webnovel

WANTED PROTECTOR

When the protector of the law became the protector of the lawless.

Phinexxx · Urban
Not enough ratings
107 Chs

Chapter 19-The Reason

DELAVEGA MANSION...

"Hindi nagawa ng mga tauhan natin dad," matigas at mariing pahayag ni Xander sa ama.

Kasalukuyan silang nasa pribadong silid nito upang pag-usapan ang nangyari sa Mount Gampo.

"Ibig mong sabihin pumalpak ka?"

"May traydor sa grupong ito," deretsong wika niya.

"Ano?" doon na napatayo ang matanda sa tinuran ng anak.

Hindi ito nagkakamali sa anumang kutob nito o hinala.

"Aalamin ko kung sino dad. Bakit parang may alam ang kalaban? Nakaligtas sila! Para bang may nagpaalam sa kalaban kaya umalerto na ito!"

Hawak ang baso ng alak ay tumayo ang senior.

"Kung sino man ang traydor na 'yan iharap mo sa akin!"

"Yes, dad!"

Nagpaalam na ang anak at naiwan ang matanda.

Humugot ng malalim na paghinga si senior Roman.

Hindi niya pinahihintulutang makialam ang anak o madamay ang anak sa laban niya, gano'n pa man kailangan niya ito.

Kailangan niya sa palihim na pagkilos.

Kailangan niya ang tulong nito nang palihim.

Isang araw susurpresahin niya ang kalaban sa panahong wala itong kaalam-alam!

"Jaime, balang araw mapapabagsak rin kita!"

Sa tindi ng pagkakuyom niya sa baso ay nabasag ito na siyang dahilan ng kanyang sugat sa kamay.

Kalmadong pinagmasdan niya ang dugong tumulo mula sa kanyang palad.

Ang sakit na nagmumula sa sugat ay mababaw lang kung ikumpara sa sakit ng nakaraan.

---

LOPEZ MANSION...

Dinig na dinig ni don Jaime ang tawanan ng dalawang tao sa malawak na espasyo ng bahay.

Sigurado siyang ang kanyang apo at ang isa ay ang gwardya nito.

Kanina tinawagan siya ng apo na manonood ito ng sine at ang kasama ay ang gwardya.

Subalit sa porma at tindig ng gwardya ay hindi ito mapagkakamalang tagabantay lang, mas mapagkakamalan talaga itong kasintahan ng kanyang apo.

Napailing ang don.

Naniniwala siyang marunong mag-isip ang kanyang nag-iisang apo.

Ngunit hindi nga ba siya nagkamali na hindi sabihin sa apo ang totoong nangyari sa gwardya nito?

Mabuti nga bang hindi nito malalaman na ang mismong gwardya nito ay nasa panganib din?

Marahang pinagulong ng don ang wheel chair pasalubong sa mga bagong dating.

Pinagmasdan niya ang orasang nasa dingding bago napailing.

Alas dyes ng gabi.

Eksaktong pagliko ng mga ito papasok ay sinalubong niya sabay tanong.

"Bakit ngayon lang kayo?"

Natigilan sina Ellah at Gian sa nakitang kapormalan sa tono ng don.

Lumapit si Ellah sa abuelo at humalik sa pisngi nito. "Good evening lolo."

Ngunit napansin ni Gian na sa kanya nakatingin ang don na ikinabahala ng binata.

"Go to your room hija," malumanay na utos ni don Jaime sa apo.

"Yes, lolo," binalingan ng dalaga ang gwardya. "Goodnight Mr. Hinala!" anito sabay hagikhik bago tuluyang umalis.

"Goodnight Ms. Maling akala," marahang tugon ng binata.

Kumunot ang noo ni don Jaime at kita ang pagkadisgusto sa nasaksihan.

"Ano 'yon?"

"Ah," alanganing nagsalita si Gian sa harap ng don na tila hindi maganda ang aura.

" Speak," mariing utos ni don Jaime.

"Napagkamalan ho ng inyong apo na may kababalaghang nangyari sa sinehan pero isang ina at bata 'yon, sumususo sa ina ang bata kaya napagkamalang may..."

"Gian," putol ng don.

"Yes don Jaime," tugon ng binata na nakahanda sa anumang nais iparating ng kausap.

"Hindi mo ba nalaman sino ang nagmanman sa' yo?"

"Hindi ho, don Jaime."

"Anong klase kang pulis! Hindi mo alam sino ang nagpapatay sa'yo?"

Hindi umimik si Gian.

"Baka naman 'yong naka engkwentro mo na ang nagmamanman sa' yo?"

Naisip na rin naman niya 'yon subalit kung plano siyang patayin bakit kailangan pa siyang kalabanin? Pwede naman siyang barilin derekta ng kung sino man ang gustong patayin siya.

"Ano ho ba ang gusto ninyong sabihin don Jaime?"

"Gusto kong tumigil ka na sa pagiging gwardya ng apo ko."

Natigilan ang binata subalit pinanatili niyang kalmado kahit na kabado na sa tinatakbo ng usapan. "Kayo rin ho ang nagsabi na kung wala ako sa tabi ng inyong apo ay manganganib siya."

"Nagbago na ang isip ko, nakapagdesisyon na ako."

"Hindi ho ba dapat magdesisyon din si Ms. Ellah?"

Tumalim ang tingin ng don sa kanya.

"Ako ang kumuha sa'yo, ako rin ang magbabalik," mariing tugon ng don.

Tumahimik si Gian, base sa sinabi ng don ay nakapagdesisyon na nga ito.

"Bigyan niyo ho ako ng isa pang araw don Jaime, kailangan ko ring magpaalam bilang respeto sa pinoprotekhan ko."

"Isang araw, bukas ng gabi dapat wala ka na, naiintindihan mo naman hindi ba? Ayaw kong madamay sa panganib ang apo ko, ang dami na niyang kinakaharap na problema dumagdag ka pa."

Tumiim ang bagang ng binata bago tumango.

"Naiintindihan ko, don Jaime," mariin niyang tugon.

"Isa pa huwag mo ng ipaalam sa kanya ang pinag-usapan natin ngayon, naiintindihan mo?"

Mabigat sa loob na tumango ang binata.

"Good, umalis ka na."

Marahan siyang yumuko bago tuluyang umalis.

Tanggap naman niya ang rason kung bakit kailangan na niyang lumisan sa buhay ng mga Lopez.

Hindi rin naman niya gustong siya ang magiging rason upang malagay itong muli sa panganib.

Napailing si Gian.

Matapos ang mga nangyaring pagbubuwis-buhay niya ma protektahan lang ang mga Lopez, ay heto siya ngayon at pinapaalis na sa buhay ng mga ito.

Alam naman niya sa simula pa lang na hindi siya magtatagal.

Masyado lang siguro siyang nadala sa sitwasyon at nakalimutan na ang lahat ng ito ay pansamantala lamang.

---

MEDC OFFICE...

Kinabukasan sa loob ng opisina ay tuloy ang trabaho ni Ellah, panay ang pag pirma niya sa mga papeles, pagkuwan ay sumandal sa swivel chair.

Hinihintay niya ang pagdating ni Gian na hanggang ngayon walang paramdam.

Kagabi ay nag text ito na hindi siya masusundo at magkita na lamang sa opisina.

Hindi naman sinabi kung bakit mag absent ito.

Naalala niya ang nangyari kagabi sa sinehan na talaga namang ikinahiya niya ng husto.

"Bakit hindi mo sinabing nakita mo naman pala!" hinampas niya sa dibdib ang binata.

Natawa naman ito. "Naghinala rin ako pero no'ng makita kong nagpapadede ng bata ay akala ko nakita mo rin."

"Baliw ka!"

Humalakhak naman ito. "Iyan kasi Ms. Maling akala!"

"Ikaw Mr. Hinala!"

Napangiti na lang ang dalaga.

Magtatanghali na ngunit wala pa ring Gian na nagpakita.

Dapat sa ngayon nag text na ito bilang paalala na kakain na siya.

Tinawagan niya ang gwardya ngunit hindi ito makontak.

Nagdesisyon siyang mag order na lang at sa opisina na lang kakain.

Maya-maya dumating ang inutusan.

"Ms. Heto na po ang order niyo."

"Sige, salamat."

"Alis na po ako Ms."

Sa amoy pa lang ng pork adobo ay natakam na ang dalaga, samahan pa ng camaron rebusado at softdrinks, ay nilantakan niya ang lahat.

Pansamantalang nakalimutang may hinihintay siya.

Pagkatapos kumain ay muling nagtrabaho ang dalaga.

Itinuon ang atensyon sa trabaho hanggang sumapit ang oras ng meryenda.

"Chocolate cake Ms. Ellah at milktea."

"Thank you."

Dinalhan lang siya ni Jen ng snacks at muling nagtrabaho.

Sumapit ang oras ng uwian na walang Gian na dumating.

Sa loob ng tatlong buwan nitong paninilbihan ay ngayon lang ito lumiban.

Alam niyang hindi na magpapakita si Gian sa kanya ngayong araw.

Ayos lang naman 'yon mabuti at nakakapagpahinga naman ito.

Naghanda na siya. Nag retouch at nag toothbrush saka lumabas.

"I have to go Jen."

"Okay Ms. Ellah, ingat."

Tumango siya at dumeretso sa basement.

Pagliko ng dalaga patungo sa kanyang sasakyan ay nabanaagan niya ang isang lalaking nakasandal sa kotse nakatagilid ito, suot ang isang black polo shirt at blue jeans na sinamahan ng itim na rubber shoes.

Agad kumabog ang dibdib ni Ellah.

"Gian!"

Lumingon ang lalake at sumilay ang ngiti sa mga labi.

Halos takbuhin niya ang hallway makarating lang agad.

"Ba't 'di ka nagparamdam buong araw?" aniya sabay hampas sa braso nito.

"Hindi pa naman tapos ang buong araw hindi ba?"

"Yeah, let's go?" aniya at mabilis na binuksan ang pinto ng front seat.

Habang nasa biyahe ay panay ang tanong ni Ellah ngunit patango-tango lamang si Gian.

Iniisip pa rin ng binata kung paano magpapaalam sa dalaga.

Kalahating araw siyang nag-isip ng rason.

Pinapalabas ng don na kusa siyang aalis kaya kusa siyang magpapaalam at kailangang matanggap ng apo nito ang pag-alis niya.

Kaya kalahating araw siyang nag-isip ng idadahilan.

Ayaw man niyang gawin, tama lang na iwan na ito kung ayaw niyang madamay pa ang dalaga sa kinakaharap niyang panganib.

Mahirap man ngunit kailangang magpaalam.

Buong byahe ay hindi rin umiimik si Ellah.

Nag-iisip na siya sa nangyayari.

Walang matinong sinabi mula pa kanina ang kasama.

Absent ito dahil masakit daw ang ulo at pagkatapos ay puro na lang tango at iling ang ginagawa.

Gano'n pa man ay hindi niya maitatangging nanabik siya rito.

Na gano'n na lang ang kanyang tuwa nang makita ang binata.

Iyon ang hindi niya maintindihan, nakakaramdam na siya ng pananabik gayong saglit lang naman na hindi ito nagpakita.

Normal lang ba ito?

Normal bang manabik ang amo sa tauhan?

Napaigtad si Ellah nang tumigil ang sasakyan dahil naipit sa trapiko.

Nakaramdam siya ng pagkailang lalo pa at parehas silang walang imik ng kasama.

Tila ba malalim ang iniisip nito.

Lumingon siya sa labas ng bintana.

Ngunit napaigtad siya ng hawakan ni Gian ang kanyang kamay, inalis niya ang kamay at pinakawalan nito.

"I miss you," marahang usal ng binata.

Kumabog ang dibdib niya sa hindi malamang kadahilanan.

Binalingan niya ito at nakitang nakatingin sa kawalan hanggang sa napansin siya at bumaling ng tingin sa kanya ang matiim na pagtitig ng binata, sinalubong niya ang mga titig nitong malamlam.

Subalit nang dumako sa kanyang mga labi ang mga mata nito ay mabilis siyang lumingon sa kabilang dereksyon ngunit mabilis nitong hinawakan ang kanyang mukha pabalik pasalubong sa mga labi nito.

Agad humarang ang mga kamay niyang lumapat sa dibdib ng binata ngunit hindi sapat para itulak.

Gahibla na lang ang pagitan ng kanilang mga labi, at amoy niya ang alak dito at pinaghalong mint ng toothpaste, subalit hindi na ito kumikilos pa. Hindi niya maintindihan kung ano ang nais nitong iparating at nakatitig lang sa kanyang mga mata.

Malinaw niyang nababanaagan ang tila lungkot na nababalot sa mga tingin nito, ngunit hindi na niya halos mapagtuunan ng pansin dahil sa tindi ng kabang nararamdaman sa antisipasyong mahahalikan.

Biglang may bumusina sa likuran kaya bigla rin ang kanyang paglayo at umayos siya ng upo samantalang kalmado namang bumalik sa pagmamaneho ang binata na tila walang ginawa.

Wala na naman silang imikan habang nagbabyahe uli.

Samut-saring ideya ang pumapasok sa utak ni Ellah, ni hindi niya alam kung alin ang uunahin.

'Bakit parang may dalang hipnotismo at mahika ang mga kamay at mga mata ng lalakeng ito?'

'Bakit Hindi ko kayang tumanggi at sinusunod ko bawat utos niya?'

May bodyguard bang gano'n ang ginagawa sa amo?

'Stupid ka talaga Ellah! Stupid!' tinakpan niya ng mga kamay ang mukha.

Kanina kung hindi sila binusinahan hindi niya alam ang mangyayari.

Nakakainis lang hindi naman niya ito nobyo!

Subalit mas naiinis siya sa sarili dahil kung makaasta siya hindi na bodyguard ang tingin niya!

Napalunok ang dalaga.

'Ano ba itong nangyayari sa akin?'

Tila alam na niya ang rason bakit siya nagkakaganito.

'Dapat habang maaga umiwas na ako! Hindi pwede ito. Hindi isang gwardya lang ang magpapadama ng ganito sa akin. Hindi pwede!'

Tumigil ang sasakyan kaya nabalik sa diwa ang dalaga.

Nilingon siya ng gwardya.

"May sasabihin ako, magpahangin muna tayo?"

Nilingon niya ang paligid at napansing nasa isang boulevard pala sila at nalalanghap ang amoy tubig - dagat.

Alam ni Ellah ito na ang pagkakataon para sabihin ang mga bagay na gusto niyang sabihin.

Hanggat pwede pa, titigil na siya.

Humugot siya ng malalim na paghinga.

"Sige, may sasabihin din ako."