Ilang araw ding nasa loob lamang ng silid si Elysia, bago siya tuluyang pinayagan ni Vladimir na lumabas. Naging maayos naman ang kalagayan niya matapos ang mahaba niyang pahinga.
Tanghali nang dinala siya ni Loreen sa isang parte ng palasyo na medyo may kadiliman. Sa pagbukas ng magarang tarangkahan ay napatingala naman siya sa kabuoan ng naturang lugar. Napakataas ng kisame ng lugar na iyon, kagaya ito sa bulwagan ng trono ni Vladimir. Ang tanging kaibahan lamang ay ang madilim na kaanyuan nito na tila napapalamutian ng mga kandilang nakalutang sa ere.
"Anong lugar 'to, Loree,?" Tanong ni Elysia habang inililibot ang paningin sa paligid.
"Malalaman mo rin mamaya Elysia, naghihintay na sa'yo si Haring Vladimir." saad nito at muling napatahimik ang dalaga. Nang makarating na sila sa pinakasentro ng lugar, napansin agad niya ang tila mga posteng nakatayo roon. Mula sa kinaroroonan naman niya ay nakita niyang nakaupo si Vladimir sa isang kulay itim na upuan. Maihahalintulad ang wangis nito sa kaniyang trono sa itaas at ang tangin kaibahan ay ang kulay nito. Ginto at pula ang kualy ngtrono ni Vladimir sa bulwagan samantalang dito ay purong kulay itim.
Sa kamay nito, nakapulupot ang isang latigong napapalibutan ng tinik, nakayukyok ito sa upuan habang tila may malalim na iniisip. Agad namang napaangat ang mukha ng binata nang maramdaman niya ang presensiya ni Elysia at Loreen na papalapit. Umaliwalas ang madilim nitong mukha at agad na ipinatong sa katabing mesa ang hawak nitong latigo.
"Anong lugar ito Vlad, bakit mo ako pinapunta rito?" tanong ni Elysia. Bago pa man masagot ni Vladimir ang kaniyang katanungan ay nanlaki ang mga mata niya sa nakita.
Mula sa kaniyang harapan ay kitang-kita niyang nakatali sa nakatayong poste ang kaniyang tiyahin at mga pinsan. Nakatiwarik ang mga ito at pare-parehong namumutla na.
Saglit siyang nakaramdam ng wa sa mga ito ngunit nang maalala niyang ang kaniyang tiyahin ang dahilan kung bakit siya napahamak, ay pikit-matang inalis niya sa kaniyang sistema ang awa.
Napakuyom ng kamay si Elysia at dagli naman itong hinawakan ni Vladimir at marahang pinisil-pisil.
"Naaawa ka ba sa kanila?" mahinahong tanong ng binata. Napatingala naman si Elysia at pinasadahan ng tingin ang kaniyang mga kamag-anak. Mayamaya pa ay umiling siya at mamalim na bumuntong-hininga.
"Hindi sila karapat-dapat sa aking awa. Buong buhay ko, pagmamalupit na ang naranasan ko sa kanila. Walang-araw na hindi ko hinihiling noon na makalaya na ako sa kanila. Hindi ko alam kung matutupad ba iyon, pero ngayong nakikita ko silang nasasaktan, walang rason para maawa ako sa kanila."
"Mabuti naman, kahit magmakaawa ka pa para sa kanila ay hindi ako papayag. Kung maaawa ka, wala ako no'n. Mabuti at iisa lang ang nais natin. Dahil hindi ko na sila pakakawalan pa." nakangiting wika ni Vlad habang hinahaplos ang pisngi ni Elysia.
Umupo si Elysia sa tabi ni Vladimir at pinanood niya kung paano pahirapan ng tatlong bampira ang kaniyang tiyahin at mga pinsan. Dahil sa nakatiwarik ang mga ito ay dobleng paghihirap pa ang dinaranas ng mga ito.
Sa baba naman nila ay isang batyang gawa sa bato ang tinutuluan ng kanilang dugo. May malalalim silang sugat sa binti at mga braso kung saan, dahan-dahang tumutulo ang kanilang dugo na sinasahod naman ng batya sa baba nila.
Animo'y paunti-unti pinipiga ang kanilang dugo mula sa kanilang mga katawan. Panaka-naka namang sinasalok at iniinom iyon ng tatlong bampirang patuloy na nagpapahirap sa kanila.
"Hanggang kailan sila ganyan?" tanong ni Elysia.
"Hanggang may natitira pa silang buhay, mananatili sila sa ganyang posisyon. Hindi ba't mapagmataas sila, hayaan mo silang nasa taas nang maunawaan nila na hindi lahat ng nasa itaas ay masaya." Sagot ng binata, malapad ang pagkakangisi nito na animo'y isang dem*nyo. Ngunit sa halip na matakot ay natawa naman si Elysia.
"Hanggang kailan kaya sila tatagal?" mayamaya pa ay tanong ni Elysia. Bahagya naman natawa si Vlad at niyakap ang dalaga.
"Huwag kang mag-alala, sinabihan ko ang mga tao ko na patagalin ang paghihirap nila. Sa maraming taong paghihirap mo sa kamay nila at sa mga pagkakataong ipinahamak ka nila. Kulang pa ang isang linggong paghihirap nila bilang kabayaran." tugon ni Vladimir. Napatahimik naman si Elysia at muling napatingin sa naghihirap niyang tiyahin. Dinig na dinig niya ang iyak at pagmamakaawa ng mga ito.
"Gano'n ba, maaari na ba tayong umalis? Nais ko sanang sumagap ng sariwang hangin sa labas." ani Elysia. Agad namang sumang-ayon si Vladimir at inakay na palabas si Elysia.
Sariwa at malamig na hangin ang agad na sumalubong kay Elysia pagdating nila sa hardin. Malalim na buntong-hininga ang agad niyang pinakawalan, tila ba kasama nito ang bigat ng loob na kanina pa niyang dinadala.
"Mapatawad sana ako ng aking mga magulang." Pinagsalikop niya ang kamay at pabulong na nagwika. Kahit pa sabihin niyang wala siyang pakialam ay hindi pa rin niya maiaalis ang masamang pakiramdam habang pinagmamasdan ang mga kamag-anak niyang nahihirapan.
"Alam kong hindi kaaya-aya ang pagmasdan ang mga taong minsang naging parte ng buhay mo na nahihirapan. Subalit, maintindihan mo sana Elysia, ginawa ko iyon upang mamulat ka sa mga katotohanang nangyayari sa paligid mo." Saad ni Vlad at napatango lang naman ang dalaga.
Kinagabihan ay naging maayos na ang pahinga ni Elysia. Sa pagsapit naman ng bukang-liwayway, maaga niyang tinungo ang training ground upang magpapawis. Tulog pa ang binata nang siya ay bumangon kaya naman binabalak niyang sumabay ng almusal rito.
Kahit papaano, matapos ang mahaba nilang pag-uusap kagabi ay naging magaan na ang loob niya. Masalimuot man, nararapat lang iyon sa tiyahin niya.
"Mukhang ganado ka ngayon ah," puna ni Luvan nang magpang-abot sila sa training ground. Halatang kagagaling lang din nito sa pagtakbo.
"Ginigising ko lang ang natutulog kong kalamnan. Naisip ko, hindi sa lahat ng oras nasa tabi ko kayo. Kailangan kong maging malakas upang maipagtanggol ko ang sarili ko," nakangiting tugon ni Elysia.
Matapos sabihin iyon ay dinampot niya ang pana at sisidlan ng palaso na ibinigay pa sa kaniya ni Zuriel.
"Kakaiba talaga ang sandatang iyan. Nakakamangha kung titingnan ngunit ramdam kong hindi iyan basta-bastang nagpapahawak sa kung kani-kanino lamang. Napakahiwaga," saad ni Luvan.
Natigilan si Elysia at napatingin sa pana. Maging siya ay nahihiwagaan sa sandatang iyon. Nasa mahigit sampong kilo ang palaso at nasa anim na talampakan ang haba nito, higit na mas matangkad sa kaniya. Subalit nakapagtatakang hindi siya hirap gamitin iyon. Ang palaso naman ay gawa sa metal, magaan ngunit matibay na kayang wasakin ang katawan ng puno kapag natamaan. Mas higit na nakakamangha ang sisidlan nito dahil tila ba hindi iyon nauubusan ng palaso. Kung ilan ang nagamit ay bumabalik iyon ng kusa sa sisidlan o napapalitan ng panibago.
"Tama ka Luvan, kakaiba rin ang pakiramdam ko rito. Alam mo bang hindi ito nauubusan ng palaso. Kakatuwa ngunit napansin ko ito noong minsang magsanay ako gamit ito. Sa tuwing nababawasan ko ang laman ng sisidlan ay kusa itong nagdadagdag." Salaysay niya na ikinamangha naman ni Luvan.
Saglit pa itong napaisip ng malalim bago malapad na ngumiti. Tinapik-tapik niya ang balikat ni Elysia at iniwan na ang dalaga sa pagsasanay nito. Nagtataka naman si Elysia sa iginawi ng lalaki.
Dalawang oras din na itinuon ni Elysia ang kaniyang atensyon sa pagsasanay, hanggang sa magising na si Vlad at magkasabay nga silang nag-almusal. Noong araw ding iyon ay naglibot sila ni Loreen sa bayan ng Ygdrasil, kalapit na bayan na nasa silangang parte ng Palasyo ni Vlad.
Kasama niya noon si Loreen at si Florin.
"Marami ka bang bibilhin, Loreen?" Tanong ni Elysia habang inililibot ang tingin sa mga tindahang naroroon . Samo't-saring mga paninda ang nakakakuha ng kaniyang atensyon. May mga prutas, gulay, kakaibang mga pagkaing noon lamang niya nakita. May mga nagtitinda rin ng ibat-ibang klase ng tela , mga kasangkapan, maging mga sandata at iba't-ibang uri ng patalim.
Halos lahat ay abala sa pamimili at wala gaanong nakakapansin sa kanila.
"Medyo marami-rami rin, bakit nais mo bang mamili rin? May mga pilaj at ginto na ibinigay si Haring Vladimir para magamit mo, may susundo naman sa atin mamaya kaya lahit gaano karami 'yan ay ayos lang." Tugon ni Loreen at ibinigay sa dalaga ang isang maliit na sisidlan. Naglalaman iyon ng ginto at pilak na maaari niyang gamitin.
Bigla naman siyang nakaramdam ng pagkasabik. Tamang-tama, marami siyang nais na mabili sa lugar na iyon.
"Sige, tara na para makarami tayo. " Wika pa niya. Natatawang sumunod naman sa kanila si Florin. Sa 'di kalayuan naman ay nakasunod ang apat na kawal na nagbabantay sa kanila.
Una nilang tinungo ang tindahan ng mga kailangang sangkap ni Loreen. May kalakihan ang tindahang iyon at isang matandang babae ang nagbabantay. Kulay puti na ang buhok nito at bakas na rin ang katandaan sa mukha ng babae, subalit nananatiling malakas ang pangangatawan nito.
"Tandang Esme, dumating na po ba ang mga pinapakuha ko?" Tanong ni Loreen nang makapasok na sila.
"Aba, ikaw pala Loreen, napaaga ka yata. Sakto, dumating kahapon ang mga pinakuha mo. Halika ka doon sa bodega." Tugon mg babae ay may kinuha itong susi na nakasabit sa isang halaman, na nakapatong naman sa isang estante.
"Mag-ikot-ikot ka lamg muna dito Elysia, may kukunin lang ako." Paalam ni Loreen at tumango naman ang dalaga. Si Florin naman ay konportable nang umupo sa isang upuan na naroroon. Malapit iyon sa pintuan kung kaya, kita ng binata ang mga pumapasok at lumalabas sa lugar.