15 Chapter 14- The Recovery

CIUDAD MEDICAL DE ZAMBOANGA...

"HA?!"

Napasugod si Vince palapit sa kaibigan. Pagkatapos siyang pagurin nito ng husto sa paghahanap ipapatapon lang!

Hindi niya alam kung anong topak na naman pumasok sa utak ng butihing kaibigan at iba na naman ang timpla nito.

Saka siya napalingon sa isang babaeng nakayuko.

"May bisita ka pala, good evening madam."

Hindi kumibo ang binati.

"O heto na pare sa susunod ingatan mo na 'yan, nakuha ko sa bar 'yan buti na lang itinago ng mga staff doon." Iniabot niya sa kaibigan ang sumbrerong hawak.

Nang tumuon ang pansin ni Gian sa sumbrero ay hindi niya mapigilang isipin ang panganib na sinuong niya makuha lang ito sa gitna ng bakbakan. Muntik na niyang ibinuwis ang buhay hindi lang ito mawala ngunit ngayon ay parang wala ng halaga kagaya ng pagbabalewala ng dalaga sa mga nagawa niya.

"Itapon mo hindi ko na 'yan kailangan."

Napapikit si Ellah sa narinig.

"Gian pare, hindi biro ang paghahanap ko diyan tapos ipapatapon mo? Eh hindi ba't halos magkandarapa ka nang hindi mo ito makita? Ano bang nangyayari sa'yo?"

"Tumahimik ka nga! "

Pumormal ang anyo ng kaibigan.

"Pinaghirapan ko 'yan kaya 'wag mong basta ipapatapon sa akin dahil para mo na rin akong inuto, pinahanap tapos ipapatapon? Lintek! Kung alam ko lang sana itinapon ko na!"

"Daldal mo! Nandiyan ang boss ko."

"Ha?" Napalingon ito sa dalaga.

Napakurap si Ellah.

"B-boss? Boss mo? Tangina pare hindi mo sinabi! Pasensiya na hindi ko kayo agad nakilala madam, napakaganda niyo pala sa personal!"

"Vince," saway ni Gian.

Alam kasi ng binata na ayaw nito ang pinupuri.

"Pero kayo madam ang nagbigay nito sa kaibigan ko hindi ba?" itinaas nito ng bahagya ang hawak na sumbrero.

"O-oo"

"Para pagtakpan ang mukha niya gano'n ba madam?"

Kumunot ang noo ng amo.

"Vince tama na, lumabas ka na nga!" saway niya uli.

"Sandali lang may itatanong lang ako eh, bakit niyo 'yon ginawa madam?"

"Ha?" Na blangko ang dalaga.

"Ginawa niyo ba 'yon para maitago ang mukha ng kaibigan kong umaapaw sa kagwapuhan?"

Hindi napigilan ni Ellah ang mapangiti.

" Sabihin niyo madam, pangit ba ang kaibigan ko?"

"Ha?"

"O sige, iibahin ko ang tanong, nagugwapuhan ba kayo sa kaibigan ko?"

Napalunok ang dalaga.

Hindi na mapakali si Gian kung pwede lang sanang itulak na ito palabas ginawa na niya.

"Tigilan mo na nga 'yan, lumabas ka na. " Naiiritang saway niya uli.

"Gian pare, gusto kong may malaman eh. O ano madam, gwapo ba ang kaibigan ko para sa inyo?"

"M-medyo."

"Medyo? Pero nagawa niyong pagtakpan ang mukha niya? Sabihin niyo madam, 'yan ba ang medyo sa inyo?"

Hindi makatingin ang dalaga.

Tinablan na talaga ng hiya ang binata kaya sinigawan na niya ang kaibigan.

"Vince ano ba, tama na 'yan!"

"Madam, ilang porsiyento ang itsura ni Gian para sa inyo?"

Napatanga ang dalaga. Tinitigan siya sa mukha, bigla siyang nahiya kaya yumuko siya.

Ngani-nganing batukan na niya ang bwesit na kaibigan.

"Fifty percent?"

Naiangat ng binata ang paningin.

'Nakapangalahati pala ako!'

"Kung gano'n kalahati ang tingin niyo, hindi ba kapag medyo lang dapat ay nasa ten percent lang?"

Natahimik si Ellah.

"Isang tanong na lang madam, dahil fifty percent ang kagwapuhan ng kaibigan ko sa tingin niyo. Attracted ba kayo sa kanya?"

Hindi na siya nakatiis kahit masakit ang buong katawan ay pinilit niyang tumayo at hinila palabas ang kaibigan desididong mapalayas na ito.

"Vince pare tama na 'yan!"

"Hindi pare, gusto kong marinig kung magsasabi siya ng totoo."

"Saka na lang ha, lumabas ka muna!" Itinulak palabas ng binata ang kaibigan.

"Pambihira! Sayang eh!" reklamo ni Vince.

Ini lock ni Gian ang pinto.

"Pasensiya ka na, gano'n talaga 'yon. Huwag mo na lang pansinin."

Tumayo ang dalaga at tinitigan siya.

Kabadong natigilan siya sa inaasta ng amo.

"Tungkol doon sa itinanong ng kaibigan mo, pag-iisipan ko ang sagot," anito bago lumabas.

"Mag pagaling ka agad, nakaka miss ang mag-isa."

Napanganga ang binata.

Anong ibig nitong sabihin?

Maya-maya ay muling pumasok si Vince.

"O ano pare umamin ba?"

Bigla niyang niyakap ang kaibigan.

"Pare salamat!"

"Bakit? Kayo na ba?"

"Hindi sa gano'n , pero pag-iisipan niya raw ang sagot sa tanong mo."

Kumalas si Vince.

"Sabi ko na nga ba eh, alam kong may gusto sa'yo ang boss mo, pupunta ba siya dito kung wala?"

"Sana nga pare."

"Pero ingat ka, alam mong iba ang mundo nila pare. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ba ako o ano eh!"

"Ayos lang ako, salamat." Tinapik niya ang balikat ng kaibigan.

Ngayon nakahinga ng maluwag ang binata.

Matapos ang matinding sagutan nila ng dalaga ay parang bigla siyang nagkaroon ng pag-asa!

Nasa byahe sila pabalik nang magsalita si Don Jaime.

"Nagkausap ba kayo ni Gian?"

"Ho? Ah, opo lolo."

"Kakaiba siya hija, ngayon lang ako nakakita ng bodyguard na na ospital na nga pero hindi pa rin ipinaalam sa amo, sinarili niya lang. Kung hindi pa umamin ang kaibigan niyang si Vince nakakatiyak akong pagtatakpan niya ang nararamdaman at magkukunwaring walang iniinda. Ang mga ganoong klaseng tao ay mahirap pakawalan kaya hija Ellah, pakiusap ayusin mo ang pagtrato sa bodyguard mo. Aaminin ko hija, matindi ang pakiusap ko para lang makuha ko siya."

"Lolo, nagkamali si Gian ng taong pinagtapatan ng kanyang saloobin akala niya ako si Vince noong malasing siya, sinabi niyang hindi ko siya kilala. Kung gano'n sino ba si Gian lolo?"

"Wala ako sa posisyon para sagutin ang tanong mo hija, siya na lang ang tanungin mo."

Napabuga ng hangin ang dalaga.

"Kung gano'n hindi siya basta-bastang tao gano'n ho ba?"

Hindi umimik ang don.

Napatingin sa labas ng bintana si Ellah.

Kung gano'n ang taong nagkakagusto sa kanya ay hindi ordinaryong gwardya?

'Sino ka ba talaga Gian?'

---

LOPEZ MANSION...

Nakauwi sila na ang utak ng dalaga ay lumilipad sa kung saan, patungo kay Gian!

'Kaya pala magaling sumagot?'

Ngayon lang sila nagtalo ng tungkol sa damdamin nito para sa kanya.

Kadalasan nilang pinagtatalunan ay tungkol sa mga bagay na wala itong kinalaman.

Subalit ngayon, ipinaglalaban na ni Gian sa kanya ang nararamdaman.

Marunong na itong magpalabas ng hinanakit.

Gano'n pa man, ramdam na ramdam niya ang malalim nitong pagtingin.

"Nakakabaliw ka Gian! Nakakabaliw ka!"

Hinaplos niya ang swan na napanalunan nila ni Gian. Kung gaano kahalaga sa kanya ang swan na ito gano'n din kahalaga kay Gian ang sumbrero nito.

"Isang tanong na lang madam, dahil fifty percent ang kagwapuhan ng kaibigan ko sa tingin niyo. Attracted ba kayo sa kanya?"

'Attracted nga ba ako?'

Bumuntong hininga siya.

'Wala akong panahon sa ganyan. Dapat kong unahin ang kapakanan ng kumpanya bago ang sarili ko.'

Hindi pinalampas ni Ellah ang pagkakataong makamit ang katotohanan sa likod ng panloloko at pagsisinungaling ng iisang tao.

Subalit ang ebidensiyang nasa kanya ay hindi legal dahil bawal mag spy sa empleyado.

Kaya gumawa siya ng ibang paraan.

---

MEDC OFFICE...

Araw ng Lunes ay nagpatawag si Ellah ng meeting para sa lahat ng manager at supervisor.

"Magandang umaga sa lahat alam niyo ba kung bakit ko kayo ipinatawag?"

Tumahimik ang lahat ng nasa loob ng conference room.

"Ang agenda? Ang paglantad sa nanira sa kumpanya!"

Umugong ng husto ang bulungan.

"Hindi ko kailanman inisip na may gagawa ng ganito sa kumpanya. Na may maninira sa akin!"

Katahimikan.

Inilibot niya ang tingin sa lahat bago nagsalita.

"Ngayon alam ko na kung sino ang may pakana! Mr. Matias tumayo ka!"

Tumayo ang lalaking tinawag niya.

Umugong ang matinding usapan.

"Siya pala? Eh hindi ba supervisor yan sa production?"

"Tama! Siya pala!"

Dinig niyang usapan ng dalawang lalake sa kanyang tabi.

"Pumunta ka rito Mr. Matias at sabihin mo kung sino ang salarin."

Muling umugong ang usapan.

"Hindi pala siya? Sino pala?" wika ng isang lalake.

"Si Serapio Santos po! Ang manager ng Production!" anito sabay turo sa lalaki na ngayon ay gulat na gulat.

Lumipad ang tingin niya sa itinuro ng saksi.

Napatayo ang salarin.

"Sinungaling! Bakit ako ang pinagbibintangan ninyo!"

Nagsimulang magulo ang lahat at binato ng kung anu-anong masasakit na salita ang lalake.

"Ipaliwanag mo Mr. Matias!" Matigas na utos niya.

"Noong nakaraang linggo ay kinausap ako ni Mr. Santos na sirain daw namin ang dating manager na si Mr. Valdez sa pamamagitan ng pagsira sa produkto.

Ang kapalit ay ang pagtaas ng posisyon ko.

Kapag siya ang pumalit sa manager ako ang magiging supervisor at ginawa namin. Nagawa naming patalsikin si Valdez!"

"SINUNGALING!" bwelta ni Mr. Santos.

"Nagsasabi ako ng totoo! Nagbayad kami ng iilang tao para lagyan ng lupa ang carbon bago ideliver."

Mas lumakas na ang usapan at panay naman ang pagtanggi ng salarin.

"Mr. Javier!" Tawag niya sa isa pang opisyal.

Tumayo ang tinawag.

Natahimik ang lahat.

"Ikaw ang Marketing manager bakit hindi mo man lang napansin na hinaluan pala ng lupa bago nadala sa planta? Kung nakita agad 'yon sana hindi tayo napahiya!"

"Sinuri ko po Ms. Sa ilalim inilagay ang lupa kaya hindi ko nakita sa ibabaw ng truck, doon na lang sa planta noong pagbuhos nila."

Umahon ang galit sa dibdib niya. Tumawag kasi ito matapos ang usapan nila ng manager ng planta at sinabing na reject sila.

Hindi lang naman pera ang usapin dito kundi ang reputasyon nila, ang kredibilidad ng kumpanya!

"Bakit Mr. Santos?" Hinarap na niya ito. " Bakit mo 'yon ginawa?"

"Huwag kayong maniwala Ms. sinisiraan lang ako niyan para siya ang pumalit sa akin! Walang hiya ka Matias!"

Bumaling ang tingin niya sa saksi.

"Sa akin po kayo maniwala! Hindi ako natatahimik sa nangyari! Hindi ko masikmura na gumawa ako ng masama para sa pansariling interes! Ang lahat ng ito ay pakana ni Santos!"

Nagwala ang tinuturong salarin at akmang susugurin na ang saksi mabuti na lang at maagap itong pinigilan ng ibang opisyal na naroon.

"Isa ka rin naman sa may pakana Mr. Matias! Dapat sa'yo makulong din!" Sigaw ng isa sa mga naroon din.

Sumang-ayon ang karamihan kaya naalarma at natakot ang saksi.

May kasalanan nga ito subalit mas may kasalanan ang tinuturo nito.

"Umamin ka na Mr. Santos baka maawa pa ako sa'yo!" Sigaw na niya.

"Wala akong kasalanan!"

Naubos ang pasensiya niya.

"Dakpin ninyo ang salarin!" Matigas niyang utos sa dalawang pulis na nasa labas lang naghihintay at inihanda niya sa oras na matapos ang usapan.

Pumasok ang dalawang pulis at inaresto ang Production Manager.

"Ms. Ellah! Wala akong kasalanan! Na set-up ako!" Hiyaw nito habang binibitbit ng mga pulis palabas.

"Sa presinto ka na magpaliwanag!" wika ng isa sa mga pulis.

"Magsasampa ako ng kaso! Ano ba! Bitiwan niyo ako!"

"Baunin mo ang ebidensiya Mr. Santos baka sakaling maalala mong ikaw pala ang may pakana!" Sigaw niya habang nagpupumiglas ito.

Nagkagulo ang lahat ngunit natahimik din nang mawala sa kanilang paningin ang mga ito.

Itinaas niya ang noo at hinarap ang lahat bago nagsalita.

"Sa inyong lahat na naririto! Sana ay hindi na mauulit ang paninira sa kumpanya. Kung may problema o reklamo dumeretso kayo sa akin. Lahat madadaan sa usapan lahat magagawaan ng paraan! Maliwanag ba?"

"YES MS.!" sagot ng lahat.

"This meeting is adjourned!" aniya bago lumabas kasunod ang sekretarya.

Hindi man nagamit sa meeting ang ebidensiya na nakuha ng kanyang bodyguard ipinakita naman niya sa pulis para maging patunay sa kaniyang pag-aakusa.

Sina Matias at Santos ang nasa record.

Mas pinatibay pa ito ni Matias na nag-iisang saksi na kinausap niya bago ang meeting.

Wala pang nakakaalam sa plano niya.

"Good morning Ms." bati ng ipinatawag niya.

"Sitdown Mr. Matias," pormal niyang wika at iminuwestra ang upuang nasa harapan ng mesa niya.

Tahimik naman itong umupo.

"Mr. Matias kaya kita ipinatawag dahil may gusto akong kumpirmahin mula sa'yo."

"Ano po 'yon Ms.?"

"Ilang taon ka na ba sa kumpanya?"

"Magsasampung taon Ms."

"Sampung taon pero ngayon mo lang nagawang magloko? Bakit Mr. Matias? Ano bang problema?"

"A-anong ibig mong sabihin?"

Tumalim ang tingin niya dito. Alam niyang alam nito ang sinasabi niya kailangan lang ng deretsahan para umamin.

"Mr. Matias, alam kong kasabwat ka sa pagmamaniobra ng produkto at huwag mong tangkaing mag deny kung ayaw mong ipakulong kita."

Hindi ito nakaimik.

"May ebidensiya ako laban sa'yo. Alam mong kaya kitang idemanda pero bibigyan kita ng isang pagkakataon kung makikipag cooperate ka sa akin. Alam na alam mong walang sasantuhin ang isang Don Jaime Lopez," matigas niyang wika.

Marahan itong napalunok bago yumuko. "O-opo Ms."

May edad na rin ang empleyado kaya hindi niya akalaing makikipagsabwatan ito sa kasamaan.

"Mr. Matias sabihin mo nga hindi ka ba kuntento sa sahod mo?"

"M-Ms.?" Bahagyang umangat ang mukha nito.

"Kasi bakit mo nagawang sirain ang kumpanya? Sana dinerekta mo ako kung may kailangan ka."

"Patawad po Ms. nadala lang po ako sa posisyon. Sabi po kasi niya kapag siya ang naging manager ako ang magiging supervisor."

"Bakit sa kanya ka naniniwala? Hindi naman siya ang manager at isa pa dapat sa akin ka nagtanong."

"Pasensiya na po Ms."

Huminga siya ng malalim.

"Nandiyan na 'yan makipagtulungan ka na lang sa akin at ibibigay ko ang posisyong gusto mo."

Tuluyang umangat ang mukha nito at tiningnan siya.

"T-talaga po? Opo Ms. kahit ano pong ipapagawa ninyo gagawin ko po."

"Simply lang Mr. Matias, sabihin mo lang na si Mr. Santos ang may pakana pasimuno ng paninira sa kumpanya."

Napalunok ito bago tumango.

"Opo Ms. Ayaw ko naman sana kaya lang nasilaw ako sa pang eenganyo niya."

"Naging supervisor ka nga dahil manager na siya. Hindi nga lang sa magandang paraan."

"P-patawad po Ms."

"Kung gano'n nagkakaintindihan na ba tayo?"

"Opo"

"Mabuti, 'yon lang ang gagawin mo."

"Sige po, maraming salamat po Ms. sa isa pang pagkakataon."

Nang makaalis ito ay tinawag niya ang sekretarya.

"Yes po Ms.?"

"Magpatawag ka ng meeting Jen para sa lahat ng department at sa mga manager at supervisor lang ngayon na."

"Tungkol saan po Ms.?"

"Ipapakita ko kung sino ang nanira sa produkto."

Napabuntong-hininga siya.

Dahil may saksi na hindi na kailangang gamitin pa ang ebidensiya.

Ngunit dahil sa ebidendisang iyon nagkaroon ng saksi.

Ito ang paraang naisip niya upang hulihin ang salarin.

"Ms. Maraming salamat at nalaman na rin natin ang may pakana. Napakagaling niyo po!" wika ni Jen habang pabalik sila ng opisina.

"Karapatan ng lahat ang malaman kung sino ang gumagawa ng masama, Jen."

Tumango ito at sumang-ayon.

Alam niyang kung hindi dahil sa isang nagmamalasakit na gwardya ay hindi mapapadali ang paglutas sa problema.

Ngayon may bago uling problema, wala silang Production Manager.

Pagdating ng opisina ay pinindot niya ang intercom na nag kokonekta sa kanyang sekretarya.

"Bakit po Ms. Ellah?"

"Hindi pa ba nakuha ni Mr. Valdez ang separation pay niya?"

"Hindi pa po."

"Mabuti, pakitawagan siya at papuntahin mo dito ngayon."

"Opo, Ms."

Huminga siya ng malalim.

Ngayong nalaman niya ang totoo naisip niyang walang kinalaman ang dating Manager.

Masyado lang siyang galit noon kaya nagdesisyon siyang alisin na ito.

Kahit saang anggulo tingnan may kasalanan pa rin ang naturang manager.

Siguro naman magtatanda na ito sa nagawang kapalpakan.

"Ms. Ellah, bakit po?"

Tumayo siya. "Mr. Valdez, gusto kitang bigyan ng isang pagkakataon. Isa lang para ibalik ka sa'yong posisyon kaya sana naman ito na ang huling kapalpakan mo."

"Opo, Ms. makakaasa kayong hindi na ako kailan man papalpak, maraming salamat po sa tiwala."

"You are hired... again!" Nakipagkamay siya sa tauhan.

Malugod naman nitong tinanggap ang posisyon.

Kagaya ng pinag-usapan nila ng supervisor na naging saksi ay ibinigay niya rito ang naturang posisyon.

"Inaasahan kong hindi ka na muling madadala sa mataas na posisyon Mr. Matias, kung may reklamo ka dumeretso ka sa akin."

"Opo Ms. Nakakahiya man pero maraming salamat po talaga!" wika nito habang nakayuko.

Nang araw na 'yon naibalik sa trabaho ang Production Manager kasama ang bagong Supervisor na dating foreman.

---

MEDC SITE...

Kung dati normal lang sila habang magkakasama ngayon ay nagkakailangan na.

Papunta sila sa site ngayon.

"Mr. Villareal, thank you."

Napangiti si Gian.

Kahit simpleng pasalamat lang 'yon tumagos ng husto sa kanyang kaibuturan dahil nagawa niyang tumulong sa amo.

"Maraming salamat din sa paniniwala sa akin Ms. Ellah."

"May duda na ako na siya eh, kaya lang wala lang akong basehan. Kaya maraming salamat sa ginawa mo at napabilis ang pagtuklas ko sa katotohanan."

Tumango siya at ngumiti.

Ngumiti rin si Ellah.

Napakagaan ng kanyang pakiramdam.

"Anyway, tungkol doon sa nangyaring gulo sa date, tumigil na si lolo sa paghahanap ng mapapangasawa ko."

Tila nabunutan ng tinik si Gian sa narinig.

"Mabuti 'yon Ms. Ellah." tugon niya.

"Tingin ko rin, kasi nakakapagod na."

"Tama, nakakapagod talaga 'yon," masiglang tugon niya.

Muling napangiti si Gian sa tindi ng kasiyahan, kulang na lang ay magsisigaw siya sa tuwa.

"You look happy do you?"

"Ha?" Napasulyap siya dito at nakita niya ang pagtaas ng kilay ng dalaga.

"Wala, masaya lang ako kasi nalaman na natin kung sino ang may pakana."

"At dahil 'yon sa'yo kaya thank you," nakangiti na nitong turan.

Muli ay napangiti siya.

Sinong mag-aakala na matapos ang panganib at sakit na naranasan ay makakaranas pa rin siya ng kasiyahan.

Habang nasa daan sila papasok sa area ay may napansin siya sa kabilang gilid kung saan nakatipon ang mga produkto.

"Ms. napapansin ko lang para saan ba 'yong mga 'yon?"

"Reject 'yan" turo niya sa gabundok na produkto.

"Reject 'yong gano'n kadami? Paanong nangyari 'yon?"

"Three months ago, na reject ang limang truck kaya 'yan na 'yon. Tapos nadagdagan na naman ng sampung truck last week dahil kay Santos."

Huminto sila kaya nagtaka ang dalaga.

"Bababa ako Ms. Ellah, kung pwede gusto kong makita at mahawakan."

"Sige" bumaba rin si Ellah.

Hinawakan ng binata ang produkto.

"Sa tingin ko pwede pa itong pakinabangan."

"Ha?"

"Linisin lang ito, pwede pa itong mapakinabangan."

"Naisip na rin namin ang bagay na 'yan at dahil lugi pa rin kahit mabenta 'yan hindi na lang namin itinuloy."

Napalingon si Gian.

"Ano bang iniisip niyo? Ibenta ng ganito pagkatapos linisin?"

"Oo siyempre"

"Hindi gano'n ang naiisip ko Ms. Ellah."

"Kung gano'n ano ang iniisip mo?"

avataravatar
Next chapter