(A/n: Hello guyssuu! This chapter will be a 'flashback chapter'. Won't use Milan's Diary for now. Pahinga muna ang gaga.)
Mirna
Narinig ko ang sigaw ni Mumoy nang utusan ko siyang kunin ang telepono ko sa kwarto. Dali-dali akong nagtungo roon. Nadatnan ko si Mumoy na niyuyugyog ang balikat ni Milan na noo'y nakaupo sa sahig at hawak hawak ang ulo at isang piraso ng papel.
Agad ko siyang nilapitan. Nagsimulang nang gumapang ang kaba sa dibdib ko.
"Milanya?! Diyos ko! Milanya?! Anong nangyayari sa'yo?!" pilit kong inaangat ang ulo niya para harapin ako pero napapayuko pa rin siya dahil sa sakit na nararamdaman niya. Nang tignan ko ang litratong hawak niya, saka ko nalaman ang dahilan ng biglaang pagsakit ng ulo niya. Litrato niya ito noong nasa hospital siya at naka-coma.
"Ahhh!" daing niya at bumagsak sa mga hita ko.
"Tumawag ka ng masasakyan natin Mumoy! Dali! Dalhin natin sa ospital ang ate mo!" Utos ko kay Mumoy. Nanginginig ang kamay na kinalong ko si Milan sa mga hita ko.
Alam na niya.
Dumating na ang araw na kinakatakutan ko.
Nang makarating kami sa ospital, hindi ko maiwasang hindi maluha. Hindi mawala ang kaba na patuloy na kumakain sa sistema ko. Hindi ko na maiiwasan ang pangyayaring pilit kong iniiwasan.
Habang hinihintay ang doktor, hindi ko maiwasang alalahanin ang araw kung kailan nagsimulang umusbong ang kaba at takot sa akin — araw kung kailan bumalik lahat ng iniwan namin noon.
-
Busy ako sa paglilinis ng bahay nang makareceived ako ng tawag. Numero lang ang rumehistro sa screen ng telepono ko kaya hindi ko alam kung sasagutin ko ba o hindi. Sa 'di malamang dahilan, kinabahan ako.
Napagdesisyunan ko na sagutin ang tawag nang malaman kung sino ba ang nasa likod ng tawag na ito.
"Hello. Sino 'to?" Tanong ko. Walang sumasagot kaya nagsimula na akong mainis. "Wrong number ka yata kung sino ka mang demonyo ka." Tumaas na ang boses ko dahil wala talagang nagsasalita.
"Mirna." Isang salita lang pero agad akong kinain ng kaba. Bakit? Hindi ako makapaniwalang pagkatapos ng sampung taon maririnig ko ulit ang boses niya.
"Anong kailangan mo Elizabeth?" Siya ang bestfriend ko... noon. Ang lakas ng loob niyang tawagan ako ulit matapos niyang ahasin ang asawa ko?! Napakakapal ng mukha niya!
"Kailangan ng anak ko ang anak mo. Pakiusap, pagbigyan mo ang hiling niya." Pagmamakaawa niya. Pagbigyan?
"Noon asawa ko, ngayon naman anak ko? Ano pang kailangan mo sa'kin ngayon Elizabeth?!" Naging kirida siya ni Mario, ang dati kong asawa, pero hindi rin sila nagtagal. Naghiwalay sila dahil nabuntis si Elizabeth ng ibang lalaki.
"Hindi pa ba sapat ang nangyari sa anak ko noon? Ano? Gusto mo bang ipahamak ulit ang buhay niya dahil sa kapabayaan mo bilang ina?!"
Hindi ko na hinintay sagutin niya ang tanong ko at pinatay ko na ang tawag. Patuloy pa rin ang kaba ko kahit binaba ko na ang telepono. Nanariwa naman sa isipan ko ang mga nangyari noon.
Madalas maglaro noon ang anak ko sa labasan. Hindi ko alam na nakakalaro niya pala ang anak ni Elizabeth. Si Calyx Clent at si Asphyx Clein. Laging kinukwento sa'kin noon ni Milan na lagi niya silang nakakalaro. At wala akong ideya na anak sila ng kaibigan kong umahas sa tatay niya. Araw -araw silang naglalaro noon. Minsan, pumupunta pa sila dito, lalong lalo na si Clent. Siya ang madalas kalaro ni Milan dahil laging nagkakasakit ang kambal niyang si Asphyx. Madalas ring sabihin sa akin ni Milan na crush niya si Clent.
Kahit bata pa sila, napansin ko ang ibang pagtingin ni Clent sa anak ko. At ganoon din si Milan sa kanya. Mayroong isang araw na lumapit silang dalawa sa'kin. Nakasuot ng dress si Milan at may bulaklak sa ulo niya. Samantalang nakasuot naman ng simpleng polo si Clent. Nagulat ako kasi magkahawak sila ng kamay. Nang tinanong ko sila kung anong ginawa nila, ang sabi nila--
'Nagpakasal-kasalan po kami. Paglaki po namin magpapakasal po kami sa simbahan.'
Tumatak iyon sa'kin. Hanggang isang araw, tinawag ako ng mga kapitbahay namin. Sinasabing nasagasaan si Milan. Walang mapaglagyan ng kaba at takot ang puso ko noon. Dali-dali akong nagtungo sa lugar kung saan nasagasaan ang anak ko.
Pagdating ko doon, bakas ang dugo sa kalsada. Hinanap ng mata ko ang anak ko at nakita siyang naliligo sa sarili niyang dugo. Agad ko siyang kinalong kahit na puno siya ng dugo. Patuloy ang pag-agos ng luha ko noon habang kalong kalong ko ang anak ko.
Maya-maya pa, nakita ko si Elizabeth na inaalo si Clent. Noong una, nagtaka ako kung bakit niya siya inaalo, hanggang sa mapagtanto kong anak niya si Clent. At ayon din sa mga taong nakakita. Niligtas ni Milan si Clent.
May dumating na ambulansya at dinala sa ospital ang anak ko at sinabing kritikal ang lagay niya. Nahuli at ikinulong ang nakabangga sa anak ko nang araw na iyon. Nung araw na rin na iyon, hindi ko napigilan ang sarili ko at sinugod ko si Elizabeth. Sinabi ko lahat ng masasakit na salita sa kanya nang nakaharap at nakikinig ang anak niya. Sinabi ko na huwag na huwag na silang magpapakita sa pamilya ko. Dala na rin siguro ng nangyari sa'min noon at ang nangyari ngayon.
Na-comatose ang anak ko sa loob ng isang taon at nagkaroon siya ng mild amnesia dahil sa pagkakabagok ng ulo niya noong tumilapon siya. Mabuti na lamang at may naiwan akong pera sa bangko noon. Iyon ang ginamit kong pera na pampagamot kay Milan. Umabot ako sa punto na nangutang na ako sa mga kaibigan ko para may pandagdag sa perang pambayad ko ng bill sa ospital. Kaya ganoon na lang ang galit ko kay Elizabeth at sa anak niya.
Tapos ngayon magpaparamdam siya para sa ano na naman? Ikakapahamak na naman ba ng anak ko?
Noong araw na iyon, nakareceived din ako ng text galing sa kaniya. Gusto niyang makipagkita sa'kin sa sementeryo dahil undas no'n. Alam niya na dadalawin ko ang puntod ng mga magulang ko. Pauwi na kami nang makita ko siya labas ng sementeryo. Kasama niya si Asphyx. Kahit isang dekada na ang lumipas, natatandaan ko pa rin ang itsura ng kambal. Kinailangan pang gumawa ng eksena ni Asphyx para mapapayag ako. Nagpanggap siyang hindi makapasok ng sementeryo para mapansin siya ni Milan. Na ipinagtala ko. Bakit kilala ni Milan si Asphy? Dahil sa ginawa niyang iyon, pinauna ko nang pinauwi si Milan.
Oo, sinasasya kong hindi maging sweet kay Milan, binubulyawan ko siya palagi, pero alam ng diyos na mahal ko siya. Kinailangan kong gawin ito upang hindi niya mahalata na may tinatago ako sa kaniya. Kailangan kong ipakita na matigas ako para hindi niya mahalata na mahina ako pagdating sa kalagayan niya.
Hinintay ko munang maka-alis si Milan bago ko pinauwi si Mumoy at pinapunta sa computer shop. Hindi niya pwedeng malaman ang pag-uusapan namin. Sinabi ko lang na pupunta kami ng palengke ni Mumoy para di siya magtaka.
Palihim akong sumakay sa kotse ni Elizabeth. Sinigurado kong walang makakakita sa'kin. Pagpasok ko ng kotse, nasa driver's seat si Asphyx.
"Anong kailangan mo?" diretsong tanong ko sa kaniya. Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Halata sa mukha niya ang pagod at puyat. Anong problema nito?
"Unti-unti nang lumulubha ang kalagayan ni Clent, Mirna. May leukemia siya. Kritikal na ang kondisyon niya." Nabigla ako sa sinabi niya. Si Clent? Si Asphyx ang sakitin pero si Clent ang natuluyan? Bigla akong nakaramdam ng awa para kay Clent. Napakabata pa niya pero ibang klase na ang pinagdaraanan niya.
"Anong kinalaman ng anak ko diyan?" tanong ko sa kanya. Kung may sakit si Clent, bakit kailangan niya ang anak ko?
"Alam kong alam mo rin ang nararamdaman ng mga anak natin para sa isa't isa, Mirna. Bata pa lamang sila ay alam na nila ang gusto nila." Ramdam ko ang lungkot at sinseridad sa boses ni Elizabeth. "Nalalabi na lang ang buhay ni Clent. Tinaningan na ng doktor ang buhay niya. Ang tanging hiling lang ni Clent ay matupad niya ang mga pangako niya kay Milan. Sana pagbigyan mo siya." Hinawakan niya ang kamay ko habang sinasabi iyon. Patuloy na rin sa pagluha ang mga mata niya.
Noong mga sandaling iyon, tila nawala ang galit na nararamdaman ko sa kanya at napalitan iyon ng awa.
"Baka nakakalimutan mo, nagkaroon ng amnesia ang anak ko dahil sa anak mo. Na-comatose siya for a year. Imposible rin ang sinasabi mo dahil hanggang ngayon hindi pa bumabalik ang ala-ala ni Milan."
"Kayanga nandito si Asphyx. Siya ang tutupad ng pangako ni Clent kay Milan. Ngunit hangga't maaari, ayaw ipaalam ng anak ko ang kalagayan niya kay Milan. Kaya mananatili itong sikreto natin, Mirna." Nakikinig lang ako sa mga sinasabi niya. Sa isang saglit, bumilib ako kay Elizabeth at sa anak niya. Ginagawa lahat ni Elizabeth ang lahat para matupad ang hiling ng anak niya. "Nagtransfer si Asphyx sa eskwelahan na pinapasukan ni Milan, naki-usap ako sa head ng school na gawin silang magkaklase. Iyon ang unang pangakong hiling ni Clent. Ang maging kaklase si Milan at maging malapit sa kaniya."
So, magkakilala na sila ni Asphyx? Kaya pala hindi nag-alinlangan si Milan na lapitan siya.
Para sa kapakanan ni Clent, pumayag ako sa gusto ni Elizabeth. Hinayaan kong lumapit si Asphyx kay Milan at unti-unting isakatuparan ang mga pangakong hiling ni Clent. Minsan ko na siyang dinalaw sa ospital. Kunwaring isinama ko si Mumoy para di magtaka si Milan. Sinabi ko na kakain kami sa labas at hindi siya kasama. Mabuti na lang at mabilis kausap si Milan. Ganoon din si Mumoy, inutusan ko na naman siyang magcomputer.
Pagdating ko sa ospital, hindi ko inaasahan ang kalagayan ni Clent. Mahahalata na sobra ang ipinayat niya. Ayon kay Elizabeth, labin limang taong gulang palang si Clent nang madiagnosed na may sakit siya. Unti-unti na ring nauubos ang buhok niya dahil sa gamot na iniinom niya at dahil na rin sa chemotherapy.
Laging nagpapasalamat sa'kin si Clent sa tuwing pumupunta ako sa ospital para bisitahin siya, na ikinatuwa ko naman. Sa mga sumunod na buwan, bumagsak ang kalagayan ng katawan niya kaya medyo dumadalas ang bisita ko sa kanya. Alam kong napapansin na iyon ni Milan, at mabuti na lang at hindi siya nagiging matanong sa'kin. Nagiging matamlay na rin ako sa bahay dahil hindi mo maiwasang hindi isipin ang kondisyon ni Clent. Naawa ako sa kanya... pati sa anak ko, dahil wala siyang kamalay-malay sa mga nangyayari.
Lagi nang hindi nakakapunta sa bahay si Asphyx dahil kailangan siya sa ospital. Tinutulungan niya si Elizabeth sa pag-aalaga kay Clent. Hanggang noong mga nakaraan na araw, dinala na sa ICU si Clent. Dahil lumalala na ang kalagayan niya. Palagian ko na rin siyang pinupuntahan para rin alalayan si Elizabeth. Unti-unti nang nawawala ang galit ko sa kanya. Lalo na nang makita ko kung paano niya ibuhos lahat ng lakas siya sa pag-aalaga ng anak niya.
Kinailangang ilipat ng ospital si Clent dahil hindi na kayang suportahan ng dati niyang ospital ang kalagayan niya. Iyon yung araw na tumawag sa'kin si Asphyx dahil nakita daw siya ni Milan. Mabuti na lang at nakapag-isip agad siya na magtago panandalian para hindi siya mahanap ni Milan. Dahil nga malapit sa ospital ang pinagtratrabahuhan ni Milan, hindi ko maiwasang kabahan. Dahil maari niyang makita doon si Asphyx at si Clent.
Ipinagkatiwala ko na lang kay Asphyx lahat, na dapat maging maingat sila. Pero sadya yatang mapaglaro ang tadhana. Dahil ito na mismo ang gumagawa ng paraan para magkita sila ni Clent. Kamuntikan niyang makita kahapon ang mga litrato niya noong na-comatose siya. Mabuti na lang at nakarating ako agad sa kwarto nang marinig na may bumagsak.
Ngunit naging pabaya yata ako at hindi ko napansing may hindi ako naitagong larawan.
At iyon yung nakita niya kanina.
Ngayon, hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kaniya lahat pagkagising niya.
***