webnovel

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)

TaongSorbetes · Fantasie
Zu wenig Bewertungen
24 Chs

Chapter 21

Chapter 21: Ang Kainan sa Florania

*****

"IBIG-SABIHIN si Richard na tinutukoy ng aking anak at ang hari ng Armenia na si William ay iisa?" natatawang sabi ni Haring Alberto sa bisita ng kanyang kaharian. Ang hari ng Armenia. Nakaupo ito sa trono at nasa tabi ang anak na prinsesa. Nakapaligid din sa bulwagan ang nasa dalawampung dama at nasa sampung kawal naman mula sa likuran. Nasa likuran naman ni Richard ang mga kasamang taga-luto ng kanyang kaharian. Mga taga-luto na tinuruan niya mismo ng mga bagong paraan at estilo.

"Ako nga po mahal na haring Alberto," sabi ng binata at yumuko pa ito.

"Talagang kayong dalawa ng aking prinsesa ang itinadhana..." Tumayo ang hari at bumaba papunta sa harapan ni Richard.

"Ipangako mong hindi mo sasaktan at paluluhain ang aking anak..."

Seryoso na tiningnan ni Richard ang mata ng hari. Napatingin din siya sa prinsesa.

"Ipinapangako ko po!" Yumuko muli si Richard matapos sabihin iyon at napangiti ang hari. Nagpalakpakan din ang lahat nang marinig iyon.

Bigla namang bumaba si Ruby at pumunta sa tabi ng binata. Humawak ito sa bisig ni Richard. Tila kinilig pa nga ang mga dama na nakakita.

"Wala kang dapat ipag-alala ama... Kahit isa siyang hari ay hindi siya makakatanggi sa mga hihilingin ko..." sabi ng prinsesa at napangiti na lang si Richard nang pilit.

"Hindi ka pa rin nagbabago..." sabi na lang ng binata sa sarili.

"Nga pala, haring Richard... haring William... ano ba ang nais mong itawag ko sa iyo... bilang magiging kabiyak ng aking prinsesa?" tanong bigla ng hari ng Florania.

"Ka-kayo na po ang bahala... Kahit po wala nang hari... Ayos lamang po sa akin," nangingiting sabi ng binata.

Napaisip si haring Alberto.

"Kung ganoon, Willchard ang itatawag ko sa iyo... Tama, Willchard," seryosong sabi ng hari at bigla namang natawa si Ruby.

"Napakapangit!" sabi ng dalaga at napatawa sila. Nakitawa na lang din si Richard dahil doon.

Pagkatapos niyon ay kinausap ni Richard si Haring Alberto, hinggil sa nais niyang gawin. Isinama niya ang mga magagaling na kusinero ng Armenia upang ipagluto sila ng ilang putaheng unang beses pa lang nilang matitikman. Humingi siyang permiso na ipagamit ang kusina ng palasyo. Wala namang ano-ano'y pumayag agad ang hari ng Florania.

"Tamang-tama, aking susuotin ang pinakamaganda kong kasuotan..." sabi pa ng hari at pansamantala muna itong umalis matapos magpaalam kina Richard na ito raw ay pupunta muna sa silid upang ihanda ang sarili.

"Gusto pa sana kitang makasama nang matagal, ngunit kailangan ko ring maghanda ng aking sarili para sa salo-salo na ihahanda ninyo... kaya magpapaalam muna ako..." sabi naman ni Ruby sa binata.

"Okay lang. Sige na, tutulong din ako sa kanila para mapabilis ang paghahanda..." sabi naman ng binata.

"Sige... dapat ay masiyahan ako sa ihahain ninyo... dahil kung hindi..."

Lumapit si Ruby sa binata at bumulong.

"Ako ang magluluto at ipapaubos ko sa iyo..." Pagkatapos niyon ay agad na umalis si Ruby at dumiretso na papunta sa silid nito. Agad naman itong sinundan ng dalawang dama.

Napangiti naman si Richard.

"Na-miss ko ring kumain ng uling..."

Matapos iyon ay nagpasama na siya sa mga kawal ng Florania upang ituro kung saan ang daanan papunta sa kusina ng palasyo.

MANGHANG-MANGHA si Richard nang makita ang lugar-kainan sa palasyo ng Florania. Doble ang laki nito kumpara sa lugar-kainang mayroon ang palasyo ng Armenia. Ang daming mesa na nasa dalawampu ang bilang at may tatlumpo't dalawa upuan sa bawat isa. Yari sa matitibay na kahoy ang mga iyon at pinahiran ang mga ito ng barnis dahil sa kintab na nakikita rito. May napakagandang kulay gintong mantel din ang bawat mesa. Samantalang yari naman sa silver ang mga kubyertos at sa bubog naman ang mga plato. Bubog din ang bubong ng buong lugar kaya tumatagos ang liwanag dito na nagmumula sa labas, sa kalangitan. Hindi rin problema kung sakali mang mataas ang sikat ng araw dahil nasasala ng bubog ang init at liwanag na nagmumula roon. Ang mga bubog na iyon ay espesyal dahil sa katangiang iyon.

Sa madaling-salita, walang katulad ang lugar-kainan ng palasyo.

Nakaupo na ang karamihan sa bawat upuan. Katabi ni Richard si Ruby sa mesang nasa gitna ng lahat.

"Ang ganda ng palasyo ninyo, lalo na rito..." sabi ni Richard sa prinsesa.

"Nakakahiya yata kung sa Armenia tayo titira."

Napangiwi bigla ang binata nang may tumusok sa sapatos niya na tumagos hanggang sa paa niya. Ayaw niyang mapahiya kaya tiniis niya ang sakit niyon. Tinapakan siya ni Ruby gamit ang sapatos nitong may matigas na takong.

"Kahit sa bahay na basura mo tayo manirahan... Walang problema sa akin. Kaya mabuti pa'y itikom mo ang iyong bibig sa pagsasabi ng ganiyan..." sabi ng prinsesa.

"Basta ako ay iyong alagaan at pagsilbihan... maayos na sa akin iyon," dagdag pa nito at niyakap nito ang bisig ng binata.

Hindi naman maiwasang mapangiti ni Richard. Hinalikan niya sa buhok ang prinsesa dahil doon. Wala silang pakialam kung may makakita man sa kanila o wala.

"Wow! Ang sweet!"

Napabitaw si Ruby mula sa pagkakahawak sa bisig ng binata nang marinig nila ang boses na iyon. Medyo alam din ng dalaga ang salitang iyon.

Napatingin si Ruby sa isang magandang babae na nakasuot ng puting kasuotan. Nakangiti ito sa kanilang dalawa.

"Hi! Richard!" dagdag pa nito na natatawa pa.

Napakapit muli si Ruby nang mahigpit sa braso ni Richard.

"S-sino ka? At bakit Richard din ang tawag mo sa lalaking aking mahal?"

Sumulyap pa si Ruby kay Richard. Tumingin ito na tila may nagawang kasalanan ang binata. Natawang-hindi tuloy ang hari ng Armenia dahil doon.

Natawa naman si Rina sa ikinilos ng prinsesa.

"Nagkakamali ka sa iniisip mo prinsesa Ruby. Magkaibigan kami ni Richard."

"Ang totoo, ako nga ang nagbantay sa kanya nang nakabalik ka muli sa Florania," sabi ni Rina nang nakangiti.

"By the way. Isa akong diwata!"

Nang marinig iyon ng prinsesa ay napayakap agad ito kay Richard. Parang kinabahan.

"H-huwag mo na akong parusahan... N-nagbago na ako..."

Napangiti si Rina at nagpigil naman ng tawa si Richard.

"Naku, 'di ko gagawin ang iniisip mo. Kaibigan ko si Richard. Dapat nga magpasalamat ka sa akin dahil ako ang nagbantay sa kanya para hindi siya makapambabae sa mundo ng mga tao."

Napatayo agad si Ruby at nilapitan si Rina.

"Sabihin mo! Nang ako'y makaalis sa mundo ng mga tao. Nagkaroon ba ng ibang kasintahan si Richard?" seryosong tanong ni Ruby at natawa bigla si Rina.

"Puro talaga kalokahan itong si Rina," sabi na lang ni Richard sa isip nito.

Nag-isip kunwari si Rina at tumingin kay Richard. Natawa muli ito.

"Parang wala naman... Pero hindi ko lang sigurado," wika ni Rina na napatawa uli. Ang sama naman ng tingin ni Ruby kay Richard dahil doon.

"Ruby, wala!" depensa ng binata.

"Ikaw lang ang babaeng nasa isip ko. Ikaw lang talaga..."

Sinulyapan ng binata si Rina. "Pahamak ka."

Nag-peace sign ang kaibigan niyang diwata.

"Biro lang Prinsesa Ruby...Ikaw lang ang mahal ni Richard at hindi siya tumingin sa iba nang ika'y makabalik dito..."

"Promise!"

Doon ay lumapit na si Ruby sa binata at seryosong tiningnan.

"Baka naman... si Rina ang gusto mo?" bulong ng prinsesa.

"Naku! Hindi" mabilis na sagot ng binata.

"Kaibigan ko talaga 'yan. Baka pati magalit si Ministro Ariel."

Doon nga'y nakita ni Richard ang kanyang ministro sa likuran ni Rina. Hindi niya iyon napansin dahil hindi ito nagsasalita. Doon nga'y ipinakilala niya rin ito kay Ruby.

"Ruby, si Ariel nga pala. Ang aking Ministro." Nginitian ito ni Ruby matapos iyon.

"Labis ko pong ikinagagalak na makilala ang napakagandang Prinsesa ng Florania," wika ni Ariel na sinamahan pa ng pagluhod bilang tanda ng paggalang.

"Bagay na bagay po kayo ni Haring William."

Pinamulahan si Ruby sa sinabing iyon ni Ariel.

"N-naku, salamat," tugon ni Ruby na may pasimple pang pagpalo kay Richard.

"Bagay rin kayo ni Rina." Nagngitian pa ang dalawa, samantalang pinamulahan naman si Rina sa kanyang narinig.

"Oh? Ba't hindi pa kayo umupo sa inyong pwesto?" Sabay-sabay na napalingon ang lahat nang marinig ang nagsalitang iyon. Napatayo silang lahat at yumuko.

Nang makatunghay muli si Richard, ay nagulat siya nang makita ang suot na damit ni Haring Alberto.

NAKASUOT ng sumbrero si haring Alberto. Isang cap iyon na may iba't ibang kulay. Hindi nga makapaniwala si Richard dahil nakasuot ng jersey ang hari. Isang NBA jersey ni LeBron James at pinangingibabawan niyon ang isang maluwang na puting tshirt.

"Paanong nagkaroon niyon si haring Alberto?" isip-isip ni Richard na iniisip na panaginip lang ang outfit ng hari.

Nakasuot din ng maong at six-pocket shorts ang hari. Nakasapatos ito na converse at nakasuot ng mahabang yellow green na medyas. May suot pa itong silver na kwintas na may metal sa dulo. Sa haba niyon ay abot hanggang sa tapat tiyan ng hari ang dulo no'n. Mayroon ding chain nakapaikot sa baywang ng hari.

Napapailing si Richard. Ayaw niyang maniwala. Paanong ang ama ni Ruby ay nagkaroon ng ganitong kasuotan?

"Gangster? Hindi...Jejemon? Alien?" sabi na lang ni Richard sa sarili na parang hindi kayang titigan ang hari na suot-suot pa ang korona.

"Mukhang natigilan kayo sa aking suot," wika pa ng hari na sinundan pa ng pagtawa. Tila nagmamalaki ito sa lahat.

"Napakaganda, hindi ba?"

"Napakaganda po mahal na hari!" sabi ng ilan na nakuha pang pumalakpak. Si Richard naman ay hindi maisip kung nasaan ang maganda roon.

"Nais kong ibahagi sa inyo ang pagkatukoy ko sa ganitong kasuotan..."

"Minsan ay nagkaroon ako ng panaginip. Napanaginipan ko ang isang binata na nagngangalang Dodong at batang kasama nito na nagngangalang Tikoy."

Tila sariwa pa sa isip ng hari ang panaginip base sa pagkukwento nito na nakatingin pa sa langit.

"Do'n ko rin unang nakitang suot nila ang kawangis ng sa aking suot ngayon..."

Nagbalik sa alaala ng hari ang panaginip niya. Isa sa mga hindi niya malilimutang panaginip.

"Yow!" Isang panimulang bigkas ni Dodong, kawangis nito si Piolo Pascual na hindi naranasang maligo ng maraming taon.

"Kayow pow ba si Haring Albertow...Yowh!"

"Break it down!"

Nakaramdam ng kaba si Haring Alberto, nagtataka siya kung paano siya nito nakilala. Ngayon lang din niya ito nakita.

"O-Oo, ako nga. P-paano mo nalaman ang aking pangalan?" tanong ng hari.

Isang kakaibang galaw ang biglang ikinilos ni Dodong sa kanyang harapan. Isang sayaw ito na kung tawagin ay crimping. Sayaw na tila sinasapian ng kung hindi masama ay nasisiraang espirito. Tumambling pa ito at sa kasamaang-palad ay unang bumagsak ang likod nito dahil mali ang pagtalong ginawa ni Dodong.

"Ouch! Help!" sigaw ni Dodong na mukhang labis na nasaktan sa nangyari. Dito na lumapit ang isang batang napakarumi ng mukha. Kung pagmamasdan ay mukhang wala pa itong karanasan sa pagligo.

"Yowh! T-thi...khoy es hir!"

"Brow! Are you hurt? I stand yow..." Medyo pa-rap ang sinabing iyon ng nangngangalang Tikoy.

"Break it down!"

Hindi man maunawaan ni Haring Alberto ang pinaggaga-gawa at pinagsasa-sabi ng dalawang ito ay isang bagay ang pumukaw sa kanya. Labis siyang nagandahan sa mga suot nito. Para sa kanya ay ito ang pinakamagandang damit na kanyang nakita sa tanan niyang buhay. Kaya nang siya'y magising ay agad niyaang ipinatawag ang mga mananahi ng palasyo upang gawin ang damit sa kanyang panaginip. Iyon ay dahil sariwa pa rin sa kanyang isip ang itsura niyon.

"Napakasaya ko!" wika ng ama ni Ruby matapos magkwento. Napapalakpak na naman ang karamihan dahil doon.

Ngayon lang nalaman ni Richard na may ganitong ugali pala ang Hari ng Florania. Gusto niyang matawa, subalit hindi pwede. Ni hindi niya magawang tignan ang hari. Sa mundo ng sinauna ang paniniwala at tradisyon, hindi niya inakalang may makikita siyang gangster na jejemon.

"Tila pamilyar sa akin sina Dodong at Tikoy," wika bigla ni Ruby na mukhang pilit inaalala kung sino ba ang mga iyon.

"Sino nga sila? Tila nakilala ko na sila sa kung saan."

Napangiti si Richard. Naalala niya ang Junkshop of Asia. Sila ang magkapatid na jologs doon at pati si Haring Alberto ay hindi pinatawad ng mga iyon.

"H-hindi ko alam. Ngayon ko lang narinig ang pangalan nila," tugon ng binata na ayaw sabihin ang totoo kay Ruby.

Nakaupo na si Haring Alberto sa mesa nila. Ito ang nasa nag-iisang upuan sa dulo ng kainan. Kasunod niyon ay si Ruby, si Richard, si Rina, at si Ariel, ang ministro ng Armenia.

"Ano ba'ng mga putahe ang niluto ng mga kasama mong kusinero't kusinera, Willchard?" Napatawa pa si Haring Alberto nang banggitin ang pinagsamang pangalan na iyon. Ngumiti na lang ng pilit ang binata kahit hindi naman nakakatawa.

"A-ah...Surpresa po," sagot ng binata at nang makita niyang nakaupo na ang lahat ay sinenyasan niya ang mga taga-hain sa entrada.

ISA-ISA nang inilagay ang mga pagkain sa bawat mesa at lahat ng ito'y may mga taklob pa. Karamihan ay mga Floranian ang nasa loob. Lahat sila ay nananabik dahil amoy na amoy nila ang nakakapaglaway na halimuyak ng mga pagkain.

"Magugustuhan mo ito... aking Prinsesa," wika ng binata sa prinsesa ng Florania.

"Buksan n'yo na!" Sa bigkas na iyon ay siyang naging hudyat para alisin ang mga taklob ng pagkain sa bawat mesa. Umalingasaw ang napakabangong amoy ng mga pagkain sa bawat lalagyan. Tila mga brilyante na nagkislapan ang mga iyon sa mata ng bawat isa. Titig na titig sila sa bawat nakahain dahil noon lang nila iyon nakita.

Sa lahat ng mesa'y may isang mahabang litsong-baboy. Napapalibutan pa ito ng adobo, afritada, caldereta, menudo, at iba pang mga luto sa baboy. Kasunod nito ay ang iba't ibang luto naman ng manok. Mayroon ding litson at pinirito niyon. Samantalang sa kabilang parte ay mga lutong-isda at gulay naman ang nakahain.

Ito ang mga lutong nagmula sa mundo ng mga tao. Itinuro niya iyon sa mga taga-luto ng Armenia. Gusto niyang matikman muli ni Ruby ang mga pagkain sa mundo kung saan sila pinagtagpo.

Hindi rin mawawala ang kanin, fried rice ito kaya tiyak na mapapalaban ang mga kakain doon. Bawat upuan ay may kanya-kanya na ring juice. Nakahanda na rin ang dessert. May fruit salad, chicken salad, leche plan at marami pang iba. Hindi rin mawawala ang Ice Cream na pinag-aralan ni Richard kung paano gagawin sa mundo kung saan ay walang kuryente at aplayanses.

"Iyan ang pagkaing aking natikman nang nasa ibang mundo pa ako. Sana'y magustuhan ninyo!" wika ni Richard.

Bakas sa mga mata ng marami ang pananabik na kumain at matikman ang mga ito. May iba na naglalaway na kaya pagkatapos nilang magdasal ay sinimulan na ang kainan.

Napayakap bigla si Ruby kay Richard na tuwang-tuwa.

"Salamat! Paborito ko lahat ng ito... lalo na itong malamig na pagkain."

"A-ays...krim!" Sumubo kaagad si Ruby ng ice cream at makikita sa mukha nito ang labis na kasiyahan.

Hindi muna kumain si Richard para sabihin sa lahat ang tawag sa bawat luto na kanilang kinakain. Kitang-kita niya kung paano nasasarapan sa mga pagkain ang bawat isa. Ang ilan pa nga ay umiiyak habang kumakain dahil napakasarap daw.

"Ngayon ko lang natikman ang ganito kasarap na pagkain," sambit ng isa sa mga kumakain ng fried chicken.

"Hindi ko ito pagsasawaan..." wika naman no'ng isa na kumakain ng litsong-baboy.

Bigla namang tumayo si Haring Alberto.

"Lahat ng mga kawal na nagbabantay sa palasyo ay papasukin. Pakainin din sila rito," utos nito na kanina pang umiiyak dahil sa sarap ng kinakain. Maraming pagkain at maraming sikmura ang kaya nitong busugin.

Busog na busog ang lahat nang matapos kumain. Tuwang-tuwa rin sila sa sarap ng mga desserts. Pakiramdam nila ay nasa langit na sila nang matikman ang mga iyon.

"Ang sarap talaga ng ayskrim!" sambit ni Ruby na nagawa pang subuan si Richard.

Nang matapos kumain ang lahat ay napansin nilang marami pang mga natira pagkain. Pareho ng naisip si Haring Alberto at Richard. Ang ibigay iyon sa mga gustong kumain na mamamayan.

Mabilis na ipinag-utos ng hari ang paglalabas ng malalaking mesa sa harapan ng palasyo. Inilabas doon ang mga pagkain at inianunsyo na maaaring kumain ang lahat ng gustong kumain.

Punong-puno ng sigla ang nagpunta upang makakain. Kahit na mabigat na ang kanilang mga tiyan ay naroon pa rin ang ngiti sa labi nila. At mga ilang sandali pa'y biglang nagsalita ang ama ni Ruby. Kasalukuyan silang nakatayo sa beranda ng palasyo sa harapan kung saan ay nakikita ang buong kaharian, lalo na ang harapan ng lugar kung saan maraming Floranian ang masayang kumakain.

"Willchard, Hari ng Armenia." Medyo hirap pang magsalita ang hari, marahil ay dahil sa kabusugan.

"Gusto kong pakasalan mo ang aking anak sa lalong madaling panahon..."

"Nais kong magpakasal na kayo bukas na bukas!"

Nabigla si Richard. Wala iyon sa isip niya. Hindi niya inisip na magpapakasal na sila bukas. Doon nga'y hinawakan ni prinsesa Ruby ang kamay ng binata. Tiningnan nito ang binata at ngumiti.

"Pakasalan mo na ako," wika ni Ruby na mukhang iiyak na sa tuwa.

Napangiti si Richard. Bakit nga ba mag-iisip pa siya? Tumango ito at tiningnan ang haring ama nito. Ganoon din ang ilang nasa beranda. Si Rina at ang kanyang ministro.

"Bukas na bukas din! Magpapakasal na kami!" Itinaas ni Richard ang kamay nila ni Ruby na kanyang hawak at nagsipalakpakan ang lahat ng naroon.

Pumunta sa dulo ng beranda ang hari. Ganoon din si Ruby at Richard. Hiningi ng hari ang atensyon ng lahat ng Floranian na nasa ibaba. Doon ay inianunsyo niya ang kasalang magaganap bukas na bukas. Ang kasalan ng prinsesa ng Florania at hari ng Armenia.

Nagpalakpakan ang lahat at masayang sumigaw. Lahat sila ay nagalak sa mga narinig.

"Mabuhay si Haring William at Prinsesa Ruby!" wika ng isa sa mga nandoon at inulit iyon ng lahat.

"Mabuhay ang Florania!" sigaw na kasunod ng karamihan.