Noong narinig ni Qiao Anhao ang boses ni Lin Shiyi, yumuko muna siya ng ilang
sandali at nang muli niyang itaas ang kanyang ulo, nginitian niya ito na para
bang may kinikimkim na galit.
Ang ibig sabihin lang nito ay hindi pala talaga totoo na mapayapa na ang
relasyon nila ni Lin Shiyi kagaya ng nangyayari nitong mga nakaraang araw:
Pinagplanuhan nito ang lahat para sa araw na 'to.
Dahil sa naging reaksyon ni Lin Shiyi, nakumpirma ni Zhao Meng na ito talaga
ang may pakana ng pagbabago ng script. Hindi niya kayang kumalma kagaya ni
Qiao Anhao kaya noong mga oras na 'yun, halos mangi-ngiyak siya sa sobrang
sama ng loob.
"Dahil ba ito sa script?" Gusto talagang pikunin ni Lin Shiyi ang magkaibigan
kaya kahit hindi na siya pinansin ng mga ito noong unang beses siyang
magtanong, muli nanaman siyang nagsalita habang nagpapanggap na binabasa
ang bagong script. Makalipas ang ilang sandali, gulat na gulat niyang sinabi,
"Ha, bakit naman nabago ang script ng ganito…"
Matagal ng mainit ang dugo ni Zhao Meng kay Lin Shiyi kaya hindi niya kaya
ngayon na nagpapanggap pa itong inosente, tuluyan na siyang sumabog at
walang isip isip na sinabi, "Isa lang naman ang rason kung bakit nagbago script
at yun ay dahil may mga walang hiyang bumaboy nito!"
Sino bang magaakala na mapipikon ang nagpapanggap na kalmadong si Lin
Shiyi matapos magsalita ni Zhao Meng. "Sinong tinatawag mong walang hiya?"
"Hindi ba sa lahat ng taong nandito, IKAW dapat ang pinaka nakakaalam kung
sino ang tinatawag kong walang hiya!" Pasinghal na sagot ni Zhao Meng bago
niya galit na galit na titigan si Lin Shiyi. Wala siyang balak na bigyan ito ng
pagkakataong mangatwiran kaya hindi pa man din ito nakasagot ay nagpatuloy
siya sa paglalabas ng kanyang sama ng loob, "Anong nangyari? Ginamit mo
lang naman ang pribado mong relasyon sa investor na sumusuporta sayo para
mapalitan ang script, at ngayon nahihiya ka na pinagsisigawan ko ang totoo?
Sige, bakit hindi mo sabihin sa lahat kung magkano ang inilabas mong pera para
baguhin ang script?"
Natural talagang matalas ang dila ni Zhao Meng kahit noong nagaaral palang ito
sa university kaya noong sandaling magbitaw ito ng masasakit na salita, hindi
na alam ni Lin Shiyi kung paano siya sasagot pero dahil ayaw niya talagang
magpatalo, pangasar siyang tumawa at padabog niyang itapon sa lamesa ang
hawak niyang script. Hindi siya interesado kay Zhao Meng kaya imbes na
makipagtalo rito ay galit na galit niyang tinitigan si Qiao Anhao.
"Qiao Anhao, wag mong sabihing nagagalit ka dahil dito? Ganito talaga ang
takbo sa industriya. Kung sino ang mayaman, siya ang makakakuha ng
pagkakataon. Kung hindi mo kayang tanggapin ang pagkatalo mo, bakit hindi ka
maglabas ng ilang libong milyon para maibalik ang script sa dati? Kung wala ka
namang kakayahan, wag kang umastang may karapatan kang magalit. Isa pa,
wag mo ngang utusan ang assistant mo na ieskandalo ang ibang tao!"
"Lin Shiyi, sa tingin mo ba inutusan ako ni Qiao Qiao na ieskandalo ka? Kung
ganun, bulag ka pala eh! Nabulag ka na ata simula noong maging kayo ng lalaki
mo!" Sa sobrang galit ni Zhao Meng, hindi niya na pinagisipan ang bawat
salotang bibitawan niya, "Papaalalahanan lang kita, Lin Shiyi! Tigil tigilan mo na
yang pagpapakitang gilas mo sa bulag mong boyfriend sa harap ni Qiao Qiao.
Hindi ka ba natatakot na masampal? Paano kaya kung malaman mo na yung
lalaking pinagmamalaki mo ay wala palang kalaban laban ultimo sa hibla ng
buhok ng boyfriend ni Qiao Qiao!"
"Isa pa, mataas na ang tingin mo sa sarili mo dahil lagi kang nanlilibre ng tsaa?
Kung yan lang ang kaya mo, gusto ko lang ipaalam sayo na sa isang salita lang
ng boyfriend ni Qiao Qiao ay kayang kaya niya tayong bigyan ng paid leave!
"Siyempre, wag na nating palayuin. Kung script lang ang kaya mong
manipulahin, pwes kaya ka niyang tanggalan ng mismong role! Oo nga pala,
hindi lang role mo ang kaya niyang tanggalin dahil kayang kaya niya ring patigil
ang pagfifilm ng pelikulang ito kahit kailan niya man gustuhin!"
Pagkatapos magsalita ni Zhao Meng, biglang tumawa ng malakas si Lin Shiyi na
para bang nakarinig siya ng sobrang nakakatawang biro at hindi nagtagal ay
naghahamon siyang sumagot, "Kung talagang kaya mong gawin yan, Qiao
Anhao, pwede ba naming irequest na tawagan mo siya? Papuntahin mo siya dito
ngayon para naman makilala siya ng lahat."