webnovel

Avenue Of Escape

Paano kung ang inakala mong paraiso ay isa rin palang impyerno? Kanino ka tatakbo kung ang mga taong dapat pumoprotekta sa'yo ay ang mismong nanakit at nang-aabuso sa'yo? Paano ka tatakas kung ang mismong buhay na meron ka ang nagsisilbing kulungan mo?

kristinfinityy · Teenager
Zu wenig Bewertungen
8 Chs

One

Disclaimer: This story contains violence, strong language, family issues, abuse, suicide ideations and other mature content. If you are under 18 and/or going through something, please drop this book.

QUESHA

"Isa sa mga institusyon ng lipunan ay ang pamilya. Dito unang nahuhubog ang kaisipan at kilos ng bawat indibidwal."

Tahimik at walang ibang maririnig kung 'di ang tinig ng isang babaeng may gupit panglalaki ang buhok at may kaliitan na sa harap ng pisara. Mababakas mo ang katandaan sa itsura niya dahil sa linya sa kanyang noo at ilang hibla ng puting buhok.

Karamihan sa estudyante ay halos nakasubsob na ang mukha sa armchair nila, hindi dahil sa nakakabagot ang leksiyon, kung hindi dahil sa malumanay na boses ng guro na tila lullaby at nanghahalinang matulog.

"Malaki ang parteng ginagampanan nito dahil dito natin unang nakukuha ang mga pangangailangan. Sa loob ng pamilya tayo unang nakaranas ng pagmamahal, pag-aaruga o pakalinga.

Dito tayo unang nagkamalay, natuto at namulat. Ito ang basic unit ng lipunan. Kung walang pamilya, wala ang barangay na siyang bumubuo sa bayan o lungsod." Dagdag niya habang ang kamay ay namamaypay.

Napaismid ako nang palihim, hindi sang-ayon sa tinuran niya ngunit nanatili akong tahimik. Alam kong hindi naman lahat ay naranasan na ang sitwasiyong kinalalagyan ko.

Nagpatuloy ang discussion na sinundan ng maikling quiz. Nang matapos ang oras niya ay agad siyang lumabas. Ilang sandali pa'y pumasok naman ang guro para sa susunod na subject. Katulad ng nauna ay nag-discuss at nagpa quiz lang din siya.

Nang matapos ang klase namin para sa araw na 'to ay dali-dali kong inilabas ang maliit kong payong saka isinukbit sa magkabilang balikat ko ang bag ko saka patakbong lumabas ng school.

Kalahating araw lang ang pasok namin dahil sa dami ng estudyanteng nag-aaral sa dito sa public school. Mayroong morning period na nag-uumpisa mula alas sais ng umaga hanggang alas dose ng tanghali at 'yung afternoon period ay mula ala una hanggang alas sais ng gabi.

May ilan akong nabangga na kapwa ko estudyante na papasok pa lamang sa room namin para sa afternoon period dahil sa pagmamadali ngunit hindi na ako nag-abala pang humingi ng paumanhin. Katulad ng nakagawian ay kumaliwa ako ng makalabas ng school namin imbis na dumiretso ng uwi sa bahay.

Tinungo ko ang maliit na parke na ilang metro lang ang layo mula roon. Hindi tulad noon ay wala masiyadong nagpupunta doon dahil ginawa na ring tapunan ng basura. Dati ay magaganda at makukulay ang mga bulaklak doon at may iilang matatangkad na puno na masarap titigan dahil sa ganda ng pagkaluntian ng mga dahon nito. Ngayon ay nagtataasang dahon at patay na kahoy ang makikita doon maliban sa swing, na maayos pa naman bagaman kinakalawang na.

Napangiti ako ng matanaw ang babaeng kaedad ko lang din na naghihintay sa akin. Abot sa bewang ang walang ayos, tuwid at itim na itim niyang buhok. Dilaw ang kulay ng suot niya ngunit halos maging kulay brown na iyon dahil sa dumi.

Nang magawi sa direksiyon ko ang tingin niya ay kinawayan ko siya at ginawaran ng matamis na ngiti ngunit agad din iyong nawala nang makita kong lumapit sa kanya ang grupo nina Monica.

"Kaya naman pala ang baho, may basurera dito." narinig kong maarteng sambit nito saka sila nagtawanan. Ito na naman sila sa trip nilang akala nila ay cool tingnan.

Napatigil ako sa paglalakad. Saglit kong pinagmasdan si Kaylen ngunit wala siyang reaksyon. Nanatili siyang nakayuko at mahigpit ang hawak sa bakal ng swing. Napaismid ako sa tanawing iyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya marunong lumaban kaya't lumapit na ako sa direksiyon nila.

"Paanong hindi babaho dito, e nagkalat ang mga basura? Buti nga at hindi pa kayo dinadampot ni Kaylen at ibenta." nakataas ang kilay na sumingit ako sa kanila.

"At sinong mga basura naman ang tinutukoy mo?" sabat ng isa sa mga alagad niya, sa itsura niya ay parang isang maling salita ko lang ay mananakit na siya.

"Sino pa ba? E 'di kayo." Palabang sagot ko habang ibinababa ang bag ko sa lupa. "Pero sa tingin ko, kayo 'yung uri ng basura na kahit sinong basurero ay hindi kayo kukunin dahil maski sa junk shop o kahit saang basurahan ay hindi kayo tatanggapin! Kayo 'yung mga basurang nabubulok kaya ang babaho! Parang mga ugali niyo, nakakasuka." dagdag ko.

Umarte pa 'kong tinatakpan ang ilong ko para lalo silang mainis. Nakita ko ang pamumula sa mga mukha nila. Lihim akong napangiti nang mabakasan ng pagkapikon ang mga itsura nila.

"Manahimik ka nga. Anak ng malandi." maarteng wika niya, nakapamewang pa at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

"Gaga! Tanga ka pala, e. Pareho lang naman ang mga nanay natin. Sa tingin niyo ba, kung hindi naglandi ang mga nanay niyo, buhay kayo ngayon at naghahasik ng katangahan?" natatawang sagot ko na ikinapikon nila.

Akmang sasampalin ako ni Monica nang maunahan ko siya. Hinila ko ang lagpas balikat niyang buhok. Hinila ko iyon at inikot. Kita ko sa mukha niya ang sakit pero dahil sa pagkabwsit ko ay hindi ko iyon pinansin at mas diniinan ang pagkakahawak sa buhok niya.

Hinila ko ang buhok niya pababa kaya't napilitan din siyang isunod ang mukha niya. Nakatuwad na siya at halos sumubsob na sa lupa ang mukha niya. Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa buhok niya dahilan upang dumaing siya. Saktong pagbuka ng bibig niya ay ipinakain ko sa kanya ang lupang dinakot ko.

Napaubo siya dahil doon. Namumula na rin ang mga mata niya at nagbabadya ang mga luha. Nang makuntento ako sa tanawing iyon ay binitiwan ko siya at tatawa tawang tumayo.

Sa ginawa kong iyon, pakiramdam ko ay nakaganti rin ako sa lahat ng taong nakagawa sa 'kin at kay Kaylen ng kasalanan, pati na sa mga taong walang ibang ginawa kung hindi ang husgahan kami. Alam kong sobra ang ginawa ko at hindi tama kahit na sila ang nauna pero pakiramdam ko ay malakas ko.

Hindi naman ako nakailag nang sampalin ni Abigail, isa sa mga kampon ni Satanas- este ni Monica pala. Isa pa 'tong feeling rich kid. Hindi ko napansin ang paglapit niya. Bwisit talaga.

Sa lakas ng pagkaka sampal niya ay natumba ako sa lupa, buti na lang ay naitukod ko ang mga kamay ko, kung hindi ay nasubsob ang mukha ko. Hindi pa sila nakuntento at salitan akong pinagtatadyakan. Ipinangtakip ko ang mga kamay ko sa ulo at mukha bilang proteksiyon.

Naririnig kong umiiyak na nagmamakaawa si Kaylen na tumigil na sila sa pananakit nila, pero mukhang wala silang paki dahil patuloy lang ang pagsipa nila sa akin.

"Yan ang napapala ng mga pakialamera! Bakit ba kasi ang hilig mong ipagtanggol 'tong basurera nito? Hahaha. Sabagay, swak kayo maging magkaibigan. Isang basurera at isang anak ng pokpok. Parehong mahirap at mga patapon." nang-uuyam na sambit ni Monica habang ang paa ay nanatiling naka-apak sa sikmura ko.

Sa bigat niya ay parang gustong lumabas lahat ng kinain ko. Nahihirapan na rin ako sa paghinga. Nang makaramdam na 'ko ng pagkabuwisit ay dumampot ako ng bato mula sa lupa at saka inihagis iyon sa direksiyon nila, walang pakialam kung kanino at kung saan sila tamaan.

"Aray! Alam mo bang masakit?" asik no'ng isang babae na hindi ko alam ang pangalan. Wala rin naman akong balak alamin.

Astang susugod sila ulit pero mabilis na umikot ang paningin ko sa paligid at dumapot ng bato, 'yung pinakamalaking nakita ko at saka iniamba 'yun sa kanila.

"Quesha, tama na. Umalis na lang tayo." Pinanlisikan ko lang ng mata si Kaylen at inirapan. Hindi ako nagpapatalo. Kung matalo man ay hindi ako pumapayag na matalo nang walang laban, lalo na sa mga bully tulad nila.

"Alam kong masakit 'yan dahil hindi naman ako kasing bobo niyo. Alam niyo, imbis na manglait at manakit kayo ng ibang tao, subukan niyo na lang gumawa ng bagay mas kapakipakinabang para matuwa naman ang mga magulang niyo sa inyo.

Huwag kayong mga tanga! Kaya nga pare-pareho tayong nasa public school kasi mahirap lang tayo at hindi natin kayang magbayad para sa matrikula."

"At least, kahit mahirap ay hindi kami mga basurera at anak ng pokpok."

Natawa na lang ako sa tinuran ni Monica.

"E, kung ipukpok ko 'tong bato sa inyo para maalog 'yang ulo niyong walang laman? Baka sakaling matauhan kayo. Minamaliit niyo kami ng kaibigan ko dahil sa katayauan namin sa buhay? Kawawa naman kayo.

Oo, pokpok ang nanay ko pero sa totoo lang mas puta kayo sa ginagawa niyo. Basurera ang kaibigan ko, pero kayo? Mga basura kayo. Kayo 'yung tipo ng mga basura na hindi pwedeng sunugin dahil masama sa hangin pero hindi rin pwedeng ibaon sa lupa dahil masama para sa mga halaman.

Sa madaling salita, wala na nga kayong gawang matino puro perwisyo pa kayo!"

Mahabang litanya ko habang nakaamba pa rin sa kanila. Totoo naman. Ang mga katulad nila ay mahilig manghila pababa o kaya'y manakit ng ibang tao dahil sa kakulangan o estado ng buhay nila, pero hindi nila napapansin na mas kaawa-awa sila.

Ipinagmamalaki nilang nasa kanila ang lahat o mas angat sila sa karamihan pero mas pinagtutuunan nila ang buhay ng ibang tao. Ganoon siguro kapag hindi ka totoong masaya sa buhay mo.

Mapang-asar na ngiti ang iginawad ko sa kanila ng hindi sila makasagot. Masama ang tinging ibinigay nila sa'kin bago umalis.

"Aalis na kayo? Ingat, dadaan na 'yung truck ng basura mamaya baka madampot kayo."

"Quesha, dapat hindi mo na lang sila pinatulan.Nasaktan ka pa tuloy dahil sa akin." Napairap na lang ako bago ko nilingon si Kaylen.

"Quesha, dapat hindi mo na lang sila pinatulan nyenye. Alam mo Kaylen, minsan hindi ko na alam kung mabait ka lang talaga o tanga ka na, e. Dapat lumaban ka. Kaya sila namimihasa sa ginagawa nila sa'yo e." Giit ko habang pinapagpag ang uniporme kong puro dumi dahil sa pagbagsak ko.

"Wala namang magandang maidudulot ang pagganti. Isa pa, titigil din naman sila kapag nagsawa."

May mga pagkakapareho kami ni Kaylen kaya nagtagal din ang pagkakaibigan namin ngunit mas marami kaming pagkakaiba. Marami din kaming bagay na hindi napagkakasunduan pero ito ang pinaka kinaiinisan ko sa ugali niya. Hindi siya marunong lumaban o magtanim man lang ng galit. Lagi niyang katwiran ay dapat na hayaan na lang ang Diyos ang mga ganitong mga bagay.

"Pero mas walang maidudulot na maganda ang pagtahimik at hindi mo paglaban. Tinuturuan mo lang sila kung paano ka abusuhin. Hindi lahat ay dapat ipinagpapasa-Diyos na lang." nakapamewang na sermon ko pero balewala lang sa kanya at muling umupo sa swing.

Naupo ako sa isa pang swing katabi niya at ipinatong ang bag ko sa mga hita ko. Hindi ko na siya narinig na sumagot, marahil ay sanay na siya sa ugali ko at alam niyang hahaba lang ang usapan kapag kinontra niya 'ko.

"Oh, kumain ka muna." Napangiti na lang ako sa reaksiyon niya nang iabot ko sa kanya ang tinapay na patago kong kinuha kanina sa bahay.

"Salamat. Baka mapagalitan ka dahil dito." Hanggang ngayon ay nahihiya pa rin siya.

"Huwag mo nang intindihin 'yun, ako ng bahala sa sarili ko. Ubusin mo na lang 'yan."

Hindi naman ako mapapagalitan basta't hindi nila malalaman na kumukuha at inuubos ko ang mga pagkaing uwi ni mama.

Tuwing may pasok kasi ay nagpupuslit ako ng tinapay o ano mang pagkain na meron sa bahay namin para ibigay kay Kaylen tuwing tanghali. Laging ganoon ang ginagawa ko simula noong nalaman kong hindi siya nakakakain nang maayos sa bahay nila.

Kapag tapos na ang klase ko, tulad ngayon, at tuwing walang pasok ay tinutulungan ko na rin siyang mangalakal. Kung minsan naman ay tinitipid ko ang baon kong pera at ibibigay iyon sa kanya upang hindi na siya gaanong mahirapan sa pangongolekta ng basura. May pagkakataon din kasing maliit lang ang kinikita niya sa maghapon.

Ulila na sa Kaylen buhat nang mamatay ang mga magulang dahil naaksidente ang mga ito sa trabaho sa isang pabrika. Napunta sa Tiyahin niya ang pangangalaga sa kanya. Malalakas naman ang katawan nito ngunit mga tamad kumayod at iniasa na kay Kaylen ang paghahanap-buhay at laging pinagbubuhatan ng kamay si Kaylen lalo na kapag wala siyang naiuwing kita mula sa pangangalakal ng basura o kaya ay sa panlilimos.

Sinabihan ko na siya noon na umalis na lang siya o tumakas, pero wala rin naman siyang ibang mapupuntahan kung sakali. Ang mga kapitbahay namin ay puro walang pakialam. Bukas ang tenga at mata nila sa pagkakamali o pagkukulang ng iba pero sarado ang isip at puso nila para sa mga tulad naming nangangailangan ng tulong.

Pero, ano pa nga bang aasahan? Sa sarili nga naming bahay ay naabuso at nasasaktan na kami. Ang isa't-isa na lang talaga ang karamay namin ni Kaylen.

Inugoy ko ng kaunti ang duyan habang hinihintay siyang matapos.

"Kaylen." Untag ko makalipas ang ilang sandali ng katahimikan. Mabilis siyang lumingon sa gawi ko ngunit hindi umimik, naghihintay lang kung ano ang sasabihin ko.

"Hindi ka na naman naligo, 'no?" Natawa na lang ako nang nakanguso siyang umiling at nagpatuloy sa pagkain.

Nang makitang tapos na siya sa pagkain ay dinukot ko ang panyo sa bulsa ng palda ko saka kinuha ang bote ng alcohol. Ibinuhos ko ang laman niyon sa panyo kahit medyo masakit sa ilong ang amoy.

Ibinaba ko sa lupa ang bag ko saka tumayo at pumwesto sa harap ni Kaylen. Ipinunas ko ang panyo, una sa mukha niya, sa leeg, pagkatapos ay sa braso.

"Ano ba 'yan? Ang baho naman. Ang sakit pa sa ilong." nakakunot ang noong reklamo niya.

"Mabaho ka rin naman, pero hindi naman nagreklamo 'yung alcohol." biro ko na ikinatawa naming pareho. Hindi ko alam kung wala sa ugali niya ang pagiging pikon kaya't hindi siya naiinis sa akin o naiinis din siya, ayaw lang niyang makipag away sa'kin.

Nang matapos sa pagpunas ay nilagyan ko siya ng pulbo sa leeg at likod saka ko sinuklay ang magulo niyang buhok. May mga make-up din ako at kung ano anong pampaganda. Kinukuha ko iyon sa gamit ni mama dahil marami siyang gan'on. Kahit hindi na siya sa bar nagta-trabaho ay mahilig pa rin siyang mag-ayos.

Kahit may edad na ay maganda pa rin si mama. Namana ko daw ang gandang 'yon, sabi ng iba. Pero marami rin ang nagsasabing hindi malabo na maging katulad ako ni mama.

Maganda rin si Kaylen, kaya lang ay hindi naman siya nakakapag-ayos at hindi naliligo. Minsan din ay natatakpan ang gandang iyon ng mga sugat at pasa dahil sa pambubugbog ng mga tiyahin niya.

"May ibibigay pala ako sa'yo. Regalo ko pero pagpasensiyahan mo na, ito lang ang kaya ko." Sambit ko saka kinuha iyon sa bulsa ng bag ko. Isang cute at pink na hair pin na may disenyong strawberry. Lumapit ako ulit kay Kaylen saka maingat na inipit iyon sa kanang bahagi ng buhok niya.

"Salamat, Quesha. Pasensiya ka na rin, wala akong maibigay sa'yo."

"Ayan ka na naman, e! Okay lang 'yan. Hindi naman ako humihingi ng kahit anong kapalit."

"The best ka talagang kaibigan!" sabi niya pagkatapos ay yumakap sa akin.

"Asus, bola! Ako lang naman kaibigan mo, e." Pabiro kong sambit pero totoo naman.

Naging magkaklase kami ni Kaylen nang tumungtong kami sa ika-anim na baitang sa elementarya. Naging magkaibigan kami hanggang umabot kami ng high school, hindi man magkapareho ng section, dahil pareho kaming binu-bully ng mga kaklase namin dahil sa trabaho ng nanay ko habang siya ay isang basurera.

Hindi naman lahat ay nilalayuan kami o binubully, may ilan din kaming naging kaibigan pero hindi rin nagtagal at iniwan kami. Marahil ay natatakot silang pati sila ay ma-bully sa pagsama sa amin. Hindi ko rin naman sila masisi.

Sa ilang taon ng pagkakaibigan namin ay ako lagi akong nagtatanggol sa kanya dahil puro iyak o pananahimik lang ang ginagawa ni Kaylen kapag may umaaway sa kanya. Likas sa akin ang maging palaban. Hindi ako 'yung tipo na pumapayag na matalo nang hindi lumalaban o nakakaganti sa mga nananalbahe sa'kin.

Hanggang ika-walong baitang lang ang natapos ni Kaylen habang ako ay umabot sa ika-siyam baitang. Hindi na siya nakapag-aral ng maayos dahil wala rin naman siyang pantustos.

Ayaw ko na may nananakit sa kanya. Kapatid na rin ang turing ko sa kanya.

Ang sabi ng teacher ko kanina ay sa pamilya ka unang makakaramdam ng pagmamahal at pagkalinga, pero sa sitwasiyon naming dalawa, hindi gano'n. Nakahanap kami ng kakampi at karamay sa isa't isa na hindi namin natagpuan sa sarili naming tahanan. Si Kaylen lang din ang naniniwala sa 'kin.

Ngumuso lang siya ulit saka pumostura na tila iniyayabang iyong hairpin niya. "Ano, bagay ba sa'kin? Maganda na ba 'ko?"

"Oo, kaso mabaho ka pa rin." pang-aasar ko.

"Quesha naman, e!" Sigaw niya bago tuluyang kumalas sa pagkakayakap sa akin. Natawa lang rin ako sa reaksyon niya.

Gaya ng nakagawian ay tinulungan ko si Kaylen sa pangangalakal. Hapon na rin nang mapagdesisyunan naming umuwi. Swerte na rin dahil kumita kami ng isang daang piso na hindi madalas mangyari.

Pauwi na dapat kami pero inaya ko muna siya sa lugawan. Bukod sa sariling gutom dahil hindi naman ako nananghalian, naisip kong baka ipangsugal na naman ng tiyuhin niya ang perang kinita namin imbis na ipambili ng pagkain.

Ayaw niya pang pumayag dahil takot siyang mabawasan ang kita namin. Mabuti na lang ay napilit ko siya at sinabing ako na ang magbabayad. Kinse pesos lang naman ang isang order n'on, may kasama pang nilagang itlog.

"Bukas ulit, ha?"

Kinawayan ko pa si Kaylen bago siya pumasok sa bahay nila. Napabuntong hininga na lang ako. Kung pwede ko lang sana siyang isama sa bahay namin. Kaso ay hindi rin naman maganda ang sitwasiyon ko doon.

Kahit alam kong late na ang uwi ko, mas binagalan ko pa ang lakad ko. Bawat hakbang pauwi ay pabigat nang pabigat maging ang paghinga ko. Tumingin ako sa madilim na kalangitan at nag-usal ng dasal.

Dasal na sana'y nakauwi na si mama. At dasal na sana'y dinggin Niya ang hiling ko.

Kahit ngayon lang.

Kunwari din ay binilang ko muna sa isip ko ang mga bituing naroon kahit imposibleng mabilang ko iyon. Nang mapagod sa pagpapanggap ay sinimulan ko nang maglakad ulit pauwi.

Umasang akong nauna na sa'king umuwi si mama pero gano'n na lang ang panlulumo ko pagpasok ko ng bahay.

Wala doon ang paborito niyang pares ng sandals. Wala rin doon sa ang payong niyang nagsisilbing proteksiyon ng malaporselana niyang balat laban sa init ng araw.

Maging ang kulay pula niyang shoulder bag na pinaglalagyan niya ng mga kolorote at perang kinita niya sa maghapong trabaho ay hindi nahagilap ng mga mata ko.

Wala pa si mama.