webnovel

Sa duyan

Alas singko ng madaling araw ay dahan dahan akong pumasok sa gate nila Carly. Bitbit ang ilan sa mga gagamitin ko para maikabit ang duyan na nabili ko kahapon kay kuya na para daw sa 'matibay na samahan na hindi basta mapipigtas.' Nakakatuwa ang kakulitan ni kuya na nagbenta sa akin ng asul na duyan na ito.

Nagtungo ako sa kanilang garden kung saan nakapwesto ang dalawang malalaking puno. Ibinaba ko ang mga bitbit ko at inispeksyon ang mga ito. Mukhang sakto naman ang distansya ng mga ito. Sapat na para sa pinaplano kong duyan. Sinimulan ko na sa pag-tali ng lubid sa magkabilaang dulo ng duyan pagkatapos ay muli kong tiningnan ang unang puno na akong paglalagyan. Inabot ko ang lubid na nakakabit sa isang dulo ng duyan at sinimulan na ang pagkabit nito sa puno ng kahoy. Makailang ulit ko itong inikot ng mahigpit saka ito binuhol ng maayos para hindi ito basta basta makalas. Kasunod nito ay sa kabilang puno naman ako. Siniguro ko na tama ang angat ng duyan mula sa lupa bago ko ipinulupot ang lubid sa katawan nito at ibinuhol. Nang matapos na ako ay umatras ako para tingnan ang aking gawa. Lumapit akong muli at pumwesto sa tapat ng duyan at umupo. Mukhang kaya naman nito ang bigat ko. Humiga din ako dito para masiguro na matibay nga ang pagkakayari ko. Ayaw ko naman na sa paghiga ni Carly ay malaglag ito.

Napasarap ang paghiga ko sa duyan na sinabayan pa ng mahinang hampas ng hangin habang napapailalim ako sa lilim ng dalawang naglalaking puno. Napapikit ako sa mahinang pag-ugoy nito. Nakakakalma ng pakiramdam.

Napadilat ako ng bumukas ang pintuan nakarinig ng mga yabag na papunta sa aking direksyon. Sa aking paglingon ay nakita ko si Carly na papalapit sa akin at bakas ang mangha sa kanyang mukha. Mukhang natuwa ito sa duyan. Tumayo ito sa harap ko at ibinulalas ang mga katagang "Wow!"

"Ang galing mo naman Igo. Ikaw lang mag-isa nagkabit nito?" Tanong niya sa akin.

"Halika tabi ka sakin para masubukan natin ang tibay ng duyan na ito" pang-aaya ko sa kanya. Napaisip ito sandali kung tatabi ba sa akin o hindi.

"Sigurado kang di tayo mahuhulog ha?" Pag-aalala nito. Imbes na sagutin ang tanong nito ay inayos ko ang aking pwesto para sapat na espasyo na para sa kanya. Umupo muna ito na tila ba tinatantiya kung kaya ba talaga kami ng naturang duyan. Sa kanyang paghiga ay iniangat ko ang aking braso kaya nang makapwesto siya ng ayos ay nakapatong ang kanyang ulo sa aking braso. Napunta naman sa katawan ko ang ilang bahagi ng kanyang mahabang buhok. Hinawakan ko ang dulo nito gamit ang libre kong kamay at pinaglaruan ito.

"Buti hindi ka nagpagupit?" Tanong ko.

"Bakit?" Tanong din ang sagot nito sa akin.

"Kasi di ba kapag ang babae ay may pinagdadaanan ay buhok ang pinagdidiskitahan" tugon ko.

"Alam mo ba bakit ganyan kahaba ang buhok ko?" Tanong muli nito. Bago pa man ako makasagot ay nagsalita na itong muli.

"Gusto ko kasi kapag kinasal kami mahaba ang buhok ko. Para maganda tingnan." Dagdag pa nito.

"May plano na pala kayong magpakasal?" Medyo napalunok ako nang banggitin ko ang tanong na iyon.

"Napag-uusapan lang. Pero simula pa naman eh ramdam ko nang hindi kami magtatagpo. Kasi nung naka-isang taon na kami ay gusto ko na mag-asawa dahil nasa hustong gulang naman na ako. Pero siya naman ang hindi pa handa. Kaya hindi na ako umasa. Pero may time din na siya na ang may gusto pero ako naman ang parang hindi pa handa." Kwento nito.

Nagkaroon ng sandaling katahimikan bago itong nagsalitang muli. "Kaya nung wala na siya hindi ko na naisip na pagupitan ang buhok ko. Sayang eh. Ang haba na di ba?"

"Pero kung may pagkakataon ka ulit, papakasalan mo pa din ba siya?" Kahit ba parang alam ko na ang sagot sa tanong niya. Nabalot kaming muli ng katahimikan at sinilip ko ang mukha nito upang tingnan kung tulog na ba ito.

"Hindi na..." sagot nito. "Sapat na siguro yung dalawang taon para sa amin." Tugon nito. Hindi ito ang inaasahan kong sagot pero kahit papaano ay napakalma ako nito ng kaunti. Dalawang taon din pala ang itinagal nila at kahit ganoon pa lang sila ay nakikita na ni Carly ang future niya kay Harris para pag-usapan ang kasal.

"Carly?" Tawag ko sa kanya. Sumagot naman ito. "Paano pag bumalik si Harris? Babalikan mo pa ba siya?" Tanong kong muli.

"Hindi na din siguro kasi tapos na kami..." malungkot na tugon nito. Kahit pa na alam kong sa kaibuturan ng puso nito ay gusto niya pa ring makasama itong muli.

Gusto kong magtanong sana kung bakit grabe niya kung iyakan ang lalakeng iyon at kung bakit kabaligtaran naman ang sagot nito. Nag-aalangan ako dahil ayaw kong panghimasukan ang buhay nito ng walang paalam.

"Nagtataka ka siguro kung bakit ayaw ko no?" Alam kong nakangiti niyang tinatanong ito kahit hindi ko siya nakikita. "Marami ka pang hindi alam tungkol sa akin. Siguro isang araw—" umiling ito ng bahagya, "sa tamang panahon ay ikukwento ko lahat sayo kapag handa na ang puso at isip ko. Kapag handa na akong balikan lahat ng buong buo. Kapag handa na akong magpatawad. Kapag handa na akong patawarin ang sarili ko. Kapag napulot ko na ang sarili ko isa-isa. Siguro kapag buo na ako ulit. Hindi natin alam pero alam ko Igo, isang araw malalaman mo din ang lahat at sana pagdating ng araw na iyon ay hindi magbago ang tingin mo sa akin."

Hindi ko man makita anong ekspresyon meron ang mukha niya ngayon ay alam kong malungkot ito. Alam ko kahit nakangiti man niyang sinasabi iyon ay kita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.

"Alam kong basag ka Carly... hayaan mo akong samahan ka habang binubuo mo ulit ang sarili mo..."     bulong ko sa kanya saka ipinatong ang kamay ko kung saan nakaunan ang ulo niya sa aking braso papunta sa kamay niya na nakapatong sa kanyang tiyan.

Isang araw... alam ko isang araw malalaman ko din ang katotohanan... kakayanin ko kaya? At bakit naman magbabago ang tingin ko sa kanya? Pagdating ng araw na iyon ay alam kong kailangan na kayanin ko para sa kanya. Kakayanin ko. Isinantabi ko muna ang kung anumang bumabagabag sa isipin ko dahil sa kanyang mga huling kataga. Ipinikit ko na ang aking mga mata.

Sa ilalim ng lilim ng mga puno na sinasabayan ng mahinang ihip ng hangin, huni ng ibon at alon ng dagat ay unti unti na kaming nilamon ng kadiliman habang magkatabi sa duyan...

Itutuloy...

04-12-2018