~*~
DAPIT-HAPON na nang magising si Estella. Halos lamunin na ng dilim ang buong kalangitan. Napansin din niyang bigat ng kanyang ulo at katawan ngunit sa kabila noon ay nagawa niyang makabangon. Kailangan niyang siguraduhin kung ayos lang si Clara. Lumabas siya ng kubo at pumasok sa mansyon. Dumaan siya sa volada mula sa kusina patungo sa comenador. Habang humahakbang ang kanyang mga paa sa nagnining na sahig ay rinig na rinig niya ang galit na tinig ni Senyora Celeste mula sa sala .
" Akala ko ba pipi ka lang ngunit bingi ka rin pala Clara?! Ilang beses ko bang sinabi sa iyo na hawag na huwag pupunta sa kakahuyan?"
Nasurpresa si Estella sa paraan ng pagtrato ng Senyora Celeste sa sarili nitong anak. Ang akala niya sa mga katulong lang ito ganoon ngunit pati rin pala sa sarili nitong anak. Umaalingawngaw ang hikbi ni Clara sa bawat dingding ng mansyon. Nang marating niya ang pintuan ay otomatikong napatigil siya sa paghakbang. Pinakiramdaman muna niya ang buong sitwasyon na nagaganap.
Sinipat niya ang nagaganap mula sa siwang ng pintuan. Nasa may gilid sina Manang Elsa at Chona. Nakayuko ang mga ito at naaawa kay Clara. Gustuhin man nilang tulungan ang bata ngunit wala silang karapatan upang makialam sa ginagawa ng senyora sa anak nito. Napasinghap siya ng dumako ang kanyang mga mata sa kinaroroonan ni Clara. Nakaluhod ito sa sahig habang ang nakaunat ang mga kamay sa kanyang ina. Gamit ang isang patpat ay pinapalo iyon ng Senyora. Nagkalatay na ang kamay at braso ng bata.
Sa kanilang pamilya ay ni hindi sila napagbubuhatan ng kamay ng kanilang mga magulang. Kahit nga noong nabasag niya abg nag-iisang porselana ng kanyang ina ng aksidente niya itong nahulog habang naglalaro sila ng kanyang mga kapatid. Parating sinasabi ng kanyang ama na ganoon talaga ang mga bata. Madalas magkamali at palasuway sa utos ng magulang. Hindi sila naniniwalang ang pananakit ang pinakamabisang paraan ng pagdidisiplina sa mga ito. Ang nararapat gawin ng mga matatanda ay gabayan ang mga bata at kung paano matuto sa kanilang kamalian. May kung anong galit na nangingibabaw sa kanya ng mga oras na iyon.
" Walang kasalanan si Senyorita Clara!" buong lakas niyang anunsyo. Akmang hahampasin ulit ng Senyora ang kamay ni Clara ngunit hindi nito nagawa dahil paggambala ni Estella. Napatingin ang Senyora sa kanya, hindi ito makapaniwala sa ginawa niyang interupsyon.
" At ano naman ang ibig mong sabihin, Estella? Kung walang kasalanan si Clara ay kung gayon- sino?" napaarko ang kilay nito at binabalaan siyang maging maingat sa susunod na mga salitang kakawas sa kanyang bibig. Doon na siya medyo kinabahan ngunit nangingibabaw pa rin ang awa niya para sa bata. Lumapit siya sa kinaroonan ni Clara at tumabi dito. Diretso niyang sinalubong ang galit at puno ng pintas na mga mata ng senyora.
" Ako po ang may kasalanan, Senyora Celeste. Hinayaan ko siyang mawaglit sa aking paningin," aniya sa pinakdeterminado niyang boses.
" Oo nga!" tumawa ito ng pagak. "Nakalimutan ko, ikaw pala ang walang silbing tagabantay ng inutil na batang ito. Salamat at ipinaalala mo."
Unti-unting lumapit sa kanya ang Senyora. Napalunok siya ng laway ngunit tinatagan niya ang sarili. Alam niya sa sarili niyang ginagawa niya ang tama.
" At dahil inako mo mismo ang iyong kasalanan ay babawasan ko ang parusa mo."
Walang ano-ano ay hinampas nito ang hawak na patpat sa kanyang balikat. Napasinghap si Estella sa sakit na lumatay sa kanyang kalamnan. Hindi pa ito nakuntento at hinampas pa niya ulit ang braso niya ng tatlong beses. Naisip niyang hindi niyon matutumbasan ang mga latay sa sa braso at kamay ni Cara. At totoo namang may kasalaanan siya sa nangyari.
"Sa susunod na mangyari pa ito ay hindi lang iyan ang dadanasin mo , Estella. Naiintindihan mo ba ako?" tumango-tango siya . Ni walang mababakas na takot sa kanyang mukha ng mga oras na iyon. Bakit siya matatakot kung ginagawa niya ang tama?
"Unang araw mo pa lang dito sa mansyon ngunit ni hindi mo man lang magawa ng maayos ang iyong tungkulin? Tingnan na lang natin kung hanggang kailan ang itatagal mo dito " Tumalikod ang Senyora at tinungo ang escalera. " Ihanda mo na si Clara para matulog." anito bago tuluyang pumasok sa kanyang kwarto.
"Senyorita Clara, ayos ka lang ba?"
Dinaluhan niya sa lapag ang takot na si Clara. Hindi na ito humihikbi tulad kanina. Nabigla siya ng niyakap siya nito ng mahigpit. Niyakap niya rin ito ng pabalik. Nang bumitaw ito sa kanya ay inalo niya ang batang upang iparamdam dito na maayos na ang lahat. Magulo ang buhok nito na inayos naman niya. Mamamasa -masa pa ang pisngi nito na pinahiran niya gamit ang kanyang kamay.
"Patingin nga ng bata," sabi ni Manang Elsa at kinuha ang kamay ni Clara. Sinipat-sipat nito ang mga pasa na natamo nito kanina.
"Naku Estella! Ang dami nang nangyari sa loob lamang ng isang araw na pamamalagi mo dito." Hindi makapaniwalang ani ni Aling Chona. Bahagyang napangiwi si Estella sa mga nangyari ngayong araw. Akala niya kanina ay wala ng mas mamalas ng inismiran siya ni Senyora Celeste dahil sa kanyang pananamit, mayroon pa pala.
"Oo nga ho eh. Mukhang wala na nga akong trabaho bukas."
Nakikita na niya sa kanyang isipan ang dismayadong mukha ng kanyang ina. Siya pa naman ang nagpumilit na akuin ang responsibilidad na magtustus sa kanilang pamilya. Subalit, wala pang isang araw ng kanyang trabaho ay nasisante na siya. Napabuntong hininga na lang siya . Ilang buwan na naman kaya ang hihintayin niiya upang makahanap ng trabaho muli? Wala pa namang amo ang gugustuhin ng malamya at kukupadkupad pagdating sa gawaing bahay na tulad niya. Ngunit sa isang banda, wala naman siyang pinagsisihan. Tama ang kanyang ginawa.
"Estella," mahinanhong turan ni Manang Elsa. " Sana ay alam mo kung ano ang kapalit ng ginawa mo kanina."
" Alam ko ho higit kanino man at wala akong pinagsisihan doon."
" Mabuti naman. Alam mo wala pang katulong o kung sino man ang naglakas loob na gawin ang ginawa mo kanina- kahit na kami. Naaawa man kami kay Clara ngunit wala kaming kayang gawin para sa kanya," ramdam niya ang lungkot sa boses nito.
" Kaya naman nagpapasalamat ako sa iyo. Ni minsan hindi naramdaman ni Clara ang pagmamahal ng kanyang ina. Gustuhin ko mang magtagal ka dito ay wala akong kapangyarihan kung ano man ang desisyon ni Senyora Celeste. Ngunit kung kailangan mo ng bagong mapagtatrabahuhan ay may mga kakilala ako."
Gustong-gusto ng maluha ni Estella ng mga oras na iyon. Akala niya sa pagsusungit lang magaling si Manang Elsa, may puso din pala ito.
"S-salamat po.."
"Eh kung ako kaya , Manang? Kung sakali bang paalisin ako ni Senyora hahanapan nyo rin ako ng bagong trabaho?" pabirong tanong ni Aling Chona kay Manang Elsa.
"Hindi."
"Ay ang daya ho! Mas matagal na ako rito eh,"
"Ewan ko sayo, Chona." Pinandilatan niya ito ng mata. Medyo natawa naman siya sa biro ni Aling Chona. Medyo gumaan ang loob niya dahil doon.
"Dalhin mo siya sa itaas at linisin mo ang kanyang sugat. Palitan mo na rin ang damit niya. Pagkatapos ay bumaba kayo sa kusina at makapaghapunan na iyang bata."
~*~
HINDI maialis ni Celeste ang kanyang mga mata sa malaking litratong na nakasabit sa ding ding sa may escalera. Iyon ang larawan ng kanyang asawang si Don Samuel kasama ang yumao nitong asawa at mga anak nito. Ni minsan ay hindi ito nag-abalang palitan ang larawang iyon. Siya ang asawa nito sa kasalukuyan ngunit pakiramdam niya ay napapabayaan na siya nito. Madalas ang mga lakad nito sa Maynila katulad ngayon. Kung nandito naman ito sa El Grandre ay sa hacienda nito ginugugul ang lahat ng oras. Kaya naman ay hindi niya mapigilang maramdaman na hindi siya mahal nito- na mas mahal pa rin nito ang dati nitong asawa. Pakiramdam niya ay sampid siya pamilyang ito. Marami siyang isinakripisyo para kay Samuel. Kahit na labag sa kalooban ng kanyang ama ang pagpapakasal sa isang byudo ay sinunud niya ang dikta ng kanyang puso. Alam niyang kahit walong na taon na ang nakakalipas ay hindi pa rin mamatay-matay ang mga tsismis patungkol sa kanya sa bayan. Na sa likod ng mga ngiti ng kanyang mga kaibigang nasa alta sociedad ay mababa pa rin ang tingin nila a kanya.
Isa sa mga maituturing na mutya ng El Grande at anak ng pinakamayamang negosyante sa isla ay napunta sa isang byudo. Ngunit hindi din maitatanging napakamaimpluwensya ng pamilyang Valiente. Alam niyang nakaugat ang lahat ng masasamang paratang a kanya dahil sa katotohanang sa dinami-rami ng nagkakarandarapa kay Samuel kahit na medyo may edad na ito ay siya ang napiling pakasalan. At ang naging susi sa kanilang kasal ay si Clara. Nabuntis siya dito bago pa man sila ikasal. Sa katunayan ay walang kasal na mangyayari kungbhindi siya nabuntis dito. Akala niya ay makukuha niya ang buong atensyon ni samuel kapag naging asawa na siya nito ngunit hindi. Pipi si Clara, may depekto, iyon marahil ang isa sa mag dahilan kung bakit malayo ang loob ng kanyang asawa sa kanya. Kaya naman sa pagdating nito ay sisiguraduhin niyang mahuhulog ulit ito sa kanyang alindog. Wala siyang ginusto na hindi niya nakukuha.Isang pilyang ngiti ang sumulay sa kanyang mga labi.
Sa kasalukuyan ay gagawin niya munang impyerno ang buhay ng bagong katulong.