~*~
NALULA siya sa kwento ni Aling Chona. Espanya at Maynila. Para sa tulad niyang nagkamuwang sa piling ng bukid at walang katapusang kakahuyan, ang mga katagang iyon ay animo nababalot ng mahika. Hindi niya mapigilang isipin kung ano ang buhay ng mga tao sa mga lugar na iyon. Ang balutin ng karangyaan mula ulo hanggang paa. Ang pagsilbihan at ituring na parang isang makinang na ginto. Ang hangaan ng mga mga tao sa taglay na kagandahan at kayumian lalo na ng mga binatang nag-aral sa ibang bansa. Ngunit isang malabong pangarap iyon. Isang ilusyon na naghahari sa isang simpleng dalagitang tulad niya. Iwinaksi niya ang ganoong kaisapan. Hindi iyon mangyayari at isa pa hindi siya nandito para habulin ang mga bagay na iyon. Napaka-imposible.
Itinuon niya ang atensyon sa labas ng carruaje mula sa maliit na siwang sa kurtina. Nahinuha niyang nasa laban na sila ng ari-arian ng mga Valiente dahil aninag na mula sa labas ang estruktura ng mansyon na kanilang pagmamay-ari . Hindi niya man iyon nakikita ng buo ay sapat na ang magarbong entrada nito upang mas lalo siyang humanga sa kung ano man ang naghihintay sa kanya sa loob nito. Nang maramdaman niyang papasok na ang carruaje sa puerta ay naglakas loob siyang hawiin ang kurtina sa bintana at sumilip sa labas ng bintana. Nakalatag sa kanyang harapan ang isang magarbong zaguan ng bahay na bato. Mas malaki at malapad ito sa kahit anong bahay na nakita niya sa kanila. Nasa unang palapag pa lang sila ngunit halos malaglag na ang kanyang panga sa magaganda at kakaibang ukit ng mga azulejo sa sahig at mga interesanteng muwebles. na nadoon. Presko din ang hanging umiikot sa paligid. Walang gaanong sikat ng araw ang nakakaabot sa parteng iyon ng bahay ngunit sapat ang aninag nito upang maging klaro ang lahat ng nakapaligid sa kaniya ng mga oras na iyon.
Sinenyasan siya ni Aling Chona na bumaba na. Kaagad niya namang ginawa ito. Doon niya nahinuhang hindi nabigyang-katwiran ng maliit na siwang sa carruaje ang kabuuan ng pinakamababang bahagi ng bahay. Pakiramdam niya ay lumulutang ang kanyang mga paa sa ulap habang bumababa ng kalesa. Animo'y naglalakad siya sa hangin. Dati madalas siyang magpanggap na isang prinsesa na nakatira sa palasyo. At ngayon, makakatapak na siya sa isang tunay na palasyo subalit ang problema ay hindi siya ang prinsesa. Hindi nababagay ang suot niyang gusot-gusot at luma ng baro at saya pati na rin ang mga damit na nakasuksuk sa dala niyang bayong.
Pinaninindigan ng kabuuang niyon ang estado ng pamilya Valiente sa lipunan. Kahit pagsasama-samahin pa ang mga mansyon sa kanila ay hindi nito mapapatanyan ang kung nasaan man siya. Sa gawing kanan niya ay ang terreza na napapalibutan ng mariwasang hilera ng rosas. Hitik na hitik ang kanilang bulaklak na tila ba nag-aanyayang pitasin. Nakakonekta ito sa azotea kung nasaan matatanaw ang aljibe. Nagbalik lang siya sa huwisyo ng marinig niya ang papalayong tunog ng carruaje.
Mula sa kung saan , nakaramdam si Estella ng parang may nakatitig sa kanya. Puno iyon ng intensidad. Pinagmamasdan nito ang kanyang bawat galaw. Inilibot niya ang paningin sa paligid upang kompirmahin ang pakiramdam na iyon. Noong una, akala niya gawa-gawa lang iyong ng kanyang isip ngunit napalitan iyon ng takot nang dumako ang kanyang mga mata sa siwang ng malaking bintana sa itaas na bahagi ng bahay. May pares ng malahalimaw na mga mata ang sumalubong sa kanyang tingin. Nasemento siya sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya maigalaw ang kanyang katawan o ipikit man lang ang kanyang mga mata. Naging mabagal ang kanyang paghinga at rinig na rinig niya ang malakas na tibok na kanyang puso. Pakiramdam niya ay para siyang isang kunehong nabitag ng mangangaso. Kahindik-hindik ang mga matang iyon. Mapupula at kakulay ng dugo. Napatalon na lamang si Estella sa gulat nga may kung sinong tumapik sa kanyang balikat. Impit siyang napatili at nabitawan ang kanyang bayong.
"Estella! Kanina pa kita tinatawag. Hindi mo ba ako narinig?" mahinahong sita sa kanya ni Aling Chona.
" Hi-hindi niyo po ba iyon nakita?" nanginginig ang kanyang boses sa takot at kaba.
Napakunot-noo ito sa kanyang tanong, " Ang alin? Ano ba ang nakita mo?"
" S-sa may bintana. May nakatitig sa akin kanina."
Kahit papaano'y nagawa niyang hindi mautal habang ikinikwento kay Aling Chona ang nakita niya . Kaagad naman nitong sinundan ng tingin ang tinutukoy ni Estella.
" Wala naman. Baka guni-guni mo lang iyon. Hay, kabataan nga talaga. Ang dali niyong matakot."
" Pero nakita ko ho talaga. Nasa-," ibinalik niya ang tingin sa eksaktong pwesto kung saan niya nakita ang malahalimaw na mga mata ngunit parang bulang nawala na iyon doon. Tanging ang malaking bintana lang ang naroon na tila ba nakatitig din sa kanya pabalik.
" Huwag ka kasing maniwala sa pinagsasabi ng mga tao tungkol sa El Grande. Tara na nga at siguradong gusto ka ng makita ni Senyora."
~*~
HABANG papasok sila sa loob ng mansyon ay naisip niyang baka nga tama si Aling Chona. Baka guni-guni niya lang ang malahalimaw na mata sa may bintana. Isa pa ay simula ng pagdating niya dito ay napapraning na siya dahil sa mga kwento ng katatakutang naririnig niya tungkol sa El Grande. Huminga siya ng malalim at ikinalma ang kanyang isipan.
Nang marating na nila ang pintuan papasok ay kumatok muna si Aling Chona upang ianunsyo ang kanilang pagdating. Umingit ang seradura at iniluwa nito ang nakakunot-noong mukha ng isang matandang babae. Maayos na nakapusod ang kulay abong buhok nito. Ni wala ni isang hibla ng buhok man lang ang nakatindig. Tindig at postura pa lang nito ay nagpapakita na sa kanilang dalawa ni Chona ay mas mataas ang katungkulan nito sa mansyon. Matindi ang kaniyang titig kay Estella na parang sinisiyasat ang kanyang buong pagkatao. Kaagad niyang inilayo ang kanyang mga mata dito
" Hindi ba't ilang beses na kitang pinaalalahanan na huwag na huwag mong paghintayin si Senyora Celeste?," sita nito kay Aling Chona. Napapiksi naman ang isa dahil sa tinig nitong puong-puno ng panumnumbat .
" Eh kasi Manang Elsa-----," magdadahilan pa sana ito ngunit kagyat ding pinutol ng matanda.
" Naku, nakipagkwentuhan ka na naman doon sa katulong ng mga Ramirez sigurado. Chona, hindi gusto ni Senyora na nakikipagkaibigan ka sa kung kani-kanino lang. Walang tabas pa naman ang dila mo at kung ano- ano ang ikinekwento mo doon tungkol sa mga Valiente. Tandaan mo ano ang lugar mo sa pamamamahay na ito. May responsibilidad tayong protektahan at hindi dungisan ang pangalan nila. Naiintindihan mo ba?"
"Opo."
Halos manigas naman ang katawan ni Estella ng ibinaling ni Manang Elsa ang mababagsik na mga mata nito sa kanya.
" Ikaw naman, ija. Sana ay tandaan mo din ang mga sinabi ko. Ipinagbabawal sa ating tagasilbi ng pamilyang ito ang makipagkaibigan o makipag-usap sa kung kanino lang lalo na sa mga katulang nga ibang pamilya sa El Grande."
Napakunot-noo si Estella at ibubuka sana ang bibig upang magtanong kung bakit ngunit hindi na niya nagawa pa.
" Huwag ka ng magtanong at sundin mo na lang. Simula ngayon ay pagsunod sa kahit anong utos sa pamamahay na ito ang gagawin mo. Hindi mo kailangang magtanong kung bakit dahil iyon ang responsibilidad mo. Naiintindihan mo ba?"
Tumango-tango na lamang siya sa lahat ng sinabi ni Nana Elsa kahit na may ilang daang katanungang naglalaro sa kanyang isipan.
" Halika at hinintay ka na ni Senyora Celeste sa itaas." Inakay siya nito papasok at saka muling bumaling kay Aling Chona, " At ikaw naman Chona, mag handa ka na ng tanghalian."
Nang tuluyan na siyang makapasok sa mansyon ay kaagad na dumapo ang kanyang paningin sa engradeng entrasuelo. Nakahilera sa gilid nito ang ilang mga litrato ng pamilya Valiente. Ilan sa mga ito ay kuha sa ibang bansa. Magarbo ang kanilang mga kasuotan at naghuhumiyaw sa pera at kapangyarihan. Sa pinakatuktuk ng hilera ang litrato ng pamilya. Mas malaki ito kumpara sa iba na katamtaman lang ang laki. Kahit na medyo luma na iyon ay hindi pa rin maitatangi ang magandang lahi ng mga Valiente. Napapagitnaan sina Senyor at Senyora ang kanilang mga anak, isang babae at dalawang lalaki. Naglalaro ang kanilang edad sa pagitan ng sampu at dose. Mapapansin din ang pagkakahawig nila. Ang kanilang abuhing mata ng kanilang ama ay namana ng nakakatandang lalaki at nakababatang lalaki. Habang ang ikalawang batang lalaki ay mas kahawig ng kaniyang ina. Kulay asul ang mga mata nito, manipis ang mga labi at nasa perpektong angulo ang ilong. Kasing kulay ng langit tuwing malapit nang bumaba ang araw. Mahinahon at malamlam.
Inilayo ni Estella kaagad ang kanyang mga mata sa litrato nang mapansin ang isang eleganteng babae ang pababa ng engrandeng escalera . Animo reyna itong nakatanaw sa sinasakupan niyang kaharian. Lumapit ito sa kanila. Otomatikong napayuko ang kanyang ulo sa presensya nito. Doon niya lang din napansin na wala itong kahawig sa kung sino man ang nasa litrato.
Nabuburdahan ang suot niyang baro at saya ng makukulay na disenyo. Halata rin ang mataas na kalidad ng tela nito . Ang kaniyang pustura ay mapagmataas habang ang walang pintas nitong mukha ay diretsong nakatitig sa kanyang kabuuan. Natigilan siya at kaagad na inayos ang ilang hibla ng buhok sa kanyang mukha. Hindi maipagkakaila ang disgusto sa mukha ng Senyora dahil kanyang pananamit.