webnovel

Mahal Kita, Severino

Magkaibang pamumuhay Magkaibang pamilyang pinanggalingan. Langit, lupa kung ihahalintulad Pag-iibigang susubukin at pagtitibayin Pag-iibigang iikot sa dalawang panahon. Sa mapait at mapaglarong mundo, ganito ang mararanasan ni Emilia at Severino, dalawang taong magmamahalan ngunit maituturing na sa maling panahon ipinagtagpo. Mapipigilan ba ng panahon ang kanilang pag-iibigan o mas lalo lang nito pagtitibayin ang sinisigaw ng kanilang mga puso? "Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." -Emilia "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo." -Severino I love you Series 1~ Date started: June 13, 2020

hazel_partosa · Geschichte
Zu wenig Bewertungen
41 Chs
avataravatar

Kabanata 18 ✓

"Kaya pala hindi ko maramdaman ang kanyang pagmamahal noon pa man," wika ni Miguelita kasabay ng pagpunas ng luha. Kanina pa siya hindi tumitigil sa pag-iyak mula ng kanyang malaman ang katotohanan, isa't kalahating oras na ang nakalilipas.

Nais ko sanang hanapin ang kinaroroonan nina Georgina ngunit hindi ko naman siya maiwan ngayon gayong batid kong kailangan niya ng masasandalan.

Hinagod ko ang kanyang likod at  pinainom muli ng tubig. Siya'y nakakaapat na baso na ngunit hanggang ngayon ay humihikbi pa rin.

"Akala ko noon abala lamang siya sa kanyang ne-negosyo kaya hindi niya ako napagtutuunan ng pansin ngunit lahat pala ng iyon ay sadya."

Kung ako rin naman ang nasa kanyang posisyon, hindi ko rin alam ang aking gagawin. Marahil, iyon ay ikakasira ng aking ulo.

"Mula noon, ako'y nasasabik sa kanyang pagmamahal ngunit malabo ng mangyari iyon lalo na't hindi pala a-anak ang tingin niya sa a...kin." Siya'y muling humagulhol at napahawak pa sa kanyang dibdib. "Sana hindi na lamang niya ako binuhay nang sa gayong wala na siyang pinagsisisihan." Mas lalo siyang humagulhol at mas lalong naging mahigpit ang hawak sa baso. Nahulog pa nga ito sa paoagbat naglikha ng ingay. Mabuti na lang kami lamang ang dalawa rito sa aking silid.

"Ilabas mo lang iyan, Miguelita." Niyakap ko siya nang mahigpit upang maramdaman niya na hindi siya nag-iisa. Noong una ko siyang nakita, akala ko noon ay hindi sila mag-ina dahil hindi ko sila nakikitang nag-uusap tulad ng ginagawa ng isang mag-ina. Hindi ko rin narinig kahit isang minuto man lang na siya'y tinawag na anak. Ngunit isa lamang ang aking ipingtataka, ako'y humiwalay at tumingin sa kanya nang magkasalubong ang kilay.

"Bakit hindi kayo magkamukha? Ikaw ba'y nagmana sa iyong ama?"

Siya'y nagkibit-balikat at tumingin sa ibaba. "Hindi ko alam. Kahit kailan hindi ko pa nasisilayan ang aking ama kahit sa litrato man lang. Ngunit kung hindi ko man nakuha ang itsura ng aking ina, ako'y nakasisigurong kay Itay ako nagmana." Ngumiti siya ng kaunti na nagtagal ng ilang minuto. Sa aking pagkakatitig sa kanya, doon ko lamang napagtanto na mayroon pala siyang namana sa kanyang ina - ang hugis ng kanyang bilog na mukha.

"H-Hanapin mo na ang iyong ka...ibigan. A-Ayos na ako rito sa iyong silid. Dito muna ako mananatili, maaari ba?" Siya'y tumingala sa akin kasabay ng paggalaw ng kanyang labing nanginginig. Maging ang kanyang maliit na labi pala, namana niya. Hindi ganoon kahalata.

Mabuti na rin lamang ay nagamot ko na kanina ang kanyang bagong galos sa mukha ngunit ang kanyang naunang galos ay hindi pa rin nawawala. Ako'y nag-alala. Baka dumating ang araw na hindi kayanin ng kanyang katawan ang matinding sakit at pagod dahil sa labis na pananakit. Bagay na hindi naisip ng kanyang ina. Importante lamang sa kanya ang kanyang imahe at reputasyon ngunit ang kalusugan ng kanyang anak ay kanyang pinababayaan.

Mayroon din pa lang magulang ang tulad niya. Sa aking pagkakaalam lahat ng magulang ay mahal ang kanilang mga anak.

"Emilia?"

"Ikaw ba'y nakasisigurong ayos lamang dito?" Kung ako ay kailangan niya, maaari namang huwag na muna akong umalis ngunit maaari ring mawala na naman sa aking paningin si Georgina kung ito ay aking papalgpasin.

"Oo naman." Pinunasan niya ang kanyang pisngi at inayos ang sarili. "Masyado na akong nakakaabala sa iyo. Puntahan mo na ang iyong kaibigan. Batid kong kailangan ka rin niya ngayon. Maraming salamat, a, nariyan ka." Hinawakan niya ang aking kamay at pinisil iyon. "Kung sino pa ang taong bago ko lamang nakilala, iyon pa ang aking magiging karamay. Hindi mo nga naman masasabi ang tadhana."

May punto siya. Dumadating ang oras na hindi natin naaasahan ang mga taong ilang taon na nating kilala ngunit kung sino pa ang bagong taong pumasok sa ating buhay, sila pa iyong makakapitan sa oras ng kahirapan. Katulad na lamang niya at ng mag-asawang Ignacio. Ako'y ngumiti at inayos ang buhok na humaharang sa kanyang mukha. "Batid kong mayroong magandang dahilan kung bakit tayo nagkakilala."

Muli siyang ngumiti at marahang tumango sa akin. Ngumiti ako sa kanya sa huling pagkakataon bago tumalikod. Paano ko ba hahanapin si Georgina kung hindi ko batid kung nasaan siya?

"Emilia?"

Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang kanyang tinig na kanina ko pa hinahanap at agad na humarap.

"Ikaw nga, Emilia." Niyakap niya ako nang mahigpit at humiwalay rin agad. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "A-Anong nangyari sa iyo? Ano itong mga galos na ito? Bakit ka naririto?" Sinuri niya ang aking mga braso at leeg. Itinaas niya rin ang manipis na baro't saya na aking suot na pinaglumaan na at tinignan din ang aking hita at binti. "Ano ang mga galos na ito? Saan mo nakuha iyan?"

Hindi ko siya sinagot bagkus siya naman ang aking tiningnan ng kabuuan. Maayos ang kanyang itsura, walang mababakas na galos sa kanyang braso at mukha. Siya rin ay nakasuot ng maayos na baro't saya hindi tulad ng huli ko siyang nakita.

"Bakit may dumi ba sa aking mukha?" takang tanong niya. "Hindi mo pa nasasagot ang aking tanong. Bakit ka naririto? Bakit ka nakasuot ng ganyan? Bakit ka may mga galos? Nasaan si Ginoong Severino?"

"Tayo'y umuwi na, Georgina," tanging sambit ko at hinawakan ang kanyang kamay. "Lisanin na natin itong lugar na ito. Hali na. Sisiguraduhin kong sa pagkakataon na ito, maililigtas na k-kita."

Sandali siyang tumitig sa akin. Nang mapagtanto niya marahil ang aking ibig sabihin, kumunot ang kanyang noo habang nanlalaki ang kanyang mga mata. "Narito ka noong araw na iyon?"

Tanging tango na lamang ang aking naisagot. Hindi pa niya nalalaman na narito ako tulad ng aming napag-usapan dati ngunit sa kasamaang palad, hindi ako nagtagumpay para iligtas siya. Ngunit ngayong narito na siya sa aking harapan, itatakas ko na siya.

"Akala ko hindi ka dumating. Hinintay kita." Siya'y ngumiti nang malapad na nagpaabot sa kanyang tainga. "Ngunit batid kong mayroong dahilan kung bakit hindi umayon sa ating plano ang tadhana."

Umiling ako. Wala namang kinalaman dito ang tadhana. Hindi ko talaga nagawa nang maayos ang plano.

"Hali ka. Huwag tayo rito mag-usap sa gitna ng pasilyo. Baka mayroong makakita sa atin." Hinila niya ako patungo sa isang silid. Pagbukas niya, nakita ko ang isang lalaking mahimbing na natutulog at nakasabit ang uniporme sa dingding.

"Bakit hindi pa tayo tumakas? Georgina, bakit mo ako dinala rito." Nabuhay ang galit sa aking puso nang makita ko kung gaano siya kakomportableng matulog dito gayong mayroon siyang ipinahamak na tao. Siya'y aking hinawakan sa kanyang braso at hinila paalis ngunit pinigilan niya lamang ako. "Georgina, ano ba itong iyong ginagawa? Ipinapahamak mo lamang ang ating sarili."

Nagkatitigan lamang kami ngunit hindi ko man lang siya nakikitaan ng takot at pangamba, Ang bilis ng kabog ng aking dibdib kulang na lamang ay lumabas ang aking puso, takot na baka siya'y magising at isuplong na naman ako kay Doña Israel.

"Huminahon ka, Emilia, hindi naman ako gagawa ng bagay na ating ikapapahamak. Mayroon bang ibang lugar kung saan tayo maaaring mag-usap?" Inanyayahan niya akong maupo sa isang silya malapit sa bintana saka siya naupo, medyo malayo sa kanilang higaan. "Nais ko ring makilala mo siya, Emilia." Bakas sa kanyang tinig ang saya. Hindi ba siya natatakot na baka siya'y pagbuhatan na naman ng kamay ng heneral na iyan?

Ipinagdikit ko ang aking dalawang braso at pinaikutan siya ng mata. Ano ba sa tingin niya ang kanyang ginagawa? Dapat ang ginagawa namin ngayon ay nag-iisip ng paraan kung paano makatakas dito, hindi ba?

Napatawa na lamang siya sa aking inasal. "Ngayon na lamang tayo muling nagkita ngunit sinungitan mo pa rin ako." Paano pa niya nagagawang tumawa gayong kami ay nasa kapahamakan. Maaaring magising siya ngayon at kami'y saktan. Iyan lang naman ang kayang gawin ng isang kastilang tulad niya - ang manakit. "Ikaw ba'y galit sa akin dahil pinigilan kita sa iyong balak?" Bumalik ang kanyang mukha sa pagiging seryoso ngunit ang kanyang labi ay nakaawang kaunti.

"Hindi kita maintindihan. Noon, nais mong tumakas. Kita ng aking dalawang mata kung paano ka niya saktan, Georgina, ngunit bakit ngayon tila may nag-iba?" Guni-guni ko lamang ba ito o totoo itong aking nararamdaman? Ayaw na niyang tumakas at nais na lamang manatili kung nasaan siya ngayon kasama ang walang pusong heneral na iyan? "Baka iyong nakakalimutan, mayroon kang ina na naghihintay sa iyo."

"Huwag kang mag-alala walang araw na hindi ko naiisip ang aking ina."

"Kung gayon, ano ang ibig sabihin nito? Bakit hindi pa tayo tumakas? Ikaw, iligtas mo ang iyong sarili. Huwag mong sayangin ang iyong buhay sa heneral na iyan." Bahagya ng tumataas ang aking tinig at makailang irap na rin ang aking ginawa sa kanya. Sana naman naiintindihan niya ang aking ipinapahiwatig. Huwag siyang tanga.

Sandali siyang tumingin sa gawi ng heneral ng may ngiti sa labi saka lumingon sa akin. "Mali ang ating pagkakakilala sa kanya, Emilia." Tumingin siya sa labas ng bintana at isinandal ang ulo sa gilid nito. "Hindi batayan ang ilang beses niyang pagkakamali para lamang masabi natin na siya'y masama."

"Ha? Ano ba ang iyong sinasabi?"

"Nais ko makilala mo siya, Emilia."

"Kilala ko na siya. Lahat ng tao rito ay kilala siya." Kilala siya ng lahat ng tao rito dahil siya ay heneral ng guardia sibil. Ano pa ba rin vanng dahilan upang kilalanin ko pa siya ng husto? Hindi ko pa nakakalimutan ang kanyang ginawa sa aming pagsuplong.m

Siya'y umiling at inalis ang ulo mula sa pagkakasandal. "Nais ko siyang makilala mo kung paano ko siya nakikilala."

Kumunot ang aking noo at hinawakan siya sa balikat. "Hindi kita maintindihan. Gumising ka nga, Georgina. Ano ba ang lumalabas sa iyong bibig? Nakalimutan mo na ba ang lahat ng ginawa niya sa iyo? Kulang na lamang ay patayin ka niya sa sarili niyang kamay tapos ngayon, heto ang lalabas sa iyong bibig? Hindi ito ang aking inaasahan sa iyo Georgina!"

"Hmmm."

Kapwa kami napalingon ng marinig namin ang kanyang mahinang ungol. Sumenyas sa akin si Georgina na ako'y tumahimik nang mapalingon ako sa kanya. Mabuti na lang hindi siya tuluyang nagising.

"Maiintindihan mo rin ang aking sinasabi sa darating na araw, Emilia, paumanhin ngunit batid kong sarado ang iyong isip kahit ito ay aking ipaliwanag sa iyo."

Tumayo ako at hinawakan siya sa kamay bago pa siya lumapit sa malaking higaan. "Hindi ko naiintindihan kase hindi mo pinapaliwanag ng maayos. Sabihin mo nga sa akin, ano ang kanyang ginawa sa iyo para maging ganito ka? Sinabihan ka ba niya ng kung ano-ano, Georgina?"

Marahan lamang siyang umiling at bumitiw sa aking pagkakahawak. "Kagustuhan ko lahat ng ito, Emilia, patawad ngunit huwag mo na akong itakas pa." Muli niya akong tiningnan ng kabuuan. "Hindi mo pa nasasagot ang aking mga katanungan. Paano ka napunta rito? Batid ba ito ni Ginoong Severino?" Hinila niya ako muli paupo kaya wala na akong nagawa pa. Wala na rin akong lakas para makipagtalo pa sa kanya.

Isinalaysay ko sa kanya ang lahat ng nangyari mula nang ako ay mapadpad dito, maging ang kakaibang asal sa akin ni Binibining Floriana nang ako'y dalhin dito. Tahimik lamang siyang nakikinig at panaka-nakang nagbabago ng reaksyon. Napansin ko rin ang pagyukom ng kanyang kamao at awa sa kanyang mga mata. Lahat na lamang sila ay naaawa sa akin. Hindi naman iyon ang aking kailangan. Kailangan kong makaalis dito para kunin si Delilah at lisanin ang bayan na ito. Napagpasyahan ko noong mga nakaraang linggo, ang tanging paraan lamang upang makalayo sa lahat ng ito ay iwan ang lugar na ito.

Napahawak siya sa kanyang baba at tumingin pa sa kawalan. "Ang ipinagtataka ko lamang kung bakit ganoon ang inasal ni Binibining Floriana." Kumunot ang kanyang noo at tumingin sa akin. "Mayroon ka pa bang hindi nababanggit sa aking detalye, Emilia?"

Lihim akong napalunok at napatulala ng ilang segundo. Bakit niya iyon naitanong? Ayaw kong malaman niya ang nangyayari sa aming dalawa ni Ginoong Severino.

"Marahil ay mayroong nagawa si Ginoong Severino kaya't ganoon na lamang ang pakikitungo niya sa iyo. Sa iyong palagay sino ang iyong totoong kalaban dito, Emilia? Si Doña Israel na nagpapahirap sa iyo, si Doña Lucia na nagdala sa iyo rito o si Binibining Floriana na umasta sa iyo ng araw na iyon?"

"Hi-Hindi ko alam." Hindi ko inaasahan na ito'y itatanong niya. Bakit?

"Mukhang hindi pa umaabot sa iyo ang balita? Hindi ba nasabi sa iyo ni Ginoong Severino nang ikaw ay kanyang niligtas?"

"Ang ano?" Anong dapat niyang sabihin sa akin? "Sabihin mo sa akin anong balita iyon?" Hindi kaya ang bulungan ng grupo ng kababaihan kanina na aking narinig? Sangkot doon ang pangalan ni Ginoong Severino, marahil ito ang tinutukoy ni Georgina. Nawala na rin pala ito sa aking isipan dahil sa nangyari kay Miguelita.

"Nais kong sabihin sa iyo ngunit wala ako sa posisyon upang gawin iyon. Maaari mo siyang tanungin."

"Hindi. Sabihin mo sa akin ang iyong nalalaman, Georgina. May narinig akong bulungan kanina ng kababaihan patungkol sa akin kabilang ang mag-nobyo." Bakit kaae hindi na lamang nila sabihin sa akin lahat ng buo? Bakit kailangan pa nilang putulin?

"Mag-nobyo? Ako ay nasa pamamahay ni Heneral Cinco ngunit umabot doon sa balita. Batid mo ba, Emilia? Mula nang ako'y pahirapan ng lalaking iyan, lagi niyang sinasabi sa akin na kailangan kong maging matalino, may matalas na isipan sa lahat ng bagay dahil iyon lamang ang maaaring makasalba sa akin upang makahanap ng diskarte kung nais kong makawala sa kanyang mga kamay." Saglit siyang tumigil at lumingon sa heneral na mahimbing pa ring natutulog. Sandali lamang, bakit siya nagpapahinga rito mayroon naman siyang sariling mansion? "Nang dahil sa kanya, natututunan ko iyon sa bawat araw na kami ay magkasama. Bawat paglapat ng kanyang kamay sa aking katawan ang siyang aking lakas para lumaban sa araw-araw."

Nagulat ako sa aking nalaman. Saglit akong napatingin sa heneral at muling binalik ang tingin sa kanya. Hindi ko inaasahan na lalabas ito sa kanyang bibig. Ano ang dahilan niya upang ituro niya iyon kay Georgina? Parang hindi na siya ang aking nakilala na medyo mahina ang isipan para maintindihan ang mga bagay-bagay. Tila ibang Georgina ang aking kaharap ngayon.

"Kaya sa iyong salaysay, ako'y nakukutuban. Mayroon kang hindi pa sinasabi sa akin? Mayroon bang sinabi sa iyo o ginawa si Ginoong Severino?"

"W-Wala."

"Sabihin mo na, hindi ko sasabihin sa iyo ang aking nalalaman sige ka?"

"Akala ko ba si Ginoong Severino ang aking tatanungin patungkol diyan?"

"Maaari ko ring sabihin sa iyo ngunit hindi mo masasabi ang dahilan sa likod kung bakit niya iyon ginawa." Ngumiti siya nang matamis at sabay na tinataas-baba ang parehong kilay na tila nanunukso. "Hindi ko aakalain na dito kayo dadalhin ng iyong pag-iibigan. Ang dami kong natutunan at napagtanto sa inyong dalawa."

Ano?

"Sabihin mo na sa akin ang lahat bago pa siya magising. Mayamaya lamang ay aalis na rin kami."

Huminga muna ako nang malalim bago ko sabihin sa kanya ang lahat. Napapatigil ako sa pagkukwento oras-oras dahil sa impit na pagtili niya habang nanlalaki ang mga mata, pakagat-kagat pa sa labi at mariing niyuyugyog ang aking balikat.

"Hiyaaaahhh!" malakas na sigaw ni Georgina nang may ngiti sa labi.

"The fuck?!"

Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang kanyang tinig. Nagising ang heneral dahil sa lakas niya!

"A, I'm sorry, Heneral," ngiting paumanhin ni Georgina sa kanya samantalang siya'y nakaupo, seryoso lamang ang mukha at palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa. "Ituloy mo na ang iyong kuwento, Emilia!"

Kunot-noo akong tumitingin sa kanila. Hindi ito ang aking inaasahan na tagpo. Ang makitang seryoso ang heneral at napapahikab pa at si Georgina naman na hindi kakikitaan ng takot sa malakas na sigaw na kanyang ginawa ng siya'y magising. Ano ang ibig sabihin nito?

"Aren't you the one who's with Señorito Severino a few nights ago?" tanong ng heneral at bumangon. Sinuot niya ang kanyang uniporme saka lumapit sa amin.

Ako nama'y napatayo agad dahil sa kaba at takot. Kahit kailan talaga ang bibig ni Georgina! Ilang beses na ba akong napahamak dahil sa kanyang walang prenong bibig? Hindi ako makasagot sa sinabi ng heneral dahil hindi naman ako nakakaintindi ng wikang espanyol.

"Do you know her, Georgina," dagdag pa niya. Nais ko sanang tignan ang kanyang mukha ngunit ako'y nasisindak. Nasa aking harapan ngayon ang nagpahamak sa akin. Nasa aming harapan ngayon ni Georgina at maaari niya kaming saktan!

"Si, Heneral. She's my friend, Emilia," sambit naman ni Georgina. Humawak siya sa aking braso kaya ako'y napatingin sa kanya. "Siya'y nagtanong kung ikaw ba'y aking kilala. Sinabi ko rin na kaibigan kita." Lumitaw na naman ang kanyang ngiti.

"Let's go. We'll go home," huling sabi ng heneral bago siya umalis ng silid.

Ngayon lamang ako nakahinga nang maayos at napahilamos pa sa aking mukha. "Muntikan na iyon, Georgina. Muntik na tayong mapahamak dahil sa iyong sigaw." Pinanlakihan ko siya ng mata na kanya lamang ikinatawa.

"Paumanhin, ako'y kinilig lamang sa kwento niyong dalawa. Sa aking palagay, tama lamang ang ginawang desisyon ni Ginoong Severino."

"Anong desisyon?"

"Na tapusin ang namamagitan sa kanila ni Binibining Floriana."

Ako'y napatigil at napasinghap. Tila nawalan ako ng hininga sa kanyang sinambit. Ilang segundo ko rin pa lang pinigilan ang aking paghinga. Totoo ba iyong narinig ko? "Pa-Pakiulit?"

"Maging ako ay hindi rin makapaniwala ngunit iyon ang balitang kumakalat ngayon, Emilia, tinapos na raw ni Ginoong Severino ang namamagitan sa kanilang dalawa ni Binibining Floriana."

Mabuti na lamang nasa gilid ko lamang siya kaya nasalo niya ako. Nanghina ang aking mga tuhod. Pakiramdam ko'y tuluyan na akong nawalan ng lakas.

Bumalik sa aking alaala ang mga tingin at bulungan ng mga tao patungkol sa akin.

"Hindi ba't iyan ang ipinalit ni Ginoong Severino kay Binibining Floriana?"

"Siya ba?"

"Mas hamak na marikit si Binibining Floriana kaysa sa kanya?"

"Nabahiran ng dumi ang kanyang imahe dahil sa babaeng iyan."

Naramdaman ko na lamang ang mainit na likido sa aking kamay. Isa, dalawa, tatlo, apat na patak at higit pa.

"Emilia..."

"Bakit niya iyon ginawa, G-Georgina?" Napatulala na lamang ako. Hindi ko na alam ang aking nararamdaman ngayon. Bigla akong kinabahan, natuwa, nalungkot, natakot, nasaktan. Halo-halo. Dapat ba akong matuwa kase ngayo'y tapos na ang namamagitan sa kanila o mas lalo akong matakot sa posible pang mangyari? Totoo ang kanilang sinabi. Nabahiran ng dumi ang pangalan niya at ng kanyang pamilya dahil sa akin.

"Dahil mahal ka niya, Emilia. Ginawa niya iyon dahil sa pagmamahal niya para sa iyo."

Hiling ko lamang sa kanya na siya'y gumawa ng bagay na hindi niya ikapapahamak ngunit mukhang hindi natupad ang kahilingan kong iyon.

"Alamin mo rin kung sino ang iyong totoong kalaban. Maraming nagpapahirap sa iyo, Emilia, kung hindi mo malalaman kung sino iyon, hindi masasagot ang iyong mga katanungan. Nandito lamang ako. Maaasahan mo ako. Maaasahan mo kami, Emilia."

-------------------Agosto 25, 1895-------------------

Sumosobra na kayo.

"Hindi ka ba nahihiya sa iyong sarili, Emilia?! Nailagay mo sa kahihiyan ang aming pamilya!" Malakas na sigaw ni Doña Lucia at muli na naman akong sinampal. Pang-ilang beses niya na ba ito? Hindi ko maramdaman ang aking pisngi, naginginig na rin ang aking kalamnan. "At sa iyong palagay, hahayaan kong makabalik ka sa pangangalaga ng pamilyang iyong pinanggalingan? Lahat ng nangyari sa iyo ay walang-wala sa kahihiyan na iyong idinulot sa amin! Nang dahil sa iyo kaya hindi na matutuloy pa ang kanilang pag-iisang dibdib!"

Nalasahan ko ang dugo sa aking bibig. Nakayuko ako at napangiti nang mapait. Ilang beses pa ba akong mapapahiya sa harap ng maraming tao? Hindi ba sila nagsasawang agawin ang atensyon ng iba? Hindi ba sila magsasawang ilapat ang kanilang kamay sa aking katawan? Dahil ako? Sawang-sawa na. Napapagod na akong mapahiya at masaktan ng iba bagay na hindi nagawa ng aking sariling magulang nang sila'y nabubuhay pa.

"Sinira mo ang lahat. Sinira mo kung ano man ang mayroon kami ni Severino," wika niya. Naramdaman ko na lamang na hinawakan niya nang mariin ang aking buhok. "Kulang pa ang sakit na iyong dinadanas sa sakit na aking nararamdaman." Gumalaw nang ilang beses ang kanyang panga, mas diniinan ang paghawak sa aking buhok. Ang kanyang mga mata ay puno ng galit. Kung nakamamatay lamang ang tingin, kanina pa ako nawalan ng hininga.

Ngayon batid ko ng hindi guni-guni ang aking nakita noon. Tunay ngang masama ang kanyang tingin sa akin. Aking inangkin ang isang kasalanang hindi ko naman ninais. Ngayon lamang nagtagpi-tagpi sa aking isip ang lahat ng nangyari noon.

"Nang dahil sa iyo kaya nawala ang pagmamahal sa akin ni Severino," bulong niya sa aking kanang tainga. "Makinig kayong lahat," sigaw niya rin bigla. Siya'y tumigil sandali, binitiwan ang pagkakahawak sa aking buhok at tumayo sa harap ng mga panauhing naririto sa loob ng bahay-aliwan. "Itong babaeng ito ang dahilan kung bakit nasira ang magandang plano ng aming mga pamilya. Binigyan niya ng maruming imahe ang pamilyang nag-aruga sa kanilang dalawang magkapatid. Ano sa tingin niyo ang dapat gawin sa taong nagkasala?"

"Patayin!"

"Hindi matatawaran ng isang paumanhin lamang ang kanyang ginawa sa iyo, Binibining Floriana!"

"Dapat lamang niyang pagbayaran iyan!"

Sinundan ko ng tingin ang mga tao. Kitang-kita sa kanilang mga mata ang galit sa akin. Kulang na lamang ay pagtulungan ako hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga. Ako'y tumayo na kanilang ikinabigla. Ang lakas ng kanilang loob para ako'y husgahan gayong wala naman silang nalalaman sa akin. Sa mukha lamang nila ako kilala ngunit wala silang alam sa aking buhay. Panahon na marahil upang ako'y lumaban. Ilang linggo ko tiniis ang kanilang pananakit sa akin. Tao rin ako at mayroong karapatan kahit katiting lamang.

Humarap ako kay Binibining Floriana. Kahit masakit na ang aking katawan dahil ilang minuto nang mula sila'y dumating dito upang dalawin si Doña Israel ngunit dumating ang pamilya y Fontelo upang ako'y sunduin dahil tapos na ang dalawang linggo na napag-usapan ng dalawang pamilya. Sa totoo lamang, lagpas dalawang linggo na. Sadyang hindi lamang pumapayag si Doña Israel na ako'y umalis kahit ilang beses ko ng pinipilit.

"Ano ang iyong tinitingin-tingin diyan? Huwag mong sabihing mayroon ka ng lakas ng loob upang lumaban? Hindi mo kilala ang iyong kinakalaban, Emilia,"  taas-noong wika ni Binibining Floriana kasabay ng pagtaas ng kanyang kilay. Tumaas ang gilid ng kanyang labi. Ipinagdikit niya rin ang kanyang dalawang braso habang hinihintay ang aking sasabihin.

Ngumiti ako at naglakad nang dahan-dahan. Kita ko sa gilid ng aking mga mata ang pamilya y Fontelo na sinsusundan ng tingin ang aking bawat galaw lalo na siya. Taas-noo kong sinalubong ang matatalim na titig ng babaeng nasa aking harapan. "Sa iyong palagay bakit nawala ang pagmamahal sa iyo ni Ginoong Severino?"

"Dahil siya'y iyong inakit!"

"Inakit?" Napatawa ako nang mahina hanggang sa iyo'y unti-unting lumakas kasabay ng pagtigil ng aking mga paa. "Bakit ko aakitin ang isang ginoong maaari namang magmahal sa akin ng kusa?"

"Aba---." Hindi naituloy ni Doña Lucia ang kanyang sasabihin dahil siya'y pinigilan ng kanyang anak.

"Huwag mong ibaling sa akin ang sisi, Emilia, lahat ng ito ay iyong kasalanan!"

"Sabihin mo nga ang totoo, Binibining Floriana, noong araw na kami'y naliligo ni Magdalena sa batis at pag-akyat mo sa puno ng mansanas, lahat ba ng iyon ay parte ng iyong plano upang makaganti sa akin dahil ako ang kanyang pinili at hindi ikaw?" Napansin ko ang pagbabago sa kanyang mukha. Tila siya'y nagulat ngunit naibalik niya rin sa dati ang kanyang emosyon.  Patunay lamang na ito na tama ako? Hindi ko naman alam ang ang tunay na dahilan ni Ginoong Severino kung bakit ito nakipaghiwalay sa kanya. Ni hindi nga ako nakasisiguro kung ako ba ay kanyang pinili o mayroon pa siyang ibang dahilan.

"Kung ano-ano na lamang ang iyong sinasa---."

"Dahil totoo?" pagputol ko. "Noong araw na pinutol ni Ginoong Severino ang namamagitan sa inyo, iyong plinano kung paano ako mapapabagsak hindi ba? Marahil ay kasabwat mo ang iyong ina" sabay tingin ko kay Doña Lucia na tila nasorpresa rin. Lubos akong nagpapasalamat kay Georgina. Kung hindi lamang sa kanya, hindi ko mapagtatagpi-tagpi ang lahat.

Ngayon unti-unti ko ng napapatunayan ang aking mga hinala. Georgina, unti-unti ko nang nakikilala ang aking totoong kaaway. Nagbabalat-kayo lamang pala siya.

Sandali akong tumingin sa gawi ng kanyang pamilya na nakaawang ang bibig at nanlalaki ang mga mata. Ngunit isang reaksyon ang nakaagaw ng aking pansin, si Ginoong Angelito na nakangiti habang magkakrus ang kanyang dalawang braso. Tila siya'y naaaliw sa kanyang nasasaksihann. Naalala ko sa kanya si Delilah. Wala man siya sa aking tabi ngayon ngunit batid kong ito ng kanyang nais - ako'y lumaban tulad ng aking ginagawa. Ginoong Angelito, nawa'y iyong alagaan at protektahan si Delilah para sa akin tulad ng iyong ginawa noon.

Muli akong tumingin sa mag-inang nasa aking harapan na mas lalong lumalala ang galit sa akin.

"Huwag mong idadamay rito ang aking ina, Emilia, hindi ako magdadalawang isip na ika'y parusahan."

"Ako ba'y binabantaan mo, Binibining Floriana? Anong klaseng parusa? Paslangin? Kung nais mo maari mo akong patayin sa kanilang harapan para kayo'y tuluyang magsaya. Hindi niyo pa ba ako pinapaslang sa inyong mga isipan?" Sa kanya bang palagay, masisindak pa ako? Masyado na akong naghihirap dahil sa kanila. Matagal na niya akong pinaslang. Mula ng lahat ng ito'y kanyang plinano, pinaslang na niya ako. "Wala akong pinag-aralan, Binibining Floriana, hindi ako tulad mo ngunit huwag mo sanang isipin na ako'y tanga para hindi ko maisip ang iyong masamang balak para sa akin." Nangilid ang aking luha. Naalala ko kung paano ko tanggapin ang kanilang mga parusa. Ako'y naghihirap at nasasaktan habang sila ay nagsasaya.

"Mayroon bang magbabago sa iyo kung aking aaminin na lahat nga ng ito ay aking plano? Alam mo..." Siya'y naglalakad pabalik-balik at ngumiti sa akin nang nakakasindak. "Noong una kong nasaksihan kung paano mag-alala sa iyo ang aking nobyo, ako ay naalarma na ngunit noong una, hinayaan ko lamang ito. Ngunit sa pagtagal ng panahon ay mas lalong lumalakas ang aking pakiramdam hanggang siya'y nakipaghiwalay sa akin. Noong nakita ko kayo sa batis na naliligo, buo na ang plano para ako'y makipaghiganti sa iyo. Sa tingin mo hahayaan kong maging masaya kayong dalawa samantalang ako ay nagdurusa?" Napalitan muli ng galit ang kanyang mga mata at huminto sa aking harapan.

Ang sakit marinig mula sa kanya ang katotohanan kahit batid ko na ang totoo. Akala ko pa naman iba siya sa lahat ngunit hindi pala. Kung ano ang itinanim, siya ring bunga. Mag-ina ngang tunay. Pinakita na niya sa aming lahat ang tunay niyang kulay.

"Sa tingin ko tama lamang ang ginawang desisyon ni Ginoong Severino na hiwalayan ka. Batid mo ba kung bakit?" wika ko. Humakbang ako ng tatlong beses palapit sa kanila habang namumula na ang aking mga mata. Nagiging luha ang galit na aking nararamdaman. Sobrang sakit. Para akong walang karapatan. "Masyadong busilak ang puso ni Ginoong Severino para sa iyo, Binibini. Karapat-dapat lamang sa kanya ang isang binibini na mabuti para sa kanyang kalusugan lalong-lalo na para sa kanyang pamilya."

Isang malakas na sampal ang dumapo sa aking kaliwang pisngi. Nakita ko na lamang ang kamay ni Binibining Floriana sa ere habang mabigat ang kanyang paghinga.

"Ipinaparating mo ba na ako'y hindi makabubuti para sa kanya?!"

Ganoon nga, Floriana. Ganoon nga.

"Ano sa iyon tingin upang pagsalitaan ng ganyan ang aking anak, ha?! Ipinapahiya mo ang aking anak!" Akmang sasampalin na naman niya ako nang mahawakan ko ang kanyang kamay. Napasinghap naman ang mga manonood. Ngayon lamang ba sila nakakita ng isang ordinaryong babae na lumaban sa isang doña?

"Masakit na ang aking pisngi, Doña Lucia, huwag mo ng dahgdagan pa" sabay baba ko sa kanyang kamay. "Kayo lang naman ang nagpapahiya sa iyong pamilya, Doña Lucia. Hindi ba sumagi iyon sa iyong isipan?" Dumako ang aking mata kay Binibining Floriana na tumutulo na ang mga luha. "Dahil sa iyong ginawa sa akin, pinatunayan mo lamang sa kanya lalong-lalo na sa kanyang pamilya na ikaw ay hindi karapat-dapat na babae para sa kanya.

"At sino ang karapat-dapat, ikaw?!"

"Wala kang narinig na may ganoon akong sinabi ngunit ang tanging alam ko lamang ay hindi ka makakabuti para sa kanya."

"Pagbabayaran mo ang lahat ng ito, Emilia!"

"Napagbayaran ko na, Binibini, hindi pa ba sapat iyon at nais mo pang madagdagan?"

"Dapat sa iyo ay mamatay!" Sinampal na naman niya akong muli na nagpadugo ulit sa aking labi. Siya'y nakararami na. Pasalamat siyang mayroon pa akong respeto sa kanya.

"Floriana, tama na iyan," pagsingit ni Ginoong Severino, ipinulupot ang kanyang braso sa akin at pinalayo sa kanya.

"Ano ang nakita mo sa kanya, Severino? Masaya naman tayo noon, a? akala ko ba ako lamang ngunit bakit..." Hindi na niya naituloy pa ang kanyang sinasbai dahil siya'y nagsimula ng humagulhol. "W-Wala kang na...rinig sa aking masamang salita matapos mong putulin kung ano man ang mayroon tayo."

Kailan ba sila naghiwalay? Nais ko sanag itanong iyan kay Ginoong Severino ngunit huwag na lamang. Ayaw ko ng makialam pa lalo na't iyan ay kanilang problema.

"Floriana."

"Bakit? Bakit nawala ang iyong pagmamahal sa akin? Ipagpapalit mo na lamang ako sa isang kasambahay at bayarang babae pa!"

Humiwalay ako sa pagkakahawak sa akin ni Ginoong Severinbo. Nais ko nang umalis dito. Ako'y nasasakal. Nakakapanghina ang lahat ng ito. Hinang-hina na ako.

"Hindi mo man lang inisip ang magiging bunga nito sa ating pamilya. Mas inuna mo pa ang iyong kaligayahan kaysa sa pagpapatibay ng ating relasyon. Mas pinili mong bumitiw kaysa ayusin. Saan ka kumuha ng loob upang makipaghiwalay sa akin, ha? Saan?!" Siya'y lumapit sa kanya at pinaghahampas ang dibdib nito.

Nasasaktan ako para sa kanya. Batid ko kung gaano kahirap at kasakit ito. Para isa itong masamang panaginip na hihilingin mo na lang na matapos agad upang hindi ka na masaktan na.

"Nasaan na ang iyong mga pangako? Ipinangako mo sa akin na ako lamang ang babaeng iyong mamahalin ngunit bakit nangyari ito? Bakit, Severino, bakit?" Mabuti na lamang siya'y nasalo ni Ginoong Severino dahil kung hindi, siya'y mapapahiga sa papag dahil nawalan siya ng balanse habang patuloy na lumuluha.

Nakaawang lamang ang labi ni Ginoong Severino habang napapatula  sabay napalingon sa akin pagtapos "Pa...tawad. Patawad." Sino ang kanyang sinasbihan? Ako ba o siya? Ano ang kanyang ipinagpapatawad? Ang nagawa niya sa kanyang dating nobya o ang pagpili niya sa akin?

"Ikaw lamang a-ang aking minahal ng tapat at lu-lubusan ngunit ba-bakit ito ang iyong isinukli? Hindi pa ba ako sapat sa iyo, S-Severino? Hindi pa ba sapat ang pagmamahal ko para sa iyo?"

"Hindi sa ganoon, Flor---"

"Sabihin mo sa akin dahil pupunan ko. pPupunan ko ang aking pagkukulang. Pu-Pupunan ko, bumalik ka lamang sa a..kin. Ako na lamang ulit, Severino. Ako na lang ulit." Siya'y napasandal na sa dibdib ng ginoo at doon na labis humagulhol. Hindi na niya alintana ang kanyang pinakaiingatang imahe at tingin ng mga tao. Tila nawala sa kanyang isipan na narito kami, nakikinig at pinagmamasdan sila.

Napaiwas ako ng tingin. Inaamin kong ako'y nagagalit sa kanya ngunit ang marinig ng siya'y nagmamakaawa ay tunay na nakakadurog ng puso. Labis niya itong minamahal. Ngayon ko lamang napatunayan nang husto. Kasalanan ko ba talaga ang lahat? Wala naman akong sinabi kay Ginoong Severino na siya'y mamili at kailangan niya akong piliin, e. Siya lamang ang nagdesisyon niyon. Ako'y walang kaalam-alam. Kung hindi pa sinabi sa akin ni Georgina, hindi ko pa malalaman ang tungkol doon.

"Ihahatid na kita sa inyo, Floriana, Ika'y magpahinga na. Lumalamig at lumalalim na rin ang gabi," mahinang sambit niya ngunit rinig pa rin namin kaya't napatingin ako sa kanila.

Umiling naman si Binibining Floriana at inangat ang mukha. Sila ngayo'y nakatingin ni Ginoong Severino sa isa't isa. "Akin ka na lamang muli. Tuparin nating dalawa ang ating mga pangako, Severino."

Marahan naman siyang umiling sa kanyang sinabi bagkus ito'y inalalayan upang makatayo nang maayos.

"Kapag ba itinama ko lahat ng ginawa ko kay Emilia, ikaw ay babalik sa akin? Sabihin mo lamang handa akong itama ang lahat ng iyon. Severino, pakiusap, ako na lamang ulit." Handa siyang gawin iyon para lamang bumalik sa kanya ang lalaking kanyang iniibig. Ibang uri ng pagmamahal. Doon siya dinala ng kanyang pamamahal para kay Ginoong Severino. Ako? Hanggang saan ang aking kayang gawin para sa kanya?

"Ihahatid na kita sa inyo," tanging lumabas sa kanyang bibig at marahnag itong inalalayan pasakay sa karwahe. Siya'y nagpaalam kay Doña Lucia kung maaari ba itong sumakay sa parehong karwahe na sinasakyan ng kanyang anak upang mabantayan. Sa aking nakita, ayaw nitong pumayag ngunti nang mapagtanto ang kalagayan ng anak, sumang-ayon din siya.

Ako nama'y naglakad papunta sa aking silid nang maramdaman ko ang pagsunod sa akin ni Miguelita.  "Miguelita, ako'y aalis na," wika ko sa kanya sabay harap sa kanya.

Tila hindi siya nagulat sa aking sinmabit bagkus siya'y ngumiti lamang at tumango. "Batid ko, Emilia, ilang beses mo na ring sinabi iyan kay Ina."

Narinig ko pa na ipinapautos ni Doña Israel na ako'y ikulong dahil sa aking ginawang paglaban ngunit wala siyang nagawa nang magsalita na si Don Faustino at ipinatigil ang mga kalalakihan na siyang maghuhuli sana sa akin.

Kinuha ko lamang ang mga gamit na aking mapapakinabang tulad ng iilang damit na aking binili noon sa bayan. Naramdaman ko namang sinsundan niya ng tingin ang aking bawat galaw. "Paalam, mag-iingat ka palagi rito." Siya'y aking niyakap nang mag-init muli ang aking mga mata. Mahirap para sa akin na siya'y iwanan dahil batid kong kailangan niya ng makakasama rito ngunit hindi rin naman maganda kung ako pa'y mananatili rito ng mas matagal.

"Napahanga mo ako kanina. Hindi ko batid na mayroon ka palang ganoong ugali. Akala ko noong ikaw ang tipong tao na magpapaapi lamang." Hindi ko siya masisisi kung ganoon ang kanyang tingin sa akin. Para lamang iyan bida sa isang istorya, sa una lamang magpapaapi ang bida ngunit lalaban din sa huli.

"Hindi ko pa naitatanong sa iyo, paano nila nalaman na tinulungan mo ako?"

Nagsalubong ang kanyang kilay at napaikot ang mata. "Ang bagong kanang kamay ng aking ina. Nakita niya raw ako na may kausap na ginoo at pinapasok sa iyong silid. Sa aking palagay, binabantayan niya ang aking mga galaw."

Wala na talagang mapagkakatiwalaan dito. "Ang Diyos na ang bahala sa kanila, Miguelita."

"Ngayon batid ko na ang dahilan kung bakit ikaw ang kanyang pinili at siya'y hindi nagkamali." Ang kanyang naiinis na mukha ay napalitan na ngayon ng ngiti. Batid ko naman kung ano ang kanyang tinutukoy.

Tama lamang ba na ako'y kanyang piliin? Dahil sa aking palagay ay mali. Nang dahil doon kaya nasira ang mayroon sila. Ang magandang plano ng kanilang pamilya ay nasira dahil sa akin. Mukhang tama nga ang mag-ina, ito'y kasalanan ko lahat.

"Ikaw ba'y babalik sa hacienda y Fontelo?" tanong niya.

"Kukunin ko lamang ang aking kapatid doon at iilang mga gamit. Balak kong umalis na rito sa bayang ito at mamuhay sa ibang lugar." Hindi ko batid kung tama ba itong aking gagawin ngunit ito lamang ang mas makabubuti para sa amin ni Delilah. Hindi na kami ligtas dito. Hindi ko alam kung saan kami tutungo.

"Mayroon ka bang ibang kamag-anak sa ibang lugar?"

"Wala."

Marahan siyang tumango at tinapik ang aking balikat. "Mag-iingat ka kung saan man kayo magtutungo. Nais sana kitang padalhan ng sulat ngunit maging ikaw hindi mo batid kung saan kayo pupunta." Siya'y napatawa na aking ikinangiti.

"Hindi ka naman aalis dito, hindi ba? Ako na lamang ang magpapadala sa iyo ng liham," wika ko. Nais ko rin naman siyang kumustahin kahit kami ay magkalayo na. Tuluyan na akong nagpaalam sa kanya. Sinundan lamang ako ng mga tingin ng ibang tao maging si Doña Israel na nagpapaypay habang nakataas ang kilay. Wala na siyang nagawa kahit nais man niya akong parusahan.

****

"Maaari naman kayong manatili rito, Emilia, huwag na kayong umalis," sambit ni Doña Criselda at hinawakan ako sa kamay. "Saan kayo magtutungong dalawa? Wala na kayong natitirang pamilya." Namumula ang kanyang mga mata

"Kahit saan ho kami dalhin ng aming mga paa."

Nang ako'y makita ng aking mga kasama, sinalubong nila ako ng yakap at pangangamusta. Tiningnan din nila ang aking katawan upang suriin. May ibang napasinghap at nagalit sa mag-inang De Montregorio. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nalaman.

Si Magdalena nama'y naiinggit dahil ako raw ang pinili ni Ginoong Severino. Napangiti na lamang ako. Mahigit dalawang linggo ko silang hindi nakita, nakakapangulila rin pala. Ramdam ko ang kanilang sinseridad kahit ako'y mailap sa kanila paminsan-minsan.

"Hindi ka na ba namin mapipigilan?" tanong naman ni Don Faustino na nakatayo malapit sa kanyang asawa at sandaling tiningnan ang aking mga dala.

Bitbit ko na ang aming kagamitan namin ni Delilah. Pag-alis na lamang namin ang kulang.

"Hindi mo ba mahihintay si Kuya Severino? Tiyak akong hahanapin ka niya," sambit naman ni Binibining Juliana kaya ako'y napalingon at marahang umiling.

Napahinga na lamang ako ng malalim. Sa kabila ng kanyang ginawa para sa akin, hindi ko alam kung handa ba akong magpaalam sa kanya. Ako'y natatakot na magbago ang aking isipan kapag siya'y aking nakaharap lalo na kung maririnig ko ang kanyang pakiusap. Ako pa nama'y nanghihina kapag siya'y aking kaharap. Ganoon kalakas ang epekto niya sa akin.

Tuluyan na akong nagpaalam at handa ng umalis nang bigla siyang dumating. Napakunot ang kanyang noo at napatingin sa aking mga dala. Bumilis ang kanyang mga hakbang patungo sa akin at kinuha ang aking mga dala.

"Iiwan mo ako?" bungad niya sa akin.

Napaawang ang aking labi. Hindi ko inaasahan na ito agad ang kanyang ibubungad sa akin. "A... hin-hindi naman---." Hindi ko alam ang aking dapat sabihin. Paano ko ba ito sasabihin nang hindi ko siya masasaktan?

"Tuluyan mo na akong iiwan?"  Natutunaw ako sa kanyang mga tingin. Ang lapit ng kanyang mukha sa akin. Ramdam ko ang bigat ng kanyang paghinga at lungkot sa kanyang mga mata saka bumulong. "Hindi pa nga tayo nagsisimula, ika'y lilisan na. Paano na ako, Emilia?"

---------

<3~