webnovel

Lason sa Academy (1)

Redakteur: LiberReverieGroup

Sa mga sumunod na araw, isa pang grupo ang matagumpay na natapos ang assesment. Ang itsura ng mga kabataang iyon ay mas malala kaysa sa nauna.

Ayon kila Qiao Chu at iba pa, habang sila ay nasa pagsubok, kaunting tubig at ilang elixir lang ang binigay sa kanila ng Cloudy Brook Academy. Ang mga elixir na iyon ay para hindi sila mamatay sa gutom habang sila ay nasa pagsubok. Kahit na hindi sila nagugutom, hinahanap pa rin ng kanilang mga katawan ang totoong pagkain.

Pinanood ni Jun Wu Xie mula sa kaniyang bintana ang mga kabataang katatapos lang sa assesment. Halata sa mga ito ang hirap sa paglalakad at ang iba nga ay halos gumagapang na sa lupa.

Ang bawat isa sa kanila ay madudungis ang mga suot na damit. Bakas ang pagal sa kanilang mga mukha at mapuputla rin ang mga iyon. Kung titignan mo sila ay tila mga pulubing nanlilimos ang mga ito. 

Pagdating sa pagiging strikto at pagpapahirap sa mga disipulo, wala nang papantay pa sa Cloudy Brook Academy.

Inabot pa ng apatnapung araw bago nakabalik ang lahat ng kabataang natanggap sa Cloudy Brook Academy. Marami sa kanila ang nagkasakit nang sila ay makabalik sa dorm at tila mamamatay nang nahiga sa kanilang mga kama. Ngunit hindi naman sila pinabayaan ng Cloudy Brook Academy, nagpatawag sila ng mga duktor upang suriin ang mga kabataan.

Matapos pahirapan ng halos dalawang buwan, sa wakas ay natapos din ang unang Assesment ng Cloudy Brook Academy. Walang makakahula sa kung anong konsepto mayroon ang Cloudy Brook Academy dahil sa unang assesment pa lang ay inabot na agad iyon ng halos dalawang buwan.

Pero nasabi sa kanilang hindi ganoon katagal ang kanilang binuno para sa unang assesment. Mayroong pagkakataon dati na halos inabot ng anim na buwan ang unang assesment dahil ang mga bagong tanggap nilang mga disipulo ay hindi ganoon kagagaling. 

Sa loob ng dalawang buwan, ang mga maagang nakabalik na mga kabataan ay nanatili lang sa kanilang mga dormitory at walang ginagawa. Gusto sana nilang maglakad-lakad sa loob ng Cloudy Brook Academy ngunit hindi sila pinayagan. Bukod sa paglalakad-lakad nila sa loob lang ng loft, naghanap na rin sila ng kanilang makakaibigan. Kaya naman nagkaroon sila ng tsansang makabuo ng grupo.

Tanging si Jun Wu Xie lang ang nag-iisa at tahimik simula't sapul.

Patuloy naman sa pag-istorbo si Gu Xin Yan kay Jun Wu Xie sa loob ng dalawang buwan. Paminsan-minsan ay nagdadala ito ng pagkain. Walang nakakaalam kung saan nito ito nakuha ngunit tila hindi ito nauubusan.

Bilang Young Miss ng Blood Fiend Palace, hindi kailangang maghirap ni Gu Xin Yan para makuha ang kaniyang gusto, ang mga disipulong napili ng Blood Fiend Palace ay halos magkandarapa sa kaniyang harapan. Maging ang mga senior na naunang makapasok sa Cloudy Brook Academy at nakatakdang pumasok sa Blood Fiend Palace ay nagkukumahog pagdating kay Gu Xin Yun, nagbigay pa sila ng regalo sa munting binibini.

Napakadaling nakuha ni Gu Xin Yan ang kaniyang mga gusto at kailangan. Hindi niya na kailangang magpakahirap para makipagkaibigan. Ngunit si Jun Wu Xie ang kaniyang nais kaibiganin at hindi naman iyon lingid sa kaalaman ng iba kaya nakilala din ng mga disipulo ng Blood Fiend Palace si Jun Wu Xie. Ngunit hindi nila maintindihan kung bakit ganoon na lang kabait si Gu Xin Yan kay Jun Wu Xie.

Madalas na tahimik si Jun Wu Xie at hindi gaanong pala-salita. Kahit na pinupuntahan na ito ni Young Miss Gu, tipid pa rin ito sa pagsasalita. Naging dahilan iyon para mainggit kay Jun Wu Xie ang mga kabataang nais makipaglapit kay Gu Xin Yan.

Sa wakas ay natapos na ang dalawang buwang pagsubok, magagawa nang mag-cultivate ng maayos ang mga kabataang ito.