NAGULAT sina Jacob at Nana nang ibalita sa mga ito na patay na si Girly. Hindi pa nila alam ang buong detalye pero nakaramdam ng lungkot si Nana kahit ipinagtabuyan ito ni Girly. Iniisip nito na ito ang dahilan ng pagkamatay ni Girly. Ipinangako ni Nana na kahit anong mangyari ay wawakasan nito ang lahat.
Nasa bahay ni Nana ngayon ito at si Jacob, pinagpaplanuhan ang kailangang gawin. Plano ng mga ito na balikan si Aling Lourdes bukas para tingnan ang kalagayan nito.
"Kakayanin natin ito, Nana," sabi ni Jacob bago niyakap si Nana.
"Kailangan, Jacob. Kailangan nating malutas ang lahat ng misteryong ito, para na rin kay Tina," sabi ni Nana.
Pasado alas-diyes na ng gabi, nagitla si Nana nang biglang magpatay-sindi ang ilaw sa kuwarto nito. Nandoon pa rin si Jacob. Napayakap si Nana dito. Nakaramdam ng takot si Nana nang may dumamping malamig na hanging sa gilid ng leeg nito.
"Hindi mo 'ko mapipigilan, Nana. Magtatagumpay ako," narinig na bulong ni Nana sa tainga nito.
"Jacob, nandito siya," pasigaw na sambit ni Nana.
"Huminahon ka, Nana," ani Jacob, nakayakap pa rin kay Nana.
Lumabas ang mga ito ng kuwarto pero agad na bumungad ang mga mukha ng mga namatay na kaibigan ng mga ito. Nakalutang ang mga ito sa hangin habang nakatingin kina Jacob at Nana.
Maiitim pa sa gabing walang buwan ang mga mata nito, nangingitim na rin ang mga labi. Naroroon pa rin ang mga sugat ng mga ito na nakakasukang tingnan. Si Paulo ay may gilit sa leeg. Si Bea ay may biyak sa ulo at nakikita na ang utak. Si Kristoff ay maputla at may lumalabas na tubig. Si Tim ay nakalabas ang dila at may lubid sa leeg. Si Girly ay putol ang mga kamay.
Napaiyak na si Nana sa takot. Pero hinila ito ni Jacob at nagmamadaling bumaba.
"Hindi kayo magtatagumpay! Hindi!" Boses iyon na parang demonyo.
"Huwag kang matakot, Nana. Hindi tayo magagalaw ng mga 'yan. May proteksiyon ako galing sa ama ni Tina."
Natigilan si Nana, napatingin kay Jacob. Hindi ba isang engkanto ang ama ni Tina?
"Ibig sabihin—" Hindi pa natatapos si Nana nang sagutin na ni Jacob ang balak nitong itanong.
"Oo, Nana, hindi ako ordinaryong tao," sabi ni Jacob. "Pero hindi ito ang tamang oras na magsumbatan tayo kaya dalian na natin."
Hindi na nakapag-react si Nana nang hilahin ito ni Jacob palabas. Saktong paglabas ng mga ito ay nakasalubong si Aling Lourdes.
"Hija, tutulungan ko kayo sa abot ng makakaya ko. Hindi ko na hahayaan pang may mabiktima at mapatay ang aking kapatid," sabi ni Aling Lourdes.
Sabay-sabay na ang mga itong pumasok sa kotse ni Jacob.
"Malakas na ang kapatid ko dahil marami na siyang napatay at kaluluwang nakolekta. Kapag nakuha pa niya ang kaluluwa at enerhiya ni Tina. Paniguradong mas lalo siyang lalakas at maghahasik ng lagim," sabi pa ni Aling Lourdes.
"Ano po 'yong sinabi niyo kanina? 'Yong tungkol po sa garapon?" tanong ni Nana. Magkatabi ito at si Aling Lourdes sa backseat ng kotse.
"Kung may makikita kayong garapon na umiilaw at parang may buhay, 'yon ang kaluluwa ni Tina na inilabas ni Mercedes noong nakita niya ang naghihingalong katawan ni Tina. Ang Tina na nakikita niyo ngayon ay si Mercedes na nagbabalatkayo at nanlilinlang lamang."
"Sinabi niyo na hindi pa niya makukuha ang kapangyarihan kay Tina," sabad ni Jacob.
"Oo, napalabas niya lang ang kaluluwa ni Tina pero hindi niya makukuha ang enerhiya at kapangyarihan ni Tina dahil kay Nana. Dahil kambal tuko sila. Kailangan munang mawakasan ang buhay ni Nana at makompleto ang orasyon na kakailanganin para makuha ang enerhiya ni Tina."
"Orasyon? Ano pong ibig niyong sabihin?" tanong ni Nana.
"Kagaya nang sinabi ko kahapon, kami ay hindi pangkaraniwang nilalang. Ang pamilya namin ay mga mangkukulam o mambabarang. Isang itim na uri niyon. Hindi ko tinanggap na manahin ang gawaing iyon dahil ayaw kong makapanakit ng tao. Si Mercedes ang nakakuha ng lahat ng kapangyarihan at kaalaman na iyon. Sapilitan niya iyong kinuha nang patayin niya ang mga magulang namin."
Mangkukulam?
"Kung ganoon bakit hindi niya na lang ako kulamin? Bakit pa siya pumapatay ng mga tao?" tanong ni Nana.
"Dahil may enerhiyang pumipigil sa kanyang kapangyarihan na masaktan ka, hija. At base sa nakikita kong awra na lumalabas dito sa 'yong kaibigan, hindi siya pangkaraniwang tao," sabi ni Aling Lourdes, nakatingin na kay Jacob.
"Isa akong engkanto, Nana. Alagad ako ng ama ni Tina sa mundo ng mga engkanto," sabi ni Jacob. "Mortal na tao ako noon. Pero dahil sa ginawa ko kay Tina, naparusahan ako ng ama ni Tina at ginawang engkanto. Inutusan niya akong hanapin ang kaluluwa ni Tina, bantayan iyon at maging ikaw na kakambal ni Tina."
Hindi alam ni Nana ang magiging reaksiyon. "Kailan... kailan ka pa naging engkanto?"
Bumuntong-hininga si Jacob, inaalala ang nakaraan na naging dahilan kung ano na ito ngayon. "Noong lamay ni Bea at nakita natin si Tina. Sobrang saya at lungkot ko noon. Pero doon din bumalik ang lahat ng guilt ko sa sarili dahil sa nagawa nating kasamaan sa kanya. Naisip ko na tama sigurong mamatay tayo bilang parusa sa ginawa natin. Inaamin ko na may parte sa puso ko ang masaya nang namatay ang mga kaibigan natin. Gusto ko silang maparusahan noon pa." Sandaling huminto si Jacob. "Pagkauwi ko galing sa lamay ni Bea, sinubukan kong magpakamatay para maalis ang lahat ng guilt na nararamdaman ko. Doon ko biglang nakita ang engkantong ama ni Tina."
Nakikinig lang si Nana sa lalaki, hindi pa rin makapaniwala.
"Nasa bingit na ako ng kamatayan noon nang kunin niya ako at dalhin sa mundo nila," sabi pa ni Jacob. "Doon niya ako ginawang engkanto. Naging madali lang 'yon dahil malapit na akong mamatay at wala nang ibang paraan. Sinabi sa akin ng engkantong ama ni Tina na hindi ang mga ito puwedeng manakit ng mga tao hangga't walang ginagawang masama sa mga ito. Kaya gusto niyang hingin ang tulong ko na makuha ang kaluluwa ni Tina at mabantayan ka rin."
"Iyong sinabi mo noon na panaginip mo tungkol kay Tina ay hindi talaga panaginip?" tanong ni Nana. "Totoo iyon. Alam mo na ang lahat?"
"Oo," sagot ni Jacob. "Ipinakita sa akin ng ama ni Tina ang mga nalaman nito tungkol kina Aya at Aling Mercedes. Nalaman ko rin na hindi na si Tina ang nakikita natin kundi si Aling Mercedes na may kapangyarihang magpalit ng anyo. Pero dahil hindi nito puwedeng galawin sina Mercedes at Aya dahil tao pa rin ang mga ito, kailangan niya ang tulong ko. Sinabi ko sa 'yo ang mga iyon noon para matulungan mo rin ako. Naniniwala ako na gusto mo ring mahanap si Tina."
Naalala pa ni Jacob noong ipakita dito ng engkantong ama ang pagtapon noon nina Paulo sa katawan ni Tina sa kagubatan. Doon iyon nakuha ni Aya at dinala sa bahay ng mga ito para kunin ang kaluluwa ni Tina.
Noong namatay si Tim ay alam na ni Jacob ang lahat ng katotohanan sa misteryong bumabalot sa mga ito. Kahit alam na nito ang nangyayari ay hindi nito ipinagsabi sa ibang kaibigan. Dahil may parte na tao pa rin ito, may galit pa rin ito sa mga kaibigan na pumatay kay Tina. Kaya kahit puwede nitong tulungan ay hindi nito ginawa. Pero hindi na sinabi ni Jacob kay Nana ang tungkol doon.
Hindi na uli nagsalita si Nana. Hindi na nito alam kung ano ang nararamdaman.
"Kaya hindi tumatalab ang kulam ni Mercedes dito kay Nana dahil sa proteksiyon ng isang engkanto. Pagdating natin sa bahay nila hanapin niyo kaagad ang garapon na sinasabi ko. Biyakin niyo iyon para makalabas ang kaluluwa ni Tina at makabalik sa dating anyo. Kailangan nating mapagtagumpayan ito para mawakasan na ang kasamaan ng aking kapatid," sabi ni Aling Lourdes.
Nang makarating ang mga ito sa tapat ng bahay ni Aling Mercedes ay nauna nang lumabas ng kotse si Aling Lourdes.
Mapagtatagumpayan ba namin ito? Sana nga... Sana...
Available na po ang physical copy ng kwentong ito. (^.^) Doon niyo mababasa ang 2 special chapters na hindi mapopost dito. :) Ilang copies nalang po ang natira, kaya grab your copy now. :)
To order, just send me a message.
FB: Alina Genesis
IG: _alinagenesis_