webnovel

Heart's Desire

Have you ever felt desire for somebody? Have you ever been passionate to the point of obsession? Have you ever met someone who became the focus of your love? Here's a collection of stories about the people who were confused on what they felt for each other. Read about their Heart's Desire!

ecmendoza · Urban
Zu wenig Bewertungen
24 Chs

Captive of Luxury - Chapter 4

Hindi siya sumalo sa hapunan nang gabing iyon. Mugtung-mugto ang mga mata niya. Namumula ang ilong. At paos ang boses.

Maling takasan ang prublema, pero mas gusto niyang makipag-usap sa asawa kapag kontrolado na niya ang sarili.

"Paulina?" Napapitlag siya nang dumantay ang palad ni Max sa noo at leeg niya. Napaidlip siguro siya kaya hindi namalayan ang pagdating nito. "Sinabi ni Delay na masakit ang ulo mo. Uminom ka na ba ng gamot?"

Tumango siya. Ayaw niyang tumingin sa asawa pero nasasabik na siyang makita ito.

Malamlam ang liwanag dahil hindi na nagsindi ng ilaw si Max. Sapat na ang iluminasyon ng nightlight para maaninag siya.

"Magpahinga ka na. Sa study na lang ako matutulog." Isang magaan na halik ang idinampi nito sa dulo ng ilong niya. "Goodnight."

Gusto sana niyang mahiga na rin ang lalaki sa tabi niya. Gusto niyang magpayakap upang mapalis ang panlalamig na dulot ng takot. Ngunit alam niyang hindi siya pagbibigyan kaya kinagat na lamang ang labi upang hindi makapagsalita.

Tahimik siyang umiyak hanggang sa makatulog.

Mabigat na mabigat ang katawan niya kinaumagahan. Parang nakalutang ang ulo sa hangin. Animo umaapaw sa maraming paru-paro ang sikmura niya.

Kahit liyung-liyo, pinilit niyang dalhin ang sarili sa banyo. Nararamdaman kasi niyang maduduwal siya.

Tamang-tama ang paglapit niya sa lavatory sink. Humawak siya nang mahigpit sa magkabilang gilid habang isinusuka ang kaunting laman ng mga bituka.

Pawis-pawisan siya nang matapos. Halos wala ng lakas na natitira sa bawat nanginginig na himaymay ng katawan. Pinilit niyang magbanlaw ng bibig at ng mukha. Kailangan niyang maging normal agad ang hitsura. Baka gising na si Max.

Matapos maghilamos, nagtuloy siya sa dressing room. Tinakpan niya ng make-up ang pamumutla ng mga pisngi at bibig, bago nagbihis ng maluwang na slacks at blusa na parehong pastel-colored.

Gamit ang intercom, nagpaakyat siya ng almusal.

Medyo malakas-lakas na uli siya nang dumating breakfast trolley. Nakaabang na nga siya sa koridor.

"Magandang umaga. Sa veranda ko ba ihahain ang mga ito, Ma'am?" ang magalang na tanong ng katulong.

"Magandang umaga rin, Delay. Oo, sige. Titingnan ko lang kung gising na si Max."

Napamaang ang katulong sa sinabi niya. "Ay, Ma'am, nakaalis na si Sir," wika nito. "Kaninang-kanina pa. Madilim-dilim pa yata."

Nanlumo si Paulina sa narinig. Plano pa naman niyang ipagtapat na sa asawa ang kalagayan. "G-gan'on ba?"

Maghapon na siyang naging matamlay. Nanatili lang uli siya sa kuwarto. Nakahiga lang habang nakikinig ng musika sa stereo cd component.

Pinilit naman niyang mapaglabanan ang pananamlay. Naligo siya bago mananghalian. Inubos niya ang mga prutas na panghimagas, dahil hindi niya gaanong nagalaw ang almusal at tanghalian. Tila ang tinatanggap lang ng sikmura niya ay mga sariwang prutas at tubig.

Nabuhayan siya sandali nang tumawag si Max. Ngunit nawala rin agad ang sigla niya nang marinig ang mensahe ng asawa.

"Paulina, hindi na ako nakapagpaalam sa 'yo kanina. Nagmamadali kasi ako. May emergency kasi sa New York Branch. Sa isang linggo pa siguro ako makakauwi diyan."

"N-new York?" ulit niya. "N-nasa New York ka ngayon?" Sinigurado niyang tama ang narinig.

"No, papunta pa lang ako sa New York. Actually, nasa airport pa lang ako ngayon. Naghihintay ng flight."

"S-sana, umuwi ka muna dito." Hindi niya napigil ang mga salita.

"Bakit pa? Puwede naman tayong magkausap sa telephone?"

Naumid ang dila ni Paulina. Hindi ba maintindihan ni Max na mangungulila siya rito? Isang linggo silang hindi magkikita!

"Goodbye, Paulina. Tinatawag na ang flight number ko. See you next week!"

"S-sandali, Max--" Ngunit dial tone na lang ang kausap niya.

Hindi man lang nagbigay sa kanya ng number sa New York para matawagan niya ito kahit na anong oras.

Asawa ba talaga siya ni Max?

Ang isang linggo ay naging dalawa. Muntik pa ngang maging tatlo. Eksaktong labimpitong araw nang tumawag si Max mula sa New York Airport.

"Pakisabi kay Mang Kanor, sunduin niya ako. Ang flight ko ay darating bukas ng madaling araw." Diretso agad sa pakay ang pagsasalita ng lalaki, matapos ang maikling bati.

Idinikit nang husto ni Paulina ang receiver sa teynga. Kahit na tinatawagan siya ng lalaki araw-araw, hindi naiibsan ang pagkasabik niya rito. Paano'y sandali lamang ang pag-uusap nila. Palagi pang pormal. Ni wala man lang bahid ng paglalambing.

"Er, oo, Max," ang pautal na tugon niya. "Uh, kumusta nga pala ang--" Napahinto siya nang marinig ang dial tone.

Binabaan na siya agad ng telepono ni Max!

Pumikit si Paulina habang pinipigil ang mapahikbi. Paano ba niya masasabi ang tungkol sa pagbubuntis niya kung ang asawa ay mistulang estranghero na sa kanya?

Nang makabawi ng kontrol, saka lang pumanaog si Paulina para kausapin si Mang Kanor.

"Kasama kayo, Ma'am?" paniniguro ng matandang lalaki.

Tumango siya. "Oho."

"Kung madaling araw ang dating ng flight, dapat ay 'and'on na tayo mamayang gabi pa lang."

"Wala hong prublema."

"E, baka mahirapan ka naman." Alam na ng mga empleyado ni Max ang tungkol sa pagdadalantao niya.

"E, di, 'yung van na lang ho ang dalhin natin para p'wede akong umunat kapag inantok," suhestiyon niya.

"Oo nga, ano? Teka't ipapa-check-up ko na nga sa mekaniko." Kakamut-kamot ito habang lumalakad patungo sa garage house na nasa likod-bahay.

Namasyal muna siya sa palibot ng hardin bago bumalik sa silid. Kahit na wala siyang ganang mabuhay habang wala si Max, pinupuwersa niya ang sarili upang manatili ang balanse ng kalusugan. Alang-alang sa sanggol na nasa sinapupunan niya.

Nung isang araw, sumaglit siya sa klinika ng isang di-kilalang ob-gynecologist. Maayos naman daw ang lagay ng bata, bagama't isang buwan at tatlong linggo pa lamang. Normal lang daw ang morning sickness. Medyo anemic daw siya kaya kailangan niyang uminom ng iron supplement.

"Sikapin mong magpa-check-up every month, misis," paalala pa ng doktora. "Maputla ka kaya kailangan mong magpa-araw tuwing umaga. At huwag mo ring kalilimutan ang kaunting ehersisyo."

Sinunod niya ang mga payo ng manggagamot. Kailangang maging malusog at malakas siya para sa magiging anak.

Kinagabihan, maaga pa ay nakahanda na siya sa pagpunta sa airport. Katulad ng dati, prutas lang ang nakain niya. Pinabaunan na lamang sila ni Aling Caring ng isang picnic basket.

"Para may kainin kayo, kung sakaling magutom kayo," anito. "May sandwich, saging at mansanas. Atsaka, mga botelya ng mineral water."

"Salamat ho."

"Dapat siguro, isama na natin si Delay," suhestiyon ni Mang Kanor.

"Huwag na ho. Mapapagod lang ho siya," tanggi niya.

"E, kasi, hindi ko alam kung paano ka aalagaan."

"Nakow, e, hindi pa naman manganganak si Ma'am Paulina, Kanor," sabad ni Aling Caring. "Kayang-kaya pa niya ang biyahe at puyat. Ngayon lang naman pati kaya mababawi rin agad ng isang maghapong pahinga."

Hindi naiwaksi ni Mang Kanor ang pagkabahala. Balisa ito habang nagpapalipas sila ng magdamag.

Nagkunwari naman si Paulina na natutulog kahit na nahawa na rin siya ng pagkabalisa.

Nadadagdagan ang tensiyon niya habang papalapit ang takdang oras ng pagdating ni Max. Bumangon na siya at nag-ayos na ng sarili, kahit may dalawang oras pang ipaghihintay.

"May coffee shop sa dulo, Ma'am. Gusto mo ng mainit na gatas o tsokolate?"

Umiling si Paulina. Ayaw niyang bumaligtad ang sikmura. "Kayo na lang ho, Mang Kanor. Magpapahinga na lang ho ako dito."

"Sandali lang ako. Babalik ako agad."

Ilang saglit pa lang itong nakakaalis, narinig na ni Paulina ang pag-anunsiyo ng flight number ni Max sa paging system. Halos tumalon siya sa pag-ibis ng sasakyan. Sa kasabikang makita ang asawa, nakalimutan niyang daanan si Mang Kanor upang isabay na sa pagtungo sa Arrival Area.

Matangkad na lalaki si Max Valdez. Eleganteng magdala ng damit. Magandang lalaki dahil perpekto ang hubog ng noo, ilong, bibig, mga mata, baba at panga. Maikli ang gupit ng medyo kulot na buhok. Makinis ang pagka-ahit ng bigote at balbas, kaya lutang na lutang ang pagka-mestizo.

Matapos ang pagbugso ng admirasyon, lumutang din ang simpatiya. Paano'y nabakas rin ni Paulina ang matinding pagod na nagbigay ng malalalim na linya sa noo at sa magkabilang panig ng ilong papababa. Mayroon ding puting linya sa palibot ng nakatikom na bibig.

Pagud na pagod ang mahal niya. Kawawa naman.

Humahakbang siya pasalubong sa lalaki, nang makita ang babaeng naka-abrisiyete pala dito. Hindi agad niya napansin dahil natabingan ng makapal na palumpon ng mga taong kasabay na naglalakad.

Si Josie! Kasama pala ni Max ang sekretarya. Kaya pala walang sumasagot sa mga tawag niya sa opisina. Ilang ulit siyang nagtangkang alamin ang New York number nung isang linggo.

Kusang umatras ang mga paa ni Paulina hanggang sa mapasandal sa dingding ng malawak na koridor. Abala sa pag-uusap ang dalawang tinititigan niya kaya nalampasan siya ng mga ito kahit na ilang dipa lamang ang layo niya.

Maluha-luha siya habang sinusundan ng tingin sina Max at Josie. Nang magkaroon uli ng lakas ang mga tuhod, nagtungo siya restroom. Lumabas lang siya doon nang matiyak niyang mayroon na siyang sapat na tatag ng loob para makiharap sa dalawang taksil!

Nawawala na si Josie nang makabalik siya sa pinagparadahan ng van.

At ni hindi man lang ito nabanggit. Para bang bunga lang ng imahinasyon ang maganda at seksing sekretarya.

Enigmatiko ang ekspresyon ni Max. Hindi niya mabasa kung ano talaga ang reaksiyon nito sa pagsundo niya. Magkakontra kasi ang ginawa at ang sinabi.