ikadalawampu't walo ng Marso, 1903
Magandang araw sa iyo, Binibining Manuela at sa iyo, kung sino ka mang pinalad na mahanap ang mga liham na ito. Alam kong magtataka ka kung bakit ko nagawang sagutin ang mga liham ni Manuela. Iyon ay dahil nang mamatay ang aking iniirog sa taong tatlumpo't pito dahil sa malaria ay inihabilin nito kay Socorro ang mga liham.
Alam ni Socorro na ako'y nakabalik na sa Pilipinas at minabuti niyang personal na ibigay sa akin ang mga liham na huling isinulat ni Manuela para sa akin. Sabi niya, iyon lamang ang tama na nagawa niya para sa kanyang pinsan. Hindi ako sumagot, ang alam ko lamang ay nang nabasa ko ang mga liham matapos niya akong iwan ay nabuhay ang damdaming matagal ko nang pilit kinalimutan.
Matanda na ako. Hindi ko alam na kahit sa tanda kong iyon ay magagawa ko pa ring lumuha tulad ng pagluha ko ng ako'y bata pa lamang. Na mabubuhay pa rin ang sakit na dala ng mga araw na iyon at sisikip pa rin ang aking dibdib sa tuwing naalala ko ang mga nangyari.
At dahil nararapat lamang na bigyan ko ng hustisya ang kwento ng aking mahal at ibahagi ang parte ko sa mga nangyari, sasagutin ko ang mga sulat niya.
Ikaw na makakabasa sa mga liham na ito, maaring ito'y iyong sarilihin at kung maari'y ipasa mo sa taong dapat makabasa nito. Hindi kailangang malaman ng lahat ng tao ang nangyari at hindi ibig sabihin nito'y ikinakahiya ko na minsan ako'y umibig.
Gusto ko lamang na tanging ilang tao ang nakakaalam at ang mga importanteng tao lang na iyon ang gusto kong pasalamatan at kahit na luma na ang mga salitang nakasulat rito ay ikaw pa rin ay nagbasa. At dahil iyon rin ang huling hiling ng aking mahal sa kanyang liham.
Eto na, sisimulan ko na mula sa pinakaunang sulat ni Manuela.
Naalala ko nga ang araw na una tayong nagkita. Tulad mo ay hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Iyon ang araw kung saan una kitang kinausap, iyon ang araw na naglakas loob akong magbigkas ng ilang salita sa iyong harapan.
Tama ka na lagi kitang nakikita mula sa iyong bintana. Noong una, hindi kita napapansin, sadyang may araw na itinaas ko ang aking ulo at nakita kitang nakaupo malapit doon. Nagbabasa ka at mukhang hindi ka na naririto sa mundo natin. Doon lamang ako nakakita ng isang taong kayang umalis sa pisikal na mundo kahit na ang mga paa niya'y naririto pa rin.
Gusto kong magkaroon nang ganoon kagandang pokus katulad mo kaya araw-araw sinusubukan kong gayahin ka. Hindi ako nagtagumpay ngunit minsan napapasulyap na lamang ako at tahimik, na hindi ko napapansin, kitang hinangaan.
Noong araw na iyon, hindi ko talaga gustong pumunta sa piging ni Eustacio. Araw-araw niya akong pinipilit para lamang sumama, ngunit lagi akong tumatanggi. Prayoridad ko kasi ang aking pag-aaral at masasayang lamang ang oras ko sa pagpunta gayong kung mananatili ako sa tinutuluyan ay mas marami akong matatapos.
Hindi ko alam kung bakit sa halip na mag-aral na lang sa gabing iyon, ang ginawa ko ay humiram ng damit kay Ginoong Petran at pumunta sa piging. Hindi ko inaasahang makita ka roon, Manuela.
[ - ]
HINDI alam ni Apolinario kung bakit niya ba napag-isipang pumunta sa piging ng kaibigan. Nabati na niya ang tuwang tuwang si Eustacio na nakakita sa kanya pagpasok niya. Sa sobrang tuwa ng kaibigan ay pinalo pa nito ang kanyang braso at itinulak siya sa mga babaeng naroroon. Nahihiyang umatras siya ngunit mukhang nabighani naman sa kanya ang mga binibini dahil nagsimula ang mga itong kausapin siya.
Tama si Eustacio na marami ngang babae roon. Maraming magaganda. Maraming mukhang simple. Marami ring nais magpakita ng sariling mga yaman dahil sa ikinaganda ng mga tela ng kanilang damit o nang ikinakinis ng mga dyamante sa kanilang mga alahas.
Pakiramdam niya'y magkakasakit siya dahil hindi niya kinaya ang atensyon na ibinibigay sa kanya ng mga dalagang kasalukuyang nakapalibot sa kanya. Ni hindi nga siya makasagot sa dami ng mga tinatanong ng mga ito. Hindi niya na rin mawari kung sino ba sa kung sino ang nagsasalita.
Inilibot niya ang mga mata sa kabuuan ng silid upang sana'y humingi ng tulong kay Eustacio upang siya ay ilayo at nang makahinga muna siya nang malalim. Ngunit, hindi niya makita ang magaling na kaibigan, sa halip, iba ang nakita niya at doon na napako ang kanyang mga mata. Dumako iyon sa isang dalagang lagi niya lamang nakikitang nagbabasa sa harap ng bintana.
Maliit lamang ang babae kumpara sa kanya. Mahaba ang makapal nitong buhok na sa kasalukuya'y parang alon na lumalampas sa kabuuan ng likod nito. Mukhang maganda ang postura ng dalaga na pinipilit nitong itago upang magmukhang mas maliit pa sa taglay nitong taas. Hindi komportable ang dalaga sa mga tao at dali-daling umiiwas bago pa ito mabangga ng kung sino. Mabilis na lumakad ito sa hapagkainan at sa halip na kumuha ng pagkain ay kumuha ito ng inumin bago nagsimulang maglakad muli at naghanap ng maari nitong pagtaguan.
"Ginoo?" pukaw ng isang dalaga sa kanyang atensyon, ihinarap pa siya nito upang makapagtitigan sila. "Nais mo ba kaming makasama ngayon? Halika at marami tayong maaring pag-usapan. Ikaw ang kaibigan ni Eustacio na--"
Tinanggal niya ang kamay ng dalaga sa kanyang pisngi at pakumbabang nagwikang, "Paumanhin, Binibini." Nagsimula siyang maglakad upang hanapin ang dalagang kanyang tinitignan kanina. Palinga-linga siya sa paligid, buhay ang pag-asa at kaba sa kanyang dibdib. Nagsimula ring bumilis ang mabagal niyang paglalakad. Hanggang sa nagawa niya nang mahanap ito. Nasa tapat ito ng isang malaking halaman na epektibong naitago ito. Kung hindi niya ito hinahanap ay maaring hindi niya ito makikita.
Ni hindi man lang tumingin sa kanya ang dalaga kahit pakiramdam niya ay matalas na ang pagtingin niya rito. Para lamang itong galit na nakatingin sa sahig habang unti-unting pinapatagal ang pag-inom sa inumin.
Lihim siyang napangiti at kinakabahang tumabi rito. Hindi pa rin siya makapaniwalang makikita niya ito. Ang alam niya kasi ay hindi ito lalabas sa tahanan nito. Mukhang tulad niya'y napilit lang din ito. Huminga siya nang malalim para makakuha ng saglit na lakas na loob at sa kauna-unahang beses, nagawa niyang kausapin ito. "Mukhang andami mong iniisip, Binibini."
Nang iangat ng dalaga ang mukha ay mas lumawak ang kanyang ngiti. Maamo ang maliit at hugis pusong mukha ng dalaga at maganda ang kulay buhangin nitong mga mata. Saglit na mukha itong galit ngunit gumuhit ang pagtataka rito.
Ito'y malapit, napakalapit, na kung gustuhin niyang abutin ang kamay nito ay magagawa niya. Ngayon lamang niya nakuha ang atensyon ng dalagang laging parang wala sa mundong pisikal dahil ang nakikita lang niyang repleksyon sa mga mata nito ay ang kanyang mukha.
[ - ]
Limang minuto. Limang minuto bago ako mas inatake ng kaba at hiya kaya kahit alam kong magsasalita ka pa ay umalis ako upang huminga. Gusto kong matawa habang nakasandal ako sa puno at sinasagap lahat ng preskong hangin na kaya kong ipasok sa aking mga baga. Natatawa ako dahil kung hindi ako pumunta roon ay hindi kita makakausap. Natatawa rin ako dahil hindi ko inaasahang nandyan ka pala. Natatawa ako at iniwan kita sa halip na ika'y kausapin gayong baka iyon lamang ang tsansa kong makausap ka.
Ngunit, hindi ako umalis. Hinintay kitang lisanin mo ang piging upang humingi ng paumanhin. Alam kong mali ang aking ginawa at hindi mo kailangang maranasan iyon. Hindi naman ako nabigo dahil ilang minuto lamang ang nakalipas ay nandyan ka na. Hindi ko inaasahang lalabas ka rin agad.
Kinausap muli kita at wala na ang aking kaba. Nalaman ko ang iyong pangalan at pinangako ko sa sarili kong hindi ko iyon kakalimutan. At dahil iniisip kong maaring iyon na ang huli nating pagkikita ay inihatid kita para mas mapatagal pa kitang makasama at para mas marinig ko pa ang iyong boses. Maganda sa aking pandinig ang iyong boses, Binibini. Hindi matinis, hindi rin mababa, para lamang boses ng isang anghel.
[ - ]
SAGLIT na mahinhing tumawa si Manuela na nagdulot naman ng kaunting kaba kay Apolinario. Pakiramdam kasi niya ay baka may nasabi siyang mali, inaalala niya ang mga nauna niyang sinabi at ang alam niya'y wala naman siyang nasabing maaring ikatawa nito. Hindi naman siya marunong magbiro.
Nahihiyang napahawak siya sa batok at sinulyapan ang dalaga. "M-May nasabi ba akong mali, Binibini?"
"Hindi naman," nakangiti pa ring wika nito, naaninag niya ang pagkislap ng mata ng dalaga mula sa maliit na ilaw na nagmumula sa hawak niyang gasera. Siya ang nagprisintang hawakan iyon para sa kanilang dalawa. Naglakad kasi siya sa dilim upang makarating sa piging kaya wala siyang dala-dala. "Naisip ko lamang na parang hindi naman pala mahirap makipag-usap sa mga ginoo. Ang tanging nakakausap ko lamang ay ang aking mga kapatid at si Eustacio."
"G-Ganoon ba?" siya naman ngayon ang natawa. "Ang totoo niyan ay ikaw ang unang babaeng nakausap ko nang mas matagal. Hindi ako sanay na nakikipag-usap sa mga binibini sapagkat ako ay nahihiya sa kanila."
"Ano naman ang pinagkaiba ko sa kanila, Ginoo?"
Hindi niya alam ang maisasagot at alam niyang hindi naman niya masasabi na matagal na niyang sinusulyapan ito. Napatingin na lamang siya sa ibang direksyon. "Pakiramdam ko ay madali kang kausapin, Binibini," sa mahinang boses ay nawika niya. "Hindi mabigat ang aking pakiramdam nang sinubukan kitang lapitan. Nasisiguro kong pipilitin ako ni Eustacio na magkwento kung sakaling nalaman niyang may ihinatid akong dilag pauwi."
"Ginoo," wika ng dalaga. Nahihiya naman siyang tignan ito. "Ginoo... ang gasera..."
Tumingin siya sa gasera at nakitang aksidente niyang nailapit ito sa dalaga. Dahil hindi naman malawak ang kanilang nilalakarang daan ay hindi ito ganoon kalayong makakagalaw para umiwas. Mabilis niyang nilayo rito ang gasera at itinaas para sipatin kung may nagawa ba siyang hindi niya ikapapatawad sa sarili.
"Ginoo..."
Hindi niya pinansin ito hanggang sa masiguro niyang wala ngang kahit anong napurwisyo sa mukha o sa buhok ng dalaga. "Ginoo..."
"Ano iyon, Binibini?" naitanong niya, habang ang pokus ay nanatili sa tuktok ng ulo ng dalaga.
Narinig niya ang pag-ubo nito sa kamao. "Napakalapit mo."
Nang mapagtanto niya ang sinabi ng dalaga ay mabilis siyang lumayo ngunit sa ginawa ay muntik pa siyang matalisod. Agaran naman siyang hinawakan ng dalaga ang kanyang pulsu-pulsuan para hilain siya pabalik. Mahigpit ang hawak ng dalaga sa kanya at napadasal siya na sana hindi nito narandaman ang pagsikdo ng kanyang puso.
"G-Ginoo!" wika nito sabay mabilisang bitaw sa kanyang pulsu-pulsuan. "A-Ayos ka lang ba?"
"A-Ayos lang ako," idinaan niya sa pagtawa ang sariling pagkapahiya. "Pasensya na, binibini. Hindi ko sinasadyang sobrang mapalapit sa iyo. Hindi ako uulit, makakaasa ka."
"Nagulat lang ako, Ginoo. Ngunit, kung kailangan mong lumapit ay hindi naman kita pipigilin. Siguro, huwag mo lang gawing parang gahibla lang ang ating distansya."
Tumingin siya rito at nakangiti lang naman ang dalaga. Alanganing binigyan niya rin ito ng ngiti at napaisip na lang na parang kakaiba talaga ito sa mga babaeng asa piging kanina.
[ - ]
Hindi ka umaaktong isang mahinhin na babae at alam kong iyon ang gusto mong gawin. Ayaw mong magpatali sa kung ano ang idinidikta ng lipunan na kailangan mong iasta. Ngunit, ginagawa mo iyong patago dahil bago ako umalis, inihatid kita ng tingin at nakita ko ang pagbabago ng iyong pakikitungo sa Ama at Tito mong nagalit sa'yo dahil umalis ka sa piging. Mukha namang hindi ka natinag dahil nanatili kang nakangiti. Nang gabing iyon, mas humanga ako sa iyo.
Ibinaon ko sa aking alaala ang mga iyon, Manuela. Hindi ako umasang ako'y iyong papansinin. Ang importante lamang sa akin ay nakausap na kita at ika'y kahit saglit ay napalapit sa akin. Nagpasalamat lamang ako sa Diyos na pinayagan niya ako at hindi ako humiling na makita kang muli. Ngunit, mapaglaro siguro ang tadhana at ang nangyari ay doon lamang nagsimula ang lahat. Hindi naman ako nagsisisi at kung hindi kita kinausap noon ay maaring hindi tayo kailanman nagkakilala.
Hanggang dito na muna para sa unang liham na ito, mahal ko. At tulad mo, hindi ko rin pinagsisihang nakilala kita.
Nagmamahal,
Pole