webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Zu wenig Bewertungen
47 Chs

The Party.

"Sayaw tayo, Ayla!" Biglang kinuha ni Fabio ang dalawang kamay ko at iwinagayway sa ere.

Ang kaninang sakit na naramdaman ko ay pansamantalang nawala dahil sa ginawa ni Fabio.

"Fabio, hindi ako sumasayaw," pasigaw na sabi ko sa kaniya dahil hindi na kami magkarinigan dahil sa ingay.

Malapit kami sa barikada, 'yong barikadang naghihiwalay sa aming mga walang sinabi sa lipunan at sa mga taong malaki ang sinabi sa lipunan.

Itinigil din agad ni Fabio ang ginagawa niya pero sinasabayan ko naman ng pag-sway sa ulo ang musikang naririnig ko. Ibang banda naman ngayon ang nagpapatugtog sa stage.

Nang mawala sa akin ang atensiyon ni Fabio, inilipat ko ang tingin ko sa loob ng barikada at tahimik na pinagmasdan ang mga kasing-edad ko na nandoon.

Hindi sila katulad ng nandito sa labas, na 'yong tipong halos magwala na sa kakasayaw. Chill lang ang mga mayayaman, pa-sway sway lang habang may hawak na mga bote ng mamahaling beer, habang nakikipagbulungan sa kanilang katabi, habang nag-uusap nang kung anu-ano.

Marami sila, galing sa iba't-ibang pamilya. Nandoon nga si MJ Osmeña na kayakap ang anak ni Konsehal Pastor na si Koby Pastor.

Napa-iling na lang ako sa nakita at itinoon sa ibang tao ang aking tingin. Maganda at mayaman nga siya pero sa ugali niyang kung magpalit ng lalaki ay parang nagpapalit lang ng damit, sa tingin niyo may lalaking seseryoso pa kaya sa kaniya?

Ang sunod kong tiningnan ay ang anak ng amo ni Nanay. Si Jessa Marañon. Isa pa 'to, akala nila mabait ang babaeng iyan pero sobrang suwail niyan. One time nga, nang tinulungan ko si Nanay sa paglalaba, naabutan ko 'yong eksena nila ng mga magulang niya na sinagot-sagot niya. Wala ring nagawa ang mga magulang niya kasi nga aminado naman silang spoiled ang anak at mahal nila kaya pinabayaan.

Itong kambal na kaibigan naman nila na si Lory at Lorene Palanca, hindi naman ganoon kayaman ito, pero dahil kinaibigan sila ni MJ Osmeña, naturingan na silang mayaman at tinanggap ng buo sa alta sociedad na kinalalagyan nila. Sampid kumbaga.

Isa pa 'tong anak ni Congressman Yap, katulad ng ibang kalalakihan d'yan, mabisyo rin sa murang edad.

Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang kamag-anak ko na si Sia. Dahil syota siya ng isang Osmeña, nagkaroon siya ng pagkakataon na makapasok sa loob. Wala naman talagang bayad ang kasiyahang ito, libre ito, handog ng lokal na gobyerno ng bayan namin pero dahil nga gusto ng mga mayayaman ng isang pribadong lugar, ayan at nilagyan sila. Mga ayaw makihalubilo sa mga normal na taong katulad namin.

Ang pinagkaiba lang kay Sia, nandoon nga siya sa loob, halos hindi naman siya pansinin ng mga taong nandoon. Nasa isang gilid lang siya habang nakamasid sa lahat ng nandoon, habang 'yong boyfriend niya ay abala na sa pakikipag-usap sa iba pang kakilala. Ang bukod tanging lumapit lang yata sa kaniya ay 'yong si MJ Osmeña, paminsan-minsan siyang nilalapitan.

At ang iba pang mayamang pamilya sa bayan namin, marami sila at hindi ko na kayang isa-isahin pa. Pare-pareho lang naman ang ugali nila, nagwawaldas ng mga pera para sa kanilang mga bisyo.

Umiwas na lang ako ng tingin bago ko pa maibalik ang tingin sa kaniya. Hinanap ko si Zubby sa mga kasamahan ko.

"Zub, uuwi na ako, baka maubusan pa ako ng masasakyan, e," agad na paalam ko sa kaniya, medyo pasigaw kasi nga maingay.

"Ha? E, ang aga pa, Ayla, bukas ka na lang kasi umuwi. Sa bahay ka na lang matulog, welcome ka naman doon."

"Ano, Ayla? Uuwi ka na?" Hindi pa ako nakasagot sa sinabi ni Zubby, sumingit na sa usapan namin si Fabio.

"Oo, maaga pa ako bukas para sa gawaing bukid," pasigaw kong sagot kay Fabio.

"E, Sabado bukas, may gagawin ka?"

"Oo, kaya uuwi na ako habang maaga pa."

Sumimangot ang mukha ng mag-pinsan pero sa huli, nanaig pa rin ang desisyon kong umuwi.

Hinatid nila akong dalawa sa sakayan ng traysikel. Mabuti na lang at medyo marami pa ang nag-aabang, ang kailangan ko na lang gawin ay maghintay ng iba pang pasahero na sasakay sa traysikel na ito.

Hindi ko na hinabaan ang pagpapaalam sa kanila. Maya-maya lang din ay umalis na ang traysikel na sinakyan ko hanggang makauwi ako ng bahay.

Gamit ang flashlight ng aking cellphone, naglakad ako pauwi sa amin.

Oo, alam kong gabi na at delikado itong ginagawa ko pero sanay na sanay na ako at gamay ko na ang lugar naming ito kaya kung may magtatangka man sa akin ngayon, aba, kabahan na sila sa akin.

Biro lang, basta, uuwi na ako.

Nakarating ako sa bahay nang matiwasay at walang galos. Tahimik na ang buong paligid, madilim na rin ang bahay namin, mukhang natutulog na nga sina Nanay at Tatay.

Laking pasasalamat ko na hindi kinandado ni Nanay ang pinto naming gawa sa kawayan. Buong ingat akong pumasok kahit alam kong kahit anong gawin ko, mag-iingay talaga ito.

Gamit pa rin ang flashlight ng cellphone ko, inilawan ko ang paligid.

Doon ko nakita si Tatay na nakasalampak sa may sahig habang ang ulo ay nakahiga sa upuan ng kawayan naming bangko.

Relax, walang nangyaring masama sa kaniya. Lasing lang 'yan kaya hindi nakaabot sa kaniyang higaan na kawayan.

Napakamot na lang ako sa aking ulo at inilapag ang cellphone sa maliit na lamesa at buong lakas na pinahiga si Tatay sa kawayang bangko. Mabigat siya kaya nga tagaktak na 'yong pawis ko sa noo dahil lahat yata ng enerhiya ko ay naibigay ko para lang maayos si Tatay. Pero kahit ganoon na 'yong ginawa ko, nanatili pa rin siyang tulog.

Tama nga ang hinala ko, lasing nga si Tatay kasi amoy na amoy ko ang alak sa kaniyang hininga.

Kinumotan ko siya at pinahiga na rin sa unan. Napabuntonghininga ako dahil sa nagawa bago pumasok sa aking silid.

Humiga ako sa kama at tinitigan ang cell phone kong kitang-kita ang maliit na crack sa gitna ng screen. Pinindot-pindot ko ang crack na iyon at inisip ang nangyari kanina.

Ang dali lang sa kanilang iparatang sa iba ang mga kamalian na nangyayari sa paligid nila. Akala nila, por que mayaman na sila, ay tama na lahat ang ginagawa nila. Ang hindi nila alam, may naapektuhan na silang ibang tao.

Oo, nang dahil sa negosyo nila maraming kababayan namin ang mayroong trabaho ngayon pero hindi naman siguro ibig sabihin na puwede na nilang apak-apakan ang ibang tao dahil sa yamang mayroon sila. Cell phone lang itong nasira sa akin pero kahit na, malaking bagay pa rin sa akin ito dahil nag-iisa lang ito.

Napabuntonghininga na lang ako at hindi na hinabaan ang pag-iisip.

'Yong buhay ko, normal lang naman ito. Walang kahit anong excitement o thrill na sinasabi nila. Hindi rin naman pasok sa Maalaala Mo Kaya o Magpakailanman. Hindi pang-teleserye ang buhay ko. Isa ako sa mga taong nananahimik sa mundo, namumuhay ng maayos, humihinga ng matiwasay. Kaya kung maaari, umiiwas ako sa mga gulo, nagpapakumbaba kung kinakailangan.

Pansamantala akong nagpahinga matapos ang mahigit dalawang oras na pagtatanggal ng ligaw na damo sa tubohan na pagmamay-ari ng mga Ballesteros. Hindi katulad ni Tatay na masiyadong loyal sa mga Osmeña, ako, tumatanggap ako ng mga gawain ng kung sinu-sinong haciendero rito sa bayan namin. Hangga't sinasabihan ako no'ng si Tiya Judy o 'di kaya'y si Nanay, tinatanggap ko kahit sino pa man ang may-ari nito.

Ang bayan namin ay puros ka-tubohan, mayroon din namang palayan. Pero sikat ang probinsiya namin bilang Sugarbowl of the Philippines daw kasi mahigit sa kalahati ng asukal na ginagawa sa buong Pilipinas ay galing sa probinsiya namin. Iba't-ibang pamilya ang mga nagmamay-ari nito. May mayayaman, may simpleng pamilya lang, at mayroon ding pagmamay-ari mismo ng gobyerno.

At mawawala ba naman ang pagawaan ng asukal? Siyempre, mayroon 'yan dito sa bayan namin. Mga Lizares ang nagtatag ng kauna-unahang pagawaan ng asukal sa bayan namin. Lizares Sugar Corporation ang tawag. Ayon sa nasagap kong balita, hindi naman talaga originally taga-dito ang mga Lizares, inasawa lang no'ng lalaking Lizares ang isang Lumayno na tiga-dito sa bayan namin kaya nagkaroon ng pagkakataon na rito itatag ang negosyo ng pamilya ng mga Lizares. Pangalawa sila sa itinuturing na pinakamayaman sa probinsiya namin, nangunguna pa rin ang mga Osmeña.

Isa sa pangarap ko sa buhay ay magkaroon kami ng sariling lupain. 'Yong tipong hindi na kailangang tumanggap ni Tatay ng gawain sa mga Osmeña kasi may sarili na siyang lupang sasakahin at aalagaan. Tapos si Nanay naman hindi na kailangang mag-trabaho sa mga Marañon dahil tutulungan niya si Tatay sa pangangalaga sa lupaing pupundarin ko. Gusto kong ihaon sa hirap ang pamilya ko. Pero sa paanong paraan? E, isang kahig isang tuka nga lang kami ngayon, nahihirapan pa akong tustusan ang pag-aaral ko at ang masaklap pa roon, baka hindi pa ako makapag-kolehiyo.

Tinanaw ko ang lupain na tinatrabaho ko at napaisip.

Habang buhay na lang bang ganito ang buhay ko? Habang buhay na lang bang mananatili ako sa ganitong klaseng tanawin at gawain? Sana naman hindi. Gusto ko rin namang makaahon sa hirap.

Sumandal ako sa malaking punong pinagsisilongan ko nang biglang lumapit si Tiya Judy sa akin. Tinanggal niya 'yong sumbrerong pandan at ang damit na ginawa niyang proteksiyon sa kaniyang ulo at padarag na umupo sa tabi ko.

"Hooh, ang init-init tapos kung gabi naman daig pa ang naka-aircon sa sobrang lamig," pagmamaktol ni Tiya Judy nang makapagpahinga na siya.

Pa-simple akong napangiti dahil sa pagrereklamo niya.

"Magsa-summer na po kasi, Tiya Judy, kaya grabe na 'yong init."

"Sabagay…" Sagot niya habang pinapaypayan ang sarili gamit ang sumbrerong gawa sa pandan. "Ay nga pala, nanood kami kagabi kay Enrique Gil. Harujuskong bata, ang guwapo-guwapo. Pinagpapawisan na siya't lahat pero ang guwapo pa rin tapos ang puti-puti pa," ma-aksyong kuwento bigla ni Tiya Judy.

Napangiti ako dahil sa sinabi niya.

"Talaga po?"

"Oo, aba, Diyos ko talaga. Sayang nga lang at hindi kami nakalapit sa kaniya, ang dami kasing tao, e."

"Tiya, magkasing-edad lang po kayo ni Enrique," biglang sabi ko kasi kung tawagin niya kanina si Enrique Gil parang ang sobrang bata pa nito.

Namilog ang bibig ni Tiya Judy nang napatingin sa akin.

"Talaga? E, bakit ang bata-bata pa niya? Talagang talaga, Ayla?"

Umiwas ako ng tingin kay Tiya Judy at napangisi.

"Oo po, artista po kasi at alagang-alaga ng mga pampabata kaya nagmumukhang bata."

"Hay naku, sinasabi ko na nga bang tumatanda ako sa ganitong gawain, e. Tapos tinatawag mo pa akong Tiya kaya mas lalo akong naging matanda?"

Natawa ulit ako sa sinabi ni Tiya Judy kaya lumingon ulit ako sa kaniya.

"E, Tiya naman talaga kita 'di ba?"

"Oo na, oo na, ewan ko sa 'yo Ayla." Iwinasiwas niya 'yong kamay niya sa akin na parang binabalewala niya 'yong ganoong usapan. "Maiba tayo, Ayla, mag-aaral ka ba ng kolehiyo? Pinayagan ka na ba ni Ate Helen at Kuya Boyet?"

Umiwas ako ng tingin kay Tiya Judy at napasinghap sa naging tanong niya. Tinanaw ko ulit ang nakakasilaw na tanawin sa harapan.

"Hindi pa namin napag-usapan ulit, Tiya Judy, pero gusto kong mag-aral," sagot ko na lang.

"E, paano 'yan? Ako, Ayla, gusto kong mag-aral ka ng kolehiyo pero sa hirap ng buhay ngayon at sa mahal ng mga tuition fee sa mga paaralan ngayon, mukhang mahihirapan ka." Ibinalik ko ang tingin kay Tiya Judy nang umayos siya sa pagkakaupo at hinarap ako. "Kung gusto mo, pagkatapos mo sa high school, magtrabaho ka sa ibang bansa. May kaibigan ako na isang domestic helper sa Hong Kong, ipakikilala kita."

"Saka na lang, Tiya Judy. Magsisikap ako para makapag-aral ako ng kolehiyo. May isang taon pa naman ako para makapag-ipon, Tiya, e."

Bumuntonghininga si Tiya Judy at hinawakan ang kamay kong itinukod ko sa may lupa.

"Sige, Ayla, susuportahan at tutulongan kita sa pangarap mong iyan kahit hindi ka suportahan ng mga magulang mo pero kung magbago ang isip mo, sabihan mo lang ako ha?"

Tumango ako sa sinabi ni Tiya Judy at bahagya ring napangiti. Sa lahat talaga ng kamag-anak ko, si Tiya Judy lang talaga ang nakakaintindi sa akin kahit minsan naiirita siya sa pagiging tahimik ko. Alam ko namang may malasakit talaga si Tiya Judy sa akin.

"Talaga, Tiya Judy? Tutulongan mo ako? So pag-aaralin mo ako?"

Dahil sa sinabi ko, biglang tinampal ni Tiya Judy ang kamay ko.

"Ang sabi ko, susuportahan kita at tutulongan, hindi ko sinabing pag-aaralin kita. Alam mo namang hirap din ako sa buhay 'di ba?"

Masiyadong seryoso naman itong si Tiya Judy.

"Biro lang, Tiya Judy. Kaya nga dapat abisohan mo ako sa mga gawaing-bukid ha? Nag-iipon kasi ako para pang-kolehiyo ko."

"Tahimik ka nga'ng bata pero alam ko naman na malaki talaga ang pangarap mo sa pamilya mo, Ayla. Kung nabubuhay lang si Aylen ngayon, baka sobrang tuwa no'n sa 'yo."

Umiwas ako ng tingin at matinding paglunok ang nagawa ko nang marinig ang pangalan niya.

Aylen… Ate Aylen…

"Oh bago maisakatuparan 'yang mga pangarap mo sa buhay, mabuti pa't bumalik na tayo sa pagtatrabaho nang makapananghalian na tayo."

Nagtawanan kami ni Tiya Judy pero agad din namang bumalik sa pagta-trabaho, binalewala ang nasabi niya kanina.

Mahigit isang ektaryang lupa ang trinabaho namin tapos nasa apat na tao lang kami kaya buong araw ay nandoon lang ako sa lupain. Mag-isa akong umuwi ngayon dahil mas na-unang umalis ang tatlo ko pang kasama dahil may mga pamilya pa silang aatupagin habang ako ay mag-isang naglalakad ngayon sa gilid ng hindi sementadong daan at magtatakip-silim na.

Bitbit ang isang maliit na sira at lumang sling bag na may laman ng baon ko kaninang pananghalian, lalagyan ng tubig na wala ng laman ngayon, at ang damit at towel na nagamit ko rin kanina, at ang guna na ginamit ko para pangkuha ng mga ligaw na damo kanina sa tubohan. Bitbit ko rin ang sombrero ko na ginamit pang-proteksiyon sa nagbabagang init kanina.

Medyo malayong lakaran pa dahil sinadya ko talagang bagalan ang paglalakad. Gusto ko kasing i-appreciate ang paligid na kinalakihan ko. Payapa, walang kahit anong polusyon, ma-berdeng paligid. Kung hindi ka taga-rito sa amin, aakalain mong kuta ng mga NPA ang lugar namin pero sinisigurado ko, payapa talaga ang lugar namin. Mababait ang mga taong nakatira rito.

Malapit na ako sa kantong papasok sa amin nang may nakita akong isang sasakyan na nakahinto. Isang magara at halatang bagong sasakyan. Hindi ako maalam pagdating sa mga ganiyan kasi wala naman sa amin 'yan e, kaya malay ko ba.

Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad hanggang sa malapit na ako sa sasakyang iyon. Habang papalapit ako, may naririnig akong tawanan at usapan mula sa likurang parte ng sasakyan. 'Yong modelo ng sasakyan ay 'yong may kaha sa likuran? Madalas kong makita itong ganitong klaseng sasakyan sa mga haciendero'ng bumibisita sa kanilang lupain pero sa pagkakaalala ko, pick-up yata ang tawag nila no'n? Ewan ko ba.

"Dude, that was gross!"

Binagalan ko ang paglalakad ko para silipin kung sino 'yong nagsalita. English, e.

May nakita akong tatlong lalaki na nakatalikod sa puwesto ko. 'Yong isa, normal na gupit ng buhok lang ng isang lalaki. 'Yong pangalawa, medyo mahaba para sa isang normal na type ng buhok ng isang lalaki. At 'yong isa, normal nga ang gupit niya sa buhok, may mahabang buhok naman siya sa may bandang batok na tinirintas pa.

Napangisi ako sa likod ng aking isipan. Si boy tingkoy.

Maliban sa kanila, may dalawa pang babae silang kasama. Nakatalikod din pero mukhang tahimik lang na tinatanaw ang malawak na lupain sa bandang ibaba ng daang ito. Siguro mga girlfriend nila.

Mga mayayaman na naman. Paano ko malulusotan ito?

Huminga akong malalim at tinatagan ang loob para hindi mapansin ang mga taong ito. Ako si nobody kaya isang karangalan sa akin kung hindi nila papansinin.

"That wasn't gross, dude, ikaw lang naman 'yong nadidirian no'n, e."

Bawat hakbang ko ay sinasabayan ko ang bigkas ng kaniyang mga salita. Si boy tingkoy ang nagsabi no'n.

Mas humigpit ang hawak ko sa sling ng bag ko habang papalapit ako sa kanila.

"It's still gross, Sonny. Imagine eating a bat. Kahit ako maghirap, hindi talaga ako kakain n'yan e," sagot naman no'ng medyo mahaba ang buhok at nasa gitna.

"Sino ba kasing nagsabing maghihirap ka? A Lizares? Magiging mahirap? In your dreams." Lumingon 'yong isa sa mga babaeng nakatalikod at sinagot 'yong lalaking huling nagsalita.

Maganda ang babae, maayos ang pananamit, halatang mayaman.

Nagtawanan silang lahat sa naging banat ng babaeng iyon. Dahil sa tawanan nila, lumingon na rin ang babaeng huling tumalikod. Nang makita ko ang mukha niya, kusang tumigil ang mga paa ko sa paglalakad.

Bakit sa lahat ng puwedeng makita ngayon, bakit ang Ate niya pa?

"You know what's gross? 'Yang si Sonny… My God, Sonny, magdamit ka nga!"

"Aren't you attracted with my abs, Yuls?"

Wala sa sarili kong inilagay sa ulo ang sombrero ko at dali-daling naglakad. Nilalabanan ang sariling matingnan sila.

"Abs ba 'yan, Son? Akala ko fats e."

Nagtawanan silang lahat dahil sa naging banat ni Miss Yulia Montero. Nagtuloy-tuloy ang lakad ko, hindi na ulit tiningnan pa ang puwesto nila.

"Hello…" Narinig kong may bumati pero hindi ko alam kung kanino, ayoko namang mag-assume na ako 'yong tinawag no'ng isang babae na hindi ko kilala.

Malapit na ako sa kantong sinasabi ko kung saan ang daan papunta sa bahay namin, kaonting hakbang na lang talaga.

Papaliko na sana ako nang biglang…

Pagkakataon nga naman oh.

Hindi ko alam kung ano ang uunahin ko, 'yong mga gamit kong nagkalat o sarili ko para makaalis na rito.

Tiningnan ko ang mga gamit sa loob ng bag ko na ngayo'y nasa lupa na. Napigtas kasi ang sling ng bag ko at dahil wala na ring zipper ang bag kong iyon, diretsong natapon sa lupa ang lahat ng gamit na nasa loob nito. At sa lahat ng pagkakataong puwedeng masira ito nang tuluyan, bakit ngayon pa?

"Let me help you, kid." Habang tinitipon ko ang mga nagkalat kong gamit ay may dalawang kamay na tumulong sa akin.

Nag-angat ako ng tingin para makita ko kung sino at matinding paglunok ang nagawa ko nang makita ko sa harapan ko mismo si boy tingkoy, ang crush ni Zubby.

"O-Okay na po, sa-salamat po." Agad kong binawi ang tingin ko sa kaniya para atupagin ang mga gamit ko pero dahil nakayuko ako, lumantad sa harapan ko ang hubad niyang katawan.

Teka sandali… bago pa madumihan ang utak niyo, hindi talaga siya 'yong nakahubad lahat, wala lang siyang saplot sa pang-itaas na parte ng kaniyang katawan kaya kitang-kita sa harapan ko ngayon ang lantad niyang katawan. Napalunok ulit ako at inatupag na talaga ang mga gamit ko.

Hindi ko nakuha lahat dahil kahit sinabi kong ayaw kong magpatulong, tinulongan niya pa rin ako. Basta ko na lang pinasok ang mga gamit kong iyon sa loob ng sira kong bag.

"Sonny, paparating na sila," sabi ng isang boses lalaki, medyo nilingon ko pa iyon at nakita ko nga ang isa pang Lizares.

"Bata, okay ka na?" Napalunok ulit ako ng marinig ko ang boses ni Miss Yulia. Kaya mas lalo kong binilisan ang bawat kilos ko.

Halos sabay kaming tumayo ng lalaking tumulong sa akin. Pero nagmamadali ako kaya nag-bow na lang ako bago tumalikod at para makaalis na sa kahihiyang nangyari kanina.

"Parang familiar 'yong batang iyon, ah?"

Anak ng baboy…

Mas binilisan ko pa ang paglalakad ko nang magsalita na naman si Miss Yulia.

Napagtagumpayan ko ang paglayo sa kanila nang mabilis. Hindi ko na ulit narinig kung mayroon pa silang napag-usapan matapos ang sinabi ni Miss Yulia. Sana naman wala at sana hindi niya ako naalala.

Humarap ako sa sirang salamin dito sa silid ko at inalala ang nangyari kanina. Bahagya kong sinuklay ang kulot at makapal kong buhok gamit ang kamay habang tinitingnan ang repleksyon ko sa salamin.

'Yong nangyari kanina. 'Yong mga mata niya na kasing ganda ng maliwanag na ulap. 'Yong lantad niyang katawan na malapitan kong nakita. 'Yong amoy niyang kasing bango ng isang sariwang pitas na bulaklak. 'Yong boses niyang animo'y kulog sa sobrang buo.

Ipinilig ko ang ulo ko at umupo na sa aking maliit na kamang gawa sa kawayan.

Hindi puwede… crush ni Zubby iyon e.

At 'yong si Miss Yulia…

Hindi ko na alam, bakit hanggang ngayon binabagabag pa rin ako? Ako lang ba ang nakakaranas nito? Bakit siya, masaya naman at mayroon pang bagong nobya. Ako na lang ba ang tila naiwan sa nakaraan? Ako na lang ba ang nag-iisip tungkol sa mga nangyari noon? Mukhang ako na lang yata.

Bago natulog, tinahi ko muna ang bag kong napigtas ang sling. Kailangan kong ayusin 'to dahil itong bag na lang ang ginagamit ko sa tuwing nagpupunta ako ng bukirin. Hindi ko naman puwedeng gamitin ang bag na ginagamit ko sa eskuwelahan kaya kailangan ko talagang ayusin 'to.

Habang nagtatahi, mas lumalalim din ang aking iniisip.

Kinabukasan, maaga akong nagising para maghanda sa pagsisimba. Gaya ng nakasanayan, mag-isa akong magsisimba at sa simbahan ng parokya ng aming bayan ako magsisimba. Mas maganda kasi roon kasi mismong pari ang nagmimisa, hindi katulad dito sa may sitio namin na isang lay minister lang ang nagmimisa.

"Aalis na po ako, 'Nay," paalam ko sa aking Nanay na naghahanda na para pumunta sa kapitbahay.

"Umuwi ka agad ha, 'wag ka nang dumaan do'n sa kaibigan mong… sino nga iyon?"

"Zubby po."

"Oo 'yon, marami ka pang gagawin dito sa bahay."

Tumango ako sa sinabi ni Nanay.

"May kapilya naman dito sa sitio natin, bakit pa kasi magsisimba sa bayan, aksaya lang ng pamasahe." Palabas na ako ng bakuran nang magsalita si Tatay. Kaharap niya 'yong alaga niyang manok, may yosi sa bibig, at hindi man lang nakatingin sa akin.

"Aalis na po ako, 'Tay."

Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ni Tatay at umalis na nga para maglakad nang hindi ako ma-huli sa misa.

Masipag ang pareho kong magulang. Masipag silang magtrabaho. Kung susumahin nga, dapat maginhawa na ang buhay namin dahil sa sobrang sipag nila, kaso… mabisyo silang tao. Kapag walang trabaho, si Tatay, sabungero, pala-yosi, at umiinom, si Nanay, nagto-tong its sa kapitbahay namin at minsan ding sinasabayan si Tatay sa pananabong niya. Hindi naman sila ganito rati, e. Nagsimula lang ito tatlong taon na ang nakaraan.

Ano ba 'yan, problema na naman ba ang iisipin natin, Ayla?

"The Lord be with you"

"And with your spirit," bahagya pa akong yumuko nang sumagot sa pari.

"May almighty God bless you, the Father, and the Son, and the Holy Spirit."

"Amen…"

"Go in peace, glorifying the Lord by your life."

"Thanks be to God."

At namutawi ang mala-anghel na tinig ng choir ng simbahan. Yumuko ulit ako at nag-sign of the cross.

Ito 'yong pinakagusto ko sa tuwing natatapos ang misa, gumagaan ang pakiramdam ko. Parang sa simpleng paraan lang ay nararamdaman ko na kasama ko ang Diyos at dadamayan Niya ako habang-buhay.

Nagsilabasan ang lahat ng taong dumalo sa second mass na ito. 'Yong iba, abala sa pagbati sa kanilang mga kakilala. Lalo na ang mayayamang dumalo rin sa misang ito.

Hindi nakawala sa tingin ko ang palagi kong nakikita sa tuwing nagsisimba ako na mga Osmeña. Maraming Osmeña ang nakatira sa bayan namin, magkakapatid na Osmeña pero iba't-ibang pamilya, ang nakikita ko palagi sa tuwing nagsisimba ako ay ang pamilya kung saan kabilang si MJ Osmeña.

Dumaan muna ako ng palengke. Sa kaonting pera na nakuha ko kahapon sa pagtatrabaho ko, mamimili ako ng uulamin namin mamaya at kaonting grocery na rin para sa linggong ito.

Naks talaga, daig ko pa may sariling pamilyang binubuhay nito.

Umuwi rin naman ako agad matapos sa palengke. Gaya ng inaasahan, walang tao ang aming bahay. Umalis na naman silang dalawa. Siguro parehong nasa sabungan, hindi ko alam.

Inayos ko sa isang lalagyan ang kaonting grocery na nabili ko. Mga delatang sardinas, tuyo, kalahating dosenang itlog, at sampung kilong bigas. 'Yan lang kasi ang nakayanan ko, hindi ko naman kasi puwedeng gastahin lahat kasi nga nag-iipon ako para sa sarili ko.

Paniguradong hindi na naman uuwi ng pananghalian 'yong Nanay at Tatay ko pero para sigurado, lulutuin ko na lang itong isdang binili ko. Dapat sa hapunan pa ito, e, pero walang ulam na iniwan sina Nanay bago sila umalis kaya lulutuin ko na lang.

Habang pinapakuluan ang isda ay nagdesisyon akong maglinis ng bahay. Maliit lang itong bahay namin kaya madali lang linisin. Hindi rin naman ito kasing gara ng ibang bahay sa kapitbahay namin. Gawa sa kawayan ang buong bahay namin, ang bubong nito ay gawa naman sa Nipa. Literal na bahay-kubo ang bahay namin baka kako kayo'y magtanong.

Dumating ang Lunes, balik sa normal na naman ang klase.

Recess at nandito kami ngayon ni Zubby kasama ang iilang kaklase sa canteen. Maingay na rin ang paligid dahil nga recess, 'di ba? Mabuti na lang at maaga kaming natapos sa klase, nagkaroon kami ng mauupuang puwesto sa maliit naming canteen na ito.

"Zub, nakasalamuha mo na 'yong crush mong Lizares?" Tanong ko sa kaniya out of the blue.

Lumingon si Zubby sa akin habang abala sa pagkain sa pancit bihon na nasa plastic. Ngumuya muna siya tapos nilunok bago nagsalita.

"Sino? Si Sonny?" Tumango ako.

Napa-isip muna si Zubby bago nagpatuloy.

"Hmmm, mukhang hindi pa. 'Yong pumunta sila rito kasama 'yong Mama niya? 'Yong last week? 'Yon lang 'yong time na nakita ko siya ulit, maliban no'ng rave party sa rotonda. Minsan ko lang naman kasing makita 'yan dito sa ciudad natin. College na kasi at saka nasa kabisera palagi."

"Speaking of Lizares…" Matapos kong tumango sa sinabi ni Zubby ay biglang sumingit sa usapan namin si Mae Ann, kaklase namin. "Nag-donate pala sila ng mga computers last week? 'Yong pumunta rito si Donya Felicithea at saka 'yong si Sonny? Mga computers pala ang dala no'n."

"Talaga?" Tanong naman ni Zubby sa kaniya.

"Talaga. Mga sampung units yata 'yong binigay," dagdag na sabi pa ni Mae Ann.

"Baka nagpapabango ng pangalan? Bali-balita sa amin na tatakbo raw 'yong pangalawang anak na si Einny sa darating na eleksiyon bilang konsehal ng ciudad natin." May bagong sumingit sa tumpokan naming iyon kaya lahat ng atensiyon ay napunta kay Christy.

Nagpalipat-lipat lang ang tingin ko sa mga kaklase ko.

"Pero si Mayor Montero pa rin ang tatakbong mayor ngayong eleksiyon?" Biglang tanong ko sa kanila kaya sa akin naman sila napatingin ngayon.

"Oo, pangalawang term pa lang naman niya ngayon at saka walang nangangahas na kalabanin siya kaya bali-balita rin na baka wala siyang makalaban sa Mayo," sagot ni Mae Ann sa akin.

Tumango ako sa mga sinabi nila. Walang angal sa mga narinig. Tama nga naman sila, walang nangahas na kalabanin ang mga Montero. Mababait naman kasi sila, totoo sa kanilang serbisyo pero bakit nga kaya hindi man lang kumakalaban ang malalaking pamilya ng bayan namin sa kanila? Hindi naman sila ganoon talaga ka-yaman. Nagsimula sa pulitiko ang buhay nila at hindi ganoon karami ang propreyidad nila rito sa bayan namin kaya bakit kaya? Ilang taon ko na rin itong tinatanong sa sarili ko.

Bumuntonghininga ulit ako. Ayoko na, pagod na pagod na akong isipin ang taong alam kong kinamumuhian talaga ako. Pagod na pagod na akong isipin ang isang taong baka ngayon, hindi na ako kilala.

Sana pala ako na lang…

Ako na lang ang namatay, kung ganitong situwasiyon din pala ang kahihinatnan ko.

~