webnovel

CHAPTER 8 | Claiming his Heart

Nang makabalik si Syven sa Hotel na tinutuluyan ay agad na binagsak niya ang katawan sa mahabang sofa. Tinaboy niya ang staff ng hotel na nagtangkang alalayan siya. Maingat na iniwan ng mga ito ang gamit niya sa loob ng kanyang kwarto bago nilisan ng mga ito ang lugar. 

 

Kahit hindi magmulat ng mga mata si Syven ay alam niyang mag-isa nalang siya sa loob ng malawak na silid. Nasanay na siyang maging depensa niya ng pagtataboy sa mga taong gustong mapalapit sa kanya. Marami na siyang nainom kaya bakit parang nauuhaw parin siya?

 

Napansin ni Syven na umilaw ang phone niya na iniwan ng staff sa center table. Wala sa sariling nag-scroll siya sa screen nito, nakita niya ang napakahabang call history na iniwan ni Ellis. This girl, hindi ba ito napapagod na tawagan siya? Napagod na siyang magpalit ng number noon dahil dito. Lagi nitong sinisigurado na hindi niya makakalimutan ang presensiya nito kaya madalas itong tumatawag sa kanya. Nang mga sandaling ito ay walang maramdamang pagtutol si Syven sa obsessiveness ni Ellis sa kanya. He is really a hypocrite. Tinatanggi niya na di niya kailangan ng atensiyon ng kahit na sino, subalit hinahanap niya ito ngayon.

 

Sinandal ni Syven ang ulo sa armrest ng sofa at tinawagan ito. Isa lang ang nasa isip niya, Kailangan niya si Ellis.

 

Paglabas ni Bryant ng shower room ay narinig niyang tumunog ang phone ni Ellis. Alam niyang kay Ellis ang ringtone na ito dahil iba ang tunog ng sarili niyang ringtone. Naiwan ni Ellis ang phone nito sa backseat ng sasakyan. Plano niyang ibalik ito sa pinsan bukas ng umaga. Hindi pinansin ni Bryant ang tawag at tumuloy siya sa kanyang wardrobe. 

 

Pagkatapos niyang magpalit ay narinig niyang tumutunog parin ang phone ni Ellis. Matagal na tumigil ang tingin niya sa screen, nang makita ni Bryant kung sino ang tumatawag. Natagpuan niya nalang ang kamay niyang sinagot ang tawag nito.

 

"Nagtatampo ka ba sakin? Pinaghintay ba kita ng matagal? Pasensiya na kung hindi ako nakarating sayo." 

 

Narinig ni Bryant na huminga ng malalim ang nasa kabilang linya. 

 

"Ellis?" si Syven ng hindi siya sinasagot ni Ellis sa kabilang linya. "Babawi ako, susunduin kita bukas at ako na mismo ang magmamaneho-."

 

Dumulas sa kamay ni Bryant ang phone ng muling dumaloy ang kirot sa kamay niya. 

 

Nananakit ang sentidong binaba ni Syven ang phone ng pinutol ni Ellis ang tawag. Sinira niya ang sarili niyang planong mapalapit kay Ellis, ang buong akala ni Syven ay kalkulado na niya ang lahat ngunit ang kapabayaan niya ang naging dahilan kung bakit hindi tumatakbo sa kagustuhan niya ang nangyayari. Kailangan niya muling makuha ang loob ni Ellis. Wala ng lugar para magkamali siya.

 

Habang lumalalim ang gabi, pakiramdamn ni Syven ay lumulubog siya sa kalaliman ng gabi. Gusto na niyang hilain ang umaga upang makawala siya sa nakakalulang dilim.

 

Hindi maintindihan ni Ellis kung galit ba ang nagpapabilis ng pintig sa dibdib niya o kiliti ng makita niya si Syven na nakasandal sa sasakyan nito habang naghihintay sa kanya. Inaasahan niyang ang pinsan niya ang makikita niya ng ipaalam sa kanya ng maid na may sumusundo sa kanya, kaya naman natigil ang mga hakbang ni Ellis ng makita niya si Syven.

 

"Hindi ko na mabilang kung ilang beses kitang tinawagan, pero ni isa sa mga tawag ko ay hindi mo sinagot. Ngayong hindi kita hinahanap nandito ka sa harapan ko?" noong hindi siya binibigyan ng interes ni Syven kahit hindi nito sagutin ang tawag niya at balewain nito ang mga ginagawa niya para dito ay natatanggap pa ni Ellis. Ngunit ng sandaling mabaling sa kanya ang atensiyon ni Syven, binigyan siya nito ng ilusyon na may pag-asa siya dito. Naghahangad siya ng higit pa sa atensiyon nito. 

 

"I'm reallly sorry Ellis, babawi ako."

 

"Paano?" Nakita ni Ellis na hindi alam ni Syven ang sagot sa tanong niya. Hindi niya makita ang hinahanap niya sa mga mata nito. Sumidhi ang pait na iniinda niya. "Hindi mo alam?" sunod-sunod na hinampas ni Ellis ang dibdib ni Syven. "Dahil wala kang nararamdaman para sa akin. Ano bang gusto mong mangyari sa ating dalawa? Hindi kita maintindihan!" mas nanaig ang sakit sa mga mata ni Ellis sa halip na galit ang dapat niyang maramdaman. 

 

She wanted him badly, and it's killing her. Syven is the only person who can make her feel scared and helpless. 

 

Ito lang ang tumititig sa mga mata niya at nagpakita sa kanya na hindi siya kaayaaya sa paningin nito habang pinupuno siya ng pagmamahal at papuri ng mga magulang at kaibigan niya. 

 

Dito nagsimulang pagdudahan ni Ellis ang sarilli niya, at dito din nagsimulang makita niyang mas mahal ng magulang niya ang negosyo nila. Pinupuno siya ng magaganda at magagarang mga bagay upang pagtakpan ang kakulangan nila ng oras at panahon sa kanya. At ang mga kaibigan niya ay interesado sa bagay na mayroon siya at hindi sa kanya. 

 

Ginising siya ni Syven sa katotohanang ito kaya nahanap ni Ellis ang sarili niya. Ang kagustuhan niyang mapalapit dito ay tumindi hanggang sa hindi namalayan ni Ellis na dito na umiikot ang mundo niya. Hindi niya kailangan ng pagmamahal na binibingay ng magulang at mga kaibigan niya. Dahil tanging kay Syven niya lang gustong makuha ang mga bagay na ito.

 

Ikinulong ni Syven sa mahigpit na yakap ang pagwawala ni Ellis. Ang tanging nasa isip ni Syven ay kung papaano niya makukuha ang loob nito, hindi niya naisip na mahalaga para kay Ellis ang nararamdaman niya para dito. "Pinapangako kong hindi na iyon mauulit," mariing hinagkan ni Syven ang noo ni Ellis. "Wala ako dito kung wala akong nararamdaman para sayo." 

 

Naramdaman ni Syven ang unti-unting kumakalma si Ellis. Ang nagwawalang mga kamay nito ay mariing kumapit sa kanya. Nanatiling nakakulong ito sa mga yakap niya habang sumiksik ang mukha ni Ellis sa dibdib niya. Hinayaan ni Syven na ilabas nito ang lahat ng sama ng loob nito sa kanya. Bumalik kay Syven ang alaala kung ilang beses na nilagay ni Ellis sa panganib ang buhay nito makuha lang nito ang atensiyon niya. Sumuko lamang ito sa kanya ng bumagsak ang pinsan nito sa harapan nito, simula noon ay wala na siyang narinig na balita mula kay Ellis. Marahil kung naging malambot lamang siya dito noon ay hindi sila aabot sa ganoong sitwasyon. 

 

Dumating ang kulay abong sasakyan na huminto sa tapat ng dalawa. Lumuwag ang pagkakayakap ni Syven kay Ellis ng makita niya si Bryant na bumaba ng sasakyan nito. Ito ang pangalawang beses na muli niyang makita si Bryant pagkatapos ng nangyari sa locker room. Hanggang ngayon ay hindi parin makapaniwala si Syven na hindi na lamang ito isang ilusyon. 

 

"Bryant?" si Ellis na tuluyan ng kumalma at hinarap ang pinsan nito.

 

"You left this." inabot ni Bryant ang phone kay Ellis. 

 

"Thank you."

 

Tumango lamang ito at bumalik sa sasakyan nito ng hindi tinatapunan ng tingin ang nasa tabi ni Ellis. 

 

"Bryant." tawag dito ni Syven na nagpatigil dito sa pagbukas ng pintuan ng sasakyan. "Okay lang ba sayong mag-drive? Paano ang kamay mo?" 

 

Walang narinig na tugon si Syven. Tinuloy ni Bryant ang pagbukas ng pinto ng sasakyan nito at mabilis iyong pinatakbo bilang sagot.

 

"Nag-aalala ka parin sa kanya." si Ellis ng mahimigan niya ang pag-aalala ni Syven sa pinsan niya.

 

"Yeah, we should go too." Nais sundan ni Syven si Bryant. Paano kung malala ang tama ng kamay nito?

 

"Hey, you didn't answer me." Pigil ni Ellis.

 

"He's your brother."

 

"I'm talking about us, you and me."

 

Malinaw kay Syven ang gustong marinig ni Ellis. Malinaw din sa kanya na ito ang dapat niyang gawin kaya bakit malaking parte niya ang tumututol? Nang maramdaman niyang kumakawala sa kanya si Ellis, kinulong ni Syven ang mukha nito sa mga palad niya. "I want you to stay with me." I need you to stay with me.