After five years
LABING DALAWANG ballet dancers ang magkakahawak kamay at nakahilera habang buong ngiting nakaharap sa mga manonood. Sa kabila ng nakasisilaw na spotlight na nakatutok sa stage ay hinanap pa rin ng mga mata ni Lexine ang dalawang lalaking mahalaga sa buhay niya.
Sa pinakasentro, limang row mula sa stage, natagpuan niyang magkatabing nakatayo sina Alejandro at Ansell habang sumasabay ang mga ito sa malakas na palakpakan. Mas lumawak ang kanyang ngiti. Wala nang mas hihigit pa sa kasiyahang nararamdaman ni Lexine sa sandaling iyon na makitang ipinagmamalaki siya ng kanyang abuelo.
Kakatapos lang ng isang makapagtindig-balahibo nilang ballet performance sa stage ng Cultural Center of the Philippines Main Theater. Massive success ang kanilang show na "Romeo and Juliet" at siya ang star of the night bilang si Juliet.
Lumagpas sa likuran ng abuelo ang atensyon ni Lexine. Tatlong row mula rito nakatayo ang isang lalaking nakasuot ng itim na hood. Napakunot ang kanyang noo. Hindi pumapalapak ang lalaki. Tila ba nakatingin lang ito sa stage o partikular sa kanya?
Naputol ang tingin ni Lexine roon nang hatakin siya ng mga kagrupo patungo sa backstage. Panay ang yakap at papuri ng mga ito sa kanya.
"Ang galing mo talaga kanina, Lexi! Sobrang perfect ng ginawa mong fouette!" buong ngiti na puri ng half-Filipina at half-British na si Charlene. Namimilog ang asul nitong mga mata.
Ang tinutukoy nito ay isa sa pinakamahirap na ballet step at `yun ang naging main attraction ng kanyang performance. Gumawa siya ng non-stop at mabilis na thirty whipped throws sa loob lamang ng kalahating minuto. Tila ba naging isa siyang umiikot na turumpo.
"Oo nga! Nakita mo ba `yung reaksyon ng mga tao kanina? Naku, sis, amazed na amazed sila sa `yo!" segunda naman ng petite at chinitang si Rissa habang pumapalakpak pa ito sa tuwa.
"Uwian na! May nanalo na!" dugtong pa ng morenang si Sasha. Malakas silang nagkatawanan. Nagpasalamat siya sa mga ito.
Isang mestizo at matangkad na binata ang lumapit sa kanila at marahan siyang tinapik sa balikat. "Congratulations, Lexine. You did a great job!"
"Thanks, Chard. We did a great job!" aniya na may malaking ngiti. Ang binata ang ka-partner niya at gumanap bilang Romeo.
Tumawa ito sabay iling. "Nah, all I did was to lift you and be your shadow. Ikaw talaga ang nagdadala."
Umikot ang mga mata niya. "Masyado niyo nang pinapalaki ang ulo ko."
Isang malaking karangalan para kay Lexine ang pagiging lead dancer ng show. Ilang buwan niya rin iyon pinaghandaan nang mabuti. Tiniis niya ang strict diet at mas maraming oras na pagte-training upang masiguradong kundisyon ang kanyang katawan. It was all worth it.
Hinihingal na umupo si Lexine sa tapat ng malaking vanity mirror na matatagpuan sa gilid ng malawak na dressing room. Mula sa kanyang repleksyon, nasilayan niyang naglalakad palapit si Ms. Kristine Garcia na may malaking ngiti sa labi.
"You are so amazing up there, Lexi. I'm very proud of you." Pinisil nito ang magkabila niyang balikat.
"Thank you po, Ms. Garcia. I won't be where I am now without you." She stood up and gave her a tight hug.
"You deserve all of these." Hinaplos ni Ms. Garcia ang kanyang pisngi. "You're one of the most hard-working and dedicated ballerinas I've ever met. Just keep your passion burning and I know that there's a bright future waiting for you."
Maputi, maganda at balingkinitan si Ms. Garcia. Sa katunayan ay mukha pa itong mas bata sa edad na thirty-eight. Anak ito ng retired veteran at Artistic Director ng dance company na kinabibilangan ni Lexine: The Primera Belle Philippines.
Noong teenager pa lang si Lexine ay mataas nang rango ni Ms. Garcia bilang Senior Principal. Four years ago nang tumigil ito sa pagiging ballet dancer upang maging Ballet Mistress. Nagretiro na kasi ang dati nilang Ballet Master na isang Russian. Malaki ang naitutulong ni Ms. Garcia sa kanyang career lalo na't ito ang naging mentor niya noon pa man. Sa katunayan ay isa ito sa kanyang inspirasyon.
Sa buong grupo ay si Lexine ang sinasabing protégé ni Ms. Garcia at nakikitang susunud sa mga yapak nito. Dahil sa dedication at passion niya sa pagsasayaw kaya na-promote siya bilang coryphées two years ago. Madalas din na binibigay sa kanya ang mga leading roles kagaya ngayong gabi. Pangarap niya na makamit ang pinakamataas na rank bilang Senior Principal at makapasok sa isang international ballet company sa France. Naniniwala siya na darating ang panahon at magiging matayog ang paglipad ng kanyang career katulad ni Ms. Garcia.
Nagpaalam na ito sa kanya at nagtungo sa iba niya pang kagrupo. Pinagpatuloy ni Lexine ang pag-aayos ng buhok nang tumunog ang kanyang cellphone. Nagliwanag ang mukha niya nang makita ang pangalan sa screen. "Lolo!"
"Congratulations, darling! As always, you gave us a magnificent show."
Lexine's smile reached her eyes. "Thank you, lolo. I'm so nervous talaga kanina, but luckily, I've made it!"
"Of course, apo. Wala atang imposible sa'yo. You're gifted. I'm very proud of you."
Warmth embraced her like a blanket. Alejandro is Lexine's greatest motivation at ang marinig na ipinagmamalaki siya nito ay malaking bagay na para sa kanya. "By the way apo, I'm sorry but I need to go. Hindi na `ko makakasama sa inyo ni Ansell to celebrate. I already mentioned to you that I'll fly to Macau tonight for an important business meeting tomorrow, right?"
"It's okay, lolo. I understand. Please be careful and have a safe flight. Don't forget to drink your meds, okay? Just call me when you're not busy. I love you."
"I love you more my darling."
Nagbuntong-hininga si Lexine at pinagmasdan ang kanyang repleksyon sa salamin. Naiintindihan naman niya na napaka-busy ng kanyang abuelo sa dami ng responsibilidad nito bilang Chairman ng Vondeviejo Mega Corp. Their multi-billion conglomerate has been one of the leading corporations in the Philippine economy for the last four decades. Respetado ang pangalan ng kanilang angkan at bilang siya ang nag-iisang tagapagmana ni Alejandro kung kaya lumaki siyang nasa ibabaw ng mundo.
Laking pasasalamat niya rin na hindi siya nito pinipilit na maging parte ng kanilang family corporation at sinusuportahan lang siya nito sa pangarap niyang maging tanyag na ballerina. Hindi katulad ng mga pinsan niya na tinutulak ng mga magulang ng mga ito na pumasok sa kanilang kumpanya.
Inaya si Lexine ng mga ka-grupo na mag-picture taking kasama si Ms. Garcia. May iilang fans din siya na sumadya pa sa backstage. Ilang sandali pa silang nalibang sa pagkuha ng mga litrato nang marinig niya ang sunud-sunud na tikhim mula sa likuran.
Humarap si Lexine at sinalubong siya ng abot tengang ngiti ni Ansell. Napaka-gwapo nito sa suot na gray taylored suit. Nakabrush-up ang dark brown nitong buhok at may hawak na isang boquet ng pink tulips.
"Congratulations, Juliet!" he said in an over energetic voice. Lalo pa itong gumagwapo sa tuwing lumalabas ang mapuputi at pantay-pantay nitong ngipin na mas nakakasilaw pa sa spot light sa stage.
Tinalon niya ito ng yakap. "Thank you! At may flowers pa talaga, ah!"
Inakbayan siya nito. "Of course, mas romantic ako kay Romeo, `no! Mahal kaya ang bili ko riyan. It's worth five digits kaya ililibre mo `ko ng dinner ngayon."
Pasimple niya itong siniko sa tagiliran. "Romantic mo mukha mo!"
Hinatak siya ni Ansell palabas ng building. Magkahawak kamay silang tumakbo habang malakas na nagtatawanan na tila mga batang naglalaro na tulad ng dati.
I always want to have a guy bestfriend. How about you guys? Aren’t they cute together?
JOIN OUR FAMILY!
FB GROUP: Cupcake Family PH