ng apoy ang katawan ng batang babae hanggang sa ito ay naging parte ng kadiliman. Wala manlang itong iniwan na amoy ni lumikha ng kaunting ingay. Para lang itong hangin na basta na lang na nawala. Wala itong hugis o anyo, ngunit nagawa nitong lapain ang kaluluwa at paglahuin ito sa kawalan na parang walang naganap na anuman.

"Sa wakas, tapos na."

Pinanumbalik ng lalaki ang kaniyang espada sa dati nitong anyo. Muli itong naging isang ordinaryong pakpak na panulat na siya ding ginamit niya upang markahan sa kaniyang maliit na aklat ang pangalan ng kaluluwang tinapos niya.

Ngunit sa kalagitnaan ng pagiging abala ng lalaki ay dumating ang isang 'di inaasahang bisita.

"Tulad ng inaasahan, natapos mo na naman ng maaga at walang kahirap-hirap ang misyon mo, Zephiel."

Walang reaksyon na nilingon ng lalaking si Zephiel ang taong nagsalita—isang babaeng mensahera. Mayroon itong mapang-akit na asul at singkit na mga mata. Bagay na bagay sa bilugan niyang mukha ang kaniyang itim at unat na buhok na ang haba ay pantay sa kaniyang balikat. At tulad ng lalaki, nakasuot din ito ng puting damit ngunit hapit na bestida kung saan kitang kita ang hubog ng kaniyang maganda at hulmadong katawan.

"Anong kailangan mo?" Tanong agad ang naging pagbati ni Zephiel sa nagpakitang dalaga. Medyo may pagka-sarkastiko paman din ang dating ng kaniyang pagkakasaad kaya sumimangot agad ang binibini at nagsungit sa binata.

"Ano ka ba naman! Hindi ka ba talaga marunong bumati ng maayos sa isang babae?"

Hindi sumagot si Zephiel. Ngunit ipinakita niya sa pamamagitan ng pag-isnab na wala siya interes na makinig sa anumang sasabihin ng babae kung wala naman itong kinalaman sa kaniyang trabaho.

"Hay, sige na nga." Ang dalaga rin ang bumigay sa bandang huli. Nakita kasi niya na walang panahon ang binata na makipag-biruan sa kaniya kaya sinabi na niya ang totoo niyang pakay upang matapos na ang kaniyang misyon sa binata. "May espesyal na misyon para sa iyo ang nakatataas."

Sumingkit ng bahagya ang mga mata ni Zephiel sa narinig.

"Isang misyon?" tanong niya sa mensahera. "Hindi mo ba alam na abala ako? May iniimbistigahan pa akong kaso tungkol sa sunud-sunod na ulat ng 'di umano'y pagnanakaw sa mga kaluluwa."

"Ha? Pagnanakaw?" napakunot ng noo ang dalaga sa narinig. "Hindi ko alam na totoo pala ang bali-balitang 'yon? Sa pagkakaalam ko'y nasa siyam na pu't anim na ang nawawala?"

"Siyam na pu't walo na." Pagtatama ni Zephiel sa impormasyong nakarating sa mensahera. "Kaya wala akong panahon na tumanggap ng anumang misyon ngayon. Ibigay mo na lang 'yan sa iba."

"O sige! Sabi mo eh!" inunahan na agad ng mensahera si Zephiel sa gusto nitong puntuhin sa usapan. "Ang sa akin lang naman ay utos lang ito sa akin ng nasa taas. Para namang may kakayahan akong humindi sa gusto niya, hindi ba?"

"Bakit ako?"

"Ewan ko. Hindi ko narin naman inalam pa." Simple lang ang naging pagtugon ng mensahera sa lalaking si Zephiel. "Basta't sinabi na lang sa akin ng nakatataas na sa iyo ko na ipasa ang misyon. Huwag mo narin akong tanungin kung bakit dahil wala rin akong ideya kung bakit sa iyo ipinapagawa ang misyon na iyon."

Sa bandang huli'y wala ring nagawa si Zephiel kundi ang tanggapin ang misyon na ibinibigay sa kaniya ng nakatataas.

"Sige. Tatanggapin ko na."

"Mabuti kung ganoon."

Kinuha ng mensahera ang isang maliit na aklat sa kaniyang bulsa. Binuklat niya ito at ipinakita kay Zephiel ang pangalan ng kaluluwa na kailangan nitong mahanap.

"At ngayon..."

Isinulat ni Zephiel sa sumunod na pahina ng kaniyang hawak na aklat ang pangalan ng kaluluwang susunod niyang pupuksain.

"...ang kaluluwang ito naman ang isusunod ko."

------

"Malayo pa ba tayo sa susunod nating destinasyon, Jack?"

Kasunod ng tanong ay ang malalim na hikab na kumawala sa bibig ni Rowan habang tamlay na tamlay siyang nakaupo sa upuan ng sinasakyan nilang karo. Wala siyang magawa noong mga oras na iyon. Nagsawa narin siyang pagmasdan ang bawat nadadaanan nilang tanawin dahil iisa lang naman ang hitsura ng mga ito. Kung hindi mga puno, mga liryo o nagtataasang mga damo ang parati niyang nakikita.

"Oo, malayo pa tayo." Sagot ni Jack na abala sa pagkukutsero ng sinasakyan nilang puting karo na pinatatakbo ng puting kabayo. "Aabutin pa ng ilang araw ang paglalakbay natin bago tayo makarating sa Lambak ng mga Buwitre."

"Ganoon ba?"

Mga ilang segundo rin na hindi kumibo si Rowan.

"Bakit? Naiinip ka na ba?" sumulyap si Jack sa binata kasabay ng kaniyang tanong.

"Medyo."

"Gusto mo bang makarinig ng nakakatawang kuwento? Sigurado ako na kapag napakinggan mo iyon, matatanggal 'yang inip mo."

"Sus..." Inilihis ni Rowan ang kaniyang tingin palayo kay Jack. "Huwag na. Sigurado akong hindi nakakatawa 'yan."

"Nakakatawa kaya?" giit ng gabay sa binata. "Sige na! Isa lang! Sigurado ako na matatawa ka!"

"Huwag na."

"Sigurdo ka?"

"Oo, sigurado ako."

"O sige, ikaw ang bahala."

Inalis ni Rowan ang tingin niya sa tanawin at idinahilig ang kaniyang ulo sa sandalan ng kaniyang inuupuan. Unti-unti niyang naramdaman ang pagbigat ng kaniyang mga mata hanggang sa hindi niya namalayang nagsara na pala ang mga ito. Mabilis na nagtungo ang kaniyang kamalayan sa isang maliwanag na kawalan, sa isang lugar na pamilyar ngunit hindi niya maalala. At nang mahawi ang liwanag ay may nakita siyang isang maliit na bakuran. Sa unang tingin ay aakalain mong isa iyong maliit na kakahuyan. Napapaligiran ito ng mga damo na parang mga berdeng apoy na nakapalibot sa mga puno't mga bulaklak. Ang simoy ng hangin ay manamis-namis, at ang maririnig lamang sa paligid ay ang mahinang kaluskos ng mga nagbabanggaang sanga at kiskisan ng mga dahon sa isa't isa.

At sa isang bahagi ng hardin ay makikita ang isang hamaka na gawa sa tela. Nakatali ito sa pagitan ng dalawang matandang puno ng rowan. Inugoy ng mahinang buga ng hangin ang hamaka na parang dumuduyan ng isang bagong silang na sanggol. Mayamaya pa'y natagpuan ni Rowan ang kaniyang sarili na nakahiga na sa nasabing hamaka. Para siyang nakahiga sa nakalutang na ulap habang inaalo ito ng malamig at sariwang hangin mula sa kalawakan. Nangungusap sa kaniya ang bawat pag-ugoy nito; isa na inabanduna ng kahapon, at ang isa nama'y nilimot ng oras at panahon. At habang nakahiga siya sa umuugoy na hamaka'y bigla niyang naramdaman na gumuhit ang mainit-init na tubig sa gilid ng kaniyang mga mata at ang dibdib niya'y tila tinutusok ng libu-libong karayom mula sa loob papalabas. Naalarma siya't agad niya itong pinahid gamit ang kaniyang mga kamay. Ngunit sa muling pagkurap ng kaniyang mga mata'y hindi na siya hinehele ng hamaka. Nakaupo na siya sa gitna ng damuhan habang hawak ang isang laruang parasyut sa kaniyang mga kamay.

Subalit hindi iyon nag-iisa.

Marami pang tulad niyon ang nasa kalangitan. Nagkalat ang mga ito sa himpapawid na parang mga makukulay na papel na isinaboy sa isang kasiyahan. Ngunit kahit pare-pareho silang nakasakay sa iisang daloy ng hangin ay kaniya-kaniya parin sila ng landas na tinahak patungo sa kalupaan at naglaho roon na parang bula.

"Huwag ka nang umiyak. Sa tuwing makakaramdam ka ng lungkot, gamitin mo ito at sulatan mo ako."

Napalingon bigla si Rowan nang may narinig siyang nagsalita mula sa kung saan. Paglingon niya, nakita niya ang isang binata habang kausap ang isang batang lalaki na walang humpay sa pag-iyak. Hindi niya mamukhaan ang binata dahil may kung anong nakaharang na hamog sa harapan niya. Ngunit kahit ganoon ay kitang kita parin ni Rowan kung paano ibinigay ng binata sa batang lalaki ang isang panulat na may balahibo ng ibon bago ito nagpaalam at naglaho sa kawalan.

"T—teka? Saan siya nagpunta?"

At sinagot ng isang kalmadong tinig ang tanong ng binata.

"Narito ako."

Naramdaman ni Rowan na may taong nakatayo sa likuran niya. Ngunit nang lumingon siya'y wala naman siyang nakitang tao roon maliban sa isang sulat na nakalagay sa ibabaw ng isang lamesita. At sa ibabaw ng nasabing sulat ay nakapatong ang isang pananda sa aklat na gawa sa manipis na tapyas ng tanso na ang disenyo'y tulad sa balahibo ng isang maya.

Bagama't nag-aalangan ay pinagmasdan parin ni Rowan ng malapitan ang sulat. Marami itong mga linya mula sa pinagtupian, kulay krema ang papel at may nakasulat na pangalan sa gitna gamit ang itim na tinta.

Fiann.

At walang anu-ano'y nagising si Rowan sa kalagitnaan ng kaniyang pananaginip.

"A—aray ko!"

Tumama ang ulo niya sa matigas na bahagi ng sinasandayan niyang upuan matapos dumaan sa malubak na lupa ang sinasakyan nilang karo ni Jack.

"Pasensya na!" paumanhin ni Jack sa binata. "Hindi ko napansin 'yong malubak na daan. Ano? Nasaktan ka ba?"

Hinimas ni Rowan ang kaniyang ulo at nakasimangot na sumagot.

"Sinungaling ako kapag sinabi kong hindi."

"Hindi bale..." Nakangising saad ng gabay sa binata. "Ang importante'y hindi ka nabukulan."

Hindi na muli pang kumibo si Rowan. Hindi narin siya dinalaw ng antok kaya sa halip na magmukmok ay inaliw na lang niya ang kaniyang sarili sa bawat tanawing mahahagip ng kaniyang mga mata.

Subalit...

Sino kaya si Fiann?

May isang malaking tanong na lumiligalig ngayon sa isip ng binatang si Rowan matapos niyang mapanaginipan ang nasabing pangalan.

Ano kaya ang kinalaman sa akin ng taong 'yon?

At mula sa 'di kalayuan na patungo sa susunod na kakahuyan ay may namumuong madilim at makapal na mga bungkos ng kaulapan. At sa likod ng mga ulap na iyon ay may maninipis na liwanag na pumupunit sa kalangitan kasabay ng sunud-sunod na pag-angil ng kulog sa mga nagtataasang kabundukan.

------

"Mukhang uulan ah?"

Imbis na mga bituin ay isang makinang na guhit ang nagpakita sa madilim na kalangitan na sinundan ng pag-ungol ng kulog na parating huli kung magbabala sa paparating na malakas na ulan.

"Kailangan ko nang makauwi agad sa amin bago pa ako abutan ng malakas na ulan dito."

Nagbabanta na ang ulan na bumagsak. May mangilan-ngilan ng patak ng malamig na tubig ang dumampi sa balat ng isang binatilyo habang nagmamadali itong maglakad sa isang madilim na kalye sa Dublin. Madilim sapagka't iilan lamang ang mga poste ng ilaw sa kalyeng iyon at malalayo pa ang distansya ng mga ito sa isa't-isa. Kung hindi matapang ang maglalakad sa kalyeng iyon, tiyak na mapaglalaruan lamang siya ng kaniyang malikot na imahinasyon. Uso paman din sa mga tao roon ang mga kuwentong katatakutan. Kesyo may nilalang daw na maaring kumuha o humablot sa sinoman mula sa madidilim na kalye't eskinita.

At ang pinaka paboritong kuhanin ng mga ito?

Syempre, walang iba kundi ang mga bata.

Nangangalahati pa lang ang binatilyo sa kaniyang paglalakad nang bigla siyang mapahinto dahil sa sunud-sunod na mahihinang yapak na narinig niyang papalapit sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay nakakasiguro na ang binatilyo na mayroon ngang sumusunod sa kaniya. Ngunit hindi siya nakatitiyak kung tao rin ba iyon na tulad niya o isang nilalang na hindi niya dapat na makadaupang-palad.

Paisa-isa ang hakbang ng binatilyo paatras, na tipong anumang sandali ay handa itong tumakbo sa oras na may magpakitang hindi kaaya-aya sa kaniya. Nakatutok ang mga mata ng binatilyo sa madilim na bahagi ng lansangan kung saan niya narinig ang mga yapak. Nanlalamig nang husto ang kaniyang mga kamay at wala siyang ibang naririnig sa kaniyang paligid kundi ang malakas na dagundong mula sa kaniyang dibdib at ang mabilis at sunud-sunod niyang paghinga.

Hindi nagtagal, isang pigura ng tao ang nakita ng binatilyo na unti-unting papalapit sa direksyon niya. Ang unang bagay na naisip niyang gawin ay ang tumakbo. Ngunit habang nasasanay ang mga mata ng binatilyo sa dilim ay saka lamang nito napagtanto na hindi pala talaga isang multo ang sumusunod sa kaniya kanina pa kundi isang tao rin na tulad niya.

"I—isang bata?"

Tama. Isang bata. Isang batang lalaki na 'di hamak na mas bata kaysa sa kaniya ang kaniyang nakita. Nakasuot ito ng tsaketa na bukod sa kulay lupa na ay tadtad pa ng mga tahi at tagpi sa likod at harap. Maamos ang hitsura nito, magulo ang ayos ng kulay abo nitong buhok na ang haba ay lagpas na sa kaniyang batok, nangangalumata at mukhang pagod na pagod.

Ngunit hindi iyon ang totoong inaalala ng binatilyo...

"B—bata?"

Mukha kasing wala sa kaniyang sarili ang batang lalaki. Tuluy-tuloy lang ito sa paglalakad, namumutla, at mukhang nagbabadya pang himatayin anumang oras.

"Hoy, bata! Ayos ka lang ba?"

Minabuti na ng binatilyo na lumapit upang saklolohan ang bata. Ngunit bago paman siya nakalapit sa batang lalaki ay nangyari na nga kanina pa nito pinangangambahan na maganap.

Hindi!

Huli na nang mapagtanto ng batang lalaki ang presensya ng binatilyong sasaklolo sana sa kaniya. Nanlabo na kasi ang kaniyang paningin at tuluyan naring ginupo ng panghihina ang kaniyang mga binti. Hindi nagtagal ay naramdaman ng bata ang kaniyang buong katawan na humampas sa lupa. Nawalan agad ng kakayahan ang kaniyang mga mata na makaaninag ng liwanag. Hindi narin siya makakilos, at hindi narin makapag-salita. Ngunit may narinig pa siya na isang pamilyar na tinig na nagmula sa kung saan, at ang tinig na iyon ang dahilan kung bakit bigla na lang umahon ang mainit-init na luha sa kaniyang mga mata bago siya tuluyang nawalan ng malay sa gitna ng malamig na lansangan.