webnovel

You're Still The One [Filipino]

Mula high school ay gusto na ni Sheyi si Cj. Nagsimula lamang sa isang kasinungalingan ng kanyang kaibigan hanggang sa unti-unti ay nahulog na siya dito. Si Cj ang nagturo sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig. Dahil din dito ay naranasan niya ang umiyak at masaktan at ang umasa sa wala. Unang taon niya sa high school nang makilala at nang mahulog siya rito. Hindi niya inaasahan na sa kanilang muling pagkikita ay naroon parin sa kanyang puso ang nararamdaman para rito. At katulad noon, binibigyan siya muli nito ng pag-asa na nauuwi lamang din sa wala. Pero bakit? Dama niya na may nararamdaman din ito sa kanya ngunit bakit siya nasasaktan? Bakit kailangan niyang masaktan? Pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman niya? Biro lamang ba dito ang lahat?

Avvynibini · Realistic
Not enough ratings
45 Chs

T W E N T Y F I V E

  Sheyi's POV

Pagkauwi ko ay hindi na ako lumabas pa ng kwarto kahit na tinatawag nila ako para sa hapunan. Hindi ko din sinagot ang text at tawag sa cellphone ko at hinahayaan lang itong tumunog. Ayokong makipag-usap ngayon. Gusto ko lamang mapag-isa.

Maga ang mga mata ko ng maisipan kong bumangon upang magpalit ng damit. Napabuntong hininga ako ng makita ang sarili sa salamin. Nang matapos sa pagbibihis ay muli akong humiga sa kama ko at tumitig sa kisame.

Bumaha na naman sa ala-ala ko ang mga naganap kanina. Muli na namang bumalong ang mga luha sa aking mga mata. Hindi ko maintindihan kung bakit ako nasasaktan ng ganito. Tanggap ko naman na hindi siya para sa akin pero ang pagsalitaan niya ako ng mga masasakit na salita ay sobra na. Hindi ko akalaing pati siya ay sasabihin iyon. Wala akong paki-alam kung ano ang tingin sa akin ng iba pero nadudurog ang puso ko kapag naaalalang pati si Cj ay ganoon ang tingin sa akin. Napapikit ako kasabay ang pagtulo ng aking mga luha. Hanggang ngayon ay ganito parin ang sitwasyon ko. Hanggang ngayon ay nasasaktan parin ako ng dahil sa kanya.

Kinabukasan ay hindi ako pumasok. Hindi ko parin binubuhay ang cellphone kong namatay dahil sa mga tawag nila Lorraine, Arlyn at Antony. Nagi-guilty ako kasi alam kong nag-aalala sila para sa akin tapos hindi ko pa sinasagot ang mga tawag nila. Bumangon ako para kuhanin ang cellphone ko at para i-charge ito.

Pagkatapos ay nagtungo ako sa banyo upang maghilamos at ayusin ang sarili bago nagpasyang lumabas. Si Mama lamang ang naabutan ko sa sala. Nagwawalis ito doon. Binati ko siya at saka nagmano. Sinabi niyang may pagkain sa lamesa pero hindi siya nagtanong kung bakit mugto ang mga mata ko. Marahil ay hinihintay niyang ako mismo ang magkusang magkwento pero sa ngayon, ayoko munang isipin ang mga bagay na iyon.

Tahimik akong kumain at pagkatapos hugasan ang mga pinggan ay muli akong nagtungo sa kwarto. Binuksan ko ang aking cellphone at katulad nga ng inaasahan ko ay sandamakmak na text at missed call ang tumambad sa akin.

Nagtext ako sa kanila at sinabing masama ang pakiramdam ko kaya ako umuwi kahapon at kaya hindi nakapasok ngayon. Hindi na ako nag-abalang tawagan sila dahil tiyak naman na kapag nabasa nila ang text ko ay sila na mismo ang tatawag. Nahiga akong muli at natulog. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako dahil sa magdamag na pag-iyak.

Nagising lamang ako dahil sa marahang pagyugyog sa akin at nang magmulat ako ng mata ay si Mama ang nakita ko. May bisita daw ako sa labas. Alam kong si Antony iyon kaya pinilit kong pasayahin ang sarili bago humarap sa kanya.

Naabutan ko siyang kalaro ang bunso kong kapatid. Napansin ko din ang mga dala nitong pagkain na nakapatong sa lamisita. Inutos ko kay Danica na dalhin na sa kusina ang mga pinamili ni Antony pero pinigil niya ako.

"Ako nalang ang magdadala nyan, ako na ang magluluto," sabi niyang nakangiti. Tinulungan ko siyang bitbitin lahat sa kusina ang mga iluluto niya.

"Baka hindi mo alam, chef ako sa resort ni Dad bago niya ako ilipat sa restaurant," pagmamalaki nito bago magsuot ng apron at simulan na ang pagluluto. Marami siyang dala, may isda, karne ng baka at baboy saka mga sea foods gaya ng pusit at malalaking hipon. Wala naman akong naitulong dahil sabi niya ay siya nalang daw at panuurin ko nalang siya. Habang nagluluto at naghihiwa ay nagkukwento siya. Para siyang nasa isang cooking show kaya hindi ko mapigilang mapatawa.

"Charan!," masayang sambit niya ng sa wakas ay matapos na lahat at nailuto na lahat ng iluluto. Hindi ko alam ang mga pangalan ng mga dishes na niluto niya pero katulad ito ng mga niluluto noon ni Cj na putahe na pinatitikim niya sa akin noong assistant cook niya ako sa restaurant.

Napabuntong hininga ako ng mapagtantong siya na naman ang iniisip ko.

"Tawagin mo na sila para makakain na tayo," masayang sambit niya habang inaayos lahat ng mga niluto niya sa aming mesa.

"Wow kuya Antony ang sarap mo palang magluto," sambit ni Danica habang kumakain na kami.

"Salamat, sinarapan ko talaga iyan para gumaling ang ate mo," sabi naman ni Antony sabay lingon sa akin.

"Masarap ba?,"

Tango lamang ang isinagot ko sa kanya bago muling sumubo.

Magkalasa lamang ang luto niya sa luto ni Cj, parehong masarap pero parang may kulang. Siguro dahil si Cj ang nagluto noon.

Si Cj na naman? Hanggang kailan mo ba balak saktan ang sarili mo She.

Napailing ako dahil sa naiisip at bago pa tuluyang malaglag ang butil ng luha na sumungaw sa gilid ng aking mata dahil sa naisip ay agad ko itong pinahid. Kita ko sa gilid ng aking mga mata na nakatingin sa akin si Antony. Malamang ay nakita niya ang ginawa kong pagpahid sa aking luha. Sinubukan ko na lamang ibaling ang atensyon sa pagkain at sa masayang huntahan ng mga taong nakapaligid sa akin. Ganoon din ang ginawa ni Antony. Si Danica ang nagprisintang mag-hugas ng pinggan kaya naman ako na lang ang nag ligpit sa lamesa. Nang matapos ako ay pinuntahan ko sa terrace si Antony. Naabutan kong magkausap sila ni Papa pero ng makita ako nito ay agad din itong nagpaalam kay Antony upang bigyan kami ng privacy. Umupo ako sa tabi niya.

"Alam kong ayaw mong pag-usapan ang dahilan kung bakit ka biglang umalis kahapon kaya naman sasabihin ko nalang sayo ang plano ko," panimula niya habang nakaupo kami sa upuan ng aming terrace.

"Anong ibig mong sabihin?," takang tanong ko matapos siyang lingunin. Halata sa kanyang mukha na mayroon siyang malalim na iniisip.

"Ililipat kita sa resort," sagot niya. Saglit akong natigilan. Gusto kong umalis na sa restaurant dahil sa nangyari kahapon pero lalo lamang nilang iisipin na tama sila kapag pumayag ako sa sinasabi ni Antony. Pero ayoko din namang isipin niya na ayokong umalis doon dahil kay Cj. Napabuntong hininga ako bago pumayag sa gusto niya. Sa tingin ko kasi ay iyon ang mas nakabubuti para sa aming lahat. Sinabi niya sa akin na sa restaurant din niya ako ilalagay para hindi ako mahirapan dahil gamay ko naman na ang trabaho doon. Pagkatapos naming pag-usapan ang lahat ay nagpaalam na siya dahil kailangan pa daw niyang ayusin ang paglipat ko. Sinabi niyang bukas din ay pwede na akong magsimula at wag ko na raw intindihin kung malayo ito dahil hatid sundo naman niya ako. Nagpasalamat ako sa kanya at inihatid siya hanggang sa kanyang kotse.

"Paano, mauuna na ako," sabi niya bago hawakan ang mga kamay ko.

"She, I love you,"

Napalunok ako dahil hindi ko na naman alam kung ano ang isasagot sa kanya.

"Uhm i-ingat ka sa pagmamaneho," sambit ko.

Ilang sandali siyang tahimik at wari mo'y may hinihintay bago niya ako yakapin ng mahigpit.

"Alam kong siya parin, pero hindi ko magsasawang maghintay," sabi niya bago ako pakawalan. Kita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Hindi ko maiwasang makaramdam din ng lungkot dahil nasasaktan ko ang isang taong walang ibang ginawa kundi ang pasayahin ako. Ginawaran niya ako ng halik sa noo bago muling magsalita.

"Pumasok kana sa loob,"

Tahimik ko siyang pinanuod habang pasakay siya sa kanyang kotse hanggang sa makaalis na siya. Kita ko ang lungkot sa mga mata niya. Napabuntong hininga ako bago mapagdesisyonang pumasok na sa loob ng bahay.

Ano ba itong ginawa ko! Lalong nagiging kumplekado ang lahat.

~~

Antony's POV

Halos mamuti na ang mga kamao ko dahil sa higpit ng pagkakahawak sa manibela. Sa halip na magdiretso sa resort para ayusin ang paglipat ni Sheyi ay sa restaurant ako dumiretso.

Alam ko ang dahilan kung bakit umuwi si She kahapon ng walang pasabi. Nakita ko sa cctv ng restaurant. Hindi ko lang alam ang mga sinabi ni Cj kay She pero alam kong masakit ito dahil ganon ang naging reaksyon ni She.

Tanggap ko na hindi ko siya mabubura sa puso ni She pero ang hindi ko matatanggap ay ang pananakit niya dito.

Nang makarating ay agad akong bumaba sa sasakyan at sa kusina nagdiretso.

"Pwede ba tayong mag-usap?," sambit ko kay Jhon ng huminto ako sa tapat niya. Abala siya sa paghihiwa ng mga iluluto. Tinawag niya ang bago niyang assistant at binilinan ito ng ilang bagay bago ako harapin. Sinabi kong sa labas kami mag-usap. Tahimik siyang sumunod sa akin hanggang sa makalabas kami.

"Hindi ko alam kung ano ang sinabi mo kay She pero isa lang ang malinaw, sinaktan mo na naman siya," sambit ko bago humarap sa kanya. Tahimik lamang siya habang nakatingin sa akin.

"Hanggang kailan mo ba siya balak saktan? Malinaw naman na iba ang gusto mo pero bakit hanggang ngayon sinasaktan mo parin siya,"

"Ikaw ang naghahatid ng sakit sa kanya," sambit nito matapos ang ilang sandaling pananahimik. Napailing ako dahil sa narinig.

"Hindi mo ba alam ang mga chismis na kumakalat dito? Narinig niya lahat ang mga iyon,"

Syempre alam ko iyon. Inihahanda ko na ang parusa sa mga malalaman kong nagpapakalat ng mga ganoon.

"Kaya ba mas pinili mo siyang saktan kaysa damayan?," inis na tanong ko.

"At wag mong intindihin ang mga chismosa dito, naghahanda na ako ng paraan para patigilin sila,"

"Sa tingin mo ba mapapatigil mo sila sa pananakit kay She? Mas lalo lang lalala ang sitwasyon kapag may ginawa ka sa kanila,lalo lang nilang iisipin na tama sila," sabi nito. Nilapitan ko siya at hinawakan sa kuhelyo.

"Wala akong paki-alam kung ano ang iisipin nila, basta para kay She, lahat ay gagawin ko," nagtatagis ang mga bagang na turan ko sa kanya.

"Ikaw ang gusto kong tumigil sa pananakit sa kanya. Hindi mo naman siya gusto hindi ba? Bakit hindi mo na lang siya pabayaan?,"

"Ilalayo mo siya dito? Para saan? Dahil alam mong kahit anong gawin mo ay hindi niya ako malilimutan?," sa narinig ay mas lalong nagpuyos ang damdamin ko. Binitawan ko siya bago bigyan ng isang malakas na suntok. Ramdam ko ang impact ng kumunekta sa panga niya ang kamao ko dahilan para mapaatras siya. Hindi na ako magtataka kung paano niya iyon nalaman dahil alam kong si Ana ang nagsabi sa kanya.

"Tanggap ko na hindi kita mapapalitan sa puso niya. Ang hindi ko matanggap ay kung bakit kailangan mo siyang pahirapan. Ano bang plano mo? Pahirapan siya habang buhay dahil mahal ka niya!??," hindi ko na napigilan ang sumigaw dahil sa galit.

"Kung gusto mo siya bakit hindi mo siya ipaglaban? Kung may nararamdaman ka sa kanya magpakalalaki ka at ipaglaban mo siya! Wag mo siyang pahirapan!,"

"Ano pa bang ipinagpuputok ng butse mo? Nasa iyo na nga siya hindi ba?," masama ang tingin sa akin na sabi niya habang pinupunasan ang dugo sa gilid ng labi. Nilapitan ko siya at muling hinawakan sa kuhelyo.

"Ito lang ang sasabihin ko sayo, kung hindi mo siya ipaglalaban,tiyak na pag-sisihan mo dahil hinding-hindi mo na siya makukuha sa akin kahit kailan," sabi ko bago siya bitawan.

"Kahit sabihing ikaw ang gusto niya,"

Nang masabi iyon ay iniwanan ko na siya at pumasok na sa loob. Nakita kong maraming mga empleyado ang nakasilip at siguradong nakakita sa nangyari.

"Bumalik na kayo sa trabaho!," sigaw ko sa kanila bago tuluyang lisanin ang restaurant.

***