webnovel

Chapter Twelve

"HINDI ka na naman nakainom ng gamot mo."

Nginisihan lang ni Vann Allen si Nick, at ipinagpatuloy ang pagdo-drawing sa mukha ni Rob na kasalukuyang natutulog. Eyeliner ang ginagamit niyang pan-drawing. Initiman niya ang palibot ng mga mata ni Rob. Nilagyan niya ito ng bigote, at "pimples" sa mga pisngi. Mahinang napahagikgik siya. Sa kanilang lima, si Rob ang tila mantika kung matulog.

Tahimik na lumabas sila ni Nick ng silid ni Rob pagkatapos niyang isagawa ang "krimen." Sina Maken at Enteng ay natutulog na rin sa kanya-kanyang silid. Sila na lamang ni Nick ang gising.

Nakatira sa iisang bahay ang Lollipop Boys. Hindi nila inaasahang magiging mabilis at matindi ang pagsikat nila. Wala yatang tao sa Pilipinas na hindi nakakakilala sa kanilang lima. Lahat yata ng tao ay tinitilian sila—babae, lalaki, bakla, tibo, matanda, bata, may ngipin o wala.

The support they got was very overwhelming.

It was kind of scary, too. Minsan ay natatakot silang ma-disappoint nila ang mga fans nila. Natatakot silang mabigo ang mga ito. Napakaraming tao ang nagmamahal nang lubos sa kanila kaya naman dapat nilang galingan palagi ang mga ginagawa nila.

Tumigil na rin silang lima sa pag-aaral. Minsan, masuwerte na kapag inaabot ng apat na oras ang tulog nila. Kulang na lang ay hati-hatiin nila ang mga katawan nila upang magawa ang lahat ng mga dapat nilang gawin. Kabi-kabila ang trabaho nila.

Wala nang problema ang pamilya niya sa pera. Maayos na ang pamumuhay nila. Hindi na rin namamasada ng jeepney ang tatay niya. Naipaayos na niya ang bahay nila. Kung magpapatuloy ang magandang trabaho niya, makakabili na siya ng bagong bahay para sa pamilya niya.

"Ba't ang saya mo?" tanong ni Nick sa kanya habang patungo sila sa kuwarto niya.

"Maayos daw ang baby ko, sabi ni Nanay. Pati raw si Iya, maayos. Tuwang-tuwa si Frecy sa mga binili niya para kay Iya at sa baby. Ang gusto ko sana, ako ang kasama sa pamimili pero hindi na ako puwedeng maglagi sa public places. `Di bale na. Ang mahalaga ay maayos at malusog sila."

"Talagang pinanindigan mo ang pagiging tatay," anito habang umiiling. "Hindi ko alam kung bibilib ako sa `yo o ano. Sana may nakilalang katulad mo ang nanay ko noon. Hindi siguro ako lalaking may galit sa puso para sa ama ko kung may naligaw na katulad mo sa buhay ni Mama noon."

Tinapik niya ito sa balikat. Alam niya ang kuwento ng buhay nito.

Hindi niya alam kung ano ang iniisip ng mga kaibigan niya sa kanya. Namamangha ba ang mga ito sa debosyon niya kay Iarah? Tanga ba ang tingin ng mga ito sa kanya? Isang lalaking martir? Nagtataka kaya ang mga ito kung bakit hindi niya mapakawalan ang isang babaeng nadisgrasya ng iba?

Kahit gusto niyang bumitiw kay Iarah ay hindi niya magawa. Natatagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na hindi ito matiis. Hindi niya maatim na hindi bumalik dito. Kailangan siya ni Iarah. Hindi niya ito maaaring iwan. Kahit nagagalit siya rito ay nagbabalik pa rin siya kapag lipas na ang lahat ng galit sa sistema niya. Lagi niya itong napapatawad at naiintindihan.

"Do you realize she's bad for your career?"

"You mean, she's bad for our career? Yes, I know that. Kaya nga lagi akong maingat. I don't wanna ruin everything. Ilang araw ko na siyang hindi nakikita pero pinipigilan ko ang sarili kong puntahan siya. Kawawa rin siya kung ma-e-expose siya sa publiko. Maigi na lang at may mga kapatid at mga magulang ako na tumutulong sa amin."

"Why do you love the baby so much? It's not yours, Vann."

Ngumiti siya. "He's Iya's baby."

Muli itong umiling at saka marahang tumawa. "Sana talaga ay nagkaroon ako ng stepdad na katulad mo. Ang suwerte ng batang iyon. Hindi pa man siya ipinapanganak, may mabuting ama na siya."

Pumasok na siya sa silid niya. Excited na siya sa pagsilang ng sanggol ni Iarah. Sigurado siyang mamahalin niya ang batang iyon kahit ano pa ang mangyari. Magiging maayos ang lahat.

Sana ay magtuluy-tuloy ang suwerteng dumarating sa kanya. Sana ay patuloy na dumating ang mga trabaho. Kahit madalas ay pagod siya, hindi niya magawang magreklamo. Hiningi niya dating magkaroon siya ng pagkakakitaan, ibinigay naman iyon sa kanya ng Panginoon. Kailangan niyang paghusayin pang lalo ang kanyang ginagawa alang-alang sa mga taong napapasaya niya.

PIGIL-PIGIL ni Iarah ang mapahalakhak habang nakatingin siya kay Vann Allen. "Sigurado kang gusto mong sumama sa OB?" tanong niya.

"Of course!"

Tuluyan nang humulagpos ang halakhak niya. Sapu-sapo niya ang malaking tiyan niya habang humahalakhak. Ngingiti-ngiti lang ito sa kanya. Humalukipkip ito at tila hinihintay ang pagtigil niya sa pagtawa.

Napatingin siya sa ayos nito. Lalo siyang natawa. Hindi yata mapapatid ang pagtawa siya sa araw na iyon.

"Loka, tumigil ka na sa kakatawa. Kanina ka pa. Baka mapaanak ka nang wala sa oras niyan. Napaka-extreme mong babae ka. Dati, iyak ka nang iyak. Ngayon naman, tawa ka nang tawa."

Hindi siya makasagot dahil iniihit pa rin siya ng tawa. Maluha-luha na siya at halos hirap na siya sa paghinga.

"Stop, Iya," utos nito habang tinatakpan ang bibig niya.

Pinilit niyang tumigil sa kakatawa. "Paano ako titigil sa pagtawa kung baklang-bakla `yang boses mo?"

Nakabihis-pambabae ito. Mukha talaga itong babae. Ang galing ng kung sinumang naglagay ng makeup dito. Hindi mukhang wig ang buhok nito. Ang ganda ng suot nitong mahabang bestida.

Nang pagbuksan niya ito kanina ng pinto ay hindi agad niya ito nakilala. Kung hindi pa ito nagsalita ay hindi niya malalamang si Vann Allen ito. Pati paglalakad nito ay animo babae ito. Nakakatawa lamang ang tinig nito dahil boses-bakla ito.

"Nag-i-internalize ako, gaga!" anito sa pinaarteng tinig. "Halika na, male-late na tayo kay Doktora."

Matagal na siya nitong gustung-gustong samahan sa ob-gyn niya. Ngunit alam nitong hindi ito basta-basta dapat lumabas sa publiko. Bukod sa dudumugin ito ng mga tao, mapapasama rin sa imahe nito kapag nakita ng mga taong may sinamahan itong isang buntis na magpapa-check up. Iniiwasan ng manager ng Lollipop Boys na magkaroon ito ng malaking intriga.

Pero makulit si Vann Allen. Umisip na lang ito ng paraan upang masamahan siya sa ob-gyn niya. Siguro naman daw na walang makakakilala rito kung magdi-disguise ito bilang babae. At iyon nga ang ginawa nito. Nagbihis-babae ito.

Nagtungo na sila sa klinika ng ob-gyn niya. Habang papasok sila sa klinika ay ipinaikot niya ang kanyang braso sa braso nito. "Salamat," aniya rito. "Maraming salamat talaga. I appreciate your big effort para lang makasama sa akin ngayon dito. Natatawa lang ako sa boses mo, pero nata-touch talaga ako."

Hinaplos nito ang tiyan niya. "Gusto ko kasing ma-experience `to, eh."

"Ang alin? Ang mabuntis? Hindi puwede, bakla ka," aniyang natatawa na naman.

Inihilamos nito ang kamay sa mukha niya. "Alam mo kung ano ang sinasabi ko. Kailangan ko pang magganito para lamang masamahan kita sa doktor."

"Bagay naman sa `yo, eh. Nakakainis. Mas maganda ka pa sa akin." Hindi na niya naituloy ang pagtawa nang makita niyang napatulala ang guwardiya kay Vann Allen habang papasok sila sa loob ng klinika. Nabighani yata ang guard sa "kagandahang" taglay ni Vann Allen.

Kinindatan naman ito ni Vann Allen.

May pila pagdating nila sa klinika ng ob-gyn niya. Panglima siya. Kapapasok pa lang daw ng unang pasyente. Umupo muna sila sa waiting area.

Binuksan ng medical secretary ang maliit na telebisyon. Sa isang music channel naka-tune in iyon.

"Miss, diyan na lang," aniya nang akmang ililipat nito ang channel. "Aabangan ko ang bagong kanta ng Lollipop Boys."

Ngumiti sa kanya ang medical secretary. "Talaga, Ma'am? Ang dami ngang nag-aabang sa kanila. Maraming mga buntis na pinaglilihihan ang mga Lollipop Boys. Kayo rin?"

Tumango siya. "Crush ko si Maken." Nginisihan niya si Vann Allen nang kurutin siya nito sa braso.

"Ako, si Vann! Ang guwapu-guwapo niya, grabe!" anang sekretarya. Kulang na lang ay mamilipit ito sa sobrang kilig.

"Ako rin, si Vann ang gusto ko. Gusto ko, kamukha siya ng magiging anak ko," anang isang buntis.

Pagkatapos ng isang music video ay sunod na ipinalabas ang music video ng Lollipop Boys. Nagulat siya nang biglang tumili si Vann Allen na animo isang tipikal na bakla!

"Ang mga asawa ko!" sabi nito. "Ang guguwapo!"

"Vannesa!" kunwari ay saway niya rito. "Behave." Matindi ang pagpipigil niyang matawa. Mahirap na, baka mabuko pa sila nang wala sa oras.

"Sinong babae ang makakapag-behave kung ganyan kaguwapo ang mapapanood mo?" tugon nito sa kanya. Napapakagat-labi pa ito habang pinapanood nito ang sarili sa telebisyon. Ang galing-galing nito. Baklang-bakla talaga ito kung kumilos.

"Hindi ka babae. Bakla ka," aniya.

Nagtawanan ang mga buntis na kasama niya.

Lumabi si Vann Allen. Oh, he was beautiful! "Matris lang ang lamang ninyong mga babae. Mas masarap kaming magmahal."

Hinampas niya ito sa dibdib. Napahagikgik siya nang tumama ang kamay niya sa "mga bundok" nito. Ano ba ang inilagay nito sa dibdib nito upang tumambok nang ganoon?

"Be careful with my babies, sis," anito sa kanya.

Tawa lang siya nang tawa.

Talagang nakipagbiruan pa ito sa ibang mga buntis. Pati ang mga ito ay tuwang-tuwa rito. Nagbigay pa ito ng ilang tsismis sa sekretarya tungkol sa Lollipop Boys.

Mayamaya ay tinawag na siya para suriin ng ob-gyn.

"Hello, Doktora," bati niya.

Ngumiti ito sa kanya. "Kumusta ang buntis?" masuyong tanong nito pagkatapos silang paupuin.

"Okay lang po, Doc," sagot niya.

Napatingin ito sa kasama niya. "Hindi mo kasama si Nanay Sol?"

"May ginagawa po, eh. Si Vannesa po, kaibigan ko."

Nagbatian ang dalawa.

"Doc, puwede bang dito na rin ako magpa-checkup sa `yo? Mukhang mabait ka, eh. Ikaw na lang ang OB ko," sabi ni Vann Allen dito. Feel na feel talaga nito ang pagiging babae.

Natawa ang ob-gyn niya. Kahit siya ay natawa na rin. Sa tinig pa lang nito, bistado nang hindi ito babae.

"Malapit nang lumabas ito," anang doktora nang humupa na ang tawanan nila.

"Oo nga po," tugon niya. "Ang lakas pong sumipa minsan. Ang likut-likot sa loob."

Napangiti ito. "Ganoon talaga. Hindi na sumasakit ang likod mo?"

"Hindi na po."

"Bakit hindi mo sinasabi sa akin kapag sumisipa siya?" tanong ni Vann Allen sa kanya. May himig ng pagtatampo sa tinig nito. "Hindi mo man lang itinatawag."

Napatingin siya rito. "Vann, alam kong busy ka sa trabaho. Alangan namang abalahin pa kita dahil lang sumipa siya?"

"Ah, basta."

"Iya, higa ka na," anang doktora. "Tanggalin mo rin ang panty mo. IE kita mamaya. Tingnan natin kung bumababa na."

Tumingin siya kay Vann Allen. "Labas ka muna."

Ngumisi ito. "`Yoko. Dito lang ako. Maghuhubad ka lang naman ng panty mo. Ano ba'ng ikinakahiya mo? Meron din naman ako niyan, sistah."

"Wala ka nito, bakla. Sige na, labas ka muna. Nakakahiya! Balik ka na lang kapag nakaprep na `ko."

Natatawang lumabas ito. Nag-alis siya ng panloob at tinulungan siya ng isang nurse na mahiga sa examination table. Pinapasok ng nurse si Vann Allen nang maayos na siya. Natatakpan ng kumot ang ibabang bahagi ng katawan niya. Inililis ng doktora ang maternity dress niya at sinukat ang laki ng tiyan niya. Pinakinggan din nila ang tibok ng puso ng bata.

Tila namamangha si Vann Allen. Napapangiti pa ito habang nakikinig sa heartbeat ng bata. Siya ay may napansin sa tibok ng puso ng baby niya. Parang iba sa pandinig niya iyon ngayon. Parang humina.

Nang ilagay ng nurse ang mga paa niya sa stirrups ay binalingan niya si Vann Allen. "Labas ka na uli," aniya rito.

"Ayoko."

Pinisil niya ang isang dibdib nito. "Labas."

Natatawang tumalima ito. Ibinuka ng doktora ang mga hita niya. Inumpisahan nito ang internal examination.

"Mataas pa," anito habang hinuhubad nito ang gloves nito. Tinulungan siya ng nurse na makabangon. "Maglakad-lakad ka, ha, para hindi ka mahirapan sa panganganak mo."

Nagtungo siya sa banyo at nag-ayos. Pagbalik niya ay naroon na si Vann Allen at kausap ang doktora. Itinatanong nito ang mga bagay na dapat ihanda sa panganganak niya. Natutuwa siya rito. Pakiramdam niya ay wala siyang dapat alalahanin dahil naroon ito sa tabi niya. Ganoon siguro ang nadarama ng lahat ng buntis na pinapanagutan ng mga nakabuntis.

"Vitamins pa rin, Iya, ha," bilin ng doktora sa kanya."Mag-exercise ka para hindi ka mahirapan. Magpa-ultrasound ka uli ngayon kung may oras ka pa. Gusto ba ninyong malaman kung ano ang sex ng bata?"

"Hindi po," maagap na sabi niya. "Gusto ko pong masorpresa."

Ginawan sila nito ng request. Inilagay nito roon na ayaw nilang malaman ang sex ng bata. Nagtungo kaagad sila sa ultrasound laboratory.

Mas namangha si Vann Allen sa ultrasound room. Hindi lang kasi nito naririnig ang tibok ng puso ng bata, may nakikita rin ito. Sa pagkakataong iyon, tila mas malakas ang tibok ng puso ng anak niya. Mas normal sa pandinig niya. Siguro ay sa instrumentong ginamit lang nagkaiba kaya ganoon ang pandinig niya. O maaaring namali lang siya ng dinig.

Kung may mali sa tibok ng puso ng anak niya, sasabihin ng mga ito iyon sa kanya. Maayos ang baby niya. Malusog niya itong ipapanganak sa mundo.

Si Vann Allen ang nagpilit magbayad ng lahat ng fee niya kahit sinabi niya ritong may pera pa siya. Ayaw niyang mag-away sila dahil lang doon kaya pinagbigyan na niya ito.

Hindi agad sila umuwi. Nagtungo pa sila sa isang mall. Namili ito nang namili ng gamit ng bata. Hindi ito magkandatuto sa pagdampot ng mga bagay na magustuhan nito. Kahit nais niya itong pigilan dahil hiyang-hiya na siya rito, hindi niya magawa. Nakikita niya kasi ang kasiyahan sa mga mata nito, at ayaw niyang burahin iyon.