webnovel

Chapter 4: Syven's Warning Visit

"Syven, sigurado ka bang ayaw mong lumipat sa amin? Matutuwa ang Kuya Tyro mo at si Zion kung sa amin ka tutuloy." Payo ng Uncle Louis niya nang malaman ng mag-asawa na pinayagan siya ng Dad niyang lumipat, agad na lumapit ang mga ito sa kanya.

"I've decided to move out and live on my own."

"I understand what you're going through, and I want you to know that you don't have to face this alone. Maaga mang nawala si Sylvia, pero nandito kami ng Uncle Louis mo para sa'yo." Ang Auntie Vivian niya.

Ang pag-aalala at pagmamalasakit na pinapakita ng mga ito sa kanya ay tulad ng mga nakita niya sa kapatid niyang si Sylas. Aalagaan at poprotektahan ka niya, ngunit siya din ang lalason sa'yo.

Is he just being paranoid? It's like whenever someone expresses love for him, he interprets it as a threat on his life.

"You don't have to worry about me. Kaya ko na ang sarili ko."

"Paanong hindi kami mag-aalala pagkatapos ng mga nangyayari sa'yo? Masyado ka pang bata para maranasan mo ang mga ganoong bagay. Hindi dapat ganyan ang nararamdaman mo."

Lumamig ang pakiramdam ni Syven sa narinig. "Kung gano'n, sabihin mo sa akin, Uncle, ano bang dapat kong maramdaman?"

Walang nagawa ang mag-asawa nang hindi siya pumayag sa kagustuhan ng mga ito. Pag-alis niya ng hospital, ay hindi dumiretso si Syven sa bagong private estate na lilipatan niya kundi tumuloy sa ibang direksyon ang kanyang sasakyan.

Hindi na mabilang ni Syven kung ilang beses niyang binisita ang kulungan sa nakaraang buhay niya. Sa mga sandaling ito, wala pa itong atraso sa kanya dahil buhay pa ang kaibigan niya, bagkus ay siya ang tunay na may atraso sa taong nakakulong sa loob ng selda dahil na-frame-up ito sa drug incident na kinasangkutan niya. Kailangang may sumalo upang mahugasan ang kamay niya sa nangyari, at ito ang hindi maswerteng nilalang na napili ng kanyang Ama.

Tinuro siya ng Prison Guard sa hinatid nitong bilanggo. Bakas ang kuryosidad sa mukha nito nang makita siya. Hindi siya nito kilala, hindi nito alam ang mukha ng dapat na sana'y binaril nito. Nakulong ito muli pagkatapos nitong mapatay ang kaibigan niya. Hindi makakalimutan ni Syven ang ekspresyon ng anyo nito noong unang beses niya itong dalawin. Humalakhak siya nang malakas sa mukha nito nang sabihin niya na nagkamali ito ng taong binaril. Mas maraming beses pa siyang bumisita dito kaysa sa sarili nitong pamilya. Pinapamukha niya na buhay na buhay siya at sumisipa.

Hindi nito matanggap na nagunaw ang lahat ng pangarap nito, at nang mabigyan ito ng pagkakataong makapaghiganti, ay umuwi pa rin itong talunan. Pagpapakamatay ang tanging naging solusyon nito upang matapos na ang paghihirap na sumasakal dito sa bawat araw na nasa loob ito ng kulungan.

"Bagay sa'yo ang damit mo, mas maganda kung habang buhay mo 'yang isusuot." Komento ni Syven pagkaupo nito sa harapan niya.

"Sinusumpa mo ba ako? At sino ka bang bata ka?" Hindi pa man umiinit ang upuan nito, ay nauna nang uminit ang ulo nito nang makita siya.

Nawala ang ngiti sa labi ni Syven. Nasa harapan niya ang taong kikitil sa buhay niya sa hinaharap.

"Syven Claw. Huwag na huwag mong kakalimutan ang mukhang ito."

Matagal itong natigilan bago unti-unting lumabas ang mga ugat nito sa noo. Makikita ang lubos na pagtitimpi nitong hablutin ang leeg niya. Kung gusto talaga siya nitong patayin, ay maluwag niyang ilalahad ang leeg niya dito upang hindi na niya hintayin ang araw na makalaya ito at balikan siya. Hindi sigurado si Syven kung sa ginawa niyang ito ay magbabago ang sitwasyon. Mapipigilan niya ba na hindi na maulit ang nangyari? Hangga't hindi siya nakakasigurado, ay hindi pa rin siya maaaring magpakampante.

Sumagi din sa isipan niyang ipadukot ito at gawing baldado upang hindi na nito maisipang maghiganti.

Tumayo si Syven at muling tiningnan ang lalaki. "Ngayong nakita mo na ang mukha ko, hihintayin ko na hanapin mo ako." Iniwan niyang nanginginig ito sa galit habang pinagmamasdan ang likod niya.

Hindi nangangamba si Syven sa kaligtasan niya. Bumalik man siya sa nakaraan, ay hindi ibig sabihin nito ay magbabago na ang lahat. Walang may gustong mabuhay siya. Mismong ang sarili niyang Ama ay sinusuka siya. Ngunit sinira ng taong iyon ang lahat ng pinaniniwalaan niya nang pinili nitong mamatay sa lugar niya.

Madalas niyang tanungin ang sarili niya kung ano ba ang dapat niyang maramdaman gayong kahit na sino ay maaaring pumatay sa kanya, ngunit wala siyang karapatang kitilin ang sarili niyang buhay. Paano niya iyon gagawin kung ninakaw niya ang buhay na ito sa iba?

Ang pagkakataong ito ay gagamitin niya lamang upang ibalik ang buhay na ninakaw niya. Ito lang ang tanging paraan upang makatakas siya mula sa pagkakasalang nararamdaman niya sa pagkawala nito.

"Sir Syven?" ang driver nang hindi pa bumababa ang amo niya matapos maihatid ito sa bagong lugar na tutuluyan nito.

Binaba ni Syven ang windshield ng sasakyan, natanaw niya ang harapan ng estate at ang lawak nito ay hindi maabot ng tingin niya. Mag-isa lang siyang titira sa lugar na ito?

"Ilang oras mula dito hanggang sa school na pinapasukan ko?"

"Mahigit dalawang oras, Sir."

"Go back."

Wala siyang planong magbiyahe ng ganoon katagal. Nagpahanap siya ng pinakamalapit na tuluyan sa tabi ng school. Ang maliit na hotel ang nakuha ng tauhan niya. Inokupa niya ang buong 3rd floor hanggang sa makagraduate siya ng Senior High. Hindi lubos maisip ni Syven na babalik siya sa pagiging high school student.

Mula sa glass wall ng hotel ay tanaw ni Syven ang mababang building na buhay na buhay ang ilaw sa mga sandaling ito. Tatlong araw na ang lumipas simula nang bumalik siya sa taong ito. Mag-isa siyang umalis at mag-isa din siyang dumating. Nagawa niyang makawala sa mga taong gusto siyang diktahan. Nakuha niya ang gusto niyang mangyari hanggang sa wala na siyang makapa sa dibdib niya. Ito ang pakiramdam na pamilyar sa kanya dahil ito lamang ang bagay na nanatili sa tabi niya.

Uminom si Syven sa hawak na glass wine nang magsimulang muling sumalakay ang uhaw na bumabalot sa kanya.

Tiningnan ni Syven ang mga gamit na pinadala mula sa Main Mansion. Nang buksan niya ang kanyang phone, lumabas sa screen ang listahan ng missed calls na kanyang natanggap. Galing ang mga tawag mula sa mga malapit na kaibigan at kaklase niya. Ngunit ang pinakamaraming tawag ay galing kay Ellis.

Sinagot ni Syven ang tawag nang biglang tumunog ang phone niya.

"For goodness' sake, what happened to you? Halos tatlong araw kang hindi matawagan. Bakit bigla kang nawala? Iniiwasan mo ba ako? Pagkatapos ng ginawa mo sa'kin? How dare—"

"Ellis."

Naputol ang sunod-sunod na reklamo ni Ellis, halatang hindi nito inaasahan na maririnig ang boses niya.

"What?" may bahid ng pagtataka at kaba sa tono nito.

"I'll be there to pick you up tomorrow."

Sandaling natahimik sa kabilang linya, para bang hindi sigurado kung tama ba ang narinig nito.

"Okay... Wait, I-I mean, okay..."

Napangiti si Syven, pero sa likod ng ngiting iyon ay ang lalim ng plano niya. Kita sa mga mata niya ang malamig na determinasyon.

Pinutol niya ang tawag bago pa makabawi si Ellis. Hinilot niya ang kanyang sentido na tila pigil na pigil ang pagkainis at pagod.

Nilagyan ng drugs ni Ellis at ng mga kaibigan nito ang inumin niya. Masasabing siya ang pinagsamantalahan, ngunit palalabasin nito sa school na siya ang nagsamantala kung hindi siya papayag na makipagrelasyon dito.

Tunay na matinik at nakakalason ang mga babae kapag hindi mo sila inalagaan at dinidiligan. Wala siyang problemang patulan ito kung ang itsura lang nito ang pagbabasehan, pero pinsan ito ng taong iniiwasan niya. Hindi niya gustong magkaroon ng anumang ugnayan dito, kaya kahit anong gawin ni Ellis noon ay hindi niya ito pinag-interesan.

Subalit nagbago na ang sitwasyon. Kailangan niya si Ellis upang mapalapit sa taong iyon.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa couch, bitbit ang baso ng alak na kanina pa niya pinaglalaruan sa kamay. Mula sa glass wall ng hotel, tanaw niya ang malawak na siyudad na nilamon ng dilim ng gabi, habang ang mga ilaw ng gusali ang nagsisilbing liwanag.

"Damn it," bulong niya sa sarili habang mapait ang ngiti sa labi.

Wala na siyang ibang aasahan kundi ang sarili niya. At kung si Ellis lang ang magiging daan niya para mapuntahan ang taong iyon, handa siyang isugal ang lahat, kahit pa kapalit nito ang muling pagbukas ng sugat na pilit na niyang nililimot.

Muli siyang lumagok mula sa baso, pilit tinatabunan ang kumikirot na alaala sa ilalim ng matapang na alak. Sa paglamon ng dilim sa gabi, tuluyan na ring binalot ng lamig ang puso niya.