webnovel

Ligalig ng Isipan

"Kanina, parang napansin ko na parang namumutla ka pagkagaling sa bakery..." biglang banggit ng kanyang ina habang patungo sila sa sakayan ng jeep. "bakit, ba?"

Tinapunan niya ng tingin ang ina. Hindi niya malaman kung sasabihin ba dito ang nasaksihan o ililihim na lamang ito. Sa totoo lang, kapag sumasagi sa isip niya ang nangyari ay nakakaramdam pa rin siya ng biglang paglakas ng sikdo ng kanyang dibdib. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay para bang pakiramdam niya'y kumikipot ang kanyang lalamunan kasabay ng tila panginginig ng kanyang mga kamay. Sa palagay niya ay matatagalan bago tuluyang mabura sa alaala niya ang pangyayaring iyon. Sa ngayon ay talagang sariwa pa sa kanyang gunita ang nakapangingilbot na hitsura nito.

Bahagyang idinait ng ina ang ulo nito sa kanya balikat.

"Siguro may crush ka na, 'no?" mahinang panunukso nito. "Nakita mo siguro yung crush mo sa bakery, no,.."

Boluntaryong kumunot ang mga noon ni Ana. Ano't pumasok sa isipan ng kanyang ina ang ideyang iyon? Kung sa bagay, hindi naman niya maitatanggi, siya ay nakararamdam na ng paghanga sa ibang kasarian. Ang kanyang kaeskwelang si Allan ay espesyal para sa kanya. May hitsura ito at magaling sa klase. Subalit tila nabawasan ang kanyang pagtingin dito ngayon. Waring sa isang iglap ay may kung anong nagpaiba ng kanyang pag-iisip tungkol sa mga kalalakihan simula ng makita niya si Tonying na ginagawa ang bagay na iyon. Parang sa pakiwari niya ay nagtataglay ang mga ito ng isang bagay na nakapananakit sa katulad niyang isang babae.

"ganun talaga, nak.." dagdag pa ng kanyang ina. "sa edad mong iyan natural lang na magka-crush ka pero hanggang crush lang muna, ha,.."

Tinitignan siya nito na tila inaalam ang kanyang pagsang-ayon. Mahina siyang tumango na may kasamang pagbubuntong- hininga. May kung anong gumugulo sa kanyang isipan bungsod pa rin ng pangyayari kanina niya lang naranasan. Nais niyang isalaysay ito sa ina ngunit baka hindi siya nito paniwalaan. Bagaman sa kanyang pananaw ang ipaalam ang pangyayari ang pinaka-angkop na gawin ay tila wala siyang lakas ng loob na ipabatid ito sa iba. Siguro'y mas makabubuti ngang panatilihin na lamang itong isang lihim at itago sa kanyang sarili. Na kalaunan ay dapat ding maalis sa kanyang isipan at tuluyang ibaon sa limot.

Pero paano kung sakaling magpunta uli si Tonying sa kanila at makipagkuwentuhan sa kaniyang ama? Babanggitin niya ba sa ama ang tungkol dito? At paano ang magiging pakikitungo niya rito simula ngayon kapag bumisita ito sa kanila? Kanina, tandang- tanda pa niya, umiba na siya ng daan pauwi upang maiwasan pang muling mapatapat sa bahay ng lalaki. Kahit medyo mas malayo ang tinahak niyang daan ay mas pinili niyang doon dumaan. Marahil ito na ang kanyang magiging ruta tuwing umaga. Ipinangako niya sa sariling hinding- hindi na dadaan sa tapat ng bahay nito. Naisip niyang siguro'y mas makabubuti kung hindi na lamang siya lalabas ng silid habang ito'y nasa kanila at bumibisita sa kanyang ama.

"O sige na , nak, sasakay na ko,.." dagling sambit ng kanyang ina habang pasakay na sa humintong jeep. "ingat ka, ha,.."

Kapag daka'y tuluyan na silang naghiwalay ng landas ng kanyang ina. Patuloy na sinundan ng tingin ni Ana ang nagmamadaling sasakyan. Palayo ng palayo hanggang sa tuluyan na itong mawala sa kanyang paningin.

Nakaramdam siya ng biglang takot sa pag-alis ng kanyang ina. Kakaibang takot na hindi naman niya nararamdaman kapag ito'y umaalis na tuwing lunes. Parang bigla siyang nakaramdam ng matinding pagka-abandona. Waring nais niyang pigilan ito sa paglayo sa kanya ngunit hindi ito magiging praktikal. Damang- dama niya ang bigat sa kanyang dibdib na parang bulkang sasabog. Tila ba siya'y naiwang nag-iisa sa kawalan. Na walang sinumang tutulong kapag nangailangan siya nito. Nangilid ang kanyang luha. Ano't parang pakiramdam niya siya'y inapi? May nagbabadyang luha sa kanyang mga mata ngunit pinilit niyang huwag itong tuluyang bumagsak. Bakit bigla siyang naging maramdamin? Bungsod pa rin ba ito ng pangyayari kanina? Hindi niya matanto pero parang matindi ang naging epekto nito sa kanya.

Habang lulan ng sasakyan ay patuloy pa ring pumapasok sa kanyang isipan ang naganap kanina. Naroon ang pagsisisi na kung sana ay hindi na lang muna siya umalis ng bahay at inantay niyang magliwanag ng lubos ang paligid. O di naman kaya ay hindi na siya nagtangkang lumapit sa pagtawag ni Tonying sa kanya, o di kaya ay iwinaksi na lamang niya ang paningin sa maselang bahagi ng katawan nito. Disinsana'y hindi na nagbabalik pa sa kanya ang tagpo iyon. May mga pagkakataon kasing natutulala siya kapag biglang sumasagi ito sa kanyang isipan.

Bagaman may mga paraan sana para naiwasang mangyari iyon, sa likod ng kanyang isipan ay batid niya na talagang pinagplanuhan din ito ni Tonying. Na talagang bago pa man siya dumaan ay naghihintay na ito sa tapat ng pinto. Na talagang sisitsitan siya nito pagtapat niya sa bahay ng lalaki. At talagang nais nitong ipakita sa kanya ang galit na galit na pagkalalaki nito. Hindi niya dapat ibunton ang sisi sa kung sino at anong mga bagay ang naging dahilan na nagbunsod sa pangyayaring iyon. Nangyari ang lahat dahil nakatakda talaga itong maganap.

" Ana,… huy, ang lalim..." pukaw sa kanya ng kaibigang si Marianne ng matagpuan siya nitong nakatulala habang nakapangalumbaba. " nagawa mo ba 'yung assignment natin?'

Matipid na tango ang isinagot niya sa katabi. Hindi niya namalayan ang pagpasok nito sa kanilang silid- aralan. Tila nablangko kasi ang kanyang utak at hindi pa rin mawala- wala sa kanyang isip ang pangyayari kanina.

Tila hindi ito nakuntento sa tugon niya." May sakit ka ba? Parang matamlay ka. 'No nangyari sa iyo?"

Iniba niya ang paksa." Kailan ba ang pasahan ng project natin sa Science?"

Ayaw na niyang maungkat kung ano ang gumugulo sa kaniyang isipan kayat ibinaling niya sa iba ang pinaguusapan nila.

Nang bigla namang dumating si Allan, ang kanyang kamag- aral na hinahangaan niya. Dumiretso ito sa kinauupuan niya.

" Kumusta mga magaganda kong classmate?" sabi nito. Tila presko ang dating nito ng sa pag-upo ay sabay inilagay ang braso sa ibabaw ng sandalan ng upuan niya.

Parang nasakop nito ang safe zone ni Ana kayat pinili niyang umisod palayo dito. Hindi niya masabi pero parang naiilang siya sa presensya nito gayung dati ay hindi naman.

"Hmmp, magaganda ka dyan,.." ismid naman ni Marianne. "Siguro wala ka na namang papel ano para sa quiz mamaya?"

"Meron 'no, ballpen ang wala ako," tugon nito. Umisod pa ito palapit kay Ana. "Pahiram nga akong ballpen, Ana?"

Lumapat ng bahagya ang braso nito sa kanya. Na agad naman niyang ikinaasiwa. Umusog siya ng kaunting distansya palayo sa lalaki. Para siyang napaso sa balat nito. Hindi niya alam kung imahinasyon lamang pero mistulang nagbabagang uling ang init ng braso nito. Kakaiba ito sapagkat dati naman ay madalas pa sila nitong mag-asaran na nauuwi sa hampasan ng kuwaderno. May kakulitan kasi si Allan na kaklase na niya simula unang baitang pa lamang.

Napakunot ang noo ng lalaki. Bakit parang OA naman ang reaksiyon sa kanya ni Ana, naisip niya.

"Napapano ka, Ana?" tanong nito. " Nadikit lang, chansing na ba agad?"

Nagtawa ang kaibigan niya. Napansin din kasi nito ang ikinilos niya.

Hindi niya maipaliwanag pero parang naging sensitibo siya ngayon. Na hangga't maaari ay ayaw niyang mapapalapit ng masyado sa isang lalaki. Na parang ayaw niyang masasakop ang pagitang ligtas sa palagay niya. Ewan ba pero parang pakiramdam niya ay may mga nakatagong motibo ang mga ito para mapalapit sa kaniya. Bungsod pa rin ba ito ng karanasan niya? Mula sa isang taong wala sa hinagap niya na gagawa ng isang bagay na kanyang ikadidismaya? Na nung una ay anong bait sa kanya para lamang bandang huli ay kung anong kababuyan ang ipapamalas sa kanya?

Napawi ang kanyang pagmumuni- muni ng dumating na ang kanilang guro. Bumalik sa kanyang upuan si Allan at maya- maya pa'y natuon na ang atensiyon ng lahat sa pagtuturo nito.