webnovel

Ang Paglalantad sa Panloloko

Redakteur: LiberReverieGroup

"Tip?"

Nang marinig ang mga salitang iyon, nangatog si Master Mo Yang at halos sumuka ng dugo.

[Tip mo mukha mo!

Isa akong magaling na mag-aalahas, hindi ako kinukulang sa pera. Tingin mo tatanggapin ko 'yang tip mo...]

Nagmamatigas at halos magwala na si Master Mo Yang. Sa puntong ito, siya ay mapupunta sa isang nakakahiyang sitwasyon tanggapin man niya ito o hindi.

Kapag kinuha niya 'to, ibig-sabihin nito ay tinanggap niya ang tip ng ibang tao. Sa kasong iyon, hindi na siya naiiba sa isang tigapagsilbi o alipin. Kapag siya ay tumanggi... Ang ginawa na yun pa lamang ni Zhang Xuan ay labis na kahihiyan na para sa kanya!

May bigla siyang naisip... Posible kayang nakita na ito ng binata noong una pa lamang, kaya kinuha niya ang pera niya, para sadya siyang ipahiya?

"Ayaw mo? Mabuti, makakatipid ako ng isang libo. Alam mo bang makakabili ka na ng maraming bagay gamit ng isang libong pirasong ginto!"

Nang maramdaman niya ang kanyang pag-aalinlangan, muling kinuha ni Zhang Xuan ang pera at bumulong sa tabi.

"..." Nang marinig ang mga salitang iyon, halos mahimatay na si Master Mo Yang.

"Napaka swerte mo, tama ang napili mo. Subalit, hindi ibig-sabihin nito ay panalo ka na! Sige, may mga kailangan pa akong puntahan, kaya oras na para umalis ako!"

Nanlilisik ang kanyang mga mata, tumayo si Master Mo Yang, iwinasiwas ang kanyang kamay at naghanda nang umalis.

Humanga si Zhang Xuan sa kanyang ginawa.

[Gaya ng inaasahan sa isang propesyonal na manloloko. Sa oras na magkaproblema, aalis siya agad. Talagang kahanga-hanga ang kanyang pagdedesisyon.]

Sinuwerte man si Zhang Xuan o talagang magaling siyang manuri ng kayamanan, siguradong hindi na siya tatawaging baliw pagkatapos nito. Sa halip na makipagtalo siya rito, mas mabuti nang tapusin na niya ito dito.

Kunsabagay, kumita naman na siya ng malaki sa pagsusuri ng kayamanan para sa iba.

Habang humahaba ang usapan, lalong lumalaki ang posibilidad na magkaproblema siya.

"Hindi pa tapos ang resulta ng ating kompetisyon, bakit nagmamadali ka nang umalis!" Dahil sa ikinilos ni Master Mo Yang kanina, imposibleng hayaan ni Zhang Xuan na basta na lamang siyang umalis.

"Tama, master, huwag ka masyadong magmadali umalis! Kumita ka din sa gamit na binili mo, hindi pa ito nangangahulugan na panalo na siya!"

"Minaliit lamang ni master ang kanyang kalaban, kaya hindi niya pinili ang pinakamahalagang kayamanan. Naniniwala kami sayo..."

Matapos ang ilang araw ng pagtitiyaga, nakakuha na ng maraming tapat na tigasunod ang master.

"Sinabi ko na kanina na may kailangan pa akong puntahan. Paalam na!" Iwinagayway ni Master Mo Yang ang kanyang kamay.

"Kahit na may importanteng bagay kang dapat gawin, sa tingin ko hindi naman makakasabagal ang ilang minuto pa na pananatili mo dito. Kakailanganin ko pa ang iyong gabay sa ibang mga bagay!" Hinarangan ni Zhang Xuan ang kanyang daanan.

"Anong mga bagay?" Huminto si Master Mo Yang at galit na nagtanong.

"Ang taong 'to..."

Nang makita niyang huminto si Master Mo Yang, bahagyang ngumiti si Zhang Xuan at tumingin sa matandang bumili ng ornamental vase.

"Anong meron?" Lumapit ang matanda.

Yakap pa rin niya ang artifact na naglalaman ng ornamental vase na parang may yakap siyang isang natatanging kayamanan. Sa laki nito, hindi niya magagawang linisin ito sa maikling oras lamang. Kung kaya't pinili niyang dumito muna at sumama na lamang sa madla.

"Kung hindi ako nagkakamali, ang gamit na pinagkagastusan mo ng 80,000 pirasong ginto ay isang ornamental vase. Higit pa rito, ito ay sira na at di man lang nagkakahalaga ng isang pirasong ginto!" Ang sabi ni Zhang Xuan matapos ituro ang artifact na hawak ng matanda.

"Ornamental vase? Di man lang nagkakahalaga ng isang pirasong ginto? Anong kalokohan 'to? Ito ay isang bagay na pinili ni master para sa akin..." Nagdilim ang mukha ng matanda nang sabihin niya ito kay Zhang Xuan.

"Matagal linisin ang ganyan kalaking artifact. Kakailanganin mo ng isang araw para dito. Ganito na lang, ihampas mo 'yan sa lapag at kung mali ako, babayaran kita ng 80,000 pirasong ginto! Pero kapag tama ako, ibig-sabihin nahulog ka sa patibong niya at naloko. Kung ganun, pwede mong hingiin uli ang pera mo mula sa taong nanloko sayo!"

Nakangiting alok ni Zhang Xuan.

"Ihampas?" Nabigla ang matanda sa kanyang narinig.

Totoo ang mga sinabi ni Zhang Xuan. Talagang matagal linisin ang ganito kalaking artifact. Ngunit, kung ihahampas niya ito sa lapag, maikling oras lang ang kanyang gugugulin.

Kung totoo ngang isang ornamental vase lang 'to, malaking kawalan ito sa kanya.

Kahit para sa kanya, ang mawalan ng 80,000 pirasong ginto ay magdadala sa kanya sa pagkalugi.

Kung lalabas na peke ang artifact, malamang ay magpapakamatay na siya.

Kung sinabi ito ng binata kanina, babalewalain lamang niya ang mga ito. Subalit, kakabili pa lamang ng binata ng kayamanan, kung saan kumita siya ng 765 na beses. Ang kaalamang ito ang nakaapekto sa kanyang desisyon.

"'Huwag kang mag-alala, ang isang tunay na kayamanan ay hindi basta-bastang masisira. Kahit na hampasin mo pa ito, malabong mabasag ito. Hindi ka mawawalan!" Nagpumilit si Zhang Xuan nang maramdaman ang kanyang pag-aalinlangan.

"Sige!"

Matapos siyang makapag-isip-isip, hinampas ng matanda ang artifact na kanyang yakap sa lapag.

Dang lang!

Malutong ang tunog, nang mabasag ang malaking artifact, at ang totoo nitong anyo ay nabunyag sa gitna ng putik at mga lumot... Totoo ngang ito ay isang basag na plorera.

"Isa nga itong... ornamental vase?"

Matapos nila itong tingnan, kinumpirma ng madla na walang kaduda-dudang isa nga itong ornamental vase.

Kahit na ito ay isang antigo na mula pa noong unang panahon, hindi pa rin ito nagkakahalaga ng malaki. Walang bibili nito sa halagang 10 pirasong ginto, lalo na sa halagang 80000.

"Anong nangyayari dito…"

Nang makita ang mga basag na piraso sa sahig, nanigas ang matanda dahil sa sobrang pagkagulat.

Sa umpisa pa lang ay umasa na siya sa artifact na ito para kumita siya ng malaki, ngunit nauwi lang sa ganito. Paanong hindi siya magwawala?

"Anong nangyayari? Ang dapat na tanungin mo ay si Master Mo Yang! Kung hindi ako nagkakamali, nakipagtulungan siya sa tindero para maging isang sikat na mag-aalahas at makuha ang pansin ng iba. Kung kaya't sa pamamagitan ng kanyang pagkilatis, nagawa niyang pagastusin kayo ng malaki para bumili ng mga artifact na pinipili niya para sa inyo, dahilan para kumita siya ng malaki!"

Tiningnan ni Zhang Xuan si Master Mo Yang at ang tindero, at siya ay ngumiti. "At kung tatanungin niyo kung paanong puro mataas ang halaga ng mga napipili niyang gamit, simple lang ang dahilan.Dahil hindi sa harapan niyo nangyari ang paglilinis nito, nagawa nilang palitan ang gamit sa loob ng isang kayamanan na inihanda na nila nung una pa lang at sinabing ito ang kanyang pinili. At dahil walang nakakita ng paglilinis dito, walang makakakontra sa kanyang sinabi."

"Ito ay…"

"Totoo ba 'to?"

Nang marinig ang mga sinabi ni Zhang Xuan, nawala ang tiwala ng lahat kay Master Mo Yang.

Matapos pumili ng isang kayamanan sa harap ng lahat, matagumpay na naibunyag ni Zhang Xuan ang isang pekeng kayamanan na kinilatis ni Master Mo Yang. Nagsimulang magduda ang madla na kanina lang ay buo ang tiwala kay Master Mo Yang.

Dang lang!

Habang abala ang lahat na isipin kung sino ba ang tama at kung sino ang mali, umalingawngaw ang isa pang malakas na tunog sa gitna ng madla. Isa pang tao na nakatanggap ng kanyang kinilatis ay hinampas din sa lapag ang kanyang biniling artifact. Sa pagkakataong ito, hindi naman ito isang ornamental vase, ngunit isa lamang walang kwentang paso. Kita na agad sa isang tingin na hindi ito ganon kahalaga.

"Peke, peke nga ito! Gumastos ako ng 60,000 pirasong ginto para bilhin ito... Mga manloloko sila!"

Nang makita ang mga basag na piraso sa sahig, nalaman ng mga bumili ng mga gamit na kinilatis na naloko din sila at sila ay nagsigawan.

Peng! Hong! Puhe!

Kasama ng dalawang nauna, ang ibang natitira ay hindi na rin nakapagpigil. Isa-isa nilang binato, hinampas ng martilyo o hiniwa ng patalim ang mga artifact na kanilang binili.

Nang makita ang mga nasa loob, namutla ang kanilang mga mukha.

"Peke ang lahat ng 'to... Puro walang kwentang basura lang 'to!"

"Naloko tayong lahat. Sinungaling ang Master Mo Yang na 'to..."

Kung isa lamang ang peke dito, maaaring matanggap pa ito ng madla. Kunsabagay, kahit ang isang mag-aalahas ay imposibleng makapili ng kayamanan sa mga artifact sa lahat ng pagkakataon. Subalit, nang lumabas na ang lahat ng siyam na artifacts na kanyang kinilatis ay basura lamang, ang ibig-sabihin lang nito ay isa siyang manloloko!

[Di ko lubos maisip na umasta ka pang maawain at mabuti ang kalooban... Pui! Isa ka lamang manloloko!]

Mahigpit na pinalibutan ng nagwawalang madla si Master Mo Yang at ang tindero at tiningnan nila ito nang masama. Sa oras na ito, sumagi rin sa isip ng madla ang patayin sila.

Kunsabagay, hindi nanggagaling sa langit ang pera ng kahit sino.

Kung walang nakahalata sa kanilang panloloko, at malalaman lang nila na sila ay naloko matapos itong malinis, sino ang pwede nilang pagbayarin sa kanilang kawalan?

"Huwag kayong maniwala sa kalokohan ng lalaking ito! Kahit ang mga mgagaling na mag-aalahas ay may mga pagkakataong sila ay nagkakamali, hindi totoong magkakilala kami ng tindero ng artifact na ito..."

Nang makita ang mga nanlilisik na tingin ng mga tao, napagtanto ni Master Mo Yang na imposible nang maloko niya ang mga ito at napasigaw na lamang siya sa galit.

Kung kanina sana ito nangyari, tiyak na maniniwala sa kanya ang madla. Pero ngayon... Wala man lang nakikinig sa kanya.

Peng peng peng peng!

Ang tunog ng isang taong namamalo ng isang tao ay umalingawngaw mula a pagtitipon ng madla. Kasunod nito, maririnig ang sigaw ng pagdurusa. Sa pagkakataong ito, kahit ang tindero ay hindi din pinaligtas.

At para naman sa nagsimula ng gulo, na si Zhang Xuan, siya ay pumuslit na paalis sa oras na nagkaroon na ng kaguluhan.

Ang mundo ay malaki, at araw-araw, may mga tao na nanloloko ng iba, at may mga taong naloloko naman nila. Hindi siya isang Diyos, kaya imposibleng siya ay humadlang sa lahat ng ito. Kung hindi dahil sa kadaldalan ni Master Mo Yang, hindi sana niya pagkaka-abalahan pang ibunyag ang kanyang panloloko.

Ngayong alam na ng mga naloko nlia ang katotohanan, natural lang na mayroon silang kani-kaniyang paraan na harapin ang kanilang mga problema. Hindi na kailangan ni Zhang Xuan na alalahanin pa sila.

"Huang Yu Bookstore..."

Habang naglalakad-lakad siya sa market, isang malaking tindahan ang lumitaw sa kanyang harap. Sa loob nito, iba't-ibang uri ng libro ang nakalagay sa mga bookshelf sa loob.

Ang tindahan ay nagtitinda ng mga halamang gamot, mga sandata, mga savage beast at natural, mga libro. Ito rin ang kanyang pinakamotibo kaya siya pumasok sa tindahan.

"Makapagtingin-tingin nga!"

Inihakbang ni Zhang Xuan ang kanyang binti at naglakad papasok ng tindahan.