webnovel

BACHELOR'S PAD

Bachelor's Pad revolves around the men living on a five floor apartment (condo-type) building owned by Maki Frias, an elusive millionaire living at the top floor (But the people living in there doesn’t know he's a millionaire except one. They just know that he's a recluse, with a genius of a brain when it comes to information technology). It is located at the heart of the city but not as noticeable as other residential buildings. The building looks normal on the outside but it is high-tech and modern on the inside with very tight security. That’s why those who prefer extreme privacy and safety wants to live there. But there is a catch. This building is exclusively for men only at ang pwede lang tumira doon ay iyong personal na nirekomenda ng isang residente ng building. Bawal din magpapasok ng babae sa building. That is because Maki Frias is said to be a woman hater that he doesn’t want any woman inside his building. So when a man decides to live there, he must sign a contract that states that he abides that rule. But what if they fall in love?

MarickoYanagi · Teenager
Zu wenig Bewertungen
104 Chs

Chapter 27

SA KABILA ng mainit na halik na pinagsaluhan nila, ikinagalak ni Jane na hindi nagkaroon ng awkwardness sa pagitan nila ni Charlie. Sa katunayan ay nag-enjoy siya sa pagluluto at pagkain nila na para bang matagal na nilang ginagawa iyon na magkasama.

Pagkaligpit nila ng pinagkainan ay iniikot siya ni Charlie sa loob ng rest house. Nalaman ni Jane na mas malaki pala kaysa una niyang akala ang bahay na iyon. May limang silid at dalawa sa mga iyon ay guest room.

"Ang dalawang silid na `yan lang ang ipinapagamit ko sa mga kaibigan ko kapag nagpupunta sila rito," sabi ni Charlie na hinila ang kamay ni Jane upang lumakad pa. "This is the entertainment room. We can watch a movie later if you want. Itong isa ay library." Binuksan ng binata ang pinto ng library.

Napasinghap si Jane. Hindi iyon katulad ng inaasahan niya. Nang sabihin ni Charlie na "library," ang akala niya ay katulad iyon nang sa bahay nila na madilim at pulos shelf ng mga libro. Pero ang library sa rest house na iyon ay tila octagon ang hugis at nakadikit sa lahat ng pader ang mga shelf na puno ng mga libro. Sa isang panig, sa halip na pader ay malaking glass window, at sa tabi ay isang mahabang soft cushioned divan. Sa gitna ay may pabilog na carpet at may dalawang malaking beanbags. Katulad ng halos lahat ng bahagi ng rest house na nakita na niya, maaliwalas at maliwanag ang library.

"Ang ganda," humahangang usal ni Jane.

"You haven't seen the master's bedroom yet," bulong ni Charlie sa kanyang tainga. "Kung nagagandahan ka rito, baka hindi mo na gustuhing lumabas ng master's bedroom. But that will suit me just fine."

Naging mapang-akit ang tono ng binata at naramdaman niya ang pagtayo ng kanyang mga balahibo sa batok. Napahugot siya ng malalim na hininga at nagpatiunang lumabas patungo sa hallway. Nakangiting lumabas na rin ng library si Charlie at muling inilapat ang kamay sa kanyang lower back at inakay patungo sa pinakadulong pinto.

"Sakop ng master's bedroom ang buong likuran na bahagi ng rest house na ito."

Binuksan ng binata ang pinto ng master's bedroom at bahagyang itinulak si Jane papasok. Umawang ang kanyang mga labi sa pagkamangha nang mapagtanto na ang tatlong sulok ng silid ay pulos glass wall. Nakataas ang mga venetian blind na tanging panakip sa buong silid kaya kitang-kita niya ang maberdeng tanawin sa labas, ang kabundukan, at sa isang panig ay ang Taal Lake. It seemed as if the room was perched on the edge of a hill. Sa loob ng silid ay may isang king-size bed na sa tantiya ni Jane ay magkakasya ang apat na tao at simpleng bedside table na may lampshade. Iyon lang ang makikita. Nang lumingon siya sa bahagi ng silid na kinaroroonan ng pinto na kumokonekta sa silid at sa buong bahay, may nakita pa siyang isang pinto sa gilid.

"Do'n ang banyo at dressing room," sabi ni Charlie na tila nabasa ang iniisip ni Jane. Bumalik ang tingin niya sa binata na isinara na ang pinto at may ngiti sa mga labi. "Perfect, right?"

Tumango siya. "Pero kama lang ang mayroon dito."

Naging mapang-akit ang ngiti ni Charlie at lumapit sa kanya. Pumaikot ang mga braso nito sa kanyang baywang at hinigit siya palapit. Agad na kumalat ang nakakikiliting sensasyon sa buong katawan niya sa pagkakadikit nila.

"Exactly. It's all I need here."

Natigilan si Jane nang may maisip. "Ilang babae na ang nadala mo rito?" nagdududang tanong niya.

Bahagyang natawa si Charlie at marahan siyang itinulak. Napaatras siya nang napaatras hanggang tumama na ang kanyang mga binti sa kama. "Kapag sinabi kong ikaw pa lang, maniniwala ka ba sa akin?"

Pinakatitigan ni Jane ang guwapong mukha ni Charlie at lumambot ang kanyang puso. "Oo. Because I know how much you value your privacy. At alam kong pribado para sa `yo ang lugar na ito. Kaya nga masaya akong dinala mo ako rito."

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ng binata at hinaplos ang kanyang buhok niya.

Lumunok si Jane at lakas-loob na isinatinig ang bagay na ilang araw nang naglalaro sa kanyang isip. "Pero napapaisip ako kung bakit mo ako dinala rito. Talaga bang bumabawi ka lang? Talaga bang gusto mo lang ako makasama? Wala nang ibang dahilan? Kilala kita, Charlie. Madalas, kalkulado ang bawat desisyon mo."

Naging seryoso ang ekspresyon sa mukha ni Charlie at bahagyang nagsisi si Jane na nagtanong pa siya. Sasabihin na sana niyang kalimutan na ng binata ang tanong niya nang umupo ito sa gilid ng kama at hinigit siya upang mapaupo rin. Ipinihit siya ni Charlie upang magkaharap sila, pagkatapos ay humugot ito ng malalim na hininga.

"Kapag ikaw ang nagsasabi na calculating ako, I feel like an arrogant jerk." Ngumiwi ang binata pagkasabi niyon.

Alanganing ngumiti si Jane. "Actually, you really are an arrogant jerk, Charlie. Bumait ka lang sa akin pero may palagay akong gano'n ka pa rin sa iba na hindi mo kaibigan. Tama ba ako?"

"I guess you're right," pag-amin ng binata at naging seryoso ang titig sa kanya. "I'm not the man for someone as sweet as you. But you've still liked me all these years? Why?" seryosong tanong nito.

Nag-init ang mukha ni Jane at nahihiyang ngumiti. "Because you have a strong personality. Dahil may sarili kang disposisyon, may pangarap kang gustong abutin at ginagawa mo ang lahat para makamit iyon." Napayuko siya at bahagyang nawala ang ngiti nang biglang maalala na si Vanessa ang nasa tabi ni Charlie upang tuparin ang pangarap ng binata. "Hindi ko nga lang alam kung ano pa ang pangarap mo bukod sa pagiging abogado. Ang alam ko lang, masyado `yong mahalaga sa `yo."

Ginagap ni Charlie ang kanyang kamay at pinagsalikop ang kanilang mga daliri. "Gusto kong magtayo ng sarili kong law firm. A large one, katulad ng firm kung saan connected ako ngayon."

Napatingala si Jane sa binata at nagtama ang kanilang mga mata. He was opening up to her. May humaplos na init sa kanyang puso sa realisasyon na iyon. Napahigpit ang hawak niya sa kamay ni Charlie nang magpatuloy ito sa pagsasalita.

"Pero hindi gano'n kadali `yon. Kahit sinong abogado, puwedeng magtayo ng sarili niyang practice kahit saan, pero ang mahirap ay kumuha ng malalaking kliyente at masigurong hindi malulugi. Kailangan ng buong atensiyon at dedikasyon para masigurong magiging matagumpay ang firm na gusto kong itayo. I can't be distracted. But you suddenly came into my life." Huminto sa pagsasalita si Charlie at pinakatitigan siya sa paraang nagpainit sa kanyang pakiramdam.

"You distract me, Jane. Imbes na nasa trabaho lang ang utak ko, bigla kang sumisingit. Unti-unti, bawat desisyon ko sa araw-araw na noon ay naka-focus lang sa sarili ko at sa mga kliyente ko, nag-iiba dahil kasama ka na ngayon sa iniisip ko. At the same time, I'm afraid there might come a time that no matter how much I try not to, I will end up taking you for granted."

Unti-unting lumilinaw ang lahat sa isip ni Jane kung bakit pilit na umiiwas si Charlie na makipagrelasyon. Kung bakit ayaw nitong magpakasal. Napabuntong-hininga siya. "Masyado kang worrywart," komento niya.

Natigilan ang binata at bahagyang napasimangot. "I'm trying to be honest with you here."

Napangiti si Jane at hinaplos ang pisngi ni Charlie. "Alam ko. Alam ko rin na ako ang iniisip mo sa desisyon mo. Salamat. But I don't think you will ever take me for granted, Charlie. As long as alam ko na inaalala mo ako sa araw-araw, as long as alam ko na minsan ay nadi-distract ka dahil sa akin, and I hope you think of me as a good distraction, okay na sa akin `yon. Imbes na timbangin mo kung ano ang mas mahalaga sa `yo, hindi ba puwedeng subukan mong mag-compromise? Hindi ba puwedeng balanse? I promise I'm not going to act bitchy and demand that you choose between me and your career. Kasi nagustuhan na kita ng ganyan ka. All I ask of you is to allow me to support your dream," paliwanag ni Jane.

Naging masuyo ang ekspresyon sa mukha ni Charlie at hinaplos din ang kanyang pisngi. "You are so good to me. I don't deserve you," bulong nito.

Ngumiti siya. Masyadong mataas ang tingin ng binata sa kanya.

"Tell me, ikaw, ano ang pangarap mo? Ano ang gusto mong gawin bukod sa pamamahala sa negosyo ninyo? Kung mayroon, susuportahan din kita," sabi pa nito.

Natigilan si Jane at biglang naisip ang mga patagong design na ginagawa niya mula pa noong bata. Mga disenyo ng sapatos na natatakot siyang ipakita sa kanyang ama dahil baka sabihin na hindi iyon maganda. Na mas mabuti kung ituon na lang niya ang atensiyon sa pamamahala ng business side ng kanilang negosyo kaysa sa creative side.

Walang sinabihan si Jane kahit sino ng munti niyang pangarap dahil siya mismo, hindi nagkalakas-loob na tuparin iyon. Dahil katulad sa lahat ng bahagi ng kanyang buhay noon, sumusunod lang siya sa agos at nagpapaka-boring. Subalit sa mga nakaraang araw ay patindi nang patindi ang kagustuhan ni Jane na kumilos upang matupad ang noon pa niya gusto. Naisip niya, kung si Charlie nga ay nabigyan niya ng effort, bakit hindi ang kanyang pangarap? Pinilipit niyang baguhin ang sarili, inaalis ang anino ni plain Jane, kaya dapat ay lubusin na niya.

"I want to produce my own shoe collection. As in sa akin ang mga disenyo. Para balang-araw, hindi na namin kailangang mag-hire ng designers para sa mga sapatos namin. Kung mabibigyan ako ng pagkakataon na idisenyo ang lahat ng mga collection namin sa hinaharap, mas magiging personalized, hindi ba?" mayamaya ay sabi ni Jane.

Pinagmasdan siya ni Charlie at may sumungaw na proud na ngiti sa mga labi nito. "Magandang ideya. Kaya pala bilib na bilib si Lolo sa `yo. Then go for it. Alam ko na kaya mo `yong gawin. I will always support you."

Nag-init ang pakiramdam ni Jane sa sayang lumukob sa kanyang puso. Hindi pa sinasabi ni Charlie sa kanya na mahal siya nito o na nagbago na ang isip at gusto na siyang pakasalan. Subalit sa ngayon, sapat na sa kanya ang sinabing iyon ng binata. Sa sobrang kasiyahan, kusa na niyang tinawid ang pagitan ng kanilang mga mukha at hinalikan si Charlie sa mga labi.

"Thank you," usal niya sa mga labi ng binata.

Saglit lang na tila nabigla si Charlie bago tumungo sa batok ni Jane ang kamay nito at gumanti ng halik.