webnovel

WANTED PROTECTOR

When the protector of the law became the protector of the lawless. --- Gian Villareal, a PDEA agent, became a valiant protector of the law after completing his mission. But he became the bodyguard for Ellah Lopez, a stone-hearted heiress and unexpectedly fell inlove with her irreversibly. Circumstances forced him to learn a hideous truth, which led to him being chased down by the enemy and losing everything, including his name. But he returned with a new identity, rage in his heart and vengeance on his mind. He utilized deception extensively in the game of war he had to win.

Phinexxx · Urban
Not enough ratings
107 Chs

Chapter 88- The Connection

"LOLO PINATAYAN NIYA AKO NG PHONE!" singhal ng dalaga habang panay ang dial niya sa numero ni Gian subalit walang sagot.

"B-baka busy lang-"

"Shit! Busy? Ang tagal kong hinintay na makausap man lang siya kahit hindi na makita kung talagang nagpapagaling siya!"

Initsa niya ang cellphone sa kama at humagkis ang tingin sa abuelo.

"Bakit ninyo nagawa ang ganito? Bakit hindi ninyo ipinaalam sa akin na buhay si Gian!"

"Hija-"

"BAKIT!"

"May dahilan siya kaya hindi-"

"Halos mamatay ako sa pag-aalala at konsensiya sa kanyang pagkawala pero buhay pala siya at hindi lang nagpapakita!

Kahit ano pang idahilan niya hindi ko matatanggap!"

Hindi makakibo ang don na mas lalong nagpapadagdag ng sakit sa kanyang damdamin.

"Kailan pa?" pigil ang galit na ungkat ng dalaga.

Nilingon siya nito.

Matamlay ang anyo ng abuelo ngunit hindi siya nadala.

"Ellah hija-"

"KAILAN PA! KAILAN NIYO PA AKO NILOLOKO!"

Muling hindi kumibo ang abuelo.

Nag-iinit ang sulok ng kanyang mga mata. Ang dami niyang gustong itanong, isumbat subalit hindi sapat ang lahat upang maibsan ang sakit at hinanakit niyang nararamdaman.

Kahit ayaw umiyak ay hindi niya mapigil ang luha.

Umaagos ito kahit hindi nagpapaalam.

Alam niyang mababaw ang dahilang ito subalit napakasakit sa kanya.

Hindi lang sa paglilihim ng kasintahan kundi maging ang pagsisinungaling ng abuelo.

Pinagkakaisahan siya ng mga ito!

Bakit!

Tuluyang humagulgol ang dalaga.

Mabilis siyang kinabig ng abuelo at niyakap.

Tahimik ito habang siya ay mas lalong napaiyak.

Pagkakataon na sanang magpaliwanag ni Gian ngunit hindi siya kinausap.

Bakit!

Ano ang pinakamabigat na dahilan!

Pinilit niyang huminga ng malalim at kinalma ang sarili saka kumalas.

Tumalikod siya.

"Lolo sabihin mong makipagkita siya sa akin kung ayaw niyang hiwalayan ko siya."

Nanlaki ang mga mata ng don sa gulat.

"Huwag namang ganyan hija, may dahilan ang tao kaya-"

"Dahilan na kahit kayo ay hindi masabi sa akin."

"Siya ang dapat magsabi sa'yo-"

"Gusto kong mapag-isa," malamig niyang wika.

Marahang tumayo ang don.

"Ellah hija, t-tungkol sa espiya walang kahit sino man dito ang nakakaalam ng lihim na 'yon."

Hindi siya kumibo.

Tuluyan na itong lumabas ng kanyang kwarto.

Naghihinang napahiga ang dalaga.

Parang sasabog ang kanyang utak sa mga nalaman.

Pumatay ang abuelo at ngayon buhay pala ang kasintahan?

Kumuyom ang kanyang kamay na nakahawak sa bedsheet.

Tumalim ang kanyang tingin sa kawalan.

Hindi na niya alam kung kanino mas magagalit.

Kung sa abuelo ba na nagsinungaling o sa kasintahang naglilihim?

Napaisip ang dalaga.

'Kung talagang mabigat ang dahilan ng paglilihim niya

Bakit hindi sinabi akin?

Hindi ba niya ako pinagkakatiwalaan?

Pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan namin gaganituhin niya ako!'

Niloloko siya nito maging ng kanyang abuelo!

"Ang sama niya! Walang kasing sama! Hayop!"

Pinagtatapon niya lahat ng mahawakan.

Subalit natigil nang may maisip.

Dali-dali siyang tumayo at tinungo ang study room.

Kapag may problema ang abuelo ay dito ang puntahan.

Halos tumakbo siya makarating lang agad.

Hindi siya maaaring magkamali malakas ang kutob niyang si Gian at ang Acuesta na 'yon ay iisa!

At alam ng abuelo 'yon!

Subalit nasa pinto pa lang siya nang matigilan.

Naroon ang mayordoma at mariing nakatingin sa saradong silid.

Base sa nakikita niyang anyo ng matanda ay tila matalim ang tingin nito.

Nanlaki ang kanyang mga mata at naisip na posibleng kasamahan ito ni Julia!

Ibig sabihin may binabalak din itong masama!

Mabilis niya itong nilapitan.

"Manang Ising!"

Kulang ang salitang nagulat ang babae dahil namutla ito habang hawak ang dibdib.

"Ikaw pala hija."

"Masyadong malalim ang isip mo at hindi ako napansin," matigas niyang tanong.

Napalunok ito at kitang-kita ang takot.

"Anong ginagawa niyo diyan?"

"Ha?"

Mas tumindi ang kanyang kutob sa inaakto ng matanda.

Lahat na lang ba ahas!

Hinablot niya ang braso ng kaharap na ikinatigagal nito.

"Tinatanong kita anong ginagawa mo!"

"Hija, bitiwan mo ako nasasaktan ako," malumanay ang boses na wika nito ngunit hindi siya natinag.

Malumanay din magsalita si Julia pero espiya pala!

"Sagutin mo ang tanong ko! Ano magkasabwat ba kayo ni Julia ha!"

"Hindi!" iwinaksi nito ang kamay niya.

"Sinungaling!"

"Hija hindi! Maniwala ka, hindi ko alam ang sinasabi mo."

"Anong ginagawa mo dito?"

"Dito, dito pinatay ng lolo mo si Julia."

Napailing ang dalaga, hindi siya naniniwalang dito mismo pinatay ng abuelo ang katulong.

"Hindi... hindi totoo 'yan."

Hindi inintindi ng mayordoma ang sinasabi niya.

"Ang kinatatakot ko b-baka magmulto si Julia?" kitang-kita ang takot sa anyo ng matanda.

"Ang sabi nila kapag hindi natural ang pagkamatay magbabalik sila."

Nanindig ang kanyang balahibo sa braso at batok.

Ngayon lang nag sink-in sa kanyang sistema na may patay na sa bahay nila!

May namatay na sa mansyon!

Unti-unting umawang ang kanyang bibig at kumabog ng husto ang dibdib.

Tila nanghihina ang dalaga at nawalan ng lakas.

"Ellah!"

Muntik na siyang matumba kung hindi lang maagap ang mayordoma sa pagsalo sa kanya.

Mabilis umagos ang kanyang mga luha at nanangis habang nakakapit sa mga balikat nito.

"Manang, bakit? Bakit ginawa 'yon ni lolo? Bakit!"

Hindi kumibo ang matanda at niyakap na lamang siya, hanggang sa umiyak na rin ito.

Mas lalo siyang napaiyak.

Dito pa talaga sa bahay ginawa ng abuelo!

May isasama pa ba ito!

Bumukas ang pinto ng silid at bumungad ang don.

"Anong nangyayari dito? Ellah!"

Lumarawan ang pag-aalala ni don Jaime nang makita ang apong umiiyak.

Kumalas siya sa yakap at matalim na hinarap ang abuelo.

"D-don Jaime, aalis na po ako, Ellah hija." Hinaplos ng matanda ang balikat niya bago ito umalis.

Hinarap niya ang abuelo.

"Dito niyo ba pinatay si Julia lolo?" deretsong tanong niya.

"Hija-"

"DITO BA? DITO SA BAHAY!"

Lumamlam ang mga mata ng don bago yumuko.

"Patawarin mo ako, patawad kung nagawa kong kumitil ng buhay. Patawad apo."

Hindi na niya nakayanan ang mga nalaman at tumakbo pabalik ng silid.

Doon niya ibinuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman.

Hindi na niya alam alin ang iniiyakan.

Ang pagpatay ba ng abuelo at ang pagsisinungaling nito, ang pagkamatay ng katulong, o ang paglilihim ng kasintahan!

---

Nanginginig pa rin ang mga kamay ni Gian kahit na pinatay na niya ang cellphone.

Nakaupo na lang siya sa kama ngunit hanggang ngayon panay pa rin ang kabog ng kanyang dibdib.

Daig pa niya ang nahuli sa akto.

Sigurado siyang may nangyari kaya nalaman ni Ellah ang tungkol sa kanya.

Ni sa hinagap hindi niya maisip na mangyayari ang nangyari kanina.

Hindi ganito ang plano niyang pagtatapat ng katotohanan.

Ngayon paano niya ipapaliwanag ang lahat?

Naunahan siya nito!

Sigurado siyang napopoot na sa kanya ang kasintahan.

Kahit ano pang paliwanag niya siguradong hindi nito matatanggap.

Napapikit ang binata.

Hindi lang 'yon ang kanyang kasalanan, hindi nito alam na nagkukunwari lang siya sa ibang katauhan!

Ang alam lang nito buhay siya ngunit hindi lang ipinaalam dito.

Tiyak na kasusuklaman siya nito!

Posibleng maging dahilan pa ng paghihiwalay nila!

"Fuck!"

Mabilis niyang hinablot ang cellphone na nasa kama at binuhay ito.

Nanginginig ang mga kamay niya habang hawak ang aparato.

Pagkuwan ay mabilis niyang tinawagan ang don.

Kung talagang alam na nitong nagpapanggap siya wala ng dapat ilihim pa!

Magpapaliwanag na siya ngayon!

Ipapaalam na niya ang totoo!

"Gian hijo-"

"Don Jaime bakit si Ellah ang sumagot? Alam na ba niyang nagpapanggap ako? Alam na ba niyang ako talaga si Gian?"

Walang pagsidlan ang kaba na namamahay sa dibdib ng binata habang hinihintay ang tugon ng kausap.

"Hindi pa, wala akong sinabi.

Ang alam lang niya buhay ka at matagal ko ng alam."

Nakahinga siya ng maluwag.

Hindi lang niya alam kung mapapanatag sa narinig o hindi.

"Kumusta ho siya?"

"Umiyak nang umiyak."

Napapikit ang binata.

Pinakaayaw niya ang lumuha ang dalaga.

Lumuha na siya ang dahilan.

'Ako na naman!'

Ngunit mas may iiyak pa ito sa susunod na siya ang dahilan!

"Pero alam na niya na pinatay ko si Julia."

Dumilat siya at natigilan.

"Alam na rin niyang espiya ito ng kalaban.

Gian ngayon ako nagsisisi na pinatay ko siya. Buong buhay ko hindi pa ako nakapatay.

Ngayon lang, mismo sa mga kamay ko at pamamahay ko."

Naiintindihan niya ang nararamdaman ng don.

Noong unang makapatay siya ay halos hindi siya makatulog ngunit kailangang masanay siya dahil iyon ang kanyang trabaho.

Hindi maiiwasan ang kumitil ng buhay upang mabuhay.

" Hindi matanggap ni Ellah na nakapatay ako.

Galit na galit siya. Napopoot sa akin. "

"Don Jaime, patawarin niyo ako kung nakapagdesisyon kayo ng gano'n. Hindi ko kasi naisip na papatayin ninyo at sa bahay niyo pa."

"Nagkamali ako, nabanggit ko ang pangalan mo sa harapan niya mismo kaya napilitan akong gawin 'yon."

Napakurap siya sa narinig.

Nararapat lang itong mamatay.

Umigting ang kanyang panga.

"Kamatayan ang dapat kapag kalaban. Walang dapat mabuhay isa man sa kanila!"

"Naiintindihan ko nakukunsensiya lang ako."

"Naiintindihan ko ho don Jaime. Pero simula pa lang ito ng pagdanak ng dugo.

Malapit na tayong magtagumpay wala ng atrasan.

Mamatay ang mamatay!"

"Natatakot na ako para sa'yo. Delikado ang ginagawa mo!"

"Lalaban ako magkamatayan man!"

"Gian!"

"Don Jaime, hindi ako aatras ngayon pang nakuha ko na ang tiwala ng kalaban."

"Talaga?"

"Naniniwala na siyang magkaibang tao nga kami, maraming salamat po sa inyo don Jaime."

"Lahat gagawin ko para sa'yo Gian."

"Bukas ng gabi may shipment na sila at umaasa siya sa akin, sa atin na makalabas ng bansa ang mga kargamento."

"Tutulong ako sa abot ng aking makakaya."

"Salamat ho."

"Gian hijo, kailan mo ba planong magtapat ng katotohonan sa apo ko?"

Napalunok siya. Isa pa ito sa problema ngayon.

"Nahihirapan na akong pagtakpan ka, kilala mo 'yon magaling mang-uusisa lalo pa ngayong nalaman niyang buhay ka.

Nahihiya na ako sa apo ko hijo.

Isa pa sinabi niyang kapag hindi ka magpapakita hihiwalayan ka niya."

Nahigit niya ang hininga.

"Makikipagkita ho ako!" mabilis niyang sagot.

"Mabuti naman hijo."

"Patawad po don Jaime kung nadamay ko kayo, salamat sa pagtatanggol sa akin, pagkatapos nitong transakyon kakausapin ko na ho si Ellah, sasabihin ko na ang lahat."

"Salamat naman kung gano'n, hindi ako makakatulog kapag ganitong galit ang apo ko sa akin, siya na lang ang nag-iisa kong pamilya hijo sana ay maintindihan mo."

"Opo, huwag niyo ng alalahanin 'yan, ako na po ang bahala at maraming salamat sa tulong don Jaime."

"Lahat gagawin ko para sa' yo hijo, hangad ko ang tagumpay mo."

"Tagumpay natin, maraming salamat po."

"Mag-iingat ka. Huwag kang mag-aalala hanggat hindi pa natatapos 'yan ako ang bahala kay Ellah."

"Opo, don Jaime maraming salamat."

Pagkuwan ay napaupong muli ang binata.

Bukas ng gabi ang shipment ng mga kargamento ng kalaban.

Ang mga produkto ay ang mga droga na dito mismo ginawa sa bansa.

Maraming mga mahuhusay na mga dayuhan ang nagtulong-tulong upang magawa ang pinagbabawal na gamot at siyang ini export sa labas ng bansa.

Hindi pa ito natuklasan ng bansa ayon kay Roman.

Panibagong kasamaan.

Ngunit kailangan niyang tuparin ang pinangako sa kalaban upang makuha ng lubos ang tiwala ng mga ito kahit pa ang kapalit ay ang pagsira ng tungkulin sa bayan.

Hindi na siya alagad ng batas ngayon.

At hanggang ngayon ay nagtatago pa rin siya gamit ang ibang katauhan.

Iba na ang may pera, kayang pagtakpan ang lahat.

Salamat sa kalaban naging bilyonaryo siya ng biglaan!

---

"Talaga bang bukas na ang shipment?"

Hindi makapaniwalang tanong ng kausap.

Siya mismo ang bumisita sa pagawaan nila upang makausap ang namamahalang anak ng kanyang kaibigan.

Nasa opisina sila nito ngayon.

"May koneksyon ako anong nakakapagtaka roon?" nilalaro niya ng kamay ang kunting produkto nila.

Pinong-pino ito na kulay dilaw.

Ang isang supot nito na kukunti ang laman na halos kasing liit ng paminta na tig pipiso ay nagkakahalaga ng singkwenta mil.

"I'll tell this to dad, pakikilusin ko lahat ng tao namin."

"Jeric, ako na ang bahala sa lahat. Ipagpatuloy niyo lang ang paggawa ng produkto natin at ako ang bahala sa pagpapadala sa ibang bansa."

Umarko ang kilay ng lalake bago ngumisi.

"Ang galing tito Roman! Kung sino man 'yang koneksyon ninyo tiyak maimpluwensiya 'yan."

Ngumisi siya.

Sino ba ang hindi kung pangalawa sa pinakamayamang tao sa bayan ang may hawak?

Siguradong napakalakas ng impluwensiya nito.

Salamat sa isang Rage Acuesta!

Tumayo siya at binitiwan ang hawak.

"Bukas ng gabi dapat nakahanda na' yan lahat naiintindihan mo hijo?"

"Oho tito, pero paano kung mahuli tayo?"

Umiling siya.

"Magaling kayong gumawa ng paraan kaya imposible."

"Sa ngayon susubukan ko lang ang taong 'yon kung talagang maaasahan, kunti lang muna ang ipalabas natin."

"Okay tito, ipapahanda ko."

Bagama't kinakabahan ay tiwala naman siyang magtatagumpay sila.

Kapag hindi sila nakalusot iisa lang ang ibig sabihin.

Sa ngayon may tiwala pa siya sa isang Rage Acuesta, pangalawa sa may pinakamalakas na impluwensiya.

Pagdating sa bahay ay tinawagan niya ang koneksyon.

"Mr. Acuesta, magkita tayo, ngayong gabi alas syete impunto huwag mo sana akong bibiguin."

"Hindi mangyayari 'yon Roman. Trust me."

Trust.

Isang bagay na minsan lang niya ibinibigay.

---

Bukas ng gabi ang transakyon kaya hinahabol ni Gian ang oras.

Mamayang gabi makikipagkita siya sa kalaban.

Kailangang baguhin na naman ang kanyang anyo at ibalik sa dati.

Kailangang maging si Acuesta na naman siya ulit.

"Finish na sir," anang baklang may-ari ng salon na pinuntahan niya.

Humarap siya sa salamin at lihim na napangiti sa nakita.

Kulay asul ang buhok at may suot na salamin.

Wala ng bakas ng isang Gian Villareal.

Nagbayad siya bago lumabas.

Huminga ng malalim ang binata at tinawagan ang pinsan.

Hindi lang si don Jaime ang kailangan niya kundi maging ang nag-iisang Villareal na hinihingian niya ng pabor.

Nakailang ring bago nito sinagot.

"Ano na naman ba Villareal?" Iritado agad na bungad nito gano'n pa man lihim siyang nagpasalamat na sinagot pa rin nito ang tawag niya.

"Hendrix, may kakilala ka bang taga Interpol?"

"Ano? Ano na naman bang pinagagawa mo?"

"Bukas ng gabi may shipment ng droga patungong Beijing China. Isang trak ng droga na hindi pa nadidiskubre ng bansa.

Bagong gawa at sinusubukan pa lang kung papatok."

"Paano mo nalaman?"

Nahalata niya ang pagiging interesado nito sa pinag-uusapan.

"May koneksyon ako. Ikaw meron ka bang koneksyon sa Interpol?"

"Ofcourse, hindi ako mahina. Totoo ba 'yang sinasabi mo?"

"Hindi ako magsisinungaling Hendrix, kailangan ko ang tulong mo. Alagad ka ng batas malaki ang maiaambag mo sa lipunan kung magtatagumpay ka."

"Wala pa akong hinawakang kaso na pumalpak hindi gaya mo."

"Then good, I' m counting on you Hendrix, hintayin mo ang go signal ko kung kailan kayo kikilos," matigas niyang tugon.

"Ano? Hihintayin ko pa ang utos mo?" tila hindi makapaniwalang tanong nito.

"Kailangang mong hintayin dahil ikaw naman ang gagalaw pagdating sa ibang bansa."

"Hindi ka na pulis Gian isa ka na lang ordinaryong tao baka nakalimutan mo?"

"Ito lang ang tanging paraan upang malinis ang marumi kong pangalan. Sila ang nagdumi sila rin ang maglilinis nang hindi nila nalalaman."

"Paano kung pumalpak ka?"

"Buhay ko ang kapalit."

"Gago! Mag-isip ka ng mabuti gamitin mo ng husto ang utak mo bago ka kumilos naiintindihan mo!" singhal nito na ikinapagtaka niya.

"Sandali, concern ka ba sa akin?" nangingiti niyang tanong.

"Gago! Nakalimutan mo na ba si grandpa? Pinakapaborito ka niya ni hindi na niya siningil ang hiniram mong labing isang bilyon na kinalimutan mo lang! Isauli mo 'yon!"

" Huwag kang mag-aalala pagbalik ko diyan isasauli ko at susundin ang sinabi niyang ako ang hahawak ng kumpanya. "

Bigla itong natahimik.

" Natahimik ka Chairman?"

" Huwag ka ng bumalik dito, basta huwag ka lang din mamatay naiintindihan mo?"

" Sundin mo lang ang lahat ng sasabihin ko tungkol sa plano hindi ako mabibigo at magtatagumpay tayo. "

" Oo na! Ingat ka!"

"Ano?"

Nawala na ito sa kabilang linya.

Napangiti si Gian.

Pagkuwan ay tiningnan niya ang orasan.

Oras na ng tanghalian.

Tinawagan niya si don Jaime na agad nitong sinagot.

"Gian hijo?"

"Don Jaime may koneksyon ba kayo kay mayor?"

"Oo naman kaibigan ko 'yon bakit?"

"Kailangan ho natin ang tulong niya."

"Sasabihin ko."

"Makikipagkita ho sana ako kaya lang may problema. Pwede bang kayo na lang ho?

Sasabihin ko ang kailangan ninyong gawin."

"Bakit anong problema at hindi ka makakasama?"

Huminga ng malalim ang binata.

"Naging wanted ho ako noon hanggang ngayon wanted pa rin posibleng hindi makatulong."

Ang don naman ang huminga ng malalim.

"Pasensiya na hijo at hindi pa rin natin nalilinis ang pangalan mo, hindi bale, gagawa ako ng paraan."

"Ang pakikipag-usap niyo sa mayor ay malaking tulong na."

"Walang problema."

"Mamayang gabi ay makikipagkita si Roman sa akin don Jaime."

"Ano? Baka kung anong gawin sa'yo ng-"

"Relax ho, sinabi ko na nakuha ko na ang tiwala ng kalaban."

"Hindi pa rin ako kampante Gian."

"Kapag magagawa ninyo ang hinihingi kong pabor mas makakapampante na ho akong makikipagharap."

"Sige, gagawin ko lahat ng makakaya ko.

Ngayon din makikipagkita ako sa mayor. "

"Maraming salamat ho. Pasensiya na don Jaime naghahabol tayo ng oras para sa kaaway. "

"Naiintindihan ko. Mag-iingat ka."

Nagpasalamat ang binata.

---

Lahat gagawin ng isang don Jaime Lopez kahit pa ang utusan siya ng isang Gian Villareal, kagaya ngayon.

Sunod-sunod na pumarada ang tatlong itim na sasakyan sa tanggapan ng mayor ng Zamboanga City.

Bumaba ang lulan noon na agad napansin ng mga opisyal ng gobyerno.

"Si don Jaime 'yan hindi ba?"

Walang hindi nakakakilala sa kanya dahil sa kanyang mga tulong na naibigay sa bayan noon pa man.

Tuwing may kalamidad, at taon-taon ay binibigyan niya ang mayor ng porsyento sa kanyang negosyo.

Dahil doon nakilala siya at naging maimpluwensiya.

"Magandang hapon don Jaime, kumusta?" kinamayan siya ng isang lalaking bagama't may edad na ay matikas pa rin.

"Oy si Mayor o! Tsk talagang siya mismo ang sumalubong!"

"Mabuti naman mayor, salamat sa pagpapaunlak sa akin."

"Basta ikaw don Jaime, libre ang oras ko, pasok tayo."

"Salamat."

Magkasabay silang nagtungo sa opisina nito kasunod niya ang kanang-kamay.

Ang mga security guards ay nasa labas at nagbabantay.

Lahat ng madaanan nila ay bumabati at yumuyukod.

Pagdating sa loob ng tanggapan ay nagsiupo silang magkaharap sa sofang naroon.

Ito mismo ang nagtimpla ng kape para sa kanilang dalawa.

"Kape don Jaime?"

"Sige, salamat mayor." Tinanggap niya 'yon at hinigop.

Umupo naman ang kausap.

"Anong maipaglilingkod ko sa pinakamaimpluwensiyang tao sa buong Zamboanga Peninsula?"

Napailing ang don at ibinaba ang tasa sa platito.

"There is a certain man that I want you to help with, " panimula niya.

"And who is this man?"

"Sabihin na lang nating malapit sa akin."

Tumango-tango ang mayor.

"And their is this man that I really hate," naningkit ang mga mata niya sa taong naiisip.

"I know who's that person," napayuko ang mayor.

"Pasensiya na kung hindi namin siya mahuli-huli, lagi niyang nalulusutan ang lahat ng kasong isasampa sa kanya."

"Hindi na ngayon mayor. Kunting panahon na lang, ako mismo ang magdadala sa kanya sa kulungan."

Kumurap ang kausap.

Lahat gagawin niya mapagbayad lang ang kalaban kahit pa nangangahulugan ito ng kanyang pagbagsak.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Para magawa natin ang plano kailangang gamitin ninyo ang inyong kapangyarihan. Ito lang ang paraan upang iligtas ang bansa sa panibagong banta ng terorismo."

Nanlaki ang mga mata ng mayor sa narinig.

"Terorismo?"

"Kilala mo ang tinutukoy ko at may plano siyang tumakbo ng senador.

Sa pamamagitan ng kanilang gawain madali siyang makapasok sa senado.

Kaya dapat ngayon pa lang mapigilan na siya, dahil sa oras na manalo siya wala na tayong magagawa."

Pumormal ang kausap.

"Sabihin mo anong magagawa ko?"

"Ang mga grupong ito ay may ipupuslit na droga sa ibang bansa na dito ginawa sa bansa natin."

"Kailangang mahuli agad 'yan!"

Napatayo ang mayor at lumarawan ang galit na anyo.

"Iyon ang huwag mong gagawin," matigas niyang wika.

"Ano? Ibig mo bang sabihin hahayaan na lang nating makalusot sila? Hindi yata tama 'yan don Jaime!" hysterical na singhal nito.

Nanatili namang kalmado ang don.

"Mayor, kung minsan kailangang nating magpain ng mabigat sa malawak na dagat upang kumagat ang mga malalaking isda."

Napatingin ito sa kanya.

"Ayon sa nalaman ko, sample pa lang ito. At kapag nagtagumpay doon sila kikilos ng maramihang shipment.

Kinukuha pa lang ng taong malapit sa akin ang tiwala ng kalaban. Ito ang pagsubok sa kanya."

"Bakit hindi na lang natin i raid 'yan at nang matapos na?"

"Mayor, mautak si Roman kung hindi pa dapat matagal na siyang nahuli.

At kahit atakehin mo sila hindi natin alam kung nasaan ang kanilang pagawaan.

Hindi pa pinapakita sa tao ko ang laboratory nila.

At kung sakali man na kikilos kayo nang hindi ko nalalaman galamay lamang ang makukuha ninyo hindi ang ulo. "

"Sinasabi mo bang papayagan kong makalusot ang isang trak na droga?"

"Kung hindi mo 'yon gagawin hindi mo mahuhuli si Roman at ang mga kasamahan niyang terorista."

"Pero don Jaime kung papayag ako para na rin akong nagpaloko sa kalaban!"

"Mayor sige, kung susugpuin mo sila saan ka mag-uumpisa?"

Natahimik ito at tila nilimi ang kanyang sinabi.

"Doon sa makikita mo lang? Paano naman ang mga hindi mo pa nakikita?"

Hindi pa rin ito kumikibo at kumukuyom lang ang mga kamay sa ibabaw ng mesa.

Wala na ang masayahing anyo ng butihing mayor nila.

"Kapag pinagbigyan mo ako sa hinihingi kong pabor, mauubos natin ang kasamaan ni Roman."

Tumingin ito sa kanya at nagpatuloy siya sa pagsasalita.

"Pero, kapag hindi, hindi mo rin masusugpo ang kasamaan.

Mas mautak siya sa ating lahat dahil kahit alam na natin kung anong klaseng tao siya hanggang ngayon malaya pa rin at wala kayong magagawa upang pigilan siya. "

Hinarap siya nito.

"Don Jaime, kailangan makipagcooperate tayo sa mga pulis!" Nasa tono nito ang matinding antisipasyong masugpo ang kasamaan.

Ngumiti ang don. Nararamdaman niyang makukuha niya ang tiwala nito.

"Huwag kang mag-aalala mayor tungkol diyan dahil may nakahandang plano ang taong tutulungan mo."

Kumunot ang noo ng kausap.

"Sino ba siya don Jaime?"

"Kung interesado kang makilala ang taong ito, tulungan mo mayor.

Kapag ginawa mo 'yon hindi lang siya ang poprotektahan mo maging ang bayan natin.

Kahit ako pa ang pinakamakapangyarihang tao sa buong Zamboanga Peninsula, ikaw ang ama ng bayan, nakasalalay sa iyong mga kamay ang kapakanan ng mamamayan mayor Beltran. "

"Sabihin mo anong maitutulong ko?

Gagawin ko ang lahat makakaya ko upang masugpo ang terorismo!"

---

"RAGE ACUESTA!"

Nakangiting sinalubong siya ni Roman sa labas ng restaurant na sinabi nito.

Kararating lang din nito kagaya niya.

Dumating siya sa takdang oras.

Nasa likuran ng matanda ang mga tauhan, ganoon din ang kanya.

Kung si Gian Villareal nag-iisa, ibahin si Rage Acuesta.

"Roman!"

Niyakap siya nito nang magaan na ikinagulat niya saglit.

"Pumasok na tayo sa loob."

Bago pumasok ay isa-isa niyang tiningan ang mga tauhan at hindi nakita si Warren.

Mabuti na rin 'yon dahil kung nakita na nito ang mukha niya bilang Villareal baka magkaproblema kung makikita siya nito bilang Acuesta.

"Magandang gabi congressman!" bati ng isang lalake sa tabi.

"Magandang gabi rin," kaway nito sabay ngiti sa bumati.

"Hindi ba sa susunod na halalan tatakbo kayo sa senado?"

Napalingon sila sa isang mesa na may nagkukumpulang mga tao.

Humalakhak ang senior.

"Wala pa masyado sa plano 'yan pero kapag pinayagan tayo ng pagkakataon ay bakit hindi? Karangalan ko ang magsilbi sa bayan."

"Asahan niyo ang suporta namin mayor!"

"Salamat, salamat!"

Pagkaupo nila ay hindi na niya mapigilan ang magtanong.

"Sino ang mga 'yon?"

"Oh, mga opisyal ng Barangay Sta. Mesa."

Tumango siya at nag-order sila.

"Ikaw anong gusto mo?"

Sa halip na sumagot ay iba ang kanyang sinabi.

"Nasaan ang anak mo Roman?"

Umismid ang senior.

"May ibang inaasikaso."

"Then good, ang shipment ba?" pinasigla niya ang boses.

"Unfortunately not. Hayaan mo na siya, irresponsable."

"How about the shipment tomorrow night? Ready na ba?"

"Yes ofcourse."

Hinarap niya ang kausap.

"Matanong ko lang, malaki ba ang grupo mo?"

Napatingin ito sa kanya na tila tinatantiya siya.

"Kasi kung maliit lang baka una at huling shipment mo na 'to, ayoko ng maliit na transaksyon lang Roman," malamig niyang tugon.

Sumeryoso ang anyo ng kausap bago ito humalakhak.

"I guess you don't know me boy," tinapik nito ang balikat niya.

Ngumisi ang binata.

' Ako ang hindi mo kilala! '

Umupo siya nang tuwid.

"Since nagpapa shipment ka sa labas ng bansa inaasahan kong mga kasamahan mo ang mga 'yon.

Kasi kung hindi iisipin kong kontrata lang itong lahat at maliit na grupo lang naman talaga kayo, " dismayado ang kanyang tono.

"Yes."

"Yes what?"

"Kasamahan ko sila. International ang grupo ko. Ang organisasyon ko.

At base sa mga tanong mo minamaliit mo ba ako? Hindi mo ba ako kilala ha!" Mapanganib ang tono ng senior na ikinatahimik ng lahat.

Alam niyang sa klase ng kanyang pagtatanong ay hindi magsisinungaling ang kausap.

Sasabihin nito ang totoo nang hindi mag-iisip.

Siya naman ang humalakhak na ikinipagtaka ng lahat.

"Atleast I should have known Roman. Gusto kong kilalanin ang papasukan kong grupo.

Kung International 'yan simply means malaki."

Tumiim ang kanyang tingin sa kausap.

"Parehas lang tayo, wala man akong grupo pero may koneksyon ako sa labas ng bansa. Kaya mas mapapadali ang transakyon mo."

"Sino ang mga koneksyon mo?"

Ngumisi siya bago tumalim ang tingin.

"Sasabihin ko sa isang kondisyon."

"Ano 'yon?"

"Ipakita mo sa akin ang pagawaan ninyo."

"Sa isang kondisyon," anito na ikinaarko ng kilay niya.

"Ano 'yon?"

"Palusutin mo sa ibang bansa ang produkto at makakapasok ka sa tunay kong mundo."

Ngumisi siya.

"Consider it done, Roman trust me."

Hello po sa lahat ng naghihintay ng update.

Sorry po kung laging matagal.

Kapag maayos lang po kasi ang pakiramdam ko saka ako nagsusulat.

Hindi pa po talaga ako tuluyang magaling.

Pasensiya na po sana magustuhan niyo pa rin ang update na ito.

Ang mga comment niyo ay nagsisilbing inspirasyon ko para magpatuloy pa rin sa kabila ng sitwasyon ko ngayon.

Half million na po tayo at dahil iyon sa inyong mga walang sawang sumusuporta sa storya.

Maraming salamat po.

Phinexxxcreators' thoughts