webnovel

Finding Ethan: The Dream That You Seek (Tagalog, Filipino) - Falling For the Secret Superstar

“Kahit nakatayo ka lang diyan at nakangiti sa akin, kinikilig na ako.” Ethan Ravales just wanted to escape from his suffocating life as the Philippine’s prime leading man. Pakiramdam niya ay kinakain na ng kanyang sistema ang kanyang kaluluwa. Para hanapin ang sarili ay tumakas siya hanggang mapadpad sa Isla Juventus matapos iligtas mula sa isang magnanakaw ang isang magandang dalaga—si Aurora. Hindi inakala ni Ethan na makakaya niyang mabuhay sa Isla Juventus—na walang kuryente, Internet, o signal man lang ng cell phone, at bilang Alvaro Baltazar na isang ordinaryong lalaki. Hindi rin niya napaghandaan ang espesyal na naramdaman nang makilala at makasama niya sa isla si Aurora. Handa na siyang iwan ang mundong nakagisnan para kay Aurora. Ngunit nang may magpaalala kay Ethan ng mundong iniwan niya ay napaisip siya. Ano ang kaya niyang gawin para kay Aurora? Handa ba siya sa maaaring mangyari kapag nalaman ni Aurora ang tunay niyang pagkatao? The final book of Finding Ethan Series, a collaboration with Leonna, Gezille and @Tyramisu.

Sofia_PHR · Allgemein
Zu wenig Bewertungen
55 Chs

Chapter 40

Parang sasabog ang utak ni Aurora sa narinig na sinabi ng lalaki. Mahal? Paanong mahal? Bilang matalik na magkaibigan? Nasa harap na niya ang katotohanan pero di pa rin niya matanggap. Hindi siya gusto ni Omar o si Lupita dahil lalaki din ang gusto nito - si Bert.

"Tapos na tayo. Magkaibigan na lang tayo," angil ni Bert dito. "Alam mong di pwede."

"Hindi ko kaya," mangiyak-ngiyak na wika ni Omar.

"Pinapili din kita dati kung aaminin mo ito. Mas pinili mo ang sasabihin ng ama mo at ng ibang tao. Mas gusto mo na ipakasal ka niya kay Aurora."

"Mawawala ang lahat sa akin kapag sinuway ko si Amay. Mas gugustuhin daw niyang ibenta ang lahat ng ari-arian niya at ibigay ang lahat ng pera sa anak niya sa labas na may mga anak na kaysa sa akin na naghirap habang nasa tabi niya. Paano naman ang pinaghirapan ko? Alam mo ba kung gaano kasakit iyon?" hinagpis ni Omar. Nakadama siya ng awa dito. Di kasi ito nalalayo sa kanya. Kailangan din niyang bulag na sundin ang ama dahil sa kagustuhan niyang mahalin nito.

"Kung ganoon, pabayaan mo na kami ni Lupita. Siya na ang mahal ko."

Niyakap ito ni Omar sa baywang. "Huwag! Huwag mo akong iwan, Pedring. Mahal kita. Gagawan ko ito ng paraan kahit makihati pa ako sa kay Lupita."

"Halika na, Aurora. Umalis na tayo dito," yaya ni Alvaro sa kanya at hinatak ang kamay niya.

Tulala pa rin siya habang nakasunod sa lalaki. Maingat silang lumabas ni Alvaro sa dawagan hanggang makarating sila sa kalsada. Hinihingal si Aurora. Malakas na malakas pa rin ang kaba sa dibdib niya. "Hindi ako makapaniwala n-na may relasyon sina Bert at Omar. W-Wala sa itsura nila na gusto nila ang isa't isa. Ang ibig kong sabihin di lang bilang magkaibigan kundi higit pa doon."

"Mukhang gusto ni Bert na maging straight. Ayaw ba dito sa inyo sa mga miyembro ng third sex?" tanong ng binata. "Sa pinagmulan ko, normal na lang naman iyon. Maraming mga galing sa third sex ang magagaling sa ginagawa nila at mabubuti namang tao. Tanggap na sila sa lipunan."

"Hindi dito sa Juventus," sabi niya at parang lutang habang naglalakad. "Ikaw na rin naman ang nakakita kung gaano kakonserbatibo ang mga tao dito. Dalawa lang ang nilikha ng Diyos - babae at lalaki." Ayaw na niyang isipin kung anong pwedeng mangyari kay Omar oras na magladlad ito. Isang tiyuhin nito ang dati ay umaming binabae ang ginulpi ng lolo nito at binawalan nang bumalik sa isla. "Takot sila sa pwedeng gawin ni Kapitan Robredo sa kanya. Paaalisin sila dito sa isla. At kahit na ganyan pa si Omar, mahal niya ang islang ito. Gagawin din niya ang lahat para sa ama niya."

"Sana lang hindi ka nandi-discriminate," nagbababalang sabi ng binata.

"Siyempre hindi naman ako nanghuhusga dahil sa kung sino ang mahal ni Omar." Hindi ba't siya rin naman ay nagtatago ng sekreto sa ama niya? "Ang hindi ko lang maintindihan, bakit kailangan pa niya akong takutin na ibubuko kay Tatay kapag di daw ako pumayag na maging nobya niya."

"Alam na niya ang tungkol sa atin at tinatakot ka niya?" bulalas ni Alvaro.

Kinagat niya ang labi at marahang tumango. "Sa palagay ko siya 'yung kumaluskos noong nasa talampas tayo. Nasundan niya tayo."

"Bakit hindi mo sinabi sa akin?" angil ng lalaki. "Aurora, nanganganib ka na pala. Dapat alam ko iyan."

"Alvaro, ilang araw ka na lang dito. Sa makalawa, aalis ka na ng Isla Juventus. Kapag nalaman nila ang tungkol sa atin, hindi ka na makakabalik dito at baka saktan ka nila. Binalaan ka na ni Amay dati na layuan ako, hindi iba?"

"Ibig sabihin papayag kang magpanggap na nobya ni Omar? Nakita mo naman kung ano ang totoong pagkatao niya, hindi ba? Hindi ka niya mahal. Ni hindi ka nga niya nirerespeto. Nakita mo naman kung paano ka niya itrato."

"Mananatili ka ba dito para ipagtanggol ako? Mananatili ka ba dito para panindigan ako?" Natigilan ito. Hindi na nito kailangang magsalita. "Hindi mo naman kailangang manatili dito, Alvaro. Di ko ito sinasabi sa iyo para mapilitan kang manatili dito. Pag-alis mo, problema ko na ito. Kakayanin ko na itong mag-isa. Ipagpatuloy mo na lang ang buhay mo sa Maynila."

At naglakad siya palayo. Ginagawa niya ang lahat para hindi ito masaktan. Ipinaglaban niya ito kay Omar. Alam niyang aalis ito pero masakit pa rin pala na di man lang nito naisip na huwag siyang iwan. Oo, babalik nga ito pero kailan pa?

Sinundan siya ni Alvaro. "Aurora, hindi naman sa ganoon..."

Pilit siyang ngumiti. "Magpanggap ka na lang na wala kang narinig. Wala tayong alam sa totoong pagkatao ni Omar. Di mo alam na pinagbabantaan mo ako. Magsaya lang tayo hanggang makaalis ka. Hindi mo na ako kailangang alalahanin, Alvaro." Di niya mapigilang mapahikbi nang huli.

Niyakap siya nito. "Aurora, hindi kita maaring pabayaan sa sitwasyon mo ngayon. Hindi kita hahayaan na magpanggap na mahal mo ang isang lalaki para pagtakpan lang ang pagbabalat-kayo niya. You deserve more than that. You deserve real affection. Real love."

Alam niya iyon at kay Alvaro lang niya iyon naramdaman. Pero ano naman ang magagawa nito kapag umalis na ito ng Juventus? "Kaya ko ito. Kaya ko ito, Alvaro. Hindi mo ako kailangang alalahanin. Alam ko ang dapat kong gawin. Alam ko ang inaasahan sa akin." Sanay na siyang magpanggap na masaya. Dati pa naman niya ito ginagawa. Kakayanin niya ito. "Ito ang buhay ko, Alvaro. Magpapakasal ako sa lalaking hindi ko mahal dahil iyon ang gusto ng ama ko. Tanggap ko na iyon bata pa lang ako."

Puno ng paghihirap ang anyo nito. "It doesn't have to be this way. Hayaan mo lang ako na ayusin ang gulong ito. HIndi ako papayag na pilitin ka ni Omar na pakasalan ka. Dapat pakasalan mo kung sino ang nasa puso mo."

"Paano mo naman gagawin iyon?"

"Hindi ko pa alam sa ngayon. Just trust me, okay?"

Tumango na lang siya. Sa huling pagkakataon ay ipagkakatiwala niya ito kay Alvaro. Sa puso niya ay umaasa pa rin siya na mababago pa ang buhay niya. Na ito ang makakasama niya habambuhay.