"APO MAAN! APO MAAN!" humahangos at sumisigaw ang isang dalagang Babaylan parating ng templo.
Natigil ang panunuod ng mga Arkanghel at Elders saka natuon ang mga mata sa bagong dating. Hingal na hingal ito at umiiyak nang makalapit sa Punong Babaylan.
"Helena, ano ang nangyari? Nasaan si Devorah at Ayesha?" bulong ni Apo Maan.
"M-may… may dumukot kay Ayesha! Isang babaeng demon na kulay silver ang buhok," naghahabol ng hangin na kwento ni Helena.
"What?!" sigaw ni Eros saka mabilis na lumapit sa kanila, "Where's Devorah?"
"Naiwan siya sa gubat dahil nawalan siya ng malay nang sinubukan niyang makipaglaban sa demonyita, tumakbo agad ako upang humingi ng tulong."
"Shit!" napamura ng malutong si Eros sabay napasabunot sa buhok.
Nababahala ang lahat sa narinig higit si Cael, "Nasa panganib si Ayesha."
Nagpalitan ng mainit na tinginan ang mga Arkanghel habang nagbulungan ang mga Elders. Samantala, lihim naman na napangiti si Kreios.
Lumapit si Cael sa mga Arkanghel, "Mga mahal kong pinuno, hayaan niyo po akong iligtas si Ayesha sa kamay ng mga kalaban. Mas higit na manganganib ang buong mundo sa oras na mapasakamay ng hari ng kadiliman ang anak ng Nephilim!" nababahala niyang turan.
Humarap si Daniel sa kapwa mga Arkanghel, "Mga kapatid, dumating na ang tamang panahon. Ang tagal na natin nanahimik sa Paraiso ng Eden. Kailangan na natin kumilos upang tuluyang tapusin ang kasamaan ni Lucifer. Hindi siya titigil hangga't hindi siya nagtatagumpay sa masama niyang mga plano."
"Tama si Daniel, tanging kamatayan lang ang makakapigil sa kanya," dugtong ni Gabriel na tulad ni Daniel ay disido sa mithiin na wakasan ang kabaliwan ng hari ng kadiliman.
Sa mga sandaling iyon ay tuluyang nagkasundo-sundo ang anim na Arkanghel.
"Kung gayon, Arkanghel na Michael, ihanda mo ang buong hukbo ng mandirigmang Anghel. Susugod tayo sa teritoryo ng hari ng kadiliman," matatag na saad ni Daniel.
Bawat isa sa kanila ay may nag-aapoy na mga mata. Matapos ang halos napakatagal na panahon simula nang mangyari ang malaking kaguluhan sa Paraiso ng Eden. Sa pangalawang pagkakataon ay magaganap ang pinakamatinding digmaan na babago sa buong mundo.
***
"NAGUSTUHAN niyo ba ang inihanda kong mga surpresa?" tanong ni Lucas sabay sumimsim ng alak sa hawak na kopita.
"Ilabas mo ang asawa ko," mababa ngunit matatag ang boses ni Lexine.
Muling sumimsim ng alak si Lucas hanggang sa maubos niya ang laman nito, "Sige… hindi na kita masyadong pag-aantayin pa tutal ay yun naman talaga ang ipinunta mo dito," humarap ito sa mga alagad, "Dalhin niyo ang prinsipe ng dilim."
Umupo ng tuwid si Lexine at halos humaba ang leeg niya sa pag-aasam na makita ang asawa. Nababahalang nagkatinginan ang magkakaibigan. Ilang sandali pa at pumasok ang mga Lethium Demon bitbit si Olive at Night.
Napatayo sa upuan si Orgon nang makita ang sugatan at duguan niyang kapatid. Ganoon din si Lexine na halos manghina ang mga tuhod sa kaawa-awang kalagayan ng kanyang asawa.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at maliksing kinilos ang mga paa at humahangos na lumapit sa dalawa. Nakasunod ang mga kaibigan niya.
"Night!" agad niyang niyakap ang lantang gulay na katawan nito, "Ano'ng ginawa nila sa'yo," sinapo niya ito sa magkabilang pisngi.
Nadudurog ang puso niya sa nakikita ng mga mata. Wala itong suot na damit maliban sa sira-sirang pantalon, halos walang mapaglagyan ang mga sariwang sugat, pasa at marka ng latigo sa buong katawan nito. Namamaga ang dalawang mata na halos hindi na makadilat habang putok ang labi at kilay.
Nanghihina na tumingala si Night at nagtagpo ang mata nila, "L-lexine?"
"Nandito na ako," nagsimula nang pumatak ang mga luha niya at buong pag-i-ingat na hinaplos ang mukha ng asawa saka hinagkan ng buong higpit.
Lumuhod naman sa harapan ni Olive si Orgon at mahigpit itong niyakap. Panay ang hagulgol nito sa balikat niya. Katulad ni Night ay bugbog sarado din ang payat nitong katawan.
"Kuya ko…" nanginginig ang boses nito.
Mabilis na binalot ng galit ang buong sistema ni Orgon nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng pinakamamahal na kapatid. Umilaw ang kanyang wolf's eye habang nagtaas-baba ang balikat at dibdib. Hindi na niya na napigilan pa ang nagbabagang damdamin, lumitaw ang kanyang pangil at mabilis na tinalon ang kinaroroonan ni Lucas.
"Hayop ka, papatayin kita!!!"
"Orgon, huwag!" sigaw ni Miyu.
Pero huli na ang lahat. Mabilis na nag-transform si Orgon pagtalon nito at nakahanda na ang malaking bibig upang sakmalin ang hari ng kadiliman.
Tumaas lang ang sulok ng bibig ni Lucas, nakapalumbaba pa ito gamit ang kaliwang kamay. Sa isang simpleng paghumpas nito ng dalawang daliri ay may malakas na pwersa ang sumalubong sa malaking lobo dahilan upang tumilapon ito sa kabilang panig ng bulwagan. Tumama ang katawan ni Orgon sa isang malaking pilar, nawasak iyon at natumba ito sa sahig sabay nahulugan ng mga debris.
Ni hindi man lang pinagpawisan si Lucas sa nangyari na tila inaantok pa habang nakaupo sa kanyang trono, "What a lousy dog."
"Kuya!" tinangka ni Olive na lapitan ang kapatid pero agad itong pinigilan ni Miyu sa braso sabay umiling. Wala itong nagawa kundi tahimik na humikbi sa kinauupuan.
Lalong nagdilim ang mukha ni Lexine habang matalim ang tingin kay Lucas, "Napakasama mo talaga, ngayon pa lang sinusunog na ang kaluluwa mo sa impyerno."
Sinalubong naman ni Lucas ang titig niya gamit ang mapaglarong mga mata, "You're wrong my dear, I have been dwelling in hell for only eternity knows how long," nasundan ito ng mala-demonyong tawa na pumainlanlang sa kabuuan ng malaking bulwagan.
Lalong nangalaiti ang kanyang kalooban. Isang Lethium Demon ang lumapit sa hari at may binulong. Sumilay ang nakakakilabot na ngiti sa mga labi nito na lalong nagpadagdag ng kabang nararamdaman nila ng mga sandaling iyon.
"What a good news, dumating na pala ang kukumpleto sa ating family reunion."
Napakunot ang noo ni Lexine sa sinabi nito pero nang sandaling mapagtanto niya agad kung ano ang ibig sabihin ni Lucas ay mabilis na nanigas ang buong katawan niya. Nanlaki ang mata ni Lexine sa labis na takot habang tahimik na nagdadasal na sana mali ang naiisip niya.