webnovel

Seben - Payong tatay

"Gago ka talaga, Felix! Kinabahan ako nang sobra kahapon dahil sayo! Ok na ba naman 'yung panunuyo mo, e. Sinabi mo pang hinalikan mo na sa lips si MJ! Akala ko papanawan ako ng ulirat dahil sa dilim ng itsura ng tatay ni MJ, e!" ani Ken na nasa kabilang linya.

"Tangina! Ako man, pre! Mantakin mo ba namang pati 'yon sinabi mo! Buti nga't naawat agad nung Mama ni MJ 'yung asawa niya, kundi! Ewan ko nalang sa'ting tatlo ngayon," dagdag naman ni Kid na kausap ko rin sa cellphone.

"Ipinaliwanag ko na din naman, ah! Move on mga pre! Buti nga hindi naglabas ng kanyon, e. Atleast legal na ang panliligaw ko kay MJ mula ngayon." Napapabuntong hininga kong sabi. "Basta mga pre, salamat sa pagsama sa'kin kahapon, ah. Kung ako lang 'yon baka hindi na ako nakapasok pa."

Napasalampak nalang ako sa higaan ko matapos naming mag-usap usap na tatlo. Pabagsak na inihiga ko ang katawan ko sa kama at nakipagtitigan sa kisame habang nakapatong sa aking noo ang kanan kong braso. Nanunumbalik sa'kin 'yung mga nangyari kahapon. 'Yung pagpunta ko sa bahay nina MJ, 'yung pagpapakilala't pagpapaalam kong liligawan ko siya, at higit sa lahat, 'yung inamin kong nahalikan ko na si MJ.

Ewan ko ba kung ano pero sa totoo lang, natatawa ako sa tuwing naalala ko 'yon. Kasi naman, mula sa kalmado't nakangiting anyo ay unti unting nagdilim ang kanyang itsura. Isama pa ang nakakatuwang ekspresyon nina Kid at Ken na noo'y nanginginig na sa magkabilang gilid ko? Ang epic lang talaga.

Pero bago pa man nga ako masapak at ma-black eye-an ng Papa ni MJ ay agad ko namang ipinaliwanag sa kanya ang mga nangyari. Sinabi ko na, gagawin kong panakot 'yon sa kanya para mabawasan ang pagiging palamura niya. Isa naman kasi talaga 'yon sa mga balak ko. Kasi naman, gaya ng mga sinabi ng Mama at Papa niya ay hindi naman daw ganoon dati si MJ. Bigla nalang daw itong nagbago nang walang matinong dahilan. Naging rebelde nga rin daw ito, e. Noon sigurong mga panahon hindi pa namin siya nakakabarkada.

Anila ay baka daw dahil sa maling barkada. Maaari, oo. Kaya naman ngayon ay sisimulan kong baguhin siya at ibalik siya sa dating siya. Sa tunay na MJ na nakilala ko noon pa.

Bumaba ako mula sa kwarto ko para sana kumuha ng makakain sa kusina nang makita ko si Papa sa sala na nagkakape't nagbabasa ng dyaryo niya. Araw ng linggo ngayon at wala siyang pasok kaya naman nandito siya. Matapos magtimpla ng milo ko ay pasimpleng tumabi ako sa kanya at hindi malaman kung paano ko siya sisimulang kausapin.

"May kailangan ka ba, Felix? Para kang hindi mapaanak d'yan," aniya na hindi inaalis ang tingin sa dyaryong binabasa niya.

Napakamot ako sa batok ko at napangiwi. Hanga talaga ako sa lakas ng pakiramdam ni Papa kahit kelan. "Ano... Pa, ano po kasi, e. M-May... gusto lang po akong itanong."

Ibinaba niya ang dyaryong binabasa niya at tiningnan ako sa likod ng salamin niya. "Ano 'yon?"

Huminga ulit ako ng malalim at pinaglaruan sa kamay ko ang mug ng Milo'ng iniinom ko. "Gusto ko lang pong itanong kung..."

"Kung...? Spill it, Felix."

Nag angat ako ng tingin at tiningnan si Papa diretso sa mata. "P-Paano po ba manligaw sa isang babaeng... mas lalaki pa sa'yon kumilos?" nahihiyang tanong ko at nagbaba ng tingin.

Di man ako nakatingin ng diretso sa kanya ay nakita kong tinanggal ni Papa ang salamin niya at ipinatong ito sa ibabaw ng lamesa katabi ang dyaryo't tasa ng kape niya. Marahan din siyang bumuntong hininga matapos ay narinig ko ang mahinang pagtawa niya. "Bakit? May nililigawan ka na ba?" aniya na may bahid ng gulat at galak. Nag angat ako ng tingin at doon ko nakita ang nakangiting mukha ni Papa.

Marahan akong tumango sa tanong niya. "O-Opo, Pa. Liligawan palang po kaso... hindi ko po alam kung paano didiskarte sa kanya." Pag amin ko.

Muli siyang tumawa at tumayo mula sa kinauupuan niya. "Sandali, may kukunin lang ako sa kwarto," aniya at umakyat na patungong kwarto nila ni Mama. Di rin nagtagal ay bumaba siya at may dalang tila lumang diary na ngayon ko palang nakita. Umupo siyang muli sa kaninang kinauupuan ni at pinalapit ako sa kanya. "Ito ang lumang journal ko noong college palang ako," simula niya.

Binuklat niya ang unang pahina at doo'y nakita ko ang pinakaunang entry niya. Sa kalumaan ng papel ay mapapansing iningatan talaga itong mabuti at walang gaanong sira o lukot man lang. Maayos at malinis din ang pagkakasulat ni Papa na isa sa mga pinakagusto kong katangian niya.

"Diary ko ito nung mga panahong freshman pa ako at binubully ako lagi ng Mama mo." Aniya na naging dahilan para mapabaling sa kanya ang tingin ko. "Ikaw? Binubully? Ni Mama?" takang pag uulit ko.

Bahagya siyang tumawa, "Maniniwala ka ba 'pag sinabi kong ang Mama mo ay dating bully ko?" nakangiting sabi niya na tila ba sinasariwa ang lahat sa kanyang alaala.

"Si Mama po? Paanong nangyari 'yon e, ni hindi nga ata makapatay ng lamok si Mama?" kunot noong tanong ko dahil ang sinasabing ito ng Papa ko ay kontra sa kung anong katangian ngayon ng Mama ko.

"Alam mo 'yung pelikulang She's Dating The Gangster, 'di ba?" aniya, "Ganoon kami halos ng Mama mo, kaibahan nga lang ay hindi niya ako ginamit na pampaselos sa ex niya kundi hilig lang niya talaga akong pag-tripan. Kumbaga, He's Dating the Gangster dapat ang title namin." Natatawang sabi ni Papa.

"Parang ang hirap naman po atang paniwalaan ng sinasabi niyo." Naiiling kong sabi sa kanya. Ngumiti lang siya at muling inilipat sa susunod na pahina ang diary niya. "Basahin mo ito nang malinawan ka," aniya at iniabot sa akin ang diary. Binasa ko ito gaya ng sinabi ni Papa.

July 14, 199*

Diary,

Pinagtripan na naman ako ng barkadahan nila Elixa. Tama ba namang i-shoot ako sa basurahan dahil lang nakaharang daw ako sa daan?! E ang lawak lawak kaya nung daanan tapos ang lalakas nilang mang-angkin ng 'teritoryo' daw. At eto pang si Elixa, kababaeng tao, akala mo kung sinong siga! Aba, kahit babae siya, hindi naman tamang ginagamit niyang dahilan 'yon para di ko siya patulan! Pero ewan ko ba, kahit na ganoon siya sa akin lagi, hindi ko alam pero may kakaiba akong nararamdaman sa kanya, e. Parang, lagi ko siyang gustong makitang nakatawa, lagi ko siyang gustong makitang masaya, naiinis din ako pag may kasama siyang iba... lalo na kung lalaki pa. Normal ba 'tong nararamdaman kong 'to? Naguguluhan na ako.

 

Fred

 

 

Matapos kong basahin ang entry na 'yon pakiramdam ko unti unti na akong nalilinawan sa mga sinasabi ni Papa. Tumingin ako sa kanya at nasalubong ko ang nakangiti niyang mukha. "Nang marinig ko ang kwento mong 'yan, anak, pakiramdam ko umuulit lang ang kwento namin ng Mama mo," aniya at tinapik ako sa balikat.

Muli kong binuklat ang iba pang pahina at sa ilang entry ay may picture pang naka-ipit. Picture 'yon ni Mama na halatang pasikretong kinuhanan. May mga balutan din ng candy, pira-pirasong papel at tuyong petal ng rose—lahat 'yon maingat na nakaipit at nakatago.

"Nahilig ako sa pagkuha ng litrato noong second year college ako at ang Mama mo ang paborito kong subject. Kahit na panakaw at alam kong ikakagalit niya 'yon sa oras na malaman niya ay hindi ko alam kung bakit gustong gusto kong kinukuhanan siya ng litrato. Lalo na 'pag nahuhuli ng camera ko ang mga ekspresyon niyang bibihira ko lang makita."

"Pa, paano ka lumapit kay Mama kung ganoon pala ang turing niya sayo noon?" tanong ko dahil nacu-curious talaga ako kung paano niya napaibig ang isang babaeng tulad ni Mama—tulad ni MJ.

"Alam mo anak, ang mga babaeng gaya ng Mama mo at ng babaeng liligawan mo ay ang mga tipo ng babaeng mahirap, pero worth it paamuhin. Para silang mabangis na hayop na napakahirap hulihin ng kiliti at tiwala pero sa oras na makuha mo 'to, talaga namang mapapasabi ka nalang ng, "Buti nalang talaga at siya ang napili ko. Hinding hindi ko pagsisisihan ang desisyon kong 'to." Dahil sila 'yung mga tipo ng babaeng 'pag nagsimulang magpakita ng soft side nila at magsimulang matutong magmahal, purong puro at pawang katotohanan lang ang ipapakita niya sayo dahil 'yon ang katauhang matagal na niyang itinatago sa likod ng tigasin niyang maskara."

Patuloy lang akong nakinig sa lahat ng mga sinabi niya at hindi ko mapigilan minsang mapangiti dahil unti unti akong nalilinawan. Iba pala talaga 'pag base sa tunay na karanasan ang ikinukwento sayo dahil talaga namang makaka-relate ka.

"One way of taming her? Be her weakness. Be the reason for her to see that she's still a girl. She's just afraid to show her soft side maybe because she's afraid to be hurt or something. Babae pa rin naman sila kahit na kilos lalaki sila. Minsan nga, magugulat ka pa 'pag nakita mo na ang girly side nila dahil talaga namang maninibago ka." Natatawang sabi ni Papa. "Look at your Mom, look at the outcome of my actions before. Look how I changed her into a house wife material. Hindi ko sadya 'yon pero dahil na rin sa mga panunuyo, pagpupursigi at pagtitiyaga ko, nakuha ko rin sa huli ang matamis niyang oo." Aniya at muli akong tinapik sa balikat ko.

"Ang mga bagay na tunay mong pinaghirapang makuha't maabot ay ang mga bagay na hindi mo rin kayang bitawan nalang nang basta basta. Dahil palaging papasok sa isip mo 'yung mga efforts at 'yung pinaka dahilan mo kung bakit gusto mo siyang mapasayo. Lagi mo lang tatandaan na kung gaano sila kahirap makuha, ganoon din sila kahirap ingatan kaya maiging pag iingat ang gagawin mo, anak. Isang maling galaw at maaari siyang mawala sayo. Bagay na sa huli'y pagsisisihan mo."

Napangiti nalang ako sa lahat ng narinig ko mula kay Papa. "Thanks, Pa." nakangiti kong sabi.

"Basta, anak, ituring mo siyang prinsesa kahit na para sa kanya isa siyang prinsepe. Pasayahin mo siya kahit na pakiramdam niya, kaya niyang sumaya ng wala ka. Pilitin mong maging malaking bahagi ng mundo niya. Tipong sa kada oras na magkakalayo kayo, dapat mami-miss ka niya. Maging kapit-tuko ka kung kailangan. Just don't be afraid to try and try until you reach your goal. Darating din ang panahon na magugulat ka nalang, hinahanap hanap ka na niya."

Tumango lang ako.

"At alam mo ba ang isang magandang pambungad na move para sa mga tulad nila?"

Napakunot ang noo ko. "Ano po?"

Umakbay siya sa'kin at sinabing, "Ang babaeng palaban, daanin mo sa pick-up-an." Aniya na ikinalapad lalo ng ngisi ko. "Thanks, Pa."

"Anong pinag uusapan niyong dalawa, ha?" napapitlag kami ni Papa nang biglang may umakbay sa aming dalawa. Walang iba kundi si Mama.

"Hon, alam mo ba 'tong bunso mo? Binata na! Nagtatanong kung paano daw ba manliligaw!" halakhak ni Papa habang si Mama naman ay tila nagulat.

"OMG!!! Who's the lucky girl? Ipakilala mo siya sa amin ng Papa mo, ha? Gosh! Finally!" tili ni Mama at napapakamot nalang ako ng ulo. Hays. My ever excited Mom.

Nächstes Kapitel