"Desisyon niya kung nais niyang magpatali sa mundo ko, hindi ko naman siya pipilitin sa isang bagay na ayaw niya, at isa pa napakabata pa ni Elysia para isipin ko 'yon. Hindi ba Elysia?" Nakangiting baling na tanong ng binata kay Elysia. Napalunok naman si Elysia dahil aminin man niya o hindi, nagustuhan niya ang naging tugon na iyon ng binata.
"Sino ang mag-aakalang ang tahimik at kilala bilang isang malupit na hari ay may pusong mamon pala? Hindi ko inaasahan ang tugon na 'yan, sadyang iba nga talaga ang nagagawa ng pag-ibig," makahuluguang wika ni Caled na ikinatawa naman ni Galathea.
"Pareho lang naman kayo, nagsalita ang mabait." Natatawang wika ni Galathea at natawa na rin si Elysia. Saglit pa silang nag-usap, 'di alintana ang oras, madaling araw nang dumating sa palasyo ang magkasintahan at halos papasikat na ang araw nang matapos ang kanilang usapan.
"Magpahinga ka muna, bumawi ka ng tulog matapos mag-almusal." Wika ni Vladimir habang nasa harap sila ng hapagkainan. Kakatapos lang din mag-almusal ng kanilang bisita at nauna na ang mga itong magpahinga sa silid na kanilang tinutuluyan sa palasyo.
"Ikaw, hindi ka ba magpapahinga? Ang sabi ni Alastair, wala ka pang maayos na tulog simula noong magpunta tayo sa bayan ng mga manunugis, magpahinga ka kaya muna, wala ka naman sigurong mahalagang gagawin ngayon. Mukhang kailangan mo na ng maayos na tulog." saad pa niya at napansin naman ni Elysia ang pagsilay ng matamis na ngiti sa labi ng binata.
"Sa tingin ko hindi tulog ang kailangan ko." wika pa nito at makahulugang ngumiti sa kaniya.
"Ha? Ano naman ang kailangan mo kung hindi tulog?" nagtatakang tanong ng dalaga.
Umiling naman ang binata at iminuwestra ang pagkain sa dalaga.
"Kakain ka ba o kakagatin kita? Hindi ako santo Elysia, may pangangailangan din ako. Alam mo kung ano iyon." Seryosong wika pa ng binata na siyang nagpatindig sa kaniyang mga balahibo. Nang makita naman ni Vladimir ang takot sa mukha ng dalaga ay humagalpak ito ng tawa.
"Nagbibiro lang ako, alam mo namang hindi kita kayang saktan. Kumain ka na, tapos magpapahinga na tayo."
Matapos nga nilang kumain ay sabay na rin silang nagtungo sa kaniyang silid. Nagulat pa si Elysia nang magpatiuna na itong mahiga sa kaniyang higaan.
"Ano pang hinihintay mo, akala ko ba matutulog na tayo?" inosenteng tanong pa ni Vladimir at napaangat na lang ng kila si Elysia.
"Hindi ba't may sarili kang silid sa palasyo, bakit dito ka matutulog?"
"Napagtanto ko kasi mas mabilis akong makakatulog kung naaamoy kita. Kaya hali ka na para makarami ako ng tulog." Nakangiti pang tugon ni Vladimir at hindi alam ni Elysia kung maiinis ba siya o matatawa. Para kasing isang bata ang inaasal ni Vladimir ngayon at nakakatawang dahil hindi bagay sa itsura nito ang mga salitang lumalabas ngayon sa kaniyang bungaga.
Isang malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ni Elysia, bago tuluyang nahiga s tabi nito. Kakalapat pa lamang ng puwet niya sa higaan ay agad na siyang hinatak ng binata. Mabilis na yumapos ang malalakas nitong braso sa kaniyang katawan. Tila ba isa siyang unan na walang pakundangan nitong niyapos.
Aangal pa sana siya nang marinig niya ang banayad na paghinga nito sa kaniyang likuran. Muli siyang napabuntong-hininga at ipinikit na lamang ang kaniyang mata. Madilim sa silid niya nang mga oras na iyon, tila ba sinadyang takpan ng makakapal na kurtina ang malaking bintana sa kaniyang silid.
Naging mahimbing ang naging tulog ni Elysia at naging maayos din iyon, hindi niya inalintana ang binatang tila ahas na nakapulupot sa kaniya. sa katunayan ay mas naging maayos pa nga ang tulog niya nang pagakakatong iyon kaysa sa unang beses na nagpahinga siya sa kaniyang silid.
Tunog ng katok sa pinto ang gumising sa diwa ni Elysia, kinusot-kusot niya ang mata at akmang babangon sana, ngunit isang malakas na kamay ang humatak sa kaniya pabalik sa higaan.
"Vlad, may kumakatok." saad niya ngunit tila walang naririnig ang binata. Nang lingunin niya ito ay nakapikit pa rin ito at may banayad na paghinga. Napatitig na lamang siya sa maamong mukha ng binata at napangiti. Hindi man niya aminin, ay may puwang sa puso niya ang nabibighani sa angking karisma ng binata. Sino ang mag-aakalang ang malupit na hari ng mga bampira ay ganito kaamo kapag natutulog. Para itong isang inosenteng sanggol na hindi kayang manakit nino man, subalit alam din niya na may basehan ang pagkilala nito sa kaniya bilang isang malupit na hari. Hindi para sa kaniyang nasasakupan ngunit para sa mga nilalang na kaniyang kalaban at mga nilalang pa na ang nais ay ang pabagsakin siya.
Muli na sana siyang mapapapikit nang magkakasunod na katok ang muli niyang narinig na siyang ikinapitlag naman niya. Para siyang tinakasan ng kaluluwa dahil sa gulat sa malalakas na pagkatok na iyon. Babangon na sana niya nang biglang mauna si Vladimir. Tila kidlat itong nagtungo sa pinto at binuksan iyon. Kusot-kusot pa niya ang mata nang makabalik na ang binata.
"Nagsisimula nang gumalaw ang mga kampon ni Vincent, namataan namin sila sa Timog-Hilaga ng lupain. Higit na mas mapanganib at malakas. Pinuno, napansin namin ang paggalaw ng mga talahib ngunit wala kaming nakitang nilalang, kung hindi nagkakamali ang kutob ko, isang nilalang na may invisibilty ang kasama ng lupon na iyon."
Napatayo naman si Elysia nang marinig ang sinasabi ng kausap ni Vladimir. Marahan siyang naglakad at huminto sa tabi ng binata. Napatingin naman sa kaniya ang isang lalaki na halosa kasingtangkad lang ni Vladimir. Bahagya itong napayuko sa kaniya at nagpatuloy sa pagsasalita.
"Bukod pa roon, nakita rin namin ang mga lobo na galing sa Blood Moon Pack, sa tingin ko ay naging pinal na ang pagsasanib puwersa nila sa angkan ng kapatid niyo," ani ng lalaki.
"Hindi lang ang mga lobo, kung tama ang obserbasyon niyo, patuloy pa rin silang nangangalap ng kasapi, hindi malabong mangyari na makarating sila sa lupain ng mga dem*nyo. Magpadala ka ng mensahe sa kapatid natin sa samahan, sabihan mo sila na maghanda, maging alerto sa lahat ng oras at huwag basta-basta magpapapasok ng mga nilalang sa kanilang baluwarte," utos ni Vladimir at agad naman yumuko ang lalaki.
"Masusunod pinuno," sambit nito at muling napatingin kay Elysia bago umalis, hindi nakaligtas sa mga mata ng dalaga ang kakatuwang tingin nito sa kaniya. Animo'y nagtataka ito at namamangha na hindi niya mawari. Paglingon naman ni Vladimir ay kaagad naman niya itong tinanong,
"Bakit ganoon makatingin sa akin ang mga tauhan mo?"
Napangiti naman si Vladimir at inakbayan siya bago nito inilapit ang kaniyang ilong sa buhok ng dalaga, tila inaamoy iyon.
"Marahil ay nagtataka siya dahil isa kang tao." tugon lang ng binata na labis namang pinagtaka nio Elysia.
Paglabas nila ng silid ay doon lang napagtanto ni Elysia na papasapit na ang hapon. Tumuloy na si Vladimir upang asikasuhin ang mga gawain niya, habang siya naman ay naglakad sa mahabang pasilyo ng palasyo at lumabas. Sa malawak na training ground na matatagpuan lamang sa likurang bahagi ng palasyo. Malawak iyon at naharap lang din iyon sa malawak na lawa. Papasapit na ang hapon at may panaka-naka na siyang mga bampirang nakikita na nagsasanay roon. Kalimitan sa kanila ay gumagamit ng espada at ang iba naman ay mga palaso at pana.
Sa kanyang paglalakad ay natagpuan niya ang sariling dinadampot ang isang espad na nakatusok sa lupa, katabi ng isang malaking kahoy. Kahalintulad ito ng kahoy na minsan niyang pinag-insayuhan kasama si Luvan. Pilit na inalala niya ang mga itinuro sa kaniya ni Luvan at muling sinubukan iyon. Hawak ang Gamit ang kaniyang buong lakas, ibinaba niya ito diretso sa kahoy, at sa isang iglap, bumaon ang talim ng espada sa gitna ng kahoy, nag-iwan ito ng malalim na hiwa sa kaniyang hampas. Muli niyang hinugot ang espada at inulit ang galaw, bawat atake ay mas malakas at mas matindi kaysa sa nauna hanggang sa tuluyan niya itong maputol.
Bakas ang pagkadismaya sa kaniyang mukha, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makuha ang nais na isang hampas lang. Katulad ng utos sa kaniya noon ni Luvan, nilapitan niyang muli ang isa pang kahoy. Sa pagkakataon iyon ay nagawa niya itong maputol gamit ang tatlong malalakas na hampas ng talim ng kaniyang sandata.
"Konti pa." Bahagya siyang umatras at humugot ng malalim na paghinga bago niya muling inatake ang pangatlong kahoy. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang sandata, at mataman namang nakatuon sa kahoy ang kaniyang mga mata. Isang banayad na enerhiya ang naramdaman niyang umikot mula sa kaniyang mga kamay paikot patungo sa hawaka at kalaunan ay sa talim ng kaniyang espada. Napakagaan ng enerhiyang iyon na tila inuudyukan siyang gamitin ang buong lakas niya sa ataking iyon.
Walang pagdadalawang-isip niyang inihampas ang talim ng kaniyang espada sa kahoy at sa paglapat ng talim nito sa matigas na katawang ng kahoy at naramdaman niya ang tila paghiwa nito roon. Animo'y isang papel lamang iyon sa ibabaw ng talim ng kaniyang espada. Nanlalaki ang kaniyang mga mata sa pagkagulat at halos hindi siya makapaniwala nang makita niyang nagawa niya itong putulin sa isang hampas lang.
Nanginginig ang mga kamay niyang napabitaw sa espada at napatingin sa kaniyang kamay. Gulat at pagkamangha ang rumehistro sa kaniyang mukha at nang bumaling ang tingin niya sa mga kasamang bampira na naroroon ay nakita niyang nakatingin din ang mga ito sa kaniya. May mga ngiti sa mga labi ng mga ito at may iba pang nakataas ang hinlalaki sa kaniya, bilang pagkilala sa kaniyang nagawa.
Malakas na pagpalakpak naman ang pumukaw sa kaniyang sistema, paglingon niya ay nakita niya si Galathea na papalapit sa kaniya. Malapad ang ngiti nito sa kaniyang labi habang sabik na lumapit sa kaniya.
"Napakalakas mo naman Elysia, para sa isang normal na tao, nakakatuwang isipin na may itinatago kaang lakas na pambihira para sa isang tulad mo," saad nito at hinawakan ang magkabila niyang kamay.