webnovel

1

Naalimpungatan ako at mabilis na napabalikwas ng bangon dahil sa pinaghalong init at hapding nararamdaman mula sa sumalubong na tirik na sikat ng araw.

Napakunot ako at napaisip, "Teka, araw?"

Agad kong inilibot ang aking paningin sa paligid. Sa 'di kalayuan sa akin ay nakita ko ang pares na base sa pagtingin nila sa akin ay halatang ako ang pinag-uusapan.

"Mama! Tignan mo 'yong lalaki!" sigaw ng bata na akmang ituturo pa ako. Mabilis namang pinigilan iyon ng kasama na tinawag niyang 'mama' na hinablot pa ang braso ng bata.

"Anak! Huwag mo na siyang tignan at ituro!" saway ng nasabing ginang.

"Pero mama! Kawawa naman~" pagtutol naman ng batang lalaki na tuluyan ng hinatak ng kanyang ina.

Lalo akong napakunot dahil sa hindi pamilyar na paligid. Ni hindi ko alam kung anong lugar ito!

Muli kong iginala ang aking mga mata para pag-aralan ang paligid. May mga gusaling mayroong higit sa dalawang palapag pero mayroon din namang maliliit na establisyimento. Ang mga damit ng mga tao ay malayo sa kasuotang kong pormal. Napansin ko rin na para bang hindi mapalagay ang mga tao. Paroo't-parito sila na animo ay mauubusan ng kung anumang kailangan nila.

Wala sa sariling pinagmsdan ko ang iba't-ibang klase ng mga mamamayan sa komunidad. Ang mga Demi-Human, mga taong may buntot at tenga ng hayop, ay malayang nakikisalamuha sa mga ordinaryong tao.

"Nasaang lugar ba talaga kasi ako?" mahinang bulong  ko.

Ilang minuto ko pang pilit na inalala kung paano ako napadpad dito pero kumirot na at lahat ang aking sentido ay wala pa rin akong kaide-ideya.

Subalit ang lalong nagpagulantang sa akin ay ang reyalisasyong ni hindi ko maalala kung sino ako at kung saan ako nagmula.

"Hoy mister! Gising ka na ba?"

Napalingon ako sa pinanggalingan ng maangas ngunit maliit  na boses. Isang batang lalaking nakataas ang kilay na tila ba naghahamon ng away ang sumalubong sa akin. Nakapasok sa magkabilang bulsa ang kanyang mga kamay na tila ba may kung anong itinatago doon. 

Hindi ko napigilang pag-aralan ang itsura niya, mestiso siya at may maamong mukha pero halos matabunan na iyon ng kanyang kadungisan. Nakasuot siya ng malaking polo na tinernuhan ng malaki ring pantalon na tinalian lang para hindi malaglag.

"Sino ka?" tanong pa niya na ikinakunot-noo ko. "Taga-saan ka?" dagdag pa niya habang tinititigan akong mabuti na para bang binabasa niya ang iniisip ko.

Hindi ako nakaimik sa mga tanong niya dahil maski ako ay wala ding ideya.

Kung saan ako nanggaling, ano ang ginagawa ko dito, at higit sa lahat, kung sino ako ay hindi ko alam.

Kruu~

Napahawak ako sa aking sikmura ng bigla itong tumunog.

"Kawawa ka naman. Wala ka na ngang bahay, tag-gutom ka pa! Namumulubi ka ba o, pinalayas ka lang sa inyo?"

Gamit ang kanyang maruming kamay, iniabot niya sa akin ang isang maliit na tinapay na nagmula sa kanyang bulsa.

"Sa iyo na iyan! Mukhang mas kailangan mo iyan, eh!" Pagkasabi niyon ay tumalikod na ito at nagsimulang maglakad palayo.

Hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako sa binigay niya o maiinis sa mga panlalait niya sakin. Gayunpaman, mas pinili ko na lang ang magpasalamat sa pagkain.

Tuluyan na akong tumayo at nagsimulang mag ikot-ikot habang kinakain ang nasabing tinapay.

Kailangang-kailangan kong pag-aralan ang takbo ng pamumuhay ng mga tao na nasa paligid, maging ang mga batas na dapat sundin. Hindi maaaring pakalat-kalat ako habang wala akong kaalam-alam sa pamamalakad sa lugar na ito.

Sa aking paglilibot, mas kapansin-pansin ang buhay na buhay na kalakalan sa paligid. Maraming maliliit na mga pwesto ng mga mangangalakal ang pinagkukumpulan ng mga tao. Ang pinagkakaguluhan nila ay ang mga tindahan ng mga pagkain at armas.

"Manong, wala na ba itong tawad?" Napalingon ako sa isang maliit na lalaki na may hawak na malaking espada. Kung pagbabasehan ko ang itsura at katawan niya ay malamang nasa trese o kinse pa lang siya.

"Bata, kung wala kang pambili lumayas ka na lang dito!" sagot ng matandang lalaki na may malaking katawan. "Aba'y nakakasira ka ng negosyo ko, eh!" dagdag pa nito sabay hablot ng espada mula sa binatilyong kausap.

Biglang umingos ang kausap nito at humalukipkip. "Kung tutuusin, ang pangit-pangit niyang mga tinda mo!" maangas na sabi ng bata na ikinalingon ng mga mamimili at pagpula naman ng mukha ng tindero dahil sa galit. "Buti nga naisipan ko pang bumili sa iyo kahit na hindi maganda ang kalidad niyan, eh!" sabi nitong nakabelat bago tuluyang umalis.

Hindi ko maiwasang mapailing sa sinabi ng bata bago ito tumakbo, gayundin sa itsura ng matandang lalaki na animo umuusok na ang tenga at ilong sa sobrang galit dito.

Lumapit ako sa nasabing tindahan upang silipin ang mga paninda. Agad kong inabot ang malaking espada na hawak kanina ng binatilyo saka ko ito sinipat. Hindi ko akalaing tama ang sinabi ng binatilyo, bukod sa pangit na ang materyales na ginamit sa mga armas, hindi din pulido ang pagkakagawa sa mga ito. Para bang kaunting wasiwas lang ay masisira na ito.

Natigilan ako. Ni hindi ko maalala ang katauhan ko pero, marunong akong sumuri ng mga sandata?

"Anong kailangan ninyo?" magalang na tanong ng lalaki nang mapansin niya ako. Nagkibit lang ako ng balikat bilang sagot. Inilapag ko na ang hawak kong sandata saka nagpatuloy sa pagtingin. "Kung gayon, umalis ka na dito kung hindi ka bibili!" iritadong saad nito.

Bago pa man magdalawang salita ang tindero ay mabilis na akong umalis saka ipinagpatuloy ang paglilibot.

Habang nag-iikot ay hindi ko na namalayang nakapamulsa na pala ako kung hindi lang dahil sa malamig na bagay na aking nahawakan. Agad ko iyon inilabas mula sa aking bulsa.

Isa itong orasan, gintong orasan! Sinipat-sipat ko pa ito, nagbabakasakaling may makukuha ako ditong ilang impormasyon na makakatulong na makapagpaalala kung ano ang pagkatao ko ngunit sa kasamaang-palad, wala man lang akong nakita maliban sa tatlong letrang nakaukit dito. R-O-D.

Napabuntung-hininga na lang ako na ibinalik ko ito sa aking bulsa. 

Awtomatiko akong napahinto nang mapansin ko ang kumpol ng mga tao sa gitna ng daan. Base sa kanilang mga kinikilos at sigaw ay may nagaganap na kaguluhan sa pagitan ng mga iyon. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin na lumapit upang makiusyuso sa kanilang pinagkukumpulan.

Ilang minuto pa muna at ilang gitgit pa ang aking ginawa bago ako nakarating sa pinakagitna. Nakita ko doon ang isang taong nakasuot ng itim na cloak na tumatakip sa kanyang kabuuan. Pinalilibutan siya ng tatlong lalaking may naglalakihang mga katawan at may mga hawak na espada.

Sa itsura nila, halatang hindi sila gagawa ng maganda. Nagulat ako maging ang mga nanonood ng biglang sumugod ang nasa likod na lalaki upang saksakin ang nasa unahan subalit mas nagulat kami ng maiwasan siya nito sa mabilis na pag-ikot kasabay ng pagsipa sa kamay niya dahilan upang mabitawan niya ang hawak na panaksak, agad itong nasundan ng isa pang pagsipa gamit ang kabilang paa pagkalapag ng isa. Mabilis na nawalan ng malay ang lalaki marahil sa lakas ng pwersa na tumama sa kanyang ulo.

Sabay namang sumugod ng saksak ang dalawa pang lalaki na nasa magkabila niya. Agad siyang umikot patagilid upang mapuwesto sa gitna ng dalawang lalaki na ngayon ay parehong nakatalikod na sa kanya dahil sa ginawang pagsaksak bago niya ito sabay na hinampas sa batok na ikinawala rin ng malay ng dalawa.

"Parang sanay na sanay siya sa pakikipaglaban!" narinig ko na lang na bulong ng isa sa mga nanonood kasabay ng hiyawan ng iba.

"Tsk. Wala pala kayo, eh!" sabi niya sa mga lalaking nakatumba. 

Bago siya tuluyang tumalikod, hindi ko maiwasang mapagmasdan ang malalamig niyang mga mata na saglit na nakipagtitigan sa akin. Mabilis siyang nawala kasabay ng pagpupulasan ng mga tao. Para bang tila walang nangyari na nagbalikan sa kanya-kanyang ginagawa ang kaninang mga nakikiusyuso at ilang segundo pa ay siyang pagdating naman ng mga kawal.

Muli na rin akong bumalik sa pag-iikot para naman makahanap ng matutuluyan at makakainan. Sa laki kong ito, pakiramdam ko ni hindi man lang umabot sa lalamunan ko ang marumi at maliit na tinapay na ibinigay ng 'mabait' na bata kanina.

Habang naglalakad, muli kong ipinamulsa ang dalawa kong kamay na tila ba nakasanayan ko na ito. Hindi ko rin naiwasan ang muling pagsagi sa aking isipan ng mga katanungan kung sino ba talaga ako, saan ako nanggaling, at higit sa lahat, anong nangyari sa akin at wala akong maalala ni isa sa aking pagkatao.

"Hoy! Tumingin ka nga sa dinadaanan mo!" galit na sigaw ng kung sino na nagpabalik sa akin sa huwisyo. Agad akong tumingin sa harapan ko para lamang makitang wala namang tao doon.

"Dito!"

Pagkarinig niyon, awtomatikong bumaba ang aking tingin sa isang maliit na lalaking sa palagay ko nasa apat na talampakan lang ang taas. Mayroon siyang tenga ng aso, masama ang pagkakatingin niya sa akin na para bang anumang oras ay bigla niya na lang akong sasakmalin.

"Pasensya na" nasabi ko na lang gamit ang pinakasinsero kong tono.

Lalong nalukot ang kanyang mukha na ikinapagtaka ko dahil maayos naman akong humihingi ng paumanhin sa kanya. 

"Tumabi ka nga!" galit niyang sabi kasabay ng marahas na paghawi sa akin patabi at sadyang pagbangga sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin saka muling naglakad subalit sa kasamaang palad ay muli na namang nagreklamo ang tiyan ko.

Napadaing ako habang nakahawak sa kumakalam kong sikmura. Muli akong kumapa sa aking bulsa upang makita kung mayroon pa ba itong ibang laman bukod doon sa orasan ngunit sa kasamaang-palad wala na akong ibang makuha mula dito. Bagsak ang aking balikat na itinuloy ko na lang ang paglalakad ng walang direksyon.

Ilang minuto lang ang lumipas ay nagulat na lang ako ng biglang may humawak sa aking braso kasabay nang pagdampi ng malambot na bagay dito, nang lingunin ko iyon ay nakita ko ang babaeng umabot lang sa aking balikat. Mayroon siyang tenga ng pusa na ang isa ay nakatayo habang ang kanyang buntot ay naramdaman ko na lang na sadyang ipinapadausdos sa aking pwetan, napansin ko rin ang halos luwa na niyang dibdib sa sobrang liit ng suot niyang blusa na tinernuhan ng paldang animo konting yuko lang ay makikita na ang kanyang pang loob.

"Halika! Alam kong nangangailangan ka ng makakainyan!" sabay hatak sa akin papunta sa maliit at madilim na eskinita. Dahil bago lang ako dito, hindi ko maiwasang mapatingin sa bawat dinadaanan namin.

Hindi ko maintindihan ngunit nakaramdam ako ng kaba habang patagal ng patagal kaming magkasama papasok sa nasabing eskinita at pag-unti ng mga taong nakakasalubong namin.

"Saan mo ba ako dadalhin?" hindi ko naiwasang itanong sa babaeng pusa na siyang nangunguna sa paglalakad habang kasalukuyang nakahawak pa rin sa akin.

Lumingon siya sa akin saka ako nginitian ng mapang-akit. 

"Bakit? Ayaw mo bang makakain~?" mapang-akit niyang ungot habang iginagala ang kanyang kamay sa aking dibdib. "Meow! Napaka-gwapo mo naman!"

Hindi ko maiwasang mapairap kasabay ng pagpigil ko sa kamay niya na nasa aking dibdib. 

"Huwag mo nga akong pinaglololoko!" mariin kong sabi kasabay ng pagtalim ng aking tingin na ikinatigil niya. Marahas siyang napatingin sa akin kasabay ng pagbalasik ng kanyang mukha. "Hindi ako tanga para hindi mapansin na may masama kang plano sa akin." 

"Ano bang pinagsasasabi mo? Hindi kita maintindihan!" asik niya kasabay ng pagpalag mula sa pagkakahawak ko, ngunit sa kanyang kamalasan, masyado akong malakas para sa kanya. "Ano ba! Bitiwan mo nga ako!" sigaw niya

Wala sa sariling  napangiti ako ng makita ko ang takot na kumislap sa kanyang berdeng mga mata.

"Bakit mukha kang kinakabahan?" Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin at tila ba aliw na aliw akong makita ang natatakot niyang mukha. "Akala ko ba wala kang balak na masama sa akin? Bakit ngayon nagpupumiglas ka?"

"Sinabi na ngang wala akong alam sa mga pinagsasabi mo!" Nagpatuloy ito sa pagpupumiglas mula sa pagkakahawak ko ng kanyang braso.

At bago ko pa namalayan, may usok ng lumabas mula sa kung saan dahilan upang mawala ang atensyon ko mula sa kanya at makatakas siya.