webnovel

Chapter Two

NAPUNA kaagad ni First Nicholas ang pamumugto ng mga mata ng kanyang ina. Pinigil niya ang sariling mapasimangot. Alam na niya kung bakit namumugto ang mga mata ng ina. Hindi na ito natuto. Ilang ulit nang sinaktan ng kanyang ama ngunit sige pa rin nang sige ang kanyang ina.

"He made you cry again," he stated.

God knew how much he loved his mother. Dahil mahal niya ang ina, ayaw na ayaw niyang nasasaktan ito. Ayaw na ayaw niyang may nananakit dito—kahit pa ama niya ang taong iyon. Ngunit paano niya poprotektahan ang ina kung ito mismo ang gustung-gustong i-expose ang sarili sa pananakit ng ibang tao?

"Nick, please..." anito sa pagod at nakikiusap na tinig.

Hindi siya nagpaawat. Minsan, mahirap talagang magpalaki ng magulang. "Kailan ka matututo, `Ma? Kapag wala ka nang natitirang respeto sa sarili?"

"I love him, anak. Kahit anong pilit ko, hindi ko mapigilan." Namamasa at namumula na naman ang mga mata nito. Naawa siya rito. Bakit naging dakilang martir ang kanyang ina?

"He won't leave his wife for you, `Ma. Hindi noon, lalong hindi ngayon."

"Habang may buhay, may pag-asa. You are his only son. Ikaw ang panganay niya." Base sa tinig ng kanyang ina, halatang mahigpit na nakakapit ito sa pag-asang iyon.

Napailing siya. Hindi niya alam kung matatawa o maiiyak siya. Binitiwan niya ang hawak na kubyertos. Nawalan na siya ng gana sa pagkain. Nais niyang iuntog sa pader ang kanyang ina upang magising na mula sa kabaliwan nito.

He was hurting already. It was just making him hate his father more.

"He would never, `Ma. Ako ang panganay niya at nag-iisang anak na lalaki pero hindi iyon mahalaga. He would never leave his wife and daughters.

"Bakit ba patuloy mo siyang tinatanggap? Bakit patuloy mo siyang hinahayaan na saktan ka? Nandito lang siya sa buhay natin kapag may kailangan siya. Hindi tayo ang priority niya. Mahalin mo naman ang sarili mo, `Ma. Maawa ka naman sa `kin." Halos lumuhod na siya rito sa pagsusumamo.

Kailan ito magigising? Bakit may mga taong baliw sa pag-ibig tulad ng kanyang ina?

"Anak, please..."

Tumayo na siya at walang salitang iniwan ang ina. Bahala itong magpakatanga.

Naglakad-lakad siya sa labas. Hindi niya nakalimutan ang usapan nila ni Michelle na lilipat siya sa bahay ng mga ito. Magbabawas muna siya ng galit at lungkot bago siya lilipat sa kabilang bahay.

Siya ang panganay na anak ng kanyang ama ngunit hindi ang kanyang ina ang pinakasalan nito. Nakatakda na kasi ang kanyang ama na magpakasal noon sa babaeng asawa na nito ngayon.

He was a product of a one-night stand.

Mula pagkabata ay hindi siya nagkaroon ng normal na pamilya tulad ng iba. Ang kanyang ama ay paminsan-minsan lamang dumadalaw sa kanya. Minsan, animo totoong mag-asawa ang kanyang ina at ama. Noong katorse anyos siya, sumugod sa bahay nila ang tunay na asawa ng kanyang ama. Naeskandalo sila. Inaway nito sa harap niya ang kanyang ina.

"Kabit ka!"

Tumatak sa isip niya ang mga salitang iyon. Oo, kabit ang kanyang ina dahil patuloy itong nakikipagkita at sumasama sa kanyang ama kahit alam nitong may pamilya na ang huli. Nasasaktan siya nang husto para sa kanyang ina. Sa nakikita niya, hindi mahal ng kanyang ama ang kanyang ina. Ang kanyang ina naman na nuknukan ng tanga ay patuloy na umaasa na iiwan ng kanyang ama ang asawa nito upang manatili nang permanente sa kanila.

He firmly believed it would never happen. Kung talagang mahal ng kanyang ama ang kanyang ina, matagal na sana nila itong kapiling.

Ang masaklap sa lahat ay kamukhang-kamukha niya ang kanyang ama. Palaging sinasabi ng kanyang ina na halos pareho sila ng pag-uugali. Ang totoo, natatakot siyang maging katulad ng ama. Ayaw niyang maging katulad ng kanyang ama.

"First" ang ipinangalan sa kanya dahil siya ang unang bastardo sa pamilya ng kanyang ama at ina. Siya ang unang malaking pagkakamali ng kanyang ama. Siya ang unang anak. Siya ang unang apo ng dalawang pamilya.

The name was apt for him but he hated it. Isang tao lang ang nais niyang tumawag niyon sa kanya. He wanted to be her first—first love, first kiss, first boyfriend, first and last husband.

Nang medyo maayos na siya ay nagtungo na siya sa bahay nina Michelle. Ito ang nagbukas ng pinto. Awtomatiko itong napangiti. Kaagad na naglaho ang lahat ng sama ng loob niya dahil sa ngiting iyon. Michelle never failed to make him feel good.

No, he would never be like his father. He would strive to be the best man for his Michelle. Hindi niya ito sasaktan. Mamahalin niya ito nang sobra-sobra.

TULALA si Michelle habang nakaharap sa telebisyon. Sampung minuto na yata siyang ganoon. Hindi niya mapaniwalaan ang nakita. Si First Nicholas nga ba ang nakita niya sa commercial ng isang lollipop? He was singing and dancing with four other boys.

It was awesome. Lalo itong gumuwapo.

Matiyaga siyang naghintay na ipalabas uli ang commercial. Nais niyang papaniwalain ang sarili na si First nga ang kanyang nakita. The commercial was aired again after two hours.

Indeed, it was First Nicholas. Hindi siya namamalikmata lang. It was really her friend!

Bakit hindi niya alam na gumawa pala ito ng commercial? Bakit hindi ito nagkuwento sa kanya? Dati naman ay kinokonsulta siya nito sa mga ganoong bagay.

Inayos niya ang sarili at nagtungo sa bahay nina First. Ang mama nito ang nagpatuloy sa kanya. Hinanap kaagad niya ang kaibigan. Nasa court sa likod-bahay raw si First, naglalaro ng basketball. Kaagad na pinuntahan niya ito.

"Hey," bati nito nang makita siya. He was busy dribbling his ball.

Sinamahan niya ito sa court. "You made a commercial," aniyang inagaw ang bola rito na madali naman niyang nagawa. "I just saw it a while ago," wika niya bago inasinta ang ring. Shoot ang bola.

Natawa ito at kinuha ang bola sa kanya. "Really? Naipalabas na pala `yon." Ito naman ang nag-shoot. "Maganda ba? Hindi ko pa nakikita, eh. Maganda ba ang rehistro ko sa camera? Magaling ba akong sumayaw at kumanta?"

Hindi na siya nagtangkang agawin uli ang bola. Ayaw niyang pagpawisan nang husto. "Bakit hindi mo sinabi sa `kin?" May kalakip na tampo ang tinig niya.

Tumigil ito sa pagdi-dribble at niyakag siyang maupo sa isang bench. Nagpunas ito ng pawis. "I joined the commercial to piss off my dad. Kompanya niya ang manufacturer ng lollipop na iyon."

Kaagad na naunawaan ni Michelle ang lahat. Muli siyang nakaramdam ng awa para kay First. Pilit na ngumiti siya rito. "The commercial is awesome. Ang cute ninyong lima."

"Sino ang pinakaguwapo sa `ming lima?"

Kunwari ay nag-isip pa siya nang matagal. "Iyong nasa gitna. Ano'ng pangalan n'on?"

Nalukot ang mukha nito na muntik na niyang ikatawa. "Si Vann Allen? You could have at least lied in front of me."

"O, siya. Ikaw na ang pinakaguwapo," kunwari ay napipilitang sabi niya.

Natawa na ito. "Pero alam mo, ang sayang gawin n'ong commercial. Ang saya kasama ng mga boys. Ang babait lahat. Makukulit din. Para na nga kaming barkada, eh. Nagkita kami noong isang araw. Lahat sila, mahilig sa musika."

Natuwa siya sa nakikitang kinang sa mga mata nito. Tila ito bata na nakahanap ng mga bagong makakalaro.

Mahilig si First sa musika. Ang sabi nito dati, nais nitong kumuha ng musika sa kolehiyo. Pero Business Management ang kinuha ni First dahil iyon ang nais ng ama nito. Kahit gustong suwayin ang ama ay hindi nito nagawa dahil sa pakiusap ng ina. Umaasa raw si Tita Miriam na pamamahalaan ni First balang-araw ang mga negosyo ng ama nito.

"Maiinis kaya ang dad mo sa commercial na iyon?" bigla niyang naitanong. "Ang ganda ng pagkakagawa, eh. Baka nga matuwa pa siya dahil tataas ang sales ng lollipops."

Ngumisi si First. "Makikita `yon ng asawa at mga anak niya. Alam mo namang galit ang mga iyon sa aming mag-ina."

Hinawakan niya ang kamay nito. "Kailan mo kakalimutan ang galit na matagal mo nang dinadala, First? Hindi ka ba napapagod?"

Pinisil nito ang kamay niya. "Kapag tumigil na siya sa pagpasok sa buhay naming mag-ina, saka ko pa lang pakakawalan ang galit ko sa kanya. Gusto kong kalimutang may ama ako pero siya ay entra naman nang entra sa buhay namin. Nasasaktan lang lagi si Mama tuwing iniiwan niya para bumalik sa asawa niya."

"I want you to be totally happy, First. Gusto ko, makaramdam ka ng kapayapaan ng loob. I'll pray for you."

Marahan siya nitong niyakap. Naipikit niya ang mga mata. It felt so good. Sana ay ganoon din ang nadarama nito nang mga sandaling iyon.

"Thank you," bulong nito.

HINDI akalain ni First Nicholas na magiging sobrang hit ang lollipop commercial na ginawa niya. Everyone went gaga over the "Lollipop Boys," their monicker.

Walang reaksiyon ang kanyang ama sa commercial. Ang akala pa naman niya ay maiinis ito sa kanya. Ang nais lang kasi nito ay mag-aral siyang maigi palagi. Kahit ang pagba-basketball niya ay mahigpit nitong tinututulan.

Nagkaroon sila ng offer na pasukin nang tuluyan ang music industry. Dahil mahilig talaga siya sa musika ay pumayag siya. Masaya rin siya sa nabuong grupo nila. Everyone was nice. Tila nakahanap siya ng mga kapatid sa katauhan nina Enteng, Rob, Maken at Vann Allen.

Lalong hindi niya akalaing tatangkilikin sila nang husto ng mga tao. Mabilis ang naging pagsikat ng Lollipop Boys. Palakas nang palakas ang tilian ng mga tao. Nagtala ng mataas na record ang sales ng unang album nila.

Hindi niya akalaing talentado rin pala siya. He could sing, dance and act. Masaya siya sa kanyang kinaroroonan. Masaya siyang nagagawa na niya ang mga bagay na gusto niya.

Suportado siya ng kanyang ina. She was so proud of him. Kahit si Michelle ay ganoon din. Natutuwa siyang makita ang kislap sa mga mata nito habang pinanonood siyang mag-perform sa stage. Kahit hindi siya tinitilian, alam niyang suportado siya nito.

Isang araw, bumisita ang kanyang ama sa kanila. Nagkataong off niya kaya nasa bahay lamang siya. Bigla na lang siyang sinampal nito. Lihim siyang napamura. Sana ay hindi iyon magpasa dahil may mall show ang Lollipop Boys kinabukasan.

"What is your problem?" angil niya. Ang kapal ng mukha nitong saktan siya, samantalang hindi naman ito naging ama sa kanya sa totoong kahulugan ng salitang iyon.

"You quit school!" his father's voice thundered.

"Yes! So what is the friggin' big deal? Hindi ko na kayang mag-aral. Lagi rin naman akong absent. Lagi akong puyat. Lagi pa akong pinagkakaguluhan."

"Quit being a Lollipop Boy then!" utos nito. Ang kapal talaga nito.

"You are so ungrateful, Dad. Nang dahil sa Lollipop Boys, tumaas nang husto ang product sales ng lollipop mo. Endorser pa rin kami ng mga produkto mo. May narinig ba akong 'thank you' mula sa `yo? Wala. Oh, I forgot, we're paid to do the job. Alam ba ng mga empleyado mo na anak mo ako? Ay mali, bastardo pala."

"Damn you! Wala kang karapatang magsalita sa akin nang ganyan. Anak lang kita."

"Hindi ka ba proud sa `kin, Dad? Everyone admires us."

"Hindi ito ang buhay na pinangarap ko para sa `yo, First. Finish school. Baka maging proud pa ako sa `yo."

Nagsalubong ang mga kilay niya. "Bakit? Ako ba ang mamamahala ng mga negosyo mo pagdating ng araw? Hindi ako interesado. Ipamana mo ang lahat ng mga ari-arian mo sa mga legal mong anak na parehong babae."

"Go back to school." Umalis na ito.

Tila walang nangyaring nagtungo si First sa kusina at nilagyan ng yelo ang pisnging sinampal ng ama.

"Nick, anak..."

Hindi niya nilingon ang kanyang ina. Tila alam na niya ang ipapakiusap nito sa kanya, at ayaw niyang makinig dito.

"I'm happy being a Lollipop Boy, Mama," aniya. "Just let me be. I think I've found my place in the sun. At isa pa, kumikita ako ng sarili kong pera. Hindi na natin kailangang umasa pa sa sustento niya. Hindi magtatagal, hindi na natin siya kakailanganin."

"Pero paano ang pag-aaral mo?"

"Magtatapos din ako. Hindi naman habang-buhay ay member ako ng boy band. Kapag hindi na ako busy ay ipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko," pangako niya. Kapag dumalang na ang mga offer at may ipon na siya, ipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral.

"Ikaw ang pamamahalain niya ng mga negosyo—"

"Ayoko sa mga negosyo niya, `Ma," putol niya sa sinasabi nito. "Magsisikap ako para makapagpatayo ako ng sarili kong negosyo. Hindi ko man mapantayan ang yaman niya, matatawag ko namang akin iyon. Wala tayong magiging kahati, Mama."

Niyakap siya nito. Awtomatikong gumanti siya ng yakap.