webnovel

Hot Arranged Marriage

Nangako si Taryn sa butihing lolo ni Mic na magpapakasal siya dito. Nasa huling testamento na kailangang magsama sa iisang bubong ang dalawa ng isang taon! Lihim na umiibig si Taryn sa binata simula bata pa sila ngunit alam niyang walang patutunguhan kaya pinilit niyang supilin. Si Mic ay kailangang sumunod sa hinihiling ng testamento kaya pumayag na magpakasal. Ano ang mangyayari sa dalawang puso na ikinasal nang pilit?

ecmendoza · Urban
Zu wenig Bewertungen
11 Chs

Chapter Three

"BAGO ang lahat, nais kong ipahayag ang aking katuwaan dahil ikaw, Michael Zabala the Third, na aking kaisa-isang apo, ay isa pang binata hanggang sa araw ng aking pagyao."

"May I interrupt, Attorney?" ang pormal na sambit ni Mic. Katulad ng ama, nakasuot rin ito ng black suit.

Ang kasuotang iyon ang higit na bagay na panlibing ngunit naka-barong tagalog terno ang mag-ama nang ihatid ang labi ng yumao sa huling hantungan.

Sa personal na opinyon ni Taryn, kahit na napakalayo ng kinaroroonan niya sa sementeryo kahapon, higit na makisig at simpatiko si Mic Zabala sa suot na national costume.

Inilantad ng malinaw na telang piña ang pagka-matipuno ng katawan dahil nakahakab ang puting undershirt sa malapad na dibdib at balikat.

Lutang na lutang rin ang pagka-mestizong Pilipino ang mapusyaw na kayumanggi ng makinis na balat na nagiging mamula-mula kapag naiinitan.

"Yes, of course, sir."

Nang magsalita ang may edad na solicitor, bahagyang nahimasmasan ang dalaga. Bumalik sa kasalukuyan ang kanyang isipan.

"P'ano kung may asawa na ako ngayon?"

Humugot muna ng malalim na buntonghininga ang tinanong bago sumagot. "Hindi na ikaw ang magiging tagapagmana."

"Si Papa ba?"

"Er, hindi." Muling kinutingting ng mga daliri ang buhol ng kurbata.

Napakahirap basahin ng ekspresyon ni Mic nang muling nagtanong.

"Kung gayo'y sino?" Tila pakaswal lang nang sumulyap sa gawi ni Taryn ang binata.

Lumunok muna ang abugado bago tumugon.

"Well, it's not Miss Taryn Ferrer either. Although minsan nang pinag-isipan ni Sir Michael na gawin siyang sole heir ng Zabala Farm."

Napasinghap si Taryn sa narinig.

Nagsimula namang maningkit ang mga mata ni Mic pero banayad pa rin ang tono.

"Ano naman ang nagpabago sa isip ni Lolo?"

"Alam niyang tatanggi si Miss Ferrer at ibabalik sa inyong pamilya ang mga ipapamana ni Sir Michael."

"I see."

Napalunok rin si Taryn nang titigan siya ni Mic. Itim na itim ang mga mata ng lalaki. Nagmistulang kambal na balon na ubod ng lalim at puno ng sari-saring panganib...

Umubu-ubo na naman si Attorney Layug upang muling makuha ang lubos na atensiyon ng dalawang kaharap.

Iyon ang nagpahiram ng sapat na lakas kay Taryn upang makakawala sa mapambihag na titig ng lalaking nakaupo sa katapat na sopang kinauupuan niya.

"Ipagpapatuloy ko na ang pagbasa sa liham ni Sir Michael."

Kumiling ang ulo ni Mic bilang pagbibigay ng permiso.

"Dahil sa ikaw ay isa pang binata, gagawin kitang nag-iisang tagapagmana ng lahat ng mga ari-ariang maiiwan ko--kung tutuparin mo ang isang kondisyon."

"Ano'ng kondisyon?"

Iyon din ang awtomatikong katanungan ni Taryn ngunit hindi niya magawang isatinig dahil nagsara ang kanyang lalamunan.

Bigla kasi niyang naalala ang huling pag-uusap nila ni Lolo Michael...

Nangako siyang susundin ang kondisyon sa huling testamento ng butihing amo bago ito yumao.

"Kailangang pakasalan mo si Taryn Ferrer upang iyong makamtan ang lahat ng mga ari-ariang ipapamana ko."

"That's bullshit!" bulalas ni Mic, sabay bayo ng kamao sa ibabaw ng lamesitang yari sa mahogany.

Ang isang bahagi ng utak ni Taryn na hindi pa pinamanhid ng pagkabigla ay nag-alala sa sakit na tiyak na tinamo ng kamao ng lalaki.

Lubhang napakatigas ng antigong lamesitang yari sa sinaunang kahoy.

Ngunit walang mababakas na sakit sa sumisingasing na ekspresyon ng binata. Nanlilisik ang mga mata nitong umaapaw sa paghihimagsik.

"Walang karapatan si Lolo na diktahan ang kapalaran ko!" dugtong nito, pasinghal.

Dali-daling idinampi ni Attorney Layug ang isang panyolitong de-almirol at buong kinis na naka-plantsa sa makintab na noong ginigitian ng mga ga-munggong butil ng pawis.

Nagpatuloy ito sa pagbasa bilang tugon.

"Humihingi ako ng paumanhin sa 'yo, mahal kong apo. Patawarin mo ako sa aking pakikialam sa buhay mo. Sana'y huwag mo naman akong kamuhian nang husto. Ako ay isa lamang matandang desperado."

Naalala ni Taryn ang ilan pang sinabi ni Lolo Michael.

'Desperado na ako... Gusto kong manatili ang Zabala Farm sa aking pamilya. Gusto kong masigurong hindi maibebenta ng aking tagapagmana sa ibang tao ang mga ari-ariang ipinundar ng pawis at dugo naming mag-asawa.'

Muling binayo ni Mic ang lamesita ngunit mas mahina na.

Ngunit hindi inisip ni Taryn na nabawasan na ang galit nito. Marahil ay ininda na ng laman ang tinamong bugbog.

Nagdumali naman si Attorney Layug sa pagbabasa. "Para mapasaiyo ang lahat ng aking mga ari-arian, kailangang pakisamahan mo si Taryn--sa loob ng isang taon."

"Isang taon?"

"Pagkatapos ng isang taon, maaari ka nang kumuha ng annulment." Saglit na huminto sa pagsasalita ang abugado. Tila naghihintay ng reaksiyon.

"Magiging malaya na kayo sa isa't isa," dagdag pa bago tuluyang tumahimik.

Nanatiling nakayuko si Taryn kahit nararamdaman niyang nakatutok sa kanya ang isang pares ng mga matang nag-aapoy at nangangako ng kaparusahan.

Nabasag ang tensiyonadong katahimikan nang tumikhim ang abugado.

"May isang araw ka para mag-isip, apo ko. Paalam na muna sa ngayon," pagtatapos nito.

"Hindi ko na kailangang mag-isip," pakli ni Mic. Malamig at matigas ang tono. "The answer is no!"

Napapitlag si Taryn. Paano'y parang mga batong mabibigat at matatalas na ipinukol sa mukha niya ang bawat katagang sinambit ni Mic.

Ginalusan at sinugatan ang kanyang balat na walang proteksiyon.

Binuklat ni Attorney Layug ang plastic folder upang ibalik ang unang pahina at hugutin ang ikalawang pahina.

"Kung tututol ka, ikaw at ang iyong ama ay walang mamanahin ni isang kusing. Mawawala na rin ang monthly allowance ng buong pamilya mo. Ang lahat ng aking mga ari-arian ay ibebenta at ang mapagbibilhan ay hahatiin sa iba't ibang charity organizations dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Si Taryn naman ay tatanggap ng sampung milyong piso at mapupunta sa pangalan niya ang caretaker's cottage at ang isang ektaryang lupang siya mismo ang pipili ng lokasyon."

Panakaw na sumulyap ang may edad na lalaki sa gawi ni Mic bago nagpatuloy.

"Mas makabubuting pag-isipan mong maigi ang iyong desisyon, apo ko. Hindi palaging nasa huli ang pagsisisi."

Isa na namang katahimikan ang kumapal at lumawig.

Napatigagal si Taryn sa narinig. Hindi siya makapaniwalang ganito ang nilalaman ng huling testamento ni Lolo Michael.

Sinikal ang tono at anyo ni Mic nang magsalita sa wakas.

"Yaman din lang na pinag-iisip ako nang husto ni Lolo Michael, maaari ko na bang marinig ang mga alternatibong mangyayari kung papayag ako?" Puno ng panunuya ang katanungan.

Maagap na tumango ang abugado. "Good idea, sir--para matimbang-timbang n'yong maigi ang lahat ng bagay," sang-ayon nito habang maliksing hinuhugot ang ikatlong pahina.

"Kung papayag ka naman: Congratulations, apo ko! You made a very wise decision.

Siguradong hinding-hindi makakaranas ng hirap ang iyong pamilya dahil ang pakinabang sa trust fund na inihanda ko para sa retirement ng iyong Papa ay matatanggap na niya.

Makikinabang rin ang iyong Mama. Sina Junior at Sonia ay makakatanggap ng tig-dalawandaan at limampung piso kada buwan o tig-tatlong milyong piso kada taon.

Makakamit mo na agad ang buong kontrol sa lahat ng mga ari-arian ko. Ang iyong sahod ay katulad ng aking tinatanggap kada buwan--kalahating milyon piso.

Si Taryn ay mananatiling farm manager. Kahit ikaw na ang bagong amo, hindi mo siya maaaring paalisin. Kapag binigyan mo siya ng problema, awtomatikong mahihinto ang sustento ng iyong mga magulang.

Mananatili ang ganitong sitwasyon hanggang sa matapos ang one-year probationary period.

Sa sandaling magpa-annul kayo ng kasal bago matapos ang isang taon, mababawi ang lahat-lahat. Ipapatupad ang mga kondisyon kung tatanggi kang magpakasal.

Ngunit kapag natapos ninyo ang isang taon bago magpa-annul, magpapatuloy ang maayos na daloy ng lahat. Makakatanggap ng sustento sina Junior at Sonia habang sila ay nabubuhay.

Si Taryn ay pagkakalooban ng isang ektaryang lupa o ng katumbas na perang halaga ng Zabala property."

Nang huminto ang walang tonong pagbabasa ni Attorney Layug, saka lang namalayan ni Taryn na nakasapo na ang mga kamay na nagyeyelo sa noong pinagpapawisan ng malamig.

Parang naliliyo siya. Parang gusto na niyang mawalan ng malay-tao upang makatakas lang sa napakapangit na sitwasyong pinagsadlakan sa kanya ni Lolo Michael.

Ngunit ang isang bahagi niya ay hindi tutol na tuparin ang pangakong ibinigay sa isang dating amo na walang kasimbuti at kasimbait.

Isang taon lang.

Isang taon lang sa buhay niya ang hinihinging kapalit ni Lolo Michael sa lahat ng mga kabutihang ipinakita sa kanya at sa buong pamilya...

Magdadamot ba siya?

Naputol ang pag-iisip ni Taryn nang marinig ang pagak at patuyang halakhak ni Mic Zabala.

"Gusto ko namang marinig ang opinyon ni Miss Ferrer."

Tumingin si Taryn sa abugado. Walang malay na humihingi ng saklolo ang mga mata.

"Gustong marinig ni Sir Mic kung tutol o payag ka, Miss Ferrer."

Nilunok ni Taryn ang bikig na nakabara sa lalamunan. Nahirapan siya dahil pinasakit na ng matinding tensiyon ang mga kalamnan sa kanyang leeg.

"L-lubos po ang aking pagpayag sa lahat ng gustong mangyari ni Lo--er, Sir Michael," ang pautal na pahayag niya habang nakatitig sa mga daliring mahigpit na magkabuhol.

Nanlalamig ang kanyang mga labi kaya sigurado siyang walang kulay ang mga iyon.

Maging ang kanyang mga pisnging tila nagyeyelo.

Nangingiki siya sa panlalamig na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa.

"Bakit?" ang pormal na tanong ng abugado.

"M-malaki ang utang na loob ko sa kanya," umpisa niya. "A-at nangako ako sa kanya nung bago siya namatay..."

"Dammit!" Napaigtad si Taryn nang biglang magmura ang lalaki. "'Wag mong bigyan ng mala-santang image ang sarili mo, Miss Ferrer!"

"I--I'm sorry, sir." Paimpit na napahikbi na.

Padaskol na tumindig si Mic. Isinuksok sa magkabilang bulsa ng tailored slacks ang mga kamay at balisang nagpabalik-balik sa paglalakad.

Mistulang isang tigreng nagnanais makaalis mula sa loob ng kinakukulungang hawla.

Naging abala naman sa pag-aayos ng mga papeles si Attorney Layug.

"Babalik ako bukas ng alas diyes empunto, Sir Mic," paalam nito matapos isara ang black leather attache case.

Hindi tumugon si Mic. Nakatayo na ito sa tapat ng bintana at nakatanaw sa labas.

Tila walang naririnig dahil sa sobrang lalim ng iniisip.

"S-sasabay na po ako sa inyo, Attorney," hiling ni Taryn.

Halos hindi niya makilala ang sariling tinig na napaos at napagaw nang husto dahil sa magkakahalong tensiyon at nerbiyos.

Buong pang-uunawa namang tumango ang may edad na lalaki.

"Mas maiging umuwi ka na at magpahinga na lang. Kailangan mo pang bumalik dito bukas, sa parehong oras," payo nito.

"S-salamat po." Walang planong sundin ni Taryn ang naturang payo dahil kilala niya ang sarili.

Hindi pahinga kundi trabaho ang nakakapagpalimot sa kanya sa mga agam-agam na nagpapagulo sa isipan niya.

Makakalma lang siya kapag nakasubsob sa pagtatrabaho.

Hawak ni Attorney Layug ang isang siko ni Taryn nang lumabas sila sa library.

Bahagyang humigpit ang pagkakapulupot ng mga daliri nang padaluhong na sumugod si Sonia Zabala.

Mabuti na lang, maagap pumigil ang asawang si Junior. Nahawakan nito ang magkabilang braso upang hindi makalapit sa dalaga.

"Stop it, Sonia!"

"Bitiwan mo nga ako, Junior! Pupunitin ko ang mukha ng babaeng 'yan. Nilason niya ang isip ni Papa. Sinamantala niya ang pagka-ulyanin ni Papa!"

Inignora ng abugado ang mga bintang at akusasyon. Itinutok nito ang atensiyon kay Junior Zabala.

"Babalik ako bukas, sir."

"Okey."

Saglit na nagkamay ang dalawang lalaki.

Nang makalanghap na ng sariwang simoy ng hangin si Taryn, saka lang niya natuklasang nangangapos na sa oksihena ang kanyang mga baga.

Ilang sandali pang pananatili sa loob ng Farmhouse ay nangangahulugan na ng complete collapse niya!

I tagged this book, come and support me with a thumbs up!

ecmendozacreators' thoughts