webnovel

My Innocent Maid IX

Katherina

Inis akong nag-iimpake ng gamit ko. Hindi ako makapaniwala na ganyan ang pananaw niya sa aming mga katulong. Nagtrabaho ako para sa pamilya ko hindi para insultuhin lang ng mga kagaya nila. Mas magandang umuwi nalang ako sa probinsiya kaysa ang magtrabaho sa isang katulad niya.

Nang na-i-empake ko na lahat, nilabas ko ang selpon na binigay ni Tiya at tinawagan ito. Unang ring palang nang sumagot agad ito.

"Hello, Tiya?" bati ko.

"Napatawag ka, Katherina?" alam kong nagtataka ito dahil magkasama lang kami noong isang araw.

"Uuwi na po ako nang probinsiya, Tiya." agad kong sabi, hindi na akong nagpaligoy-ligoy pa.

"Ha? Bakit? Anong nangyari?"

"Mahabang kuwento Tiya."

"May ginawa ka bang kalokohan diyan?"  Umiling ako na para bang nakikita niya ako bago sumagot.

"Wala po, Tiya, kilala niyo po ako."

"Eh, bakit ka uuwi nang probinsiya. Paano ang trabaho mo? Pinayagan ka bang umalis?"

"Ayoko na pong magtrabaho, Tiya. Miss na miss ko na sina Inang at mga kapatid ko. Ilang buwan na rin po ako dito kaya medyo may ipon na po ako." pagsisinungaling ko.

"Sigurdo ka ba sa desisyon mo? Kilala kita, Katherina, hindi ka aalis diyan nang wala kang balidong rason."

"Opo, Tiya, sigurado na po ako." sagot ko at inignora ang huli niyang sinabi.

"Nagpaalam ka ba ng maayos kina Mr. De La Torre?" kapagkuwan ay tanong nito.

"Hindi pa po, Tiya, hinihintay ko pa po na dumating sila."

"Maganda na ang trabhao mo diyan, Katherina. Bakit ba pabigla-bigla ka nalang aalis?"

"Sabi ko nga po sa inyo, Tiya, namimiss ko na sila. May ipon na po ako sa ilang buwan kong pagta-trabaho. Magtatayo nalang ako ng konting puwesto sa palengke."

"Hay naku ka, Katherina. Alam kong hindi lang 'yan ang rason mo. Kaya magsalita ka na, kilala kita."

Napabuntong hininga ako sa sinabi ni Tiya. Talagang kahit anong pagsisinungaling ko, mahahalata at malalaman niya pa rin.

"Wala po talaga, Tiya, baka mamayang madaling araw ang uwi ko. May ipapasabi po ba kayo kay Inang." pag-iiba ko ng usapan para hindi na ito mangulit pa.

"Wala naman, Katherina. Pag handa ka ng sabihin, andito lang si Tiya."

"Opo, Tiya, kaya mahal na mahal kita e." kahit papaano napangiti ako nang makausap ko siya.

"Naku nambola ka na naman, Katherina. Siya, sige, nagluluto kasi ako ng gabihan nila kaya busy ako, anak. Tawagan mo ako pag paalis ka na. Mag-iingat ka sa biyahe."

"Opo, Tiya."

Pinatay ko na ang tawag at nanghahapong napaupo sa kama. Pinagmasdan ko ng kabuuan ng kuwartong pinaglagian ko sa mahigit sampung buwan. Sa totoo lang nasanay na ako, kaso kung ganyan din lang naman pala kaliit ang tingin ng tao sa mga katulong ay huwag nalang. Mas nanaisin ko nalang na kumayod ng triple sa probinsiya.

Tumayo na ako at lumabas ng kuwarto para tanungin kung dumating na sina Senyora. Pagbungad ko, nakita kong nakatayo si Senyorito sa dining area. Hindi ko siya pinansin at dumiretso kina Lola. Tinabihan ko si Lola at tinulungang buhatin ang dinadala nito. Nang mailapag na namin ito sa lagayan saka ako nagtanong.

"Lola, dumating na po ba sina Senyora Maggie?" tanong ko,

"Oo kani-kanila lang. Bakit mo naitanong?" nagtataka ding balik tanong nito sa akin dahil ngayon lang ako nagtanong sa pagdating ng aking mga amo.

"Kakausapin ko lang po sana, Lola." malungkot na sagot ko at umupo sa silyang malapit dito.

"Ganoon ba?" tumango ako sa sinabi niya.

"Nasaan na po siya ngayon?" nakanguso nang tanong ko dahil parang nagdadalawang isip na naman ako.

"Nasa opisina niya sa taas." sagot ni Lola at tinuloy ang ginagawa.

"Sige po, Lola, pupuntahan ko po muna." paalam ko. Tumango lang ito at hindi na nag-abala pang lumingon sa akin dahil busy na siya sa kanyang niluluto.

Paglabas ko ng kusina, nadaanan ko ang nakaupong Senyorito at mga kasamahan niya sa sala. Tinawag ako ng isa sa mga kasama niya kaya napahinto ako.

"Hi, Katherina." bati nito sa akin na ikinatingin ko lang at matipid na ngumiti.

"Dito ka muna para makakuwentuhan ka naman nmin. Kung okay lang sana sa 'yo." nakangiting alok nito sa akin na ikinailing ko lamang.

"Hindi po pwede, Senyorito Ezra. Ang mga katulong ay hindi po dapat nakikihalubilo sa mga katulad niyong mayayaman. Sinasahuran po nila ako para pagsilbihan kayo hindi para samahan at mag-enjoy kasama niyo." mahabang sagot ko at tumingin ng diretso kay Senyorito Marco habang sinasabi ang mg katagang 'yan.

Nakita ko namang natahimik ito kaya sinamantala ko na ang magpaalam.

"Kung wala po kayong ipag-uutos ay aalis na po ako mga Senyorito. Ipatawag niyo nalang po ako pag may iuutos na kayo. Salamat," sabi ko at yumuko sa kanila bago ako tumalikod at umakyat ng hagdan patungo sa opisina ni Senyora. Pagdating ko sa may pinto, agad akong kumatok.

"Pasok," maiksing sagot ng nasa loob. Pumasok na ako at sinara ulit ang pinto.

"Magandang gabi po, Senyora." kinakabahang bati ko.

"Magandang gabi din sa 'yo, Kathetina. Maupo ka, bakit ka naparito?" isinantabi niya muna ang ginagawa niya at humarap sa akin ng nakangiti.

"Magpapaalam na po sana ako, Senyora." nakayukong sabi ko.

"Magpapaalam? Saan ang punta mo? Magkikita ba kayo ng Tiya Meling mo?" sunod sunod na tanong nito sa akin na ikinailing ko.

"Hindi po, Senyora, magpapaalam na po ako dahil aalis na po ako sa trabaho at uuwi na po ako sa probinsiya." malungkot na sabi ko at pinaglaruan ang mga daliri ko sa kamay.

"Ano? Aalis ka na at babalik sa probinsiya? Bakit? May nagawa ba kaming ayaw mo? Sabihin mo lang, Katherina." nagtatakang tanong niya sa akin.

"Wala naman po, Senyora, namimiss ko na po kasi ang Inang at mga kapatid  ko. Sampung buwan ko na po kasi silang hindi nakikita." pagsisinungaling ko,

"Puwede ka namang magbakasyon lang kung gugustuhin mo silang makita. Huwag ka nang umalis sa trabaho mo, Katherina. Napakabait mong bata at mahirap nang makahanap ng katulad mo." natuwa naman ako sa huling sinabi nito. Kahit papaano naibsan ang galit na nasa puso ko.

"Uuwi na po talaga ako, Senyora. Doon nalang po ako magtatrabaho." tanggi ko sa suhestiyon nito. Mataman niya akong tinignan at pinakatitigan bago nagsalita.

"Bakit biglaan ata ang pag-alis mo? Samantalang napakasaya mo pa kahapon at sinabi mong gusto mo dito. May nangyari ba na hindi ko alam?" kunot noo na niyang tanong sa akin na ikinailang ko nang sobra.

"Wala po talaga, Senyora, namimiss ko lang talaga ang pamilya ko." pagpipilit ko dito.

"Okay, may isang linggo kang bakasyon. Puwede kang umuwi ng probinsiya niyo. Pero pagkatapos ng isang linggo ay babalik ka dito." sabi nito na ikinalaki ng mga mata ko.

"Po?" tanong ko agad

"Malinaw naman ng pandinig mo, Hija. Isang linggo na bakasyon. Tatanggapin ko ang pag-alis mo dito sa mansion kung balido ang rason mo sa pag-alis. Madali lang naman palang solusyunan ang dahilan mo. So, kailan ang alis mo pauwi?" pinal na sagot nito sa akin.

Napabuntong hininga nalang ako dahil nakikita kong desidido si Senyora sa sinabi nito. Nakangiti ito sa akin habang naghihintay ng sagot. Mabait si Senyora kaya mahirap ko siyang tanggihan.

"Mamayang madaling araw po, Senyora." nahihiya nang sagot ko dahil alam kong alam niya na nagsisinungaling lang ako sa dahilan ko.

Nakita kong tumayo ito at pumunta sa isang kabinet. Binuksan nito ang drawer at may kinuha saka bumalik sa harapan ko. Natulala ako nang may iniaabot siyang ilang libong pera. Agad akong umiling at tinabig ito pabalik.

"May pera pa po ako, Senyora. Huwag na po kayo mag-abala." nahihiyang sambit ko. Nakikita kong naglakad ito papunta sa akin at tumigil sa mismong harap ko.

"Para sa 'yo talaga ito. Pati sina Manang at Lhynne ay tatanggap din ng ganito kaya huwag ka nang mahiyang tanggapin." nakangiti nitong sabi at kinuha ang kamay ko. Inilagay nito iyon sa palad ko at pinagsalikop ng dalawa kong palad para hindi mahulog ang pera saka siya nakangiting bumalik sa lugar nito at umupo.

"Napakalaki na pong halaga nito, Senyora." hindi makapaniwalang bulalas ko habang tinitignan ang pera na nasa kamay ko. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakahawak ng libo na pera. "Hindi ko po ito matatanggap." sabi ko at akmang ibabalik sana ito nang tumingin ito ng matalim sa akin. Grabe! May pinagmanahan talaga ang anak nila.

"Sabi ko, sa 'yo 'yan. Pinaghirapan mo ding makamit 'yan sa matiyaga mong pagsisilbi sa amin ng pamilya ko. Pag hindi mo 'yan tinanggap, hindi kita papayagang umuwi ng probinsiya. Sige ka," babala nito kaya agad akong sumagot.

"Aba, Senyora, wala na pong bawian. Pinayagan niyo na po ako kanina diba? Isusumbong ko po kayo sa asawa niyo." sabi ko na ikinatawa nito.

"Sige na, Katherina, madami pa akong ginagawa. Mag-iingat ka sa pag-uwi mo. Mamimiss ko kakulitan mo. Bumalik ka kaagad ha," pagtataboy nito sa akin habang nakangiti kaya napangiti na din ako.

"Opo, Senyora, salamat po dito. Mabibilhan ko na po si Inang ng mga gagamitin niya at maiiwanan ko na po sila ng malaking halaga. Salamat po, Senyora." walang tigil na pasasalamat ko dito at lumapit sa kanya at yumakap ng mahigpit. Yumakap naman ito pabalik at tinapik-tapik ako sa balikat.

Kumalas na ako at nakangiting nagpaalam dito at tuluyan na akong umalis. Isinuksok ko muna ang pera sa bulsa ko bago ako tuluyang bumaba ng hagdan.

Napatingin silang lahat sa akin habang bumababa ako ng hagdan. Para tuloy akong prinsesa na tinitingala ng mga nag-gaguwapuhang prinsipe. Nailang naman ako nang makita ko ang matamang pagtitig ni Senyorito sa akin kaya nagmadali na akong bumaba. Dumiretso na ako sa kuwarto ko at nagkulong doon hanggang sa makatulog na ako.