webnovel

Prologue- My Moonlight

Habang tahimik kong ninanamnam ang simoy ng hangin sa kalagitnaan ng aking paglalakad dito sa tabing dagat ay hindi ko maiwasang mamangha sa ganda ng kadiliman. Sobrang nakakagaan sa pakiramdam at tanging paghampas lamang ng alon ang nakakaagaw sa atensyon ng aking mga tainga. Napakasarap na tila ba paboritong pagkain ang nakahain sa lamesa. Ilang hakbang pa ang aking ginawa bago ako magdesisyong umupo sa nakatumbang puno dito malapit sa dagat. Dahan-dahan kong tinanaw ang buwan na tanging nagsisilbi kong ilaw sa gitna ng kadiliman.

"Kahit kailan ay hindi mo ako binigo. Palagi kang nasa itaas ko sa tuwing ako'y nahuhulog. Sana, sana hindi kumupas ang ganitong klaseng tanawin, na alam kong sa darating pang mga tao'y patuloy kong titingalain." Kahit naiiyak ay napangiti na lamang ako sa mga katagang binitawan ko.

Huminga ako ng malalim at ipinikit ang aking mga mata. Kung p'wede lang na ipatigil ngayon mismo ang oras ay ginawa ko na. Ngayon lang ulit ako nabigyan ng pagkakataong maramdaman ang kalikasan. Kahit na alam kong may posibilidad na matapos ito kapag nakauwi na ako sa aming tahanan.

"Bulaga!" Agad akong napamulat dahil sa panggugulat na narinig ko.

"Anong ginagawa mo dito?" Laking gulat ko ng makita si RC na nakangisi habang kumakamot sa ulo.

"Chill, ma'am. Hindi lang naman ako ang nandito eh," sagot pa nito.

Nakarinig kami ng kaluskos at doon namin nakita si KD na kumakamot pa sa buong katawan niya.

"Wazzup, kigs!" Sabay apir pa nito sa 'kin na agad naman n'yang binawi ng makitang wala akong ganang nakatingin sa kan'ya.

"Putek, tol! Bakit ka napunta sa damuhan?" Tumatawang tanong pa ni RC.

"Malamang nagtago! Alam mo namang hanep 'yang babaeng 'yan kung manuntok 'di ba? Pero parang pinagsisihan ko tuloy, grabe ang kati-kati!" Pahayag pa ni KD habang binabasa ang mga braso ng tubig ng dagat.

"Tapos na kayo? Siguro naman p'wede niyo ng sagutin 'yong tanong ko, hindi ba?" Palipat-lipat na tingin ang iginawad ko sa kanila.

"G-Ganito kasi 'yan, ma'am. Pumunta kami ni KD sa inyo kasi trip lang namin. Wala kasi sina Mama at Papa, alam mo na, busy sa trabaho kaya kami lang dalawa ang natira sa bahay. Pagdating namin do'n, wala ka raw sa inyo sabi ng Tita mo kaya---"

"Kaya dumiretso na kami dito, nakita kasi naming maliwanag ang buwan at alam din naming namimiss mo na ang ganitong eksena kaya kami nagdesisyon na pumunta dito. At hindi nga kami nagkamali!" Pagpapatuloy ni KD sa pinutol n'yang linya ni RC.

Huminga naman ako ng malalim bago muling tumingin sa buwan.

"Kung gusto n'yo akong samahan, pwes sinasabi ko na sa inyo na kailangan ko ng katahimikan. Pero kung hindi n'yo 'yon maibibigay sa 'kin, mas mabuti pang umalis na lamang kayo." Pagsasalita ko ng hindi man lamang sila binabalingan ng tingin.

Ilang minuto na ang nakalipas pero wala pa rin akong naririnig na kahit isang salita mula sa kanila. Hanggang sa naramdaman ko na lang na unti-unti silang umupo sa tabi ko. Tahimik naming pinagmamasdan ang buwan ng biglang magsalita si KD.

"Grabe 'no? Parang dating gawi lang, nakakamiss talagang balikan ang nakaraan."

"Hayaan mo, ma'am. Kahit wala ang buwan, palagi mong tandaan na nandito lang kami ng kapatid kong si KD. Anumang oras maaari mo kaming iyakan, lalo na sa panahong hindi pa sumisikat ang buwan." Litanya din ni RC.

Naluluha ko silang tiningnan, ngunit isang matamis na ngiti lamang ang isinukli nila sa akin. Deserve ko bang maging kaibigan 'tong magkapatid na ito? Bago pa man ako tuluyang maluha ay nawindang ako ng kaunti sa biglaang pagsigaw ni RC.

"RC!" Hiyaw ni RC habang inilalahad ang kanang kamao niya.

"KD!" Pagsunod naman ni KD sa ginagawa ng kapatid.

"AV," Malumanay ko pang pagngiti bago inilahad ang kanang kamao.

"Whatever kind of goodbye, our friendship will never die!" Sabay-sabay naming sambit sa friendship motto namin bago kami nag fist bump.

Pagkatapos ng madamdaming puntong iyon para sa 'kin ay napuno ng halakhakan ang karagatan dahil sa mga birong dala ni KD. Kahit kailan talaga ay hindi ito pumapalya kapag katatawanan ang pag-uusapan. Patuloy lang siya sa pagsasalita kahit medyo tumatalsik na ang laway niya. Pero imbes na putulin siya ay kami na lamang ni RC ang nag-adjust. Nakakahiya naman kay KD, eh 'no? Hanggang sa dumating na nga sa seryosong usapan na pinangunahan naman ni RC.

"Lahat naman tayo ay may katapusan, pero hindi 'yon ang importante. Ang mahalaga ay kung paano natin pinapahalagahan ang bawat araw ng pag-abante." Makahulugang sambit ni RC na naging dahilan upang tumitig ako sa kan'ya.

Nagsisimula na namang gumulo ang isipan ko ng bigla akong itulak ng kung sinumang nilalang sa likuran ko dahilan upang mabasa ako.

"Oops, sorry not sorry. Pfft---" agad kong hinabol si KD ng malamang siya pala ang walang hiyang tumulak sa 'kin.

"Lagot ka talaga sa 'kin!"

Maaabutan ko na sana si KD ng bigla akong napatid ng maliit na sanga ng puno na naging dahilan upang masubsob ako. Ngayon pa talaga umandar ang pagkatanga ko eh 'no? Agad namang tumakbo palapit sa 'kin si RC para tulongan ako. Kaso lang malas niya. Hindi niya inasahan na sa pagtulong niya pala sa 'kin ay masasali siya sa larong sinimulan ni KD.

"Boo!" Saad ko kasabay ng paghagis ng basang buhangin sa kan'ya.

"Anong---"

"Oyy hindi ako ang nagsimula, ayon oh!" Sabay turo ko kay KD.

"Oh bakit ako? Hoy teka lang!" Saad ni KD sabay takbo ng mapansing sa kan'ya patungo si RC.

Tawa lamang ako ng tawa habang pinagmamasdan silang dalawa. Sila ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy ko pa ring pinipiling maging masaya at tumawa kahit sobrang hirap na ng buhay. Sila 'yong mga taong masama kung titingnan mo lang pero napakabuting tao kung kikilalanin mo. Kahit kailan ay hindi ako nagsising pinapasok sila sa buhay ko. At alam kong hindi ko kakayanin sa oras na pati sila ay mawala sa buhay ko.

"Hoy! Huwag!! Saglit! Teka lang!" Mabilis na takbo ang ginawa ko upang makalayo lang sa kanila ng mapansin kong tumatakbo sila patungo sa kinaroroonan ko.

Itong mga isip-bata na 'to talaga. Hay naku, ewan ko na lang.