UNANG MUKHA: Bakit mahilig sa ice cream ang mga magnanakaw?
Sabi ng marami, ipinaglihi raw ako sa maskara. Nang ipinagbubuntis ako ni Nanay, bumili siya ng napakaraming maskara na mula pa sa Bacolod. Nakahihiya mang ikuwento, isinusuot niya ang mga ito kahit saan siya pumunta. Madalas, napagkakamalan siyang baliw. Ilang beses daw siyang pinagsabihan ni Lola Auring pero hindi ito nakikinig. Iniwan niya lang ang gawaing ito nang ipinanganak ako. Nagulat pa nga ang nagpaanak sa kaniya dahil isinuot niya sa akin ang isang maskara at sinabing, "Ito ang simbolo ng iyong buhay, anak."
Ang kataga niyang iyon ay hindi na nabigyan pa ng kahulugan nang nagpakamatay siya, isang buwan matapos akong isilang.
"Simoun, ano ba ang naisip mo at sumama ka sa amin? Mayaman ka naman 'di ba?" sabi ni Berto habang isinusuot niya ang itim na pantakip sa mukha. 'Yong nasa ulo ng mga magnanakaw sa bangko na madalas napapanood sa mga gasgas na teleserye sa T.V.
Simoun. Si Tatay ang nagpangalan sa akin nito. OFW siya ngayon sa Saudi. Hindi ko alam kung bakit ang tingin ng marami sa isang nangingibang bansa ay mayaman. Pati pamilya nito, nadaramay. Takbuhan ng utang ng buong barangay. Hindi mawala-wala ang pagpunta ng mga mangungutang. Kapag walang maibigay si Lola Auring, sila pa ang nagagalit. Akala mo naman, may mga patago sila. Hindi nila alam, nahihirapan din naman si Tatay sa ibang bansa.
Isa siyang dakilang fan ni Jose Rizal lalo na ang akda nitong El Filibusterismo. Pati bangs ni Rizal, ginaya niya. Nagustuhan niya raw ang karakter ni Simoun dahil sa pagbabalat-kayo nito mula kay Crisostomo Ibarra. Hinahanapan ko ng lohika ang pananaw niyang iyon pero wala akong makita. Sa totoo lang, ayaw ko kay Simoun. Nakaaawa kaya ang karakter niya.
"Basta. Bakit nga pala nagtatakip ka pa ng mukha? Kailangan ba 'yan?"
"Tanga ka ba? Edi nakilala tayo kung wala tayong takip. Akala ko ba matalino ka?"
Hindi ko alam na ganoon na pala ang basehan ngayon ng pagiging matalino. Wala naman kasi akong alam sa gawaing 'to. Tumingin ako sa aking paligid hanggang sa may nakita akong sako ng mani. Inilabas ko ang aking kutsilyo at binutasan ang sako para mas makahinga at makakita ako nang maayos.
Ang pangit naman kung mamamatay ako sa kadahilanang na-suffocate o nasagaan dahil hindi makakita sa sako ng mani. Baka pagtawanan ako ng mga manonood kung ibabalita ito sa telebisyon.
Ito ang itinaklob ko sa aking ulo na nagsilbi kong pinakaunang mukha. Hindi ko inaasahan na ganito ang magiging kalabasan ng aking kahibangan.
"Ang tagal ninyo, tara na!" sigaw ng lider sa amin.
"Gago bakit ganiyan ang suot mo? Ano ka, scarecrow?" natatawang sabi ni Berto.
Puta, tinitiis ko na nga lang ang amoy nito, nilait pa ako?
Nagulat ako nang nakarating kami sa aming destinasyon. "Bakit naandito tayo sa school ko?" aking sambit.
"Sinabihan ka naman namin kung saan tayo pupunta, 'di ba?"
"Sabi ninyo, isang school ang pagnanakawan natin. Hindi ko naman alam na school pala namin 'to."
"Napakarami mong satsat. Ikaw ang sumama, e. Sinabi ba namin na sumabit ka? Kung ayaw mo, lumayas ka na. Pabigat ka. Nauubusan kami ng oras dahil sa kaartehan mo," sabi ng lider na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang pangalan.
Hindi na lamang ako sumagot. Nakilulugar din naman ako. Alam kong nakisama lang ako sa kanila.
Nakita kong umakyat sila sa bakod. Naroon pa 'yong tagabantay ng school namin na si Tata Gerson. Tulog na tulog ito. Marahil, napagod sa maghapong kasusuway sa mga estudiyanteng pasaway. O marahil, idinaraan niya na lamang sa tulog ang lahat ng hinanakit. Lahat ng pangmamaliit, lahat ng masasakit na katotohanan na araw-araw niyang nakasasalamuha.
Naalala ko minsan nang kapanayamin ko siya para sa aming pahayagan, nakita ko sa kaniyang mga mata ang kasabikan na maging maayos na ang kaniyang buhay.
Nakitakbo na rin ako kasama ng aking mga kasamahan. Pumunta sila sa iba't ibang silid-aralan. Mabibilis silang kumilos. Halatang bihasa sa ganitong gawain.
Sumunod ako kay Berto. Pumunta siya sa classroom namin noong isang taon. Binasag niya ang bintana at pumasok sa loob. Nanginginig akong sumunod sa kaniya. Hawak namin ang flashlight na dahan-dahan kong kinuha sa kuwarto ni Lola Auring. Mabuti na lamang at mahimbing ang kaniyang tulog habang hawak ang bago niyang cellphone.
Binuklat ni Berto ang lahat ng lalagyan. Sobrang arte pa naman din ng adviser dito. Noon, araw-araw na lang kaming pinapagalitan dahil sa karumihan ng aming classroom. Sa tuwing nagagalit siya, tumataas ang kaniyang bangs na nagpapalitaw sa kaniyang malapad na noo kaya hindi namin maiwasan na tumawa. Madalas, sa labas kami nagkaklase bilang parusa. Ayaw kong isipin ang magiging reaksiyon niya kapag nakita niya ang ginawa ni Berto. Delubyo, sigurado.
Nakita kong hawak nito ang litrato ng anak ng aking guro noon. Si Mae. Nakalagay kasi ito sa loob ng salamin na nakapatong sa lamesa kaya nakita niya 'agad. "'Tang-ina ang ganda naman nito," saad niya. Kakaiba ang tono ng kaniyang boses.
Nagulat ako nang magsalsal siya sa aking harapan.
"Gago ka! Tigilan mo 'yan."
"Mamaya. Magpapalabas muna ako. Kuhanin mo 'yong monitor ng desktop. Bilis."
Sumunod na lang ako sa utos niya. Ayaw ko rin namang panoorin ang kababuyang ginagawa niya sa picture.
Magaan 'yong monitor kaya hindi ako nahirapang kuhanin. Ito lang naman ang mapakikinabangan dito sa room.
"Malapit na ako. Shet," ungol ni Berto. Lumabas ako ng silid-aralan. Tumulala ako sa kalangitan. Hindi ko 'to inaasahan na mangyayari sa aking buhay. Si Simoun, nakipagtititigan sa mga bituin, dala ang isang monitor na ninakaw at nakikinig sa ungol ng malibog na kasamahan.
Lumabas na rin si Berto.
"Tara na," sabi niya. Inilaglag niya ang larawan na mayroon niyang katas. Nandiri ako nang makita ko ang larawan. Crush ko pa naman dati si Mae.
Mukhang nahalughog na ng aming mga kasama ang buong paaralan. Napakabilis talaga nilang kumilos. Nakapagtatakang tulog pa rin si Tata Gerson.
Nakita ko ang liwanag na nasa isang gusali. Pumunta kami roon ni Berto. Sa liwanag ng kandila, nagkakainan ng ice cream ang aking mga kasama. Nakakalat sa sahig ang kanilang mga ninakaw. 'Tang-ina, kinuha rin nila 'yong bagong T.V.na 65 inches ng aming paaralan. Minsan nga, naiisip ko na imposibleng makuha ito ng mga magnanakaw. Pero ibang klase 'tong grupo na sinamahan ko. Malupit.
"Naandiyan na pala kayo. Kain kayo ng ice cream. Nakuha namin 'to sa canteen kanina," masayang saad ng isa naming kasamahan. Maitim ito. Brown ang kulay ng buhok niya. Akala mo naman, bumagay ito sa kaniya.
Umupo kami ni Berto. Matalas ang tingin sa akin ng aming lider.
"Bakit ka ba sumama rito?" pagbasag ng lider sa aming katahimikan. Sarap na sarap kasi sila, este kami sa pagkain ng ice cream. Tuwing recess, ito ang binibili ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ako nagsasawa kahit pare-parehas lamang naman ang lasa ng bawat flavor.
"Gusto ko lang maranasan," tugon ko.
"Bakit naman gusto mong maranasan?" tanong niya muli.
"Bawal sabihin."
"Bakit nga?"
"Bawal nga kasi sabihin. Bakit hindi pa tayo umaalis? Baka magising na si Tata Gerson." Nakatingin lang sa amin ang lahat. Parang nanonood ng telebisyon.
Napatawa ang marami sa kanila.
"Hindi na 'yon magigising," sabi no'ng lider namin.
"Bakit?"
Sumenyas siya na parang ginigilitan ang kaniyang leeg.
"P-Pinatay n'yo siya?"
Ngumiti lamang siya sa akin bilang kasagutan. Puta, patay na siya. Ayaw kong mahuli. Ayaw kong masira ang aking mga pangarap. Bakit ba kasi naisip ko pa 'to?
"Huwag kang mag-alala. Malinis kaming gumawa. Walang magsusumbong sa atin. Tara na nga."
Nagsitayuan ang aking mga kasamahan. Sumunod na rin ako sa kanila. Binuhat ko ang monitor. Nakita kong iniwan lang nila ang pinagkainan nila ng ice cream.
Nang papalabas na kami ng gate, nakita ko ang leeg ni Tata Gerson. Tumutulo rito ang maraming dugo. Hindi ko maiwasan na mapaluha.
Nakitakbo na rin ako kasabay nila.
Nang nakauwi na ako sa aming bahay, inialis ko ang sako ng mani sa aking ulo. Buong gabi, umiyak ako nang umiyak.
Kinabukasan, usap-usapan ang nakawan sa aming paaralan, ang pagkamatay ni Tata Gerson at ang pagkasunog ng building na pinagkainan namin ng ice cream. Hindi pala namin napatay ang kandila.
Kakaiba ang aking naging unang mukha. Naging malungkot man ako, ngunit sa aking kalooban, naroon ang kakaibang kasiyahan na kumikiliti sa aking kamalayan.
IKALAWANG MUKHA: Bakit nahuhulog ang bra ng bakla?
Nakaharap ako sa salamin. Putok na putok ang lipstick sa aking labi. Dahan-dahan kong ipinahid ang liquid foundation sa aking mukha. Isinuot ko ang wig na hirap na hirap akong bilhin. Nagpalusot pa ako sa tindera kung sino ang magsusuot nito.
Iniangat ko ang nahuhulog na bra sa aking dibdib. Isinuot ko ang dress na hiniram ko sa aking pinsan. Sinabi kong gagamitin namin ito para sa aming dula-dulaan. Inspirasyon ko ang kantang Magazine ng bandang Eraserheads. Dilaw ang aking buhok. Samantalang ang suot ko naman ay green.
Kumpleto na ang aking ikalawang mukha. Hindi rin naman pala masamang mapabilang sa Pink Republic.
Tumalon ako sa aming bintana upang makalabas ng aming bahay. Nang nasa kalsada na ako, lumakad ako nang painda-indayog ang puwet at balakang.
Nakita ko ang isang taksi. Sumenyas ako gamit ang aking malalantik na mga daliri. "Manong, pakihatid ako sa Malate," sabi ko gamit ang malambing na tinig.
"Ma'am, masyado pong malayo."
"Magbabayad ako kahit magkano. 'Wag na marami pang satsat. Gora na tayo."
Nag-aral pa ako nang ilang araw para sa Bekimon. Hindi naman ganoong mahirap. Kadalasan kasi, madudulas bigkasin ang mga ito.
Bumaba ako sa aking destinasyon. Nakita ko ang aking babayaran. Inilabas ko ang isanlibong piso. Inihagis ko kay Manong ang bayad.
"Ma'am, ingat po kayo. Maraming mamamatay-tao sa mga 'yan," saad sa akin ni Manong.
Ngumiti ako sa kaniya nang nakaloloko. "Iyan na ang bayad ko. Keep the change na lang. Marami pa akong ades."
Nakita ko ang mga baklang pagala-gala sa gitna ng gabi. Ang liwanag ng buwan ang nagsisilbing tanglaw naming lahat. May halong pagtataka sa kanilang mukha nang nakita nila ako. Marahil nagtataka sila dahil bago ang aking mukha sa lugar na 'to.
"Anekwaboom? Bakit ganiyan kayo makatitig? Mga baklang 'to," saad ko sa kanila. Maraming umirap sa akin. Akala mo naman, ikinaganda nila 'yon.
Nasa paligid din ang mga lalaking bayaran. Nang-aakit ang mga mata ng mga ito.
"'Te ang hot," turo ng baklang mataba sa lalaking kalbo.
Sumenyas ang lalaki.
"Tatlong libo? Ang mahal naman. Baka mayroon kang Anita Linda."
"Wala. Malinis ako. Kahit ano'ng gawin n'yo sa akin, ayos lang," tugon ng lalaki.
Napatingin ang matabang bakla sa kaniyang kasama. Sumilay ang kakaibang ngiti sa kaniyang mukha.
Naglakad-lakad ako. Marami akong narinig. Malalaswa. Sabagay, ano ba ang aasahan ko sa lugar na pinuntahan ko ngayon?
Nagulat ako nang nakita ko ang lider namin sa nakawan. Puta, kolboy pala ang isang 'to. Nakatitig siya sa akin. Walang emosyon ang mukha.
Lumapit ako sa kaniya. "Magkano ka?" tanong ko. Iniba ko pa lalo ang aking boses para hindi niya ako makilala.
"Apat na libo."
Mukhang mapapasabak ako ngayon. Lagas ang inipon ko nang ilang buwan. Sana pala, kinuha ko na kay Manong 'yong sukli kanina sa taksi. Nagmayabang pa kasi ako.
Tumango ako sa kaniya. "Saan tayo?" tanong ko rito.
"May lugar ka ba?"
Umiling ako.
"Baliw ka ba? Magpapasarap ka ngayong gabi tapos hindi mo pinaghandaan?" naiinis niyang saad
Buwisit talaga ang tabas ng dila ng lalaking 'to. Siya na nga ang babayaran, siya pa 'tong galit?
"Saan ba ang pinakamalapit na motel dito?" naiinis kong sambit.
Nang nakarating kami sa aming kuwarto, itinulak niya ako sa pader. Akmang hahalikan. Gagong 'to. Nanghihinayang pa nga ako sa isanlibong bayad namin dito tapos susunggaban niya 'agad ako?
Iniiwas ko ang aking mukha.
"Ano'ng problema mo?" naiinis niyang tanong.
"Wala tayong gagawin."
"Puta. Bakit mo pa ako dinala rito kung wala rin pala tayong gagawin?"
"Mag-oobserba."
Hindi na siya umimik. Marahil, hinahanapan niya ng kasagutan ang lahat. Kung bakit kailangan ko pa siyang bayaran at dalhin sa lugar na ito? Kung bakit siya ang kinuha ko sa lahat ng lalaking naandoon?
Humiga siya kama. Naghubad ng damit. Kinuha niya ang remote at binuhay ang telebisyon.
"Ano'ng pangalan mo?"
"Bakit?"
"Gusto ko lang malaman. Gusto kitang makilala."
Tumingin siya sa akin. "Sandro," seryoso niyang saad.
Tumango ako.
"Ikaw?"
"MC."
"MC?"
"Maria Clara," natatawa kong sagot.
"Sa umaga, ano'ng pangalan mo?"
"Hindi na 'yon mahalaga."
Humiga na rin ako. Medyo nangangati na ang mukha ko dahil sa make-up ngunit bawal ko itong alisin dahil makikilala niya ako.
Pinatay niya ang T.V. Tahimik kaming dalawa. Nagpapakiramdaman.
Ito 'yong tagpo ng buhay na hindi na kailangan pang magsalita para makapag-usap. Alam kong naiintindihan niya ako at unti-unti na niyang nasasagutan ang lahat.
Tumingala ako. Nakita ko ang aming repleksiyon sa salamin na nasa ibabaw. Ipinikit ko ang aking mga mata. Dinama ang katahimikan, ang lamig, ang aking kalapit.
"Puwede ba kitang yakapin?" tanong ko. Hindi ko alam kung bakit ko nasambit ang bagay na 'yon. May mga konklusyon na pumapasok sa aking isipan ngunit hindi ko na ito pinalalim pa. Na baka naghahanap ako ng bagay na makapagpapasara sa puwang ng aking pagkatao. Na baka naghahanap ako ng taong yayakap sa akin sa isang gabing malamig kahit sa unang pagkakataon.
Hindi siya sumagot. Hanggang sa naramdaman ko na lamang ang kaniyang braso na nagpainit sa aking katawan.
Marahil tama nga ang aking mga konklusyon. Dahil ito na ang pinakamagandang tulog na nagawa ko sa aking buhay.
***
Nagising ako nang naramdaman kong bumangon si Sandro.
"A-Anong oras na?" tanong ko sa kaniya.
"Alas-sais. May pupuntahan pa ako."
Lumapit siya sa akin at iniabot ang dalawanlibo.
"Bakit mo ibinabalik? Para sa'yo 'yan."
Hindi niya ako pinansin. Nang papalabas na siya ng pinto, sinabi niya ang bagay na sadyang nagpagising sa aking kamalayan. "Iyo na 'yan. Baka wala ka nang pera pauwi. Bakit mo ba 'to ginagawa, Simoun?"
'Tang-ina.
IKATLONG MUKHA: Bakit nakabubusog ang rugby ng mga batang pulubi?
Nagising ako nang narinig ko ang lumang kanta na ipinapatugtog ni Lola Auring. Sawang-sawa na nga ako sa album ni Chris Norman na Hits from the Heart. Fangirl mode kasi lagi si Lola tuwing umaga. Kinuha ko ang cellphone na nasa aking ulunan. Alas-sais pa lang pala kaya ang sakit ng ulo ko. Alas-tres na kasi ako natulog para ihanda ang aking mga gagamitin.
Bumaba ako sa hagdanan at nakita kong nakaupo si Lola. Nakakunot ang noo nito habang ginagamit ang kaniyang bagong smartphone. Nang namalayan niyang pababa na ako ay 'agad niya akong tinawag.
"Halika nga rito. Bakit ayaw gumana nitong ginupit ko na dati kong SIM card? Ayaw kasi magkasya sa lalagyan nitong cellphone."
"'La, micro SIM kasi ang ginagamit diyan sa bago mong cellphone. Hindi talaga gagana ang regular SIM card diyan kahit ano'ng gawin mo. Depende na lang kung ginupit mo nang tama."
Lalo siyang napasimangot. "Ganoon? Kainis naman. Nandoon kaya 'yong number ng mga jowa ko."
"Lola! Tigilan n'yo nga 'yan," naiirita kong sambit.
"Kese nemen," sabi niya habang humahagikhik. Napatawa na rin ako. Kuwela talaga si Lola kahit matanda na. Masuwerte ako dahil nagkaroon ako ng kagaya niya. "Oo nga pala, online ang Tatay mo sa Skype. Kakausapin ka raw."
Tumango ako bilang kasagutan. Binuksan ko ang aking cellphone. Tinawagan ko ang aking Tatay. Nakita ko na naman ang profile picture niya sa Skype. Malamang, si Rizal ang laman nito. Hindi ko alam kung fan ba talaga siya ni Rizal o kabilang na talaga siya sa mga Rizalista. Kinilabutan ako sa aking naisip.
Sinagot niya ang aking tawag. Ningitian niya ako habang sinusuklay ang kaniyang bangs.
"Kumusta, anak? Ang haba na ng bigote mo."
"Ayos lang naman. Bakit n'yo nga pala ako hinahanap?"
Ipinatong niya ang suklay sa lamesang kalapit niya.
"Kasi naman 'yong laptop ko, sira na. Ibebenta ko na nga, e."
Sabi na nga ba. Ganito na lang lagi. Tatawagin niya lang ako kung may problema siya sa mga gadgets niya o tatanungin kung maayos ang buhok niya.
"Ano po ba ang nangyari?"
"High-risk daw. Nalabas sa screen," malungkot nitong sabi.
"Tatay, puro virus lang 'yan. Hindi 'yan sira. Lagyan n'yo ng antivirus. Mag-download kayo sa Google," inis kong sambit.
"Teka, anak. Ano 'yong antivi─"
Tinapos ko na ang tawag bago pa siya magtanong ng kung ano-ano. Kinuha ko ang aking bag at lumabas na ng aming bahay. Sanay naman si Lola na umaalis na lamang ako nang basta-basta kaya wala akong problema. Hindi pa ako nakalalayo sa aming bahay ay nakasalubong ko ang isang babae na kabarangay namin. Pustahan, mangungutang 'to.
Ningitian niya ako. "Simoun, naandoon ba ang Lola mo? May sakit kasi ang anak ko. Hihiram sana ako ng pera."
Tumango na lang ako. May sakit naman ngayon ang anak niya? Samantalang noong isang araw, pumunta rin siya sa amin dahil napilayan daw ang kaniyang asawa. Ano naman kayang gagawin niyang palusot sa susunod para mayroon siyang magamit sa sugal?
Nang nasa palengke na ako ay dali-dali akong pumunta sa pampublikong palikuran. Isinuot ko ang sira-sirang damit. Inialis ko ang aking tsinelas at inilagay ito sa isang plastik. Kinuha ko ang uling at ipinahid sa iba't ibang parte ng aking katawan.
Lumabas ako ng palikuran. Itinago ko ang aking bag sa damuhan. Tinabunan ko ito ng mga basura para walang makakita.
Naglakad-lakad ako. Kabilang na ako sa mga taong gumagamit ng lata bilang patakan ng awa. Sa mga marurusing bata na kinagagalitan ng mga pulis. Sa mga taong langgam na naghahanap ng makakain sa sinapupunan ng lungsod.
Umupo ako sa sementadong sahig kalapit ang mag-inang pulubi. Buhat ng ina ang kaniyang sanggol na anak. Kakikitaan sila ng imahe ng karalitaan, ng bugtong ng hagibis ng buhay.
"Bago ka rito, ano?" tanong nito sa akin.
"Opo. Nasaan nga po pala 'yong mga bata na kagaya ko?"
"Malamang nasa eskinita na naman ang mga 'yon. Sumisinghot ng rugby," saad niya habang pinapahid ang lungad ng anak.
Napapikit ako. "Saan pong eskinita?"
Sinabi niya sa akin ang detalye. Nagpaalam na ako sa kaniya. Ngunit sa aking pag-alis, nakasalubong ko ang isang pulis. Kinabahan ako. Bumilis nang bumilis ang tibok ng aking puso. Pero, nilampasan lang ako nito. Lumingon ako at nakita kong lumapit siya sa mag-inang pulubi.
"'W-Wag n'yo po kaming paaalisin. Ito lang po ang magagawa ko para mabuhay kami," naiiyak na sabi ng ina.
"Ganoon? Pagbibigyan kita sa isang kondisyon."
"A-ano po 'yon?"
Napangiti ang pulis. Ipinakita nito ang palad. Tila namamalimos.
"W-Wala po akong maiibigay."
"Ganito na lang. . ." lumuhod ang pulis, hinipo ang braso ng ina. Nanginig ito sa takot. "Ikaw na lang ang bayad," ani ng pulis. Nag-iba ang boses nito.
'Tang-ina. Bakit may ganiyan pa ring tao ngayon? Dali-dali akong umalis. Biglang pumasok sa aking isipan ang aking ina na kahit kailanman ay hindi ko nasilayan.
Nang nakarating na ako sa eskinita ay natagpuan ko ang mga batang sumisinghot. Nagulat ang mga ito nang narinig nila ang aking yabag.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" maangas na tanong ng isa. Malaking bulas ito, puro tigyawat ang mukha at ang balat, halatang babad sa araw.
"Puwede bang matikman 'yan?" tanong ko.
"Gago. Wala kang ambag dito."
Dumukot ako ng bente sa aking bulsa. Iniabot ko ito sa kaniya. Napatigil siya bigla. Ibinigay niya sa akin ang plastik na naglalaman ng rugby. Nakita ko ang ginagawa ng ibang bata. Ginaya ko ito.
Sa una, nahihilo ako sa amoy. Ngunit habang tumatagal, nalulunod na ako sa maluwalhating sarap na hindi maipaliwanag pangungusap.
Nang nararamdaman ko na tila lumulutang na ang aking katawan, itinigil ko na ang aking ginagawa.
"Salamat," sabi ko sa kanila. Nakita ko ang nagtatakang mukha ng mga kaawa-awang bata. Ng mga musmos na walang mailaman sa sikmura kaya tinitiis ang pagsinghot, ng mga musmos na pinaglaruan ng kamay ng tadhana.
Kinuha ko ang aking bag sa aking taguan at muling tumungo sa palikuran. Gamit ang tubig, binura ko ang uling sa aking katawan. Binura ko ang mapait na alaala kasabay ng masakit na katotohanan na napapaloob sa aking ikatlong mukha.
Lutang ang aking isipan habang nakarating ako sa aming bahay. Nakita kong kumakain si Lola.
"Apo, buti dumating ka. Saan ka ba galing? Sabayan mo na ako kumain, baka gutom ka na."
"Hindi po. Nakakain na po ako sa bahay ng kaklase ko. Salamat na lang po," sagot ko. Hindi ko naman masabi na, "Busog na po ako. Binusog na po ako ng rugby at ng kapaitan ng buhay."
Tumungo ako sa aking kuwarto. Ipinikit ko ang aking mga mata.
Kaonti na lang, matatapos ko na ang lahat.
IKAAPAT NA MUKHA: Bakit naka-green ang lady in red?
Nakipagkita ako kay K sa lagi naming tagpuan. Alam kong masasaktan siya sa aking ginagawa ngunit kailangan kong matapos ito. Ganoon naman talaga. Wala nang bago kung gagawin mo ang lahat para sa iyong mahal.
Nakita ko siyang nakaupo at nakatitig sa Manila Bay. Mukhang may iniisip na naman 'to.
Niyakap ko siya mula sa kaniyang likuran. Napaigtad siya. Marahil nagulat sa aking presensiya.
"Saan tayo pupunta ngayon, Simoun?" malambing niyang pagtatanong. Isa sa paborito kong musika ay ang kaniyang boses. Para ako nitong inooyayi.
"Sa walang hanggan."
Napatawa siya. Isinandal niya ang kaniyang ulo sa aking balikat nang umupo ako. "Alam mo, iba talaga ang dating sa akin ng mga alon. Minsan naiisip ko, parang ang sarap magpatangay sa daluyong. 'Yong ipipikit ko na lang ang aking mga mata habang dinadala ako nito sa kung saan. Ang sarap takasan ng buhay."
"Iyan ka na naman, K. Ano ba'ng problema mo?"
Madalas, ganoon ang mga sinasabi niya habang kasama ko siya. Pinipigilan ko ang aking sarili na magustuhan siya kagaya ng pagkagusto niya sa akin. Pero, kahit ano'ng gawin ko, hindi siya nawawala sa aking isipan. Tuwing gabi, iniisip ko ang mga ngiti niya, ang mata niya. Noon, akala ko, magiging madali ang paggawa ko sa aking ikaapat na mukha. Na manliligaw lang ako sa isang babae at iiwan ko rin pagkatapos kong maranasan ang lahat. Pero iba ang nangyari. Mas lalo akong nahirapan.
Nakilala ko si K habang bumibili ako ng libro. Napansin ko na tingin siya nang tingin sa akin. Bigla ko siyang nilapitan at tinanong ang kaniyang pangalan. Pinuri ko ang hawak niyang libro. Walong Diwata ng Pagkahulog ni Edgar Samar. Isa ito sa pinakapaborito kong nobela. Noon, akala ko nagbibiro siya na K lang talaga ang kaniyang pangalan. Nagulat ako nang ipakita nito sa akin ang I.D. niya. K Vargas ang nakalagay rito. Doon nagsimula ang lahat. Ang araw-araw at gabi-gabi naming pag-uusap. Wala akong intensyon na siya ang gagamitin ko para sa aking ikaapat na mukha. Ngunit naisip ko na mas maganda kung siya na lang. . . dahil hindi ko na kaya pang humanap ng iba.
"Wala akong problema. Hindi ka na nasanay sa akin," natatawa niyang sagot.
Buong araw, naggala lang kami. Hindi ko alam ngunit hindi ako nagsasawa o naiinip kapag siya ang aking kasama. Minsan, dahan-dahan kong hinahawakan ang kaniyang kamay. Hindi ko maiwasang gumawa ng ninja moves kapag kasama ko siya.
Habang kumakain kami ng hapunan sa food court ng isang mall, hinawakan niya ang aking mukha.
"Bakit?" nagtataka kong tanong.
"Hindi ko alam pero may kakaiba sa'yo, sa pagkatao mo. Parang nagtatago ka sa maskara. Hindi ko makita ang totoong emosyon. Wala akong nararamdamang saya kapag tumatawa ka. Wala akong nararamdamang lungkot kapag nagsasabi ka ng mga problema. Sino ka ba talaga, Simoun?"
Sino nga ba ako? Nakatatawang hindi ko pa rin nahahanap ang tunay na ako. Ilang mukha na ang ginanapan ko ngunit kinakapa ko pa rin sa aking kamalayan ang tunay kong pagkatao.
"Hindi ko alam, K. Ikaw, wala rin naman akong alam tungkol sa'yo, 'di ba?"
"Hindi mo naman kasi ako tinatanong."
"Gusto kitang makilala. Gusto kong malaman ang paborito mo, ang ayaw mo. Gusto kong makilala ang pamilya mo, ang mga kaibigan mo. Gusto kong malaman ang nilalaman ng bawat patinig o katinig na sinasambit mo sa tuwing kausap kita. At kapag nagawa ko na 'yon, pangako, sabay nating kikilalanin ang sarili ko."
Tumawa siya. "Hindi mo alam ang mangyayari kapag nakapasok ka sa buhay ko. Maganda na 'yong ganito tayo. Na nagkikita tayo lagi, nag-uusap nang hindi alam ang kuwento ng isa't isa."
Pagkatapos naming kumain, sumakay kami sa ferris wheel. Habang umiikot ito, hinawakan ko ang kaniyang kamay. Sinakop ko ang kaniyang mga daliri. Tumingin lang siya sa akin. Walang binitawang salita.
Hanggang sa aming pagbaba, hindi niya ako kinakausap.
"May problema ba tayo?" tanong ko sa kaniya.
Niyakap niya ako. Umiyak siya nang umiyak. Ramdam na ramdam ko ang emosyon na dumadaloy sa kaniya. Kalungkutan. Sakit. Pagdurusa.
Gusto ko siyang tulungan ngunit alam kong wala siyang sasabihin. Tumigil ang kaniyang pag-iyak nang tumunog ang isang kanta. The Lady in Red.
"Isayaw mo ako, Simoun," nakangiti nitong sabi.
"Dito talaga? May iba pang tao. Nakahihiya."
Hinawakan niya ang kanan kong kamay samantalang ipinahawak niya ang kaliwa kong kamay sa kaniyang likuran.
Habang sumasayaw kami, nakatitig lang siya sa aking mga mata. Nakita ko ang mga bituin sa kalangitan. Kumikinang ang ilan dito. Minsan naiisip ko, paano kung ang pagkinang na iyon ay nangangahulugan ng pag-aaway ng mga bituin?
"The lady in red is dancing with me, cheek to cheek. There's nobody here, it's just you and me," sinabayan ko ang kanta. Taliwas man ito sa sitwasyon namin ngayon dahil naka-green siya, nagsasayaw nga kami pero magkalayo naman ang aming mga mukha at maraming tao sa paligid, hindi pa rin nawawala ang ganda ng kanta.
"'Wag mo akong kalilimutan," pabulong niyang sabi habang tumulo ang isang butil ng luha sa kaniyang mata. Pinahid ko ito gamit ang aking daliri.
Nang natapos ang kanta, dali-dali siyang tumakbo. Iniwan niya na naman ako mag-isa kagaya ng lagi niyang ginagawa.
Pagkauwi ko sa aming bahay ay humiga 'agad ako sa aking kama nang may nakapintang ngiti sa aking mukha.
Kinabukasan, habang nanonood ako ng telebisyon ay biglang ipinalabas ang isang flash news.
"Isang babae ang nagpasagasa sa tren kaninang tanghali. Ayon sa pulisya, nalaman nilang K Vargas ang pangalan ng babae na nasa edad labing-anim. Nang pinuntahan nila ang bahay ng dalaga, wala na roon ang tiyuhin nito na sinasabing gumagahasa sa biktima. Hanggang ngayon ay tinutugis pa rin ang lalaki at hinahanap ang kapatid ni K na si Sandro Vargas," sabi ng reporter.
"Tuwing gabi, naririnig namin ang sigaw ni K. Wala namang tumutulong sa kaniya dahil may baril 'yong tiyuhin. Grabe talaga, hayop siya," saad no'ng isang ale na kinapanayam habang buhat nito ang umiiyak niyang anak. Mayroon pang kumakaway-kaway na mga tao sa likod nito. 'Yong grupo ng pulubi na sinamahan ko sa pagsinghot ng rugby.
Pinatay ko ang telebisyon at tumungo na ako sa aking kuwarto.
IKALIMANG MUKHA: Bakit simbolo ni Simoun ang maskara?
Habang hawak ko ang aking panulat, biglang tumulo ang aking luha. Natapos ko na ang apat na mukha. At ngayon, mag-iiba na naman ang aking pagkatao. Isa na muli akong manunulat, ang aking ikalimang mukha. Ang aking pinakapaborito sa lahat. Ang mukha na hindi ko na kailangang magbalat-kayo. Ang mukha na nagiging instrumento ko upang ako ang maging Diyos ng lahat.
Sinimulan ko na ang pagsusulat. Inalala ko ang lahat ng pangyayari. Ang mga bagay na ginawa ko upang magamit sa aking gagawing nobela. Napakaraming nangyari. Naging isa akong magnanakaw, bakla, pulubi at manliligaw. At sa bawat mukhang yaon, naroon ang bawat alaala na bubuo sa iba't ibang karakter ng aking nobela. Gagawin kong inspirasyon ang bawat kuwento na natutunan ko. Ang bawat katotohanan na ipinamulat sa akin ng aking pagbabalat-kayo.
Sabi ng marami, ipinaglihi raw ako sa maskara. Hindi nga sila nagkakamali. Nagamit ko ito para magawa ang bagay na pinakamamahal ko.
Ipinikit ko ang aking mga mata. Pumasok sa aking isipan ang iba't ibang mukha na aking ginanapan sa malaking entablado ng buhay. At ngayon, ang tangi ko lamang hiling ay makatuntong ako sa entablado ng panitikan. Kung saan ako ang bida, ako ang pinakamakapangyarihan sa lahat gamit ang aking panitik.
"Ang ganda naman nito," saad ni Sandro habang hawak niya ang maskarang isinuot sa akin ng aking ina noong ako'y sanggol. "Sayang, hindi mo 'to maipakikita kay K."
"Dinamay mo na naman dito 'yong kapatid mo. Hindi ka na nga nagpakita no'ng burol niya."
"Mayroon kasi kaming ninanakawan nina Berto," natatawa niyang sambit. "Mas mahal mo naman ako kaysa sa kaniya, 'di ba?" Niyakap niya ako nang mahigpit.
Itinigil ko ang aking pagsusulat at hinalikan siya sa labi . . . habang iniisip ang tunay na kasagutan sa kaniyang tanong.