"Bumangon ka diyan, Elysia." utos ng lalaki, nangunot ang noo ng dalaga dahil hindi ito pamilyar sa kaniya pero nakapagtatakang kilala siya nito. Subalit sa halip na magtanong, mabilis niyang dinampot ang kaniyang espada at muling naging alerto ang anyo niya. Nakataas sa harapan niya ang talim ng espada habang nanunuring nakatitig sa lalaking nasa tabi niya. Matikas ito na may mapusyaw na kasuotan, kapansin-pansin din ang kulay pilak na tila baluti nitong suot ang sandalyas naman nito ay maihahalintulad mo ang kulay sa isang ginto habang nakasukbit naman s beywang nito ang isang punyal na malaginto rin ang kulay. Sa likod naman nito ay ang malaking kalubang ng isang malaking espada na sa pakiwari niya ay sa hawak nito.
"Mamaya ka na magtanong, maging alerto ka, nandiyan na siya." sambit nito bago mabilis na naglaho sa kaniyang paningin. Napakabilis nito na sa tantiya niya ay kasingbilis lang ng kilos ng mga bampira. Mukha naman itong tao ngunit ang abilidad nito ay napakalayo sa mga tulad nilang tao.
Nang makita niyang nakipagbuno na ang misteryosong lalaki sa grimmer, ay mabilis naman niya itong dinaluhan upang tulungan. Dahil sa kakaibang lakas at bilis ng lalaki ay mabilis nilang napabagsak ang halimaw na iyon. Hindi siya makapaniwala nang walang kahirap-hirap na tumusok sa balat ng nilalang ang kaniyang espada nang itarak na niya ito.
Humihingal na binunot niya ang talim sa katawan ng grimmer at gulat na gulat siya nang bigla itong maging abo sa harapan niya. Hindi naman nagpatumpik-tumpik ang lalaking kasama niya at mabilis na inatake ang mga bampirang kalaban nila. Dahil dito, tumakbo naman si Elysia patungo sa kinatatayuan ni Loreen na noo'y matamang nakatingin na rin sa misteryosong lalaking nakikipaglaban kasama nila.
"Loreen, kilala mo ba ang lalaking 'yon?" tanong ni Elysia at napailing namang si Loreen. Napayuko ito at tila malalim na napaisip, mayamaya pa ay muli itong nag-angat ng mukha at nangingislap ang mga matang muling napatingin sa lalaki.
"Hindi ako sigurado pero may hinala ako. Pero mamaya na natin pag-usapan ito Elysia, maging alerto ka, dahil ikaw ang pakay nila." tugon ni Loreen at iniangat ang mala-baston nitong hawak. Nagsambit pa ito ng mga katagang hindi niya maintindihan bago niya nakitang nagliwanag ang dulong parte ng baston na iyon. Mabilis namang inihampas ni Loreen ang dulo ng baston sa lupa at nakarinig si Elysia ng kakaibang dagundong na nagmumula roon. Tila ba napupunit ang lupa at may kung anong gumagapang mula roon.
Gulat na gulat pa ang dalaga nang biglaang may umusling mga baging sa lupa na siyang mabilis na pumulupot sa mga maliliit na grimmer. Muling iwinasiwas ni Loreen ang baston sa ere at tila may buhay naman sumunod sa kamay niya ang mga baging at malakas na inihambalos ng sabay-sabay ang mga grimmer na nahuli nito. Ang nakakabinging pag-ungol ng mga halimaw ay nagbigay sa kaniya ng kakaibang kilabot. Pagkamangha at kilabot ang naramdaman niya sa nasaksihang abilidad ni Loreen nang mga oras na iyon.
Dito niya napagtanto na lahat ng natutunan niya ay walang-wala pa talaga sa oras ng totoong laban. Tila ba ang lahat ng iyon ay naging kasangkapan lamang upang mailigtas niya ang kaniyang sarili. Gayunpaman, nagpapasalamat rin siya dahil hindi siya naging pabigat lalo na kay Vladimir.
Malalim na ang gabi nang matalo nila ang mga alagad ni Xander, maranmi na rin sa kanila ang sugatan na kaagad din naman nilalapatan ng lunas ng mga mages na kasama nila. Aligaga naman si Elysia habang hinahanap si Vladimir sa gitna ng kaguluhan. Sa paglingon niya sa dulong parte ng bayan ay doon niya nakita si Vladimir habang patuloy na nakikipaglaban kay Xander. Napasigaw pa siya nang makita niyang bumagsak si Vladimir nang dambahin ito ng isa pang dambuhalang grimmer. Akmang tatakbo siya palapit sa binata nang sumigaw ito sa kaniya,
"Huwag kang lalapit dito Elysia!" sigaw ni Vlad. Napahinto naman siya ngunit bakas sa mukha niya ang matinding pag-aalala. Nakikita niyang hirap na hirap si Vlad dahil na rin sa ginagawang pag-atake ni Xander habang nakadagan naman sa kaniya ang grimmer. Napapam*ra na lamang si Elysia at tila baliw na humahagilap ng mga bagay na maaari niyang magamit na pangkuha ng atensyon ng grimmer na iyon.
Sa kaniyang pagpalinga-linga ay sumulpot sa harap niya ang isang gintong pana at mga palaso, napaangat ang mukha niya sa lalaking nagbibigay sa kaniya, ito rin ang kaparehong lalaki na sumagip sa kaniya kanina.
"Ano pang hinihintay mo, nais mong iligtas ang bampira hindi ba? Gamitin mo ang palasong 'yan, siguro naman ay alam mo kung paano gamitin ito." Wika ng lalaki. Mabilis niyang kinuha ito rito at agad na ginamit iyon.
Kakaiba ang bigat ng panang iyon sa panang ginagamit niya tuwing nagsasanay siya. Higit na mabigat ito at maging ang palaso nito ay magbigat rin. Tiniis niya ang bigat at itinuon ang konsentrasyon sa halimaw na nakadagan sa binata. Nang masentro niya ito sa ulo ng nilalang ay dagli niya itong pinakawalan. Nahigit pa ang hininga niya nang tila lumakas ang hangin sa palibot niya nang lumipad papalayo ang palaso, nakita rin niya ang kakaibang liwanag ng palasong iyon bago ito matagumpay na tumarak sa ulo ng nilalang. Bumagsak ang nilalang nang masipa na ito ni Vladimir, napangiti naman si Elysia nang makita niyang nakabawi na ang binata at muli nitong inatake si Xander.
Dagli siyang kumilos at muling kumuha ng palaso at inilagay ito sa hawak niyang pana. Mariin at buong lakas niyang hinatak ito habang itinutok kay Xander habang nakikipagbuno ito kay Vladimir.
Iniatang niya ang kaniyang buong atensyon kay Xander at bawat galaw nito ay nakakapagtakang nasusundan niya. Halos hindi niya magawang kumurap dahil sa bilis ng galaw ng mga ito. Hindi siya puwedeng magkamali dahil may posibilidad na si Vlad ang matamaan niya.
Malalim siyang napahinga, nang makita niyang napalayo ng bahagya si Xander kay Vlad ay mabilis niyang piinakawalan ang palaso. Humagibis ito sa ere at dretsong tumusok sa balikat ni Xander. Bigla namang nabuwal si Xander at halatang ininda nito ang kaniyang atake.
Dahil sa kaniyang ginawa ay nagkaroon ng pagkakataon si Vladimir na atakihin at mapuruhan si Xander. Walang buhay na bumagsak si Xander sa lupa at katulad ng ibang mga bampira ay naging abo ito nang parang bula.
Saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Ang mga taong nakidigma ay tila hindi makapaniwalang nakaligtas sila at napagtagumpayan nila ang labang iyon. Sigaw ni Luvan ang pumukaw sa kanila at halos napuno ng sigawan ang buong bayan. Sigaw ng tagumpay at sigaw ng kaligayahan.
Napasalampak naman sa lupa si Elysia, hindi niya napansing tumulo na ang luha niya sa sobrang saya. Ito ang unang beses na lumaban siya sa isang digmaan at napagtagumpayan niya ito. Ramdam niya ang panginginig ng tuhod niya.
"Ayos ka lang ba, Elysia?" Tanong agad ni Vlad nang daluhan siya nito. Walang kagalos-galos nag binata at ni alikabok yata ay hindi ito kinapitan samantalang siya ay parang lantang gulay na hindi na makagalaw sa pagkakasalampak niya sa lupa.
Akmang sasagot siya nang bigla siyang buhatin ng binata. Napasigaw pa siya dahil sa gulat at mahigpit na napakapit sa leeg ng binata.
"Magpahinga ka na, tapos na ang laban at nanalo na tayo. Matutupad na rin ang pangako mo sa mga tao na ibabalik sa ayos ang bayang ito." Turan ni Vladimir at naglakad na pabalik sa mansyon. Nakakailang hakbang pa lamang sila nang humarang sa kanila ang matangkad na lalaking sumagip sa buhay ni Elysia.
Tumalim ang tinging ipinukol ni Vladimir sa lalaki at tila tigre itong umangil doon. Marahan namang tinapik ni Elysia ang balikat ni Vlad upang pakalmahin ito. Huminto naman sa pag-angil ang binata ngunit matalim pa rin ang titig nito sa lalaki.
"Maraming salamat sa pagliligtas mo sa buhay ko at sa pagpapahiram mo sa akin ng panang ito." Sambit ni Elysia at bahagya naman napailing ang lalaki bago ipinatong ang kamay sa ulo ng dalaga.
"Ang kakayahan mong magamit ang pana ay patunay na ikaw ang nagmamay-ari sa kaniya. Ingatan mo 'yan at huwag mong iaalis sa tabi mo. Masaya akong makita kang ligtas at masaya, Elysia." Saas ng lalaki at muling kumunot ang noo ng dalaga b
"Paano mo ako nakilala, maaari ko bang malaman ang pangalan mo?" Tanong ng dalaga.
"Hindi na mahalaga akung paano kita nakilala, tawagin mo na lamang ako sa pangalang Zuriel." Tugon nito at ibinaling ang tingin kay Vladimir. Ang nakangiting mga mata nito ay biglang tumalim bago seryosong nagwika kay Vladimir,
"Marami pang panganib ang papalapit sa inyo, aasahan kong ilalayo mo sa kapahamakan si Elysia. Sa oras na manganib ang buhay niya sa poder mo,kukunin ko siya at wala kang magagawa." Banta ng lalaki bago ito tuluyang tumalikod.
Naningkit naman ang mga mata ni Vladimir sa narinig, napahigpit naman ang pagkakahawak niya sa dalaga na animo'y ayaw nitong bitawan si Elysia.
"Kilala mo ba 'yon Vlad?" Tanong ni Elysia nang tuluyan nang maglaho sa paningin nila ang lalaki.
"Hindi, huwag ka ng makipag-usap sa lalaking 'yon, hindi siya magandang impluwensya sa'yo." Umismid ang binata at nagpatuloy na sa pagpasok sa mansyon.