webnovel

Chapter 15

[Jillian's POV]

"Cupid, pwede mo bang ipakilala sa akin ang soulmate ni West?" tanong ko sa kanya habang nandito kami ngayon sa Mcdo at kasalukuyang nag i-stress eating.

"Hindi pwede. Hindi pa nakatakda," sagot naman ni Cupid habang idini-dip niya ang French fries niya sa hot fudge sundae.

"Bakit naman? Eh 'di ba ima-matchmake ko rin naman siya at 'yung babae?"

"Hindi pa rin pwede. Mamaya madaliin mo ang kay Luke at Elise at bigla mo na lang i-matchmake si West."

Hindi ako umimik. Ganun naman kasi talaga ang plano ko. Gusto ko nang mag jump agad sa lovelife ni West. Paano ba naman kasi parang pinipilipit sa sakit ang puso ko dahil sa ginawa ko sa kanya. Nasaktan ko siya. Nasasaktan ko siya. At alam kong mas masasaktan ko pa siya. Monster man ang tingin ko sa kanya noon, alam ko ngayon na hindi naman pala talaga siya ganoon. Ang isang taong kung mag mahal ay katulad ni Sir West ay malayong-malayo sa pagiging isang halimaw.

Mukhang ako pa ata ang halimaw.

Sabay kaming napa-buntong hininga ni Cupid kaya napatingin ako sa kanya.

"Miss na miss mo na siguro si Psyche 'no?"

Lumungkot bigla ang mukha ni Cupid, "oo. Sobra. Hay, kung hindi nga lang ninakaw ng isa diyan ang pana ko, edi sana matagal na akong nakauwi ngayon at masaya kaming magkasama ni Psyche."

Sumimangot naman ako. Bwiset na 'to. Kino-comfort na nga tapos biglang ganun!

"Hindi pa rin kayo magkakasama kasi gagawa at gagawa si Ayesha ng paraan manakaw lang ang pana mo!" irita kong sabi sa kanya.

Bigla naman niya akong nginitian, "ang init ng ulo mo. Joke lang 'di ba? Tsaka isa pa may tiwala ako sa'yo na maayos mo ito."

"Teka lang Cupid, naisip ko lang, kahit magawa kong i-matchmake si Luke at Elise. Si West at ang nakatadhana sa kanya pati si Zyron at ang nakatadhana rin sa kanya, paano kung mas magalit si Ayesha at hindi niya ibalik ang pana mo? Paano na?"

"Wag kang mag-alala, may alam na akong paraan para maibalik sa akin ang pana ko."

"Ano 'yun? Isinumbong mo siya kay Aphrodite? Kay Zeus? Kay Athena? Kay Hades? Anoooo?"

"Hindi. Hindi ko pwedeng gawin 'yun. Pero may hiningan ako ng tulong at kasalukuyan nang ginagawa ang bagay na kakailanganin ko. Sa ngayon, kailangan mo munang gawin ang trabaho mo okay? Mag focus ka doon at hayaan mo muna si West. Magiging okay rin siya. Parte ng buhay ang ma-brokenheart. Hindi naman siya suicidal na tao eh."

Sinimangutan ko ulit si Cupid. Nakakainis kasi talaga ang nilalang-este-god na ito eh. May pagka-selfish siya.

Pero kung sabagay, wala naman ako talagang ibang magagawa kundi ang pabayaan na lang si West.

Sana nga lang, hindi talaga siya suicidal na tao.

Apat na araw akong pahinga sa bahay. Natapat kasi ng Thursday at Friday ang suspension ko sa trabaho at sakto namang Saturday at Sunday ay wala akong pasok.

Minsan nandito si Cupid at nakikikain. Minsan naman ay bigla-bigla na lang siya nawawala at ewan ko kung saan nagpupunta. Pag tinatanong ko naman siya kung ano ang pinagkakaabalahan niya, ang sagot niya ay kung hindi nag m-malling ay gumigimik siya. Niyayaya pa akong mag bar.

Bwiset talaga ang isang 'yun. Walang katino-tino sumagot.

Monday morning, ten minutes bago ang time ako nakarating sa office. Ibang klase kasi ang traffic pag Lunes. Ang hirap pang sumakay ng jeep kasi palaging punuan. Si Cupid naman ay hindi bumisita sa pamamahay ko ngayong umaga kaya hindi ko napakiusapan na ihatid ako sa office gamit ang hocus-pocus niya.

Pagka-pasok ko ng opisina, halos lahat ng mga katrabaho ko ay nandoon na. Nasa isang gilid nga sila at nagkukumpulan eh. Nang lumapit ako, nagulat ako nang nakapalibot pala sila kay Sir West at mukhang masayang nag ku-kwentuhan habang kumakain ng pancit canton at pandesal.

Teka, namamalikmata ba ako? Nakikipagkwentuhan si Sir West sa kanila?

"Jillian andito ka na pala!" salubong sa akin ni Enid. "Tara dito oh. Nanlibre ng pandesal at pancit canton si Sir West!"

Napatingin ako bigla kay Sir West. Talagang nanlibre siya?!

He avoided my gaze at nginitian niya si Enid.

"B-baka kasi hindi pa kayo nag aalmusal kaya nanlibre ako," sabi niya rito at bigla na naman namula ang tenga niya.

"Ang bait naman ni Sir!" masiglang sabi ni Elise at bigla niya akong hinila sa pwesto niya at inabutan ng pandesal na may palamang pancit canton. "Ayan. Kainin mo 'yan!"

Ibinalik ko sa kanya yung pandesal, "kakakain ko lang ng almusal eh."

"Asus! Kahit na. Masama tinatanggihan ang grasya!" at muli niyang ibinalik ang pandesal sa kamay ko.

"Oo nga, masamang tinatanggihan ang grasya," mahinang bulong ni Sir West.

Napailing na lang ako habang naka-ngiti.

Obvious naman kasi kung bakit niya ginagawa ito eh. Pero ewan ko ba kung bakit parang natutuwa ako?

"Ay teka, gusto mo nang coffee? Ipagtitimpla kita?" alok ni Luke sa akin.

O-oo na sana ako nang biglang nagsalita si Sir West.

"Wag na! W-wag na. Dalawang baso ang nalagyan ko ng kape eh-uhmmm accidentally. Ito na lang sa kanya. Lalagyan na lang ng mainit na tubig 'to."

Dali-daling nagpunta si Sir West sa water dispenser without looking at us. Sinundan ko naman siya doon.

"Ano Sir West---"

"-hindi ako nanlibre dahil sa'yo ah! Wag kang mag assume!" pagputol niya sa sasabihin ko. "T-tsaka isa pa, masama bang manlibre sa mga ka-officemates? Normal na bagay lang 'yun!"

Inabot niya sa akin ang tasa ng kape na tinimpla niya at agad niya akong tinalikuran atsaka pumasok sa loob ng opisina niya.

Maniniwala na sana ako sa kanya kung hindi lang siya guilty eh. At ang cute niya ma-guilty at mahiya. Pulang-pula ang dalawang tenga niya.

Napa-palo ako bigla sa noo ko.

Ano ba Jillian! Ba't ka natutuwa sa inaasal ni West? Dapat kabahan ka kasi hindi epektib ang pambabasted mo sa kanya. Ayaw ka pa rin niyang layuan. Mas masasaktan mo siya!

Anak ng pana naman oh!

Nagtungo na ako sa desk ko para mag simula nang trabaho. Kaya lang, pag dating ko doon, nakita kong may nagiwan na naman ng chocolates.

Nakalagay sa note na "For Jillian" pero walang naka-sulat kung kanino nanggaling.

Kung sabagay. Hindi na naman kataka-taka kung kanino galing ang chocolates na ito. Malamang si Sir West na naman ang nag-iwan nito.

"Secret admirer?" tanong sa akin ni Luke na ngayon ay naka-silip sa desk ko.

I shrugged my shoulders, "baka nantitrip lang."

"Grabe naman pantitrip 'yan. Talagang gumastos siya? Baka secret admirer talaga."

"Ewan. Wala namang ibang tao ang pwedeng magkagusto sa akin sa opisinang ito," except si West dahil napana ko siya.

"Malay mo naman. But whoever that guy is, sana siya yung taong mabuti at hinding-hindi ka sasaktan."

Nginitian ako ni Luke. Yung normal na ngiti lang niya pero napaka-daling makapang-hawa kaya naman napangiti na lang din ako.

Madalas siyang ganito sa akin noong college pa kami. Concerned, overprotective friend. Kaya naman nahulog talaga ako sa kanya. Mabuti kasi siyang tao at kaibigan. Isa pa, he is capable of making someone feel so special---kahit hindi niya sinasadya.

Kaya ayun, hindi rin sinasadya na may nahuhulog sa kanya at umaasang may gusto rin siya sa kanila. At isa na ako doon. Yun nga lang, ako ata ang pinaka-matagal na umasa.

"Luke, alam mo ba, na-realize ko lang na kahit gaano kabuti ang isang taong minahal mo, kung hindi naman talaga siya ang nakatadhana para sa'yo, masasaktan at masasaktan ka pa rin niya."

Biglang ipinatong ni Luke ang kamay niya sa ulo ko at ginulo ang buhok ko.

"Kung anu-ano na ang sinasabi mo, Jill. Puro romance stories ba ngayon ang manuscripts na ine-edit mo?"

Tinawanan ko siya, "oo eh! Naapektuhan na nga ata ang utak ko."

"Kainin mo na lang yung chocolates na ibingay sa'yo ng secret admirer mo. Pantaggal stress 'yan," sabi niya at bumalik na siya sa pwesto niya.

Kung kaya lang gamutin ng chocolate ang mga pinagdaraanan ko ngayon. Hay.

Sinimulan ko nang mag-trabaho. So far, wala pa namang nanggugulo sa araw ko ngayon. Kaya lang mga bandang bago mag lunch time, biglang tinawag ni Sir West ang attention namin at halos malaglag ako ng makita ko si Cupid sa tabi ni Sir West. Ipinakilala niya sa amin si Cupid bilang Eros Evangelista, our new proofreader.

"Hi I'm Eros!" masayang-masaya na bati sa amin ni Cupid. "Pinsan ko nga pala si Jillian Evangelista! Hi Jillian!"

Nginitian ko siya at kinawayan pero hindi ko maitago ang pagka-mangha ko sa kanya. Seriously? Nag-apply talaga siya dito? At paano naman siya na-hire ng ganitong kabilis?

Ibang klase talaga pagka god ka!

Ibinilin siya sa akin ni West (at kinakausap niya ako nang hindi ako tinitignan sa mata). After nun, bumalik na ulit siya sa opisina niya. Si Cupid naman ay biglang dumiretso sa table ni Enid.

"Hi!" ngiting-ngiti na bati niya rito. Hindi siya pinansin ni Enid.

"Alam kong hindi maganda ang inasal ko sa'yo noong huling beses tayong nagkita. Sana patawarin mo ako. Gusto ko lang magpakilala sa'yo ng mas maayos. Ako nga pala si Eros," at inilahad niya ang kamay niya sa harapan ni Enid.

Tinignan siya ni Enid na para bang nag-aalangan siya kung kakamayan niya si Cupid o hindi. Natuwa naman ako nang makita kong aabutin na niya ang kamay ni Cupid. Kaya lang, bigla na lang pumagitna sa kanila si Edgar.

"Ang bilis mo pumorma pre ah. First day mo pa lang sa trabaho."

"Nagpapakilala lang ako sa kanya," chill na chill na sabi ni Cupid at tinalikuran na niya si Edgar atsaka lumapit sa akin.

"Kapag natapos na ang lahat nang ito at nakuha ko na ang pana 'ko," bulong sa akin ni Cupid, "kailangan mong ipaalala sa akin na dapat akong maging patas. Baka kasi bigla kong maisipang iduktong ang kapalaran ng edgar na 'yan sa isang unggoy."

Tinapik ko siya sa braso.

"Chill. Mas gwapo ka sa kanya."

"I know."