Back to work ang drama ko ngayon, masilayan ko lang siya sulit na buong araw ko. Super inspired talaga ako, nandiyan lang siya sa loob. Tumunog ang intercom at sinagot ko ang tawag. Nagpapatimpla lang pala ng dalawang coffee ang hinayupak! Akala ko pa naman gusto niya akong makita, hmp! Pumasok na ako't nagpunta sa pantry.
"Heto na kape mo, kanino 'yang isa? baka lumamig naman 'yan?"
Hindi siya kumikibo, seryoso ang mukha, busy tapos napapangisi pa. Hawak nito ang ipad niya. Aba, workaholic?! Bigla kong hinampas ang mesa, nagulat siyang nabitawan ang ipad na hawak niya. Mabilis kong kinuha sa sahig, napangiti ako, kunot-noo naman siyang tumingin sa akin, pinipigil ang tawa.
"Wow, naglalaro ka lang pala ng temple run?" Napanguso ako. Uso kasi ang larong 'to eh.
"So what, I'm the Boss here, magtrabaho man ako o hindi sasahod pa rin ako," aniya.
"Iyong kape mo lumamig na, kanina pa ako rito 'di mo man ako pinapansin sa sobrang busy mo." Ay, wapakels pa rin siya?
"Give me that," tukoy niya sa ipad. Hindi ko siya pinansin. "Nakita ko kasi si Kyle na nilalaro 'yan kaya ini-install ko."
"Gano'n ba?" Pinakialamanan ko ang ipad. Isang games lang ang nandito a. "Puro porn na lahat ang nakalagay, pervert talaga." Naibulong ko na narinig din pala niya.
"Akin na nga 'yang gamit ko pakialamera ka talaga! Kahit pervert ako hindi ko naman mamanyakin ang tulad mo! You flat chested!" kantiyaw niya sa akin. Narinig niya pala ako. Tinaasan ko siya ng kilay saka padabog na ibinigay sa kaniya ang ipad.
"Aba, porket guwapo ka ganiyan ka na manghamak! Darating ang araw na, itong flat chested na ito ang kababaliwan mo! Tse! Letse ka! Hindi ka naman guwapo! Mukha kang unggoy na impakto!" I stand straight, sway my hips and walk out the door without turning my back!
Sura niya! Umaapaw sa kayabangan! Nakaupo na ako sa aking working area. Makagawa na nga ng report. Biglang may nagparamdam sa harapan ko.Tumingala ako.
"Ay, guwapong multo!" sabi ko, guwapo naman talaga, makalaglag underwear, pero mas guwapo pa rin si Lee, giit ni conscience. Pinasadahan ko pa siya ng tingin. Napalunok at napanganga pa tuloy ako.
"Nakapasa na ba ako? Bibig mo baka mapasukan ng langaw," sabi niya na nakangiti. Bigla akong natauhan. Isinara ko ang nakangangang bibig ko.
"May appointment po ba kayo, Sir?" nahihiya kong tanong.
"Meron, I'm Engineer Ethan Ramirez." Pakilala niya sa sarili. Tapos ngumiti na naman.
"Sige po, Sir. Pasok na lang po kayo." Tumango lang siya saka na tinungo ang office door ni Sir.
This must be Operation New Prospect! I think this time, I'm in love! Goodbye Lee Angelo Tan! Hello, Ethan Ramirez! Kinikilig akong nagtrabaho.
---
Nagkita kami ni Pat sa mall, iniwan ko na muna kina Lee si Kyle. Nagpatulong kasi ako kay Pat sabi ko I wanna change for the better! Mamimili kami ng mga bagong gamit ko. At lahat ng mga pictures ni Lee at binigay niyang gamit before, pinagsusunog ko na. Kinukulit niya nga ako do'n sa plano niya, pero hindi pa rin ako pumapayag hanggang ngayon, kaya hayun sila patago silang nagkikita ni Akira. Bahala sila sa buhay nila, may anak kami, oo, pero nauntog na ako. Okay na sa amin ang ganitong sitwasyon, minsan tinanong ako ng anak ko kung bakit hindi raw kami tulad ng ibang kalaro niya na magkasama ang mommy at daddy nila. Samantalang kami magkahiwalay, sabi ko na lang sa anak ko hindi kami nakalaan para sa isa't isa ng daddy niya. Hindi na rin siya nangulit pa.
"Friend, kanina pa kita kinakausap, uy... tulala ka diyan?" sabi ni Pat. Kumakain kami ngayon sa isang fast food.
"Huh? Ano ba ang sinasabi mo?" wala sa sariling tanong ko. Pinakita niya sa akin ang cell phone niya na may picture ni Ethan Ramirez.
"Super gwapo niya," kinikilig na sabi niya.
"Pat, mapapansin ba naman kaya ako niyan?"
"Girl, maganda ka. Hindi ka lang marunong mag- ayos. Maglagay ka kasi kahit lipstick lang, mas hamak na maganda ka pa kay Akira no!"
"Oo naman, echosera!"
"Mukhang habulin din ito." Tukoy ni Pat kay Ethan.
"Oo nga, no, kaya nga malabong pansinin ako niyan," sabi ko.
"Alam mo naman, laging may appointment 'yun kay ungas, kaya dapat lagi kang mag-ayos. Malay mo naman?" seryosong sabi pa ni Pat.
Malabo naman yata 'yon. Ay Ethan, huwag mong ginugulo ang sistema ko.
---
"Samahan mo ako sa lunch meeting ko," aya ni Lee sa akin.
"Now na?" nagtatakang sabi ko.
"Oo, tara na."
Habang sakay kami ng elevator pababa sa ground floor panay ang sulyap niya sa akin.
"Gumaganda yata tayo ngayon ah," seryosong sabi niya saka niya pa ako sinulyapan mula ulo hanggang paa.
"Ikaw naman, masyado kang mapagbiro, buti napansin mo?" Nginitian ko lang siya.
"At nagpakulay ka pa talaga ng buhok mo? In fairness puwede na, bagong style rin ng damit mo? At saka sexy ka naman pala, kaso hindi pa rin halata," tatawa-tawa niyang sabi.
"Maganda naman at sexy na talaga ako dati pa! Hindi mo lang ako pinapansin!" Puro si Akira kasi nakikita niya. Akala ko pa naman na-appreciate niya, tinawanan pa ako. Kapal!
Nang huminto na ang elevator sa ground floor ay mabilis na akong naglakad at inunahan siya papunta sa parking lot. Naiinis talaga ako sa ugali niya.
---
Katabi ko sa upuan si Lee, at bakit ba kilig na kilig ako? Kasi naman kaharap ko si Ethan Ramirez. Ang lapad ng ngiti niya, ang ganda ng mga ngipin niya, puwedeng pang-toothpaste commercial. Guwapo na, macho pa!
Lee snapped his finger, naudlot ang pagpapantasya ko kay Sir Ethan.
"Pangit, tulala ka na diyan?"
"Huwag mo nga akong tinatawag ng ganiyan baka maniwala si Sir Ethan sa 'yo?"
"Pangit ka naman talaga, hindi mo pa tanggapin."
"Hmmm, kung mag-usap kayo parang dati na kayong magkakilala ah?" sabi ni Sir Ethan sa amin.
Nag-smile lang ako sa kaniya.
"By the way, Bro, itong next project natin kailangan pa natin pag-aralan mabuti, may babaguhin tayong konti." Pag-iiba ni Lee sa usapan.
Wala naman talaga akong naiintindihan sa sinasabi nila, parang sarili lang nila ang mundo. Naiinip na ako. Buti naman at natapos na rin sila.
"Bro, may boyfriend na ba siya?" narinig kong tanong ni Sir Ethan.
"Bakit ako iyong tinatanong mo?" sabi naman ni Lee.
"Nahihiya kasi ako," sagot naman ni Sir Ethan. Jusko po! Kinikilig ako!
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Pinagtitripan ba nila ako?
"Hindi ka namin pinagtitripan," sabi ni Sir Ethan na nakatingin na sa akin.
Nabasa niya ata ang isip ko?
"Bakit mo naitanong, Sir Ethan? Balak mo ba akong ligawan?" straight forward kong sabi. Kapalan na lang ng mukha para magka boyfriend na agad-agad.
Naibuga naman ni Lee ang tubig na iniinom nito. Hindi makapaniwala sa tinuran ko. Nag-ngitian naman kami ni Sir Ethan. At iyong araw din 'yon nag-umpisa ang lahat-lahat.
---
One month din nanligaw si Sir Ethan sa akin. Alam ko masyadong mabilis ang mga pangyayari, pero sinagot ko na rin siya. Guwapo na, mabait, gentleman at sobrang sweet. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito, overwhelmed ako sa pagmamahal na binibigay niya sa akin. Pikutin ko na yata siya eh. Kung tatanungin ninyo ako kung paano na si Lee? Well, in good terms na kami. Wala ng ibang ugnayan pa kundi ang anak namin.
Hindi naman tutol sa amin ang anak ko. Si Pat masaya rin para sa akin, pati ang pamilya ko. Dismayado nga lang ang parents ni Lee. Kasi nga ganoon ang nangyari sa amin.
"Ma, may date kami ni Ethan," masayang sabi ko kay Mommy.
"Okay, anak, ingat ka, I'm happy for you," sabi lang ni Mommy. Tumalikod na ako at nagpaalam.
Nasa apartment kami ni Ethan, pinagluluto ko siya, alam ko pagod kasi ito sa trabaho niya, kaya kapag may time ako pumupunta ako rito.
"Hon, kain na!" tawag ko sa kaniya. Lalapit na ako sa kuwarto niya kaso may kausap yata sa cell phone, hindi niya ako napansin.
"Yes, dumating na siya. Hindi ko nga alam kung paano siya kakausapin," narinig kong sabi niya sa kausap niya sa linya.
Nang matapos na siyang makipag-usap, nilagay niya na sa bulsa 'yung cellphone niya.
"Kanina ka pa ba diyan?" gulat niyang tanong.
"Hindi naman masyado," sabi ko na lang.
Ang weird naman niya ngayon. Promise. Ngumiti ako sa kaniya. Hanggang sa lumipas ang buong mag-hapon ay hindi na niya ako inimikan. May problema siguro.
Kahit nang inihatid na niya na ako sa bahay nasa kotse kami. Tamihik lang siya at hindi ako sanay.
"Hon, may problema ba?" Hindi ko na mapigil na hindi siya tanungin.
"Nothing, marami lang akong iniisip," sagot niya.
"Okay, sige." Natanggal ko na ang seatbelt, akmang bubuksan ko na ang pinto ng kotse nang bigla niya akong kinabig at niyakap ng mahigpit. Gumanti ako ng yakap.
"I'm sorry, huwag mo na lang akong pansinin. Go on, magpahinga ka na." Iyon lang ang sinabi niya pero nagtataka talaga ako sa ikinikilos niya.
---
Ano kaya problema ng boyfriend ko? Bakit hindi man lang siya nagte-text o tumatawag? Halos dalawang linggo na kaming hindi nagkikita, hindi pa nakikipag-communicate. Kapag tatanungin kung may problema siya, lagi niyang sagot. 'Hon, okay lang ako'. Minsan nakakasawa na rin, tatlong buwan pa lang itong relasyon na ito, at hindi ko na alam kung magtatagal kami. Minsan iniisip ko, siguro kaya ginusto ko siya para way of moving on na rin. Mahirap kasing makuha si Lee, kung talagang magkaibigan na lang, e di magkaibigan na lang. Dati umasa ako, sana friends into lovers na lang. Natatawa tuloy ako sa katangahan ko. Mabait si Sir Ethan no doubt about that, pero minsan kapag kasama ko siya parang wala rin naman ito sa sarili niya, laging malalim ang iniisip, kapag nilalambing, sumusungit naman tapos bigla na lang magso-sorry. Saan ba ako lulugar? Mahal ba ako no'n o katulad lang siya ni Lee?
May nag-text si Ethan, nakikipagkita sa isang malapit na restaurant. Nag-taxi ako at tumawag siya sabi ko on the way na ako. Pagkarating ko, nandoon siya sa pinakasulok na mesa. Kumaway siya sa akin pero hindi ngumiti, bakit mukhang haggardo versosa siya? Hindi fresh. Umupo ako sa tapat niya.
May pagkain na rin. May nakita akong buntis I think, seven months pregnant na ito. Teka, bakit umupo siya sa tabi ni Ethan? Hindi ako makapagsalita. Dalawang segundong katahimikan ang lumipas.
"Alex, this is Jane, my soon to be wife." Ano raw? Nabingi yata ako?
"Nagjo-joke ka lang, 'di ba? Kailan ka panatutong magbiro?" sabi ko. Hindi kumibo si Ethan. Para akong maiiyak na. Nakayuko lang ang babae, hindi ito umiimik. Pero nagawa ko pa rin na sulyapan ito. Halata sa kutis nito na may kaya ito. Saka maganda siya. "So, anak mo ang dinadala niya? Minahal mo ba ako? Alam ko na, panakip-butas mo lang ba ako?!" sigaw ko sa kaniya, wala akong pakialam kung gumagawa na ako ng eksena! Galit na galit ako.
"Hindi naman ganoon 'yon Alex, makinig ka muna."
"Huwag na aalis na rin ako, alam ko na 'yan. Huwag mo nang ituloy pa ang sasabihin mo, kasi masasaktan lang ako!" sabi ko pa. Tumalikod na ako at nagmamadling lumabas. Narinig ko pang tinawag niya ang pangalan ko at nagso-sorry siya.