Ika-labing Isang Kabanata
Matapos ang ilang oras pagkarating ko sa San Jose de Granada Hospital, nakatulog ako sa isa sa mga kama dito. Sa tingin ko ay halos isang oras akong umiiyak-humahagulgol-bago niya ako mapatahan. Alam ko pa nga na napapatingin ang ibang pasyente sa 'kin, gano'n rin ang ilang madre. Hindi ako iniwan ni Sister Rosanna habang hindi ako tumatahan."Ikaw pala ay nagkamalay na, Monica," rinig kong sambit ni Sister Rosanna nang may awa sa kaniyang mga mata. Tanging pagngiti lang ang ginawa ko. "Lumubog na ang araw. Kung iyong nanaisin, maaari ka munang manatili dito. Magpapadala na lang ako ng isang sulat na ika'y naririto," suhestyon niya na ikinabigla ko. Agad akong napahawak sa kaniyang mga kamay at umiling."K-kaya ko pong umuwi, binibining mongha. Huwag mo pong sasabihin kahit kanino ang sinabi ko sa inyo," bigla akong napaupo habang nakikiusap ako.Labag man sa loob niya, pumayag siya sa gusto ko.Sa kaniya ko inilahad ang nangyari sa 'kin ngayong araw. Ang nangyari sa 'kin sa loob ng Fort San Felipe.Kung bakit ako tumuloy kanina dito ay hindi ko rin alam. Ayokong umuwi dahil mahahalata ni Barbara, Ate Alana, at Nay Conching ang naluluha kong mga mata. Ayoko ring malaman ng Alcalde ang nangyari. Baka makonsensya pa siya sa pag-uutos sa 'kin na gusto ko namang sundin. Ang hindi ko lang ginusto ay ang nangyari sa 'kin sa San Felipe nang hindi inaasahan.Umupo muna siya sa kama at tumitingin pa rin sa 'kin nang may pag-aalala. Sinusuklay-suklay niya pa ang buhok ko."Inaasahan kong muli tayong magtatagpo ngunit hindi ko inaasahan na sasalubungin kita ng ika'y tumatangis," napabuntong hininga siya sa kaniyang sinabi."Monica, kahit anong oras, araw man o gabi, tandaan mong maaari mo akong puntahan," aniya habang hinahawakan ang aking pisngi. "Mabuti na lang at ako ang iyong naisipang puntahan. Hinihiling ko na aalagaan mo ang iyong sarili.""S-salamat po ulit sa inyo, Binibining Mongha. Palagi po kayong nariyan para sa 'kin," buong puso kong sambit."Hindi ka na ba rito maghahapunan?" tanong nito na nagpailing sa 'kin."Hindi na po. Tinanggap niyo na po ako noong kanina sa tanghalian, napaka-abusado ko naman po kung pati sa hapunan ay dito pa rin po ako," sagot ko na lang."Kung iyan ang iyong pasya," pagsuko nito. "Tatawagin ko na lamang ang isa sa mga katiwala namin upang makasakay ka sa kalesa papauwi," deklara niya.Nawala siyang muli sa tabi ko. Kinuha ko na ang pagkakataong 'yon para ayusin ang buhok ko. Siguro naman, hindi na namamaga ang mga mata ko.Bumalik siya sa 'kin kaya naman tumayo na ako sa kama."Alalahanin mong naririto ako palagi. Kung ika'y may suliranin o dinadala, o kung ikaw man ay may naalala sa iyong nakaraan, maaari mo akong dalawin. Pakatandaan mo iyan," tugon niya sa 'kin nang nakahawak sa magkabila kong balikat. Napatango ako bago sumagot."At kung may pagkakataon po, pupunta pa rin ako kahit walang dahilan kaya't huwag po kayong mag-alala," ngiting sagot ko.Sa pagkakaalala ko ay nandito lang sila lagi sa loob ng ospital at simbahan. Tanging mga hermana lang nila ang may kadalasang nilalakad sa labas. Kaya pupursigihin ko talagang makadalaw."Masaya ako sa iyong tinuran kung gano'n. Nais kong isama mo rin si Nay Conching at Alana sa iyong pagdalaw sa susunod," hindi man sabihin ni Sister Rosanna ay halatang nananabik siya sa kaniyang mga tinuran. Ipinapangako kong hindi ko siya mabibigo."Ipabigay mo rin ang sulat na ito sa Alcalde Mayor. Ako'y nakikiusap na sa 'yo.""Wala pong kaso sa 'kin...""Ate Rosanna," dugtong niya sa sinasabi ko.Puno ng ngiti at yakapan kaming namaalam sa isa't isa. Hanggang sa muli, Ate Rosanna."MARAMING salamat po sa paghatid, Manong," turan ko sa lalaking naghatid sa 'kin gamit ang kalesa. Pagyukod lamang ang isinagot saka umalis.Napatitig ako sa Casa Real na bantay-sarado pa rin ng mga guwardiya sibil. Napahinga ako ng malalim kung paano haharapin ang mga tao na nasa loob nito.Siguro ay nakapag-hapunan na si Don Sergio at sina Nay Conching dahil madilim na rin naman nung umalis ako sa ospital.Pumasok na ako sa daan sa likod ng bahay. Napaisip ako kung anong bubungad sa 'kin. Anong mga tanong ang haharapin ko."Monica! Dios mio!" Hindi ko pa man kinakatok ang pinto ay naroroon na agad si Ate Alana upang salubungin ako ng isang yakap.Nakita ko ang biglaang pagtayo ni Barbara sa upuang pahingahan sa unang palapag at agad akong dinaluhan. Siya ang sumunod na yumakap sa 'kin pero mas mahigpit pa kay Ate Alana ang kaniyang ibinigay."B-barbara, nasasakal na ako," pagbibigay-abiso ko sa kaniya. Dahil doon ay agad niya akong binitawan."Nakakainis ka naman kasi! Bakit ang tagal-tagal mong nawala!" Kulang na lang ay umiyak siya dahil sa pag-aalala na kitang-kita ko sa mga mata niya."Hindi pa ba kayo uuwi ni Barbara, Ate Alana?" tanong ko na lang sa kaniya. Sa mga oras na 'to, dapat nakauwi na sila."Hinintay namin ang iyong pagdating. Tinuran ni Nay Conching na ika'y pumunta sa moog ng San Felipe kaya naman kami'y alalang-alala," sagot nito. Isang ngiti ang ginawad ko sa kaniya. Natutuwa ako na totoo sila sa mga sinabi nila.Nakita ko ang pagbaba ni Nay Conching mula itaas. Gaya ng reaksyon ng dalawa, agad niya akong dinaluhan ng yakap nang makita ako."Ano bang nangyari sa 'yo? Bakit ngayon ka lamang dumating?" sunod-sunod na tanong ni Nay Conching sa 'kin habang hinahaplos-haplos ako sa pisngi."Wala pong nangyari sa 'king masama. Maniwala po kayo," pangungumbinsi ko pa.Hindi na nila ako inusisa pa kahit ramdam kong marami silang gustong malaman. Pabor naman sa 'kin 'yon. Dahil kung dadagdagan ko pa ang sinabi ko, baka sa huli ay pagsisihan ko pa 'yon.Hindi nagtagal, nagdesisyon na sina Ate Alana at Barbara na umuwi na dahil ako na lang pala talaga ang kanilang hinihintay."Monica, ikaw na ang maghatid ng tsaa kay Don Sergio upang maipag-bigay alam mo rin na ika'y dumating na," ani Nay Conching at ibinigay sa 'kin ang tray ng nasa kusina na kami.Hindi ko naman nakuhang magreklamo pa dahil kung tutuusin, para kong tinakasan kanina ang trabaho ko.Kumatok ako bago pumasok bilang pag-respeto."Don Sergio, magandang gabi po," pagbati ko. Agad kong inilapag ang tray sa coffee table. "Gusto ko pong humingi ng tawad dahil hindi po agad ako nakauwi."Napatayo siya sa kaniyang lamesa at naglabas ng malalim na hininga."Hinuha nami'y na-paano ka na. May masama bang nangyari sa iyo? Saan ka nagtungo nang ika'y umalis?" may pag-aalala sa kaniyang boses nang siya'y magsalita.Peke akong ngumiti sa Alcalde Mayor hindi dahil sa plastik ako kundi dahil gusto kong pagtakpan ang nangyari sa 'kin kanina."Naiabot ko po ang mensahe kay Heneral Fortuno gaya ng inyong utos. Nagpunta rin po ako sa ospital ng San Jose de Granada at may isang mongha po ang nais magbigay sa inyo ng isang sulat," sambit ko at saka iniabot sa kaniya ang sobre na naglalaman ng sulat ni Ate Rosanna.Bigla siyang napangiti. Hindi ko alam kung may halong pait. Gayunpaman, kahit hindi ko sabihin kung sino, parang kilala na niya ito."Kung gayon ay sa kaniya ka pala nanggaling. Hindi ko inaasahang kakilala mo siya," aniya at tumatango-tango sa 'kin. "Maraming salamat.""Muli nga pala akong makikiusap sa 'yo kung iyong mamarapatin," paglalahad ni Don Sergio. "Nais ko sanang ikaw na ang kumuha ng traje Militar na aking ipinagawa para sa darating na pista. Bukas ay maaari mo itong daanan sa sastreria."KUNG ilang beses na akong lumalabas ngayon dahil sa paghahanda sa pista ay hindi ko na mabilang. Ngayong umaga lang, sinunod ko ang ipinakiusap ng Don. Sabagay ay trabaho ko naman 'yon. Isa pa, wala ako halos buong maghapon kahapon kaya pambawi ko na 'to.Kasalukuyan kong binabaybay ang Calle Soledad, hinahanap ang sastrería o tailoring shop na pinapatungkulan ng Alcalde. Ang sabi niya ay doon ko raw makukuha ang mga damit.Nang makita ko ang panahian ay agad ko na itong pinasok.Sa loob ay puno ng katahimikan. Maluwag ang tanggapan para sa mga customers. May isang front desk kung saan nakaupo ang isang babaeng nasa 40's. Samantala, may hilera ng mga upuan at stand ng diyaryo sa kanan. May salamin at isang pintong natatakpan ng kurtina sa kanan. Naroroon ang isang matandang babae mukhang may hinihintay sa loob."Magandang umaga, Binibini. Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?" sambit ng babae sa front desk habang nakangiti sa 'kin."Nandito po ako para sa damit na ipinagawa ni Don Sergio Fernandez sa inyo," tugon ko.Para namang na-alerto agad ang babae."M-maaari ka munang umupo habang naghihintay. Akin lamang kukunin ang ipinasadya ng Alcalde Mayor," taranta niyang salita saka pumasok sa isang pintuan sa kaniyang likod.Gaya ng sinabi ng babae, umupo na lang ako. Nagawi ang mata ko sa katabing stand ng diyaryo. Natutukso man akong tumingin sa mga 'yon, wala naman akong maiintindihan kaya hindi na ako nag-abala pa.Naramdaman kong may pumasok sa tanggapan ng panahian. Hindi naiwasan ng mga mata ko na dumako sa direksyon no'n.Agaran akong napatayo habang rinig na rinig ko ang tibok ng puso ko. Nagsisi ako kung bakit pa ako tumingin. Isang pamilyar na tao ang pumasok sa sastrería."Magandang umaga po sa inyo," pagbati ng matandang babae na hinaluan ng masayang tono. Ngunit nahahalata ko pa rin na parang si manang ay ninenerbyos. "Naririto rin po ba kayo para sa ipinagawa niyong traje militar, Heneral?"Isang tango ang ibinigay niya. Nang papaupo na sana siya ay dumako ang kaniyang tingin sa 'kin. Kalmado pa rin kaniyang mga mata at para bang ako lang talaga ang nagulat sa pagitan naming dalawa.Dahil sa hiya, umupo na lang ako. Nag-iwas rin ako ng tingin at kinuwestyon ang mundo kung bakit ko pa siya nakita ulit ngayon.Naramdaman ko ang kaniyang pag-upo, tatlong upuan mula sa 'kin. Halos 'di ako makahinga. Dahil nang makita ko siya ulit, naalala ko ang nangyari kahapon. Kapag nakakakita ako ng tulad niya, nawawalan ako ng ulirat. Magkahalong takot at galit ang nasa loob ko.Isa pa, naalala ko ang mga pinagsasasabi ko sa kaniya, kasama na ro'n ang paninigaw ko. Naalala ko ring bigla-bigla ko siyang hinawakan nang walang pasabi. Gusto ko magpalamon sa lupa. Pero sa kadulu-duluhan ng araw, hindi ko 'yon pinagsisihan.Isang pagbukas ng pinto ang narinig ko at sa pagkakataong 'yon, sa tapat ko naman nanggaling ang tunog."Señor, maayos na po ba ang sukat at luwag ng inyong kasuotan?" rinig kong pagtatanong ng matandang mananahi sa kakalabas pa lang na customer sa fitting room.Napatianod ako sa kinauupuan at halos mapanganga naman ako nang makita kung sino ang lalaking kinikilatis ng mananahi."Joaquin?" pabulong kong tugon. Anak ng tipaklong! Ang liit talaga ng mundo!Kahit pa napakahina ng pagkakasambit ko ay rinig na rinig naman 'yon sa loob ng panahian, kaya naman napalingon sa 'kin si Joaquin na gulat ngunit natutuwa sa senaryo."Sa tingin ko po ay wala ng suliranin pa patungkol po sa bagay na iyon," sagot niya sa mananahi kahit pa sa 'kin siya nakatingin. "Ngunit sa isang tao po ay sa tingin ko'y may suliranin ako," pag-iiba niya ng usapan.Naalala ko nga palang hindi ko siya nakausap noong huling nagkita kami sa Casa Real. Halos wala akong imik sa kaniya sa araw na 'yon."Mapagbiro ka talaga, hijo," natatawang tugon ni Manang. "Kung mayroon ka ngang suliranin sa taong yaon, marapat lamang na kayo'y mag-usap."Para putulin ang pagtingin sa kanila ay itinuon ko na lang ang mata ko sa pintuan malapit sa front desk."Magandang umaga sa iyo, Heneral Feliciano," narinig kong pagbati ni Joaquin. Pansin kong hindi umimik ang kaniyang kausap na inaasahan ko.Kahit pa na curious akong tumingin ay hindi na ako nag-abala pang lumingon sa direksyon ng dalawa. Kung magkakilala sila, bahala sila.Kung bakit pa kasi sila ang mamamataan ko dito sa panahian. Ang dami-raming pwedeng kumuha ngayon ng suit pero silang dalawa pa talaga. Marami rin namang panahian dito kung bakit pare-pareho pa sila ng napili.Ayokong makita si Joaquin dahil sa sinabi ni Ate Alana na pwede akong mapahamak sa kaniya, dahil napaka-kulit niya. Ayoko ring makita ang heneral na ito, ilang silya lang ang layo sa 'kin, dahil sa parang ako pa ang sinisisi niya sa nangyari kahapon base sa tono niya, dahil kahit isang mabuting salita lang ay wala akong natanggap.Nakakaloko ang mundo.Sa wakas ay dumating na ang sadya ko kaya tumuloy na ako sa front desk. May ilang bagay pa siyang sinabi na tinatanguhan ko lang bago ibigay sa 'kin ang kahon na pinaglalagyan ng suit.Agad akong namaalam sa babae nang hindi man lang binibigyan ng atensyon ang dalawang lalaking ayoko na sanang makita pa. Si Joaquin na halatang gusto pa akong kausapin, at si Heneral Feliciano na walang imik at nakatuon lang ang atensyon sa diyaryong binabasa.Pero masiyadong imposible ang ninanais ko. Nasa iisang lugar lang kami.ISANG araw bago ang bisperas ng pista, puspusan kaming lahat sa paghahanda. Kaming tatlo nina Ate Alana at Barbara ang gumagawa ng mga dinidisenyo sa salas at antesala. Ang pagpupunas sa mga gamit at paglalampaso sa sahig ay aming ginagawa. Si Nay Conching ang taga-mando."Hindi pa natin naisasaayos ang mga lamesa at upuan ngunit iba na ang pagod na aking nararamdaman," pabulong na reklamo sa 'kin ni Barbara.Gusto ko mang magsalita para sumang-ayon sa kaniya ay malapit sa 'min si Ate Alana ngayon. Baka masita pa kami."Kukuha lang ako ng ating maiinom sa loob," deklara niya pa.Inobserbahan ko ang salas. Kulang na lang ay kuminang ang buong paligid.Tumigil ang mata ko sa piano. Ilang beses ko nang nararamdaman 'to. Na para akong tinutukso nitong lumapit para tumugtog.Hindi ko namalayan ang sarili na umupo, nagsimula akong tumugtog nang banayad ang tono at galaw ng kamay ko.Matagal ko na 'tong hindi nagawa. Nakakapanibago para sa 'kin. Noong junior high school ako huling tumugtog dahil isa pa akong SPA student. Noong natapos ako sa JHS, hindi ko na sinubukang tumugtog ulit dahil sakit lang ang dulot no'n sa loob ko. Hindi ko na rin naman kailangan. Kung tutugtog naman ako ay pamilya ko lang ang makakarinig.Tinugtog ko ang isa sa mga kauna-unahang musika na natutunan ko.Ang Tristesse o Etude Opus 10, Number 3 ni Sir Frédéric Chopin.Sa pagtugtog ko, dito ko lang mailalabas ang nararamdaman ko. Sa dami ng nangyari sa 'kin nitong nakaraan, walang salita ang makakapagpalabas ng sama ng loob na naramdaman ko. Tanging mga nota lang siguro ang makakatulong sa 'kin para mapagaan ang nararamdaman ko.Nang matapos ako, narinig ko ang sunod-sunod na palakpakan na nilikha nina Ate Alana at Barbara na kasalukuyan kong kasa-kasama sa bahay."Ikaw pala'y mahusay sa musika!" papuri ni Barbara. Ilang ulit niya 'yong sinabi. Kulang na lang ay maghanap pa siya ng mga kaparehong salita para lang mapuri ako.Si Ate Alana naman ay walang imik. Ngiti at paghaplos lang sa balikat ko ang nagawa niya. At nang tingnan ko siya sa mata, magkahalong saya at lungkot ang kaniyang naramdaman. Sigurado ako doon.Nang makalayo ng kaunti si Barbara sa aming dalawa ay saka siya nakapagsalita. Lubos kong ipinagtaka ang mga salitang tinuran niya."Hiling ko na sana' y hindi maging isang malungkot na kapalaran ang iyong sasapitin gaya ng musikang iyong tinugtog."