webnovel

May Sakit Ka Siguro!

Redakteur: LiberReverieGroup

"Un?"

Si Shen Bi Ru, na nasa Compendium Pavilion din, ay nakarinig ng mga yabag at tunog ng paglilipat ng mga pahina ng libro. Noong una, hindi niya ito masyadong pinansin pero nang lumaon, naramdaman niya na parang may mali sa nangyayari.

Kailangan ng isang tao na dahan dahang basahin ang isang libro para maintindihan ang nilalaman nito. Paano nagawa ng isang tao na buklatin ang bawat pahina ng mga libro ng ganun kabilis?

Dahil sa pagtataka niya, hindi niya mapigilan ang sarili na silipin ang nangyayari.

Pagsilip niya, nakita niya si Zhang Xuan na binubuklat ang mga libro mula sa unang shelf. Kitang kita na hindi niya binabasa ang nilalaman ng mga libro, sa halip ay parang may hinahanap siya!

"Ito ba ang dahilan kung bakit ayaw siyang papasukin ni Elder Mo?"

Pagkatapos niyang panoorin si Zhang Xuan, napansin niya na walang balak tumigil ang lalaki. Gedeng, ang tibok ng puso ni Shen Bi Ru.

Dati, ang dahilan kung bakit hindi niya mapigilan ang sarili niya na tulungan si Zhang Xuan nang mapansin niya ang pinagbago nito ay dahil gusto niyang magpursigi si Zhang Xuan para makawala siya sa kasalukuyan niyang sitwasyon.

Subalit, hindi niya inasahan na hindi nagpunta dito si Zhang Xuan para mag-aral sa halip ay nagpunta siya dito para hanapin ang isang bagay!

Ito ang Compendium Pavilion. Araw-araw, maraming guro ang nagpupunta dito, kaya imposibleng may nakatagong mahalagang bagay dito. Ang walang pakundangan na pagbubuklat ng mga libro dito ay isang kalapastanganan sa Compendium Pavilion.

Kasuklam-suklam!

"Siguro… Alam niyang pupunta ako sa Compendium Pavilion ngayong araw, kaya sinadya niyang maghintay sa labas at nagpumilit pumasok para lang makuha ang atensyon ko… Hmph, naiinis lang ako sa ginagawa mo!"

Sumama ang tingin ni Shen Bi Ru kay Zhang Xuan.

Dahil sa kanyang kagandahan, kung anu-anong paraan ang sinubukan ng ibang mga tao para lang magustuhan niya sila, at para makuha ang atensyon niya. Sa tingin niya, hindi rin naman sinisilip ni Zhang Xuan ang nilalaman ng mga libro. Sa halip, sinasadya niyang mag-ingay para magbago ang tingin ni Shen Bi Ru sa kanya.

Yung totoo, ayaw na ayaw niya kapag ganito ang ginagawa ng ibang tao.

Ilang sandali lang, pagkatapos niyang tingnan si Zhang Xuan, ay sinigurado niya ang kanyang opinyon.

Kung talagang nandito siya para basahin ang mga libro, bakit naman siya magbabasa ng mga libro mula sa iba't ibang larangan? Higit pa dito, para buklatin niya ng ganoong kabilis ang bawat pahina ng mga libro, siguradong hindi niya naalala ang mga pangalan ng mga manual na kinuha niya, at malamang, pati na rin ang mga nilalaman ng mga ito.

"Hmph!"

Lumapit siya kay Zhang Xuan ng may masamang ekspresyon sa kanyang mukha, "Zhang laoshi, anong ginagawa mo?"

"Nagbabasa ng libro!"

Hindi alam ni Zhang Xuan na pinaratangan na siya ni Shen Bi Ru na 'nagpapakitang gilas' siya sa ginagawa niya kaya sumagot siya ng hindi man lang tumitingin kay Shen Bi Ru.

"Nagbabasa ng libro? Hmph!" Galit na nagsalita si Shen Bi Ru. Masamamg tumingin sa kanya si Shen Bi Ru at sinabing, "Kung sa tingin mo mukha kang magaling at mapapansin kita dahil sa ginagawa mo, nagkakamali ka. Ako, si Shen Bi Ru, ay hindi magpapaloko sayo. Higit pa dito, magagalit lang ako dahil sa mga pinaggagawa mo!"

"Oh! Sige!"

Nagpatuloy si Zhang Xuan sa pagbuklat ng mga libro.

Balak niyang kopyahin at isalin ang lahat ng mga manual sa Compendium Pavilion papunta sa Library of Heaven's Path ngayong araw at kakaunti lamang ang oras niya, kaya wala siyang panahon para makipag-usap pa sa ibang tao.

Isa pa, para sa kanya, nagpapaka importante lang si Shen Bi Ru. Ano bang pakialam ng babaeng 'to sa ginagawa niya?

[Siguro nga maganda ka, pero hindi naman ako ngayon lang nakakita ng magandang babae na tulad mo. Sa dati kong mundo, sa era ng impormasyon, maraming iba't ibang magagandang babae na nakalagay sa hard disk ko. Higit pa dito, bihasa sila sa pag-ihip, paghila, paglalaro at sa pagkanta… Hindi ako interesado sa isang babaeng tulad mo!

Wala akong panahon para lang magpapansin sayo.]

"Tutal naintindihan mo naman, umalis ka na sa Compendium Library. Huwag ka nang magsayang ng oras mo dito!" Nang makita niyang nakayuko pa rin si Zhang Xuan, at nagpapakitang gilas pa rin, sinabihan siya ni Shen Bi Ru na umalis na.

Deng deng deng deng!

Ang tunog ng mga yabag ng paa ng binata habang paalis siya.

"Yan ganyan nga…"

Nang makita niyang tumigil na si Zhang Xuan, tumango si Shen Bi Ru at natuwa. Ipagpapatuloy pa lang sana niya ang pagbabasa ng libro, nang muli niyang marinig ang tunog ng mga pahina ng libro sa library.

Hualala! Hualalala!

Nang lingunin niya kung saan nanggagaling tunog, nakita niyamg walang balak na tumigil si Zhang Xuan.

"Nakakainis ka…"

Halos sumabog sa galit si Shen Bi Ru.

[Tapos ka na ba?

Sinabi ko nang magagalit lang ako sa ginagawa mo, tapos pinagpapatuloy mo pa rin. Ano bang mapapala mo sa ginagawa mo?]

Sa puntong ito, tumayo siya ng tuwid at muling lumapit kay Zhang Xuan, kitang kita sa mga mata niya ang pagkainis, "Di mo ba narinig ang sinabi ko? Kapag pinagpatuloy mo pa 'to, lalo lang kitang aayawan! Hindi kita magugustuhan sa ginagawa mong yan!"

"May sakit ka ba?"

Nairita si Zhang Xuan nang lumapit nanaman sa kanya si Shen Bi Ru. Tumigil siya sa ginagawa niya at sinabing, "Basahin mo ang gusto mong basahin habang babasahin ko naman kung ano ang gusto ko. Kung wala ka talagang magawa, umupo ka na lang sa isang sulok at gumuhit ng puro bilog. Huwag mo na 'kong istorbohin!"

[Para namang hindi pa ako nakakita ng magandang babae sa buong buhay ko, ano bang ipinagmamalaki mo!]

"Nakakainis ka talaga…"

Hindi niya inasahan na magsasalita ng ganito si Zhang Xuan. Nagdilim ang paningin ni Shen Bi Ru at halos mamatay na siya sa sobrang galit.

Sino ba siya?

Siya ang number 1 beauty ng Hongtian Academy. Biniyayaan siya ng talento at kagandahan, halos lahat ng mga guro at estudyante sa akademya ay itinuturing siyang isang diyosa. Iginagalang siya ng lahat, at walang sinuman ang naglalakas loob na magsalita sa takot na magalit siya sa kanila.

[Tapos, sasabihin mong.. May sakit ako?

Inutusan mo pa akong umupo sa isang sulok at gumuhit ng mga bilog?

Isa akong binibini, di ba? Gumuhit ng bilog, iguhit mo yung matabang mukha ng nanay mo!]

Hindi mapawi ni Shen Bi Ru ang mabigat na pakiramdam sa kanyang dibdib.

Hualala! Hualalala!

Namula ang mukha niya sa sobrang galit. Bago pa man niya masermunan si Zhang Xuan, napansin niya na bumalik na sa pagbubuklat ng mga libro ang binata pagkatapos nitong magsalita, at hindi man lang ito muling tumingin sa kanya.

"Sige lang, sige lang! Ipagpatuloy mo yan! Tingnan lang natin kapag ibinunyag ko ang tunay mong kulay!"

Luoluo, nagngitngit ang ngipin ni Shen Bi Ru at nagdabog siya.

Ito unang beses na nagsalita ng ganito sa kanya ang isang lalaki!

[Sige lang,di ba nagkukunwari kang nagbabasa ka? Tingnan natin kung gaano katagal mo kayang gawin yan. Kapag hindi mo na kayang ipagpatuloy yan, sisiguraduhin kong mapapahiya ka!]

Pagkatapos nito, hindi na inabala pa ni Shen Bi Ru ang sarili niya kay Zhang Xuan at sa halip, galit na galit siyang bumalik sa pagbabasa ng manual na hinanap niya kanina. Habang nakaupo siya sa isang sulok, nagsimula siyang kopyahin ito.

Noong una, maganda ang kanyang pakiramdam at balak sana niyang mag-aral ng ilang oras para madagdagan ang kanyang kaalaman. Ngunit, hindi niya inasahan na may makikita siyang isang nakakainis na tao.

Habang nagsusulat siya, pasulyap sulyap siya kay Zhang Xuan.

Patuloy pa rin si Zhang Xuan sa mabilis na pagbuklat ng mga libro, tila pursigido siyang buklatin ang lahat ng mga libro. Lumalabas na hangga't isa itong libro sa Compendium Pavilion, sisguraduhin niyang mabubuklat niya ang mga pahina nito.

"Hmph! Tingnan natin kung hanggang kailan mo maipagpapatuloy yang ginagawa mo!"

Pagkatapos siyang sagutin ni Zhang Xuan, nawala ang pagiging kalmado ni Shen Bi Ru at nais niyang pahirapin ang lahat para kay Zhang Xuan. Habang dahan-dahan siyang nagsusulat, hinintay niya ang pagkakataon na titigilan ni Zhang Xuan ang ginagawa niya.

Ngunit, ang ipinagtataka niya ay kung bakit paulit-ulit itong ginagawa ni Zhang Xuan. Mula sa pinaka unang bookshelf, nagpalipat-lipat siya mula sa isang helera papunta sa kasunod, hindi man lang siya nagpahinga!

Anim hanggang pitong oras na ang lumipas, pero patuloy pa rin si Zhang Xuan sa ginagawa niya. Hindi makapaniwala si Shen Bi Ru sa nakikita niya.

Kung talagang gusto niyang makuha ang atensyon ni Shen Bi Ru, malinaw na sinabi ni Shen Bi Ru kay Zhang Xuan na ayaw niya ang ginagawa ni Zhang Xuan, dapat nung una pa lang tumigil na agad siya sa ginagawa niya. Kaya naman, bakit patuloy pa rin siya sa pagbuklat ng mga libro? Bukod pa dito, ang tagal-tagal niyang ginagawa ito?

"Hindi kaya kinukumbulsyon na ang utak niya? Nagloko ba ang cultivation niya kaya siya nabaliw?

Biglang may naisip si Shen Bi Ru.

Narinig niya na kapag nagloko ang cultivation ng isang tao, magsisimulang kumilos ng kakaiba ang taong iyon. Hindi kaya na ang walang tigil na pagbubuklat ng mga pahina ng libro ay isa sa mga kakaibang kilos na iyon?

Kakaiba ang tingin niya kay Zhang Xuan nang maisip niyang may kakaiba sa kinikilos ng binata, napansin niyang biglang huminto si Zhang Xuan pagkatapos niyang buklatin ang mga libro sa huling hilera.

"Grabe ang dami!"

Pagkalipas ng anim hanggang pitong oras ng pagbubuklat ng mga libro, natapos din niyang kopyahin ang lahat ng libro sa Teacher Compendium Pavilion ng Hongtian Academy papunta sa Library of Heaven's Path sa kanyang isipan.

Sa pamamagitan ng mga nakasulat na kahinaan at lakas ng bawat manual sa Library of Heaven's Path, naintindihan niya ang mga konsepto ng mga cultivation technique, mga battle technique, mga gamot, mga sandata, mga formation at kung anu-ano pa.

"Dahil sa Pure Yin Body ni Zhao Ya, ito ang manual na dapat niyang i-cultivate. Pero, bago yun, may mga kailangan pa 'kong ayusin…"

Pagkatapos niyang sauluhin ang buong Compendium Pavilion, lubusan niyang naintindihan kung paano niya sosolusyunan ang problema ni Zhao Ya sa kanyang katawan. Hindi niya mapigilang mapabuntong-hininga. Nakahanap din siya ng mga butas at mga kakulangan sa mga naunang 3 dan ng kanyang cultivation. Kung magkakaroon siya ng oras para muling i-cultivate ang mga ito, maaari niyang maitama ang mga ito.

"Gugugu!"

Nang makatapos siya, naramdaman niyang kumikirot ang kanyang sikmura. Pagkatapos niyang magtrabaho sa loob ng mahabang oras, nakaramdam na siya ng gutom, hindi lang niya ito napansin agad.

Napailing siya, at naglakad palabas ng Compendium Pavilion. Subalit, habang naglalakad siya biglang humarang sa harap niya si Shen Bi Ru, at tinignan siya ng masama.

Akalain mo nga naman nandito pa rin pala ang babaeng ito pagkatapos buklatin ni Zhang Xuan ang mga libro sa pavilion ng halos pitong oras.

Dahil ayaw niyang magpaabala sa isang taong nagpapaka importante, nagpatuloy sa paglalakad si Zhang Xuan palabas ng Compendium Pavilion.

"Itigil mo yan!"

Paglabas niya sa Compendium Pavilion, narinig niyang may sinabi sa kanya si Elder Mo.

Sa mga oras na ito, nagdilim ang mukha ni Elder Mo hanggang sa magmistula itong nagkumpulan na mga maiitim na ulap, na handang sumabog anu mang oras.

Ang tagal niyang pinagbigyan ang binatang 'to!

Sa mga oras na 'to, isa lang ang iniisip ni Elder Mo. Pasaway, pasaway, at pasaway!

"Elder Mo!"

Nagtatakang tumingin si Zhang Xuan kay Elder Mo.

"Hmph, Zhang Xuan laoshi!" Masama ang tingin sa kanya ni Elder Mo. Bakas ang kalupitan sa tono ng boses niya, at sinabing, "Hindi ka nagpunta dito para mag-aral, sa halip ay nandito ka para lang manggulo! Mula ngayon, hindi ka na pwedeng pumasok sa Compendium Pavilion. Kapag pumunta ka pa dito, lulumpuhin kita!"

"Nanggugulo? Elder Mo, saan nanggaling lahat ng 'to? Seryoso ako sa pagbabasa ko, paano mo nasabing nanggugulo ako?"

Kahit na nakagawa ng kopya ng buong Compendium Pavilion sa kanyang isipan at hindi na niya kailangan pang bumalik dito, sumama pa rin ang loob niya sa mga narinig niya.

[Bakit kapag ibang tao ang nagpupunta dito, iniisip mong nag-aaral sila, pero kapag ako ang nandito, iniisip mong manggugulo lang ako?

Anong klaseng pag-iisip ang meron siya?

Hindi ba parang wala ka na sa katwiran!]