Mga binhing itinanim sa haraya ng kaisipan.
Ikaw si Mack. Ikaw ang inianak ng tinta mula sa sinapupunan ng aking pluma. Binuo kita mula sa sanga-sangang alaala. Mula sa pagguhit ng hangin sa madaling-araw, sa pagsipat ng mga tala tuwing gabi, sa pagtulala sa bahaghari tuwing natapos ang ulan.
Ako ang magsusulat ng iyong kuwento. Mula sa pagmulat hanggang sa pagpikit ng iyong mga mata, ako ang huhulma sa bawat pangyayari ng iyong buhay.
Simulan natin sa kuwento ng iyong paglalakbay papunta sa Labour Islab Corporation. Minadali mo ang pag-aalmusal sa karinderya habang tumutugtog ang kantang 'On the Wings of Love' sa radyo upang hindi ka mahuli sa iyong final interview.
Nilakad mo ang kahabaan ng kalsada matapos mong bumaba sa jeep na amoy-kulob dahil sa mga taong ilang taon na yatang hindi nakapaligo . Hindi mo alintana ang sikat ng araw kahit ikaw ay mangitim. Kakulay mo lang kasi ang isang karaniwang Pinoy.
Bago ko mabuo ang kuwento, sinigurado ko munang kilalang-kilala ko ang karakter na aking gagamitin. Mula sa haraya ng aking isipan, pinag-aralan ko kung ano ang iyong magiging hitsura, kung ano ang iyong katayuan sa buhay, kung ano iyong mga gusto at hindi at kung paano ka mabubuhay o mamatay sa isang santinakpan. Ito ang nagsisilbing tanglaw upang magkaroon ng isang ganap na karakter sa isang kuwento na 'sintibay ng isang moog, na kahit hampasin man ng isang daluyong ay hindi magagapi.
Ikaw ay isang lalaki na naghahanap ng trabaho. Sa wakas, ito na ang iyong hinihintay na interview upang makapasok sa kumpanyang ilang buwan mo ring pinapangarap. Bilang paghahanda, tinalikuran mo ang pagiging balbasarado dahil sa iyong pag-aahit. Siguradong makikiliti na naman ang iyong nobya sa tuwing hahalikan mo ang kaniyang batok dahil sa mga natirang buhok. Lumitaw ang itinatago mong taling na pinapansin ng iyong mga susot na kaklase noong ikaw ay nasa elementarya dahil mukha raw itong pasas. Ngunit sa likod nito, mas nakita ang korte ng iyong mukha. Lalong lumitaw ang iyong jawline na naging dahilan kung bakit ka nagustuhan ng iyong nobya.
Ilang araw ka ring naghanda upang maging kaaya-aya ang iyong hitsura. Suot mo ang iyong azure na long sleeves, ang pantalon na binili mo sa ukay-ukay kahapon, ang fedora na minana mo pa sa iyong lolo at siyempre, ang napakaitim na sapatos na pang-cowboy na hanggang tuhod. Siguradong papasa ka na bilang janitor.
Bigla kang kinabahan nang nakarating ka na sa kumpanya. Sa iyong pagpasok, sinalubong ka ng isang security guard.
"Nasaan ang ID mo?"
"Mag-a-apply pa lang po ako rito."
Tinitigan ka no'ng sekyu. Tila kinikilatis kung nagsasabi ka nga ba ng totoo o hindi. "Patingin na lang ng laman ng bag mo."
Inilagay mo sa harapan ang iyong bag at binuksan. Tinusok-tusok lang ng sekyu ang laman nitong mga gamit. Librong D.C. Noir ni George Palecanos, Mentos na kendi, ilang pirasong papel at isang bolpen.
"Sige, bata," saad nitong muli. "Pumunta ka na ng eighteenth floor, naroon na ang mag-i-interview sa 'yo."
Sa halip na sumakay ka sa elevator, gumamit ka ng hagdan. Ayaw mo kasing makasabay ang mga lalaking naka-long sleeves, nakakurbata at nakamamahaling leather shoes. Mukhang mangangain kasi ang mga ito nang buhay. Mas gugustuhin mo pang maglakad nang husto kaysa marinig ang payabangan ng mga ito. Kung saan silang sosyal na hotel kumain kagabi, ano ang balak nilang puntahan sa bakasyon at kung kailan sila bibili ng bagong model ng Iphone.
Kung hindi ganito ang suot mo ngayon, siguradong pagtitinginan ka ng mga tao sa kumpanya. Kadalasan, t-shirt na maluwag at tastas na maong lang ang suot mo. Nasa bahay ka lang naman kasi lagi. Inaalagaan ang iyong nanay, ang iyong nobyang buntis at ang alaga mong si Infinite. Tuwang-tuwa ka kapag nagtatago ito sa kaniyang shell sa tuwing ayaw niya ang iyong ipinapakain. Kapag pumupunta ka nga sa mga mall, kinakapkapan ka nang husto ng mga sekyu, animo'y magtatanim ka ng bomba. At 'yong mga namimigay ng brochure, hindi ka pinapansin. Alam na alam nilang wala kang pambili ng kung ano mang produkto ang kanilang ibinebenta.
Pagkarating mo sa eighteenth floor, nakita mo ang mga nakahanay na tao. Marahil, kagaya mo rin sila. Naghihintay ng isang pagkakataon. Pagkakataon na makatulong sa pamilya, makabili ng kahit na ano at masabi sa sarili na kahit papaano, mayroon silang narating.
Napansin mo na tinatawag ang pangalan ng taong i-interview-hin. Medyo malayo-layo ka pa sa pila kaya umupo ka. Nakalapit mo ang isang matabang lalaki na mukhang init na init na sa kaniyang suot.
Makalipas ang isang sandali, umupo sa tabi mo ang isang kadarating lang na lalaki. Pansin na pansin ang kunot nito sa noo habang mayroon itong kausap sa kaniyang cellphone.
"Badtrip nga, bro. Nalaman ni Jessica na gumimik ako kagabi sa Eastwood," saad nito. At maya-maya, bigla itong tumawa. "Yeah, may nakapagsabi rin daw na nakita akong nakikipag-french kiss sa isang girl."
Naisip mo na mukhang mayaman ang lalaking ito dahil sa kaniyang pananalita. Inilagay ko ang karakter na ito upang makita ang iba't-ibang estado sa buhay ng mga taong nagbabalak na makapagtrabaho.
Mahalaga sa isang istorya ang pagpapakita ng katotohanan. Dito, nalalaman ng mga mambabasa kung anong klaseng akda ang kanilang binabasa. Kung ito ba ay nagpapamulat, kung nagpapatawa o kung nagpapakilig.
Nang natapos na sa pakikipag-usap 'yong lalaki, tumingin ito sa 'yo. "Nag-a-apply ka, bro?" pagtatanong nito.
Tumango ka. Hindi ka sanay makipag-usap sa mga ganitong klaseng tao. Ngunit, naisip mo na baka makatulong din ito upang hindi ka mahiya mamaya kapag ikaw na ang i-interview-hin.
"Ano'ng posisyon?"
"Posisyon?"
"Yeah."
Napatingin ka sa ibaba. "Janitor."
"Really? Ini-interview rin pala ang janitor."
Napamura ka sa iyong isip dahil sa kayabangan ng lalaki. Ngunit kahit din naman ikaw ay napaisip kung bakit kailangan mo pang sumalang sa ganito. Maglilinis ka lang naman ng C.R.
Habang unti-unting nababawasan ang mga tao sa pila, nararamdaman mo ang gutom. Doon mo namalayan na ilang oras ka na ring nakaupo habang pinapakiramdaman ang dalawang lalaki na iyong kalapit. Napansin mo na kumakain na ng tinapay 'yong mataba at nakikipag-usap na naman sa cellphone 'yong mayabang.
Hindi mo naman magawang umalis upang kumain muna dahil baka tawagin na ang pangalan mo. Dahil dito, tiniis mo muna ang pag-aalburuto ng mga bulate sa iyong tiyan.
Inilabas mo ang iyong libro upang mayroong mapaglibangan. Kahit papano'y mahilig ka ring magbasa. Marahil, namana mo ito sa iyong nanay na mayroong napakaraming komiks sa bahay.
Nang nalilibang ka na sa pagbabasa habang ngumunguya ng paborito mong Mentos, narinig mo ang pagtawag sa iyong pangalan.
"Mack Alibadbad?" pagtatanong ng isang babae.
Itinaas mo ang iyong kaliwang kamay at lumakad papunta rito. Ipinapasok ka niya sa pintuan. Bigla mo ulit naramdaman ang bilis ng tibok ng iyong puso. Hinawakan mo ang iyong pulso dahil sobrang kaba. Doon, nakita mo ang ginawang marka ng baga ng sigarilyo dahil sa kakulitan ng iyong nobya pagkatapos n'yong magtalik. Hinipo-hipo kasi nito ang birthmark sa ibabaw ng iyong tuhod na parang snowflake kaya ikaw ay nakiliti.
Kinapa mo sa iyong bulsa ang laruang si Leo ng Ninja Turtles. Pampasuwerte.
Nakita mo ang nakaupong babae. Labas na labas ang cleavage nito sa kaniyang pulang damit. Mukhang nang-aakit ang tingin nito. Parang naramdaman mong nagkaroon ng spark sa pagitan ninyong dalawa.
"Are you thinking about voluptuous things? Nalilibugan ka ba sa akin?" pagtatanong nito.
Bumalik sa tama ang iyong kamalayan. "H-Hindi po. Good morning po, M-Ma'am."
Tumaas ang kilay nito. "Umupo ka."
Yumuko ito. Binasa ang iyong resume.
"Bata ka pa pala, Mack. Twenty-three ka lang," saad nito. "Bakit hindi mo itinuloy ang pag-aaral mo?"
"Huminto po ako kasi nabuntis ko 'yong gerlprend ko."
Tumango-tango ito. "Hindi ka pala nakapag-college. Alam mo, para mabuhay ka sa mundong ito, kailangan mo ng mga strategic moves para maka-survive ka. Mabuti naman at naisipan mong mag-apply rito sa company namin," nakangiting sabi nito. "Dito kasi sa Labour Islab Corporation, pantay-pantay ang tingin namin sa bawat isa. Kaya kung mapapansin mo, kailangan mo pang dumaan sa ganitong stage. Kinikilala kasi namin talaga nang husto ang bawat aplikante."
Hindi mo alam kung ano ang iyong sasabihin. Hindi mo kasing maiwasang mapatingin sa malaki nitong dibdib.
Umubo ito. "Kasama sa mga components ng pagiging isang matinong tao ay ang kaniyang hitsura. Kung papasok ka sa opisina, gawin mo munang itim ang kulay ng buhok mo. Hindi 'yong mukhang pinakulayan mo lang sa mga bading sa kanto," muli nitong saad. "Pero, gusto ko 'yang mata mo. Parang kakulay ng chocolates. I love chocolates pa naman. I'm Ms. Raven delos Reyes, by the way."
Hindi mo alam ngunit tila nang-aakit talaga ang babae. "S-Salamat po."
"Sorry. Hindi kita kayang tanggapin."
Napatayo ka mula sa iyong kinauupuan. "Bakit po?" malakas mong sagot.
"Hindi ko gusto ang ugali mo. Hindi ka nagpo-focus. Lagi kang nakatingin sa dibdib ko."
Gumuho ang iyong mundo sa narinig. Nakita mo ang imahe ng iyong nanay na mayroong sakit, ang nobya mong manganganak na sa isang buwan, si Infinite na tila hinang-hina na at ang bahay ninyong gawa sa tagpi-tagping bubong. Hindi mo alam kung paano mo sila maiaahon sa ganoong sitwasyon kung wala kang trabaho.
Dumilim ang iyong paningin. "Bakit kasi ganiyan ang suot ninyo? Ang sabihin mo, nang-aakit ka lang talaga!" sigaw mo.
Nakita mo ang pagkagulat sa mukha ni Ms. Raven. "Aba, wala kang karapatang sigaw-sigawan ako rito. Tandaan mo, nag-a-apply ka lang."
"Putang-ina, hindi mo na nga ako tinanggap, 'di ba? Wala na akong kailangan sa inyo!"
"Edi umalis ka!" sagot nito. Nandidilat ang malalaki nitong mga mata. "Wala kang kuwenta!"
Bigla mong sinuntok ang mukha niya. Hindi mo alam kung ano'ng nangyari. Sawang-sawa ka nang sabihan na walang kuwenta. Sawang-sawa ka na sa buhay mo. Sawang-sawa ka na sa mundo.
Dali-dali kang lumabas ng silid na 'yon. Nakasalubong mo pa 'yong lalaking mayabang na mayroong hawak na pagkain mula sa isang foodchain. Ngumiti ito sa 'yo at naglakad na papunta sa kaniyang upuan. Lalo kang nainis.
Gusto mong magwala. Gusto mong sumabog. Bakit hindi mo nilakasan ang pagkakasuntok kanina kay Raven? Bakit hindi mo sinapak 'yong lalaking mayabang?
Ramdam na ramdam mo ang iyong pagkaapi.
"Ayaw ko nang mabuhay! Huwag mo na akong idamay sa kuwento mo!" gigil na gigil mong sabi. Tumakbo ka pababa ng gusaling iyon. "Wala kang kuwentang manunulat. Hindi mo na dapat ako binuhay."
Hindi ko alam kung saan ka pupunta. Ngunit ramdam na ramdam ko ang lahat ng iyong hinanakit. Binitiwan mo na ang pagiging karakter sa aking akda.
Tumakbo ka sa gitna ng kalsada. Mayroong paparating na malaking trak. Nasagaasan ka nito. Tumilapon ang iyong katawan, at unti-unti, pumikit na ang iyong mga mata.
Sumuko ka na kaagad.Hindi mo ba alam na simula pa lang ito ng iyong istorya?