webnovel

WANTED PROTECTOR

When the protector of the law became the protector of the lawless.

Phinexxx · Urban
Not enough ratings
107 Chs

Chapter 101 - The Day

SABADO.

Umaga.

Nakaharap si Gian sa screen ng computer habang mariing nakatitig dito. 

Eighty percent data transferring... 

"Boss, ayun sa napag-alaman ko sampung Chinese investor ang darating mamayang gabi."

Nagtiim ang kanyang bagang sa narinig, kausap niya ang tauhan.

"Nakahanda na ba ang mga kakailanganin?" 

"Yes boss, nandito na rin ang mga tauhan ng pinsan ninyo."

"Good, anong oras ang selebrasyon?" 

"Alas sais ng gabi boss." 

Huminga siya ng malalim. 

"Mag-iingat ka diyan Buloy."

"Salamat boss."

Transfer completed. 

Isinara niya ang computer at tinapos ang usapan nila ng tauhan. 

Sunod niyang tinawagan ay ang kaibigang si Vince. 

"Pare, nakahanda na ba kayo?" 

"Oo pare, hinihintay lang namin ang go signal mo. Nasa Zamboanga na kami ngayon." 

"Sige pare, salamat. Pare, mag-iingat ka, alam ko na hindi ka titigilan ng kalaban sa oras na magtagumpay tayo, dahil iyon na ang kanilang pagbagsak. "

"Oo naman pare, akong bahala. Magtiwala ka."

"Salamat Vince, utang ko ang lahat sa'yo."

"Oo nga! Kaya pag-uwi mo magbabayad ka ha?" anito sabay halakhak.

"Walang problema pare." Napangiti na siya. 

"HIndi pare, walang biro, basta kapag natapos ito, wala ka ng problema. Makakauwi ka na ng matiwasay." 

"Salamat. Kumusta si mang Isko? Ang paglibing kay Isabel?" 

"Kinuha siya ng kamag-anak nila, at sila na rin ang nag-asikaso sa pagpapalibing. Hinihiling nila ang hustisya para kay Isabel." 

Huminga siya ng malalim. 

"Ibibigay natin pare."

"Tama. Lahat ng nabiktima at mga namatay gawa ng mga demonyong Delavega na 'yan ay mabibigyan na ng hustisya. Kaya pare, gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para matapos na ito." 

"Salamat, salamat pare." 

Napabuntong hininga na lamang ang binata. 

Magiging maayos din ang lahat. 

---

"Yes Mr. Fuentes, naka ready na ba kayo?"

"Yes Ms. Lopez, nasa Venue na ang mga tauhan ko, naghihintay na lang sila ng sinasabi mong pinakamalaking scope ngayong gabi."

"Yes, this will be the biggest news in entire Zamboanga Peninsula."

"I'm so excited!" hiyaw ng kausap sa cellphone.

Napangiti siya matapos makipag-usap sa opisyal ng taga media.

Lahat ng plano ng kasintahan alam niya, kaya alam niya rin kung paano makakatulong kahit sa simpleng paraan. 

Wala itong inililihim sa kanya. 

Tumayo siya at nilapitan ang abuelong nagkakape sa may terasa. 

"Yes hijo. 

Nakipag coordinate na rin ako sa mayor dito noong isang araw pa, maging sa hepe ng pulisya ay nakausap na namin ni Vince kaya ngayon handa na sila. 

Lahat dito nakahanda na.

Oo, kumikilos na ngayon ang pulisya para sa planong pag raid." 

Natigil sa paglapit si Ellah sa abuelo dahil sa narinig.

"Walang problema basta ikaw mag-ingat ka diyan. Ako ng bahala, ligtas kami hijo."

"Birthday pala ng dating mong best friend, hindi ba?" Umupo siya sa kaharap nitong mesa.

"Oo, kaya may maganda akong regalo sa kanya."

"Umaasa akong ito na ang huling plano ni Gian. Sana ay mapapataob ang Delavega na 'yan."

Humigop ng kape ang don bago nagsalita.

"Magtiwala ka hija, ang mahalaga magkakaisa para sa pagpapataob sa kalaban."

Umaasa rin siyang ito na ang huling laban ng mortal na magkalaban.

Tumunog ang kanyang cellphone at nang makitang ang kasintahan ang tumatawag ay agad niyang sinagot.

"Love?"

"Love, kumusta?" 

"Nakausap ko na ang taga media gaya ng sinabi mo."

"Mabuti. Nasa venue na ba?"

"Yes love." 

"Salamat."

"Wala 'yon, basta para sa 'yo."

"Matatapos din ito love." 

"Yes love, I know you can do it."

"We can, love. Hindi ko ito kakayanin kung wala ang suporta mo."

"Sus, wala 'yon. Kumusta na nga pala ang pamilya mo? Alam ba nila ang plano mo? Hindi ba sila nagalit?"

Napangiti ang binata. "Hindi, katunayan proud pa raw sila."

"Ako rin love, I am proud of you. Wala ka talagang katulad."

"Bolera ka love," halakhak nito.

Napangiti siya. 

"Basta, ingat diyan ah?"

"Yes love, kayo rin."

"I love you."

"I love you."

---

Magkatabi sina Gabriel at don Manolo sa mesa. Katabi naman ni Gian ang pinsang si Hendrix at kaharap nila ang abuelo habang nag-aalmusal. 

Nang magsandok na siya ng kanin ay nagsalita ang abuelo.

"Kumusta ang plano mo hijo?" 

Napatingin sa kanya ang mga ito. Tumigil siya sa ginagawa.

"Malapit na pong magtagumpay lolo. Tatapusin ko ang nasimulan ko, at ngayong gabi 'yon."

"Asahan mo ang suporta namin Gian."

Tumango siya bilang pasasalamat.

"Bro, full support ang pamilya Villareal para sa laban mo, excited tuloy ako sa mangyayari mamayang gabi." Nakangising turan ni Gabriel.

"Hendrix, tulungan mo si Gian sa lahat ng kailangan niya."

"Yes grandpa."

"Salamat, Drix." 

Natahimik ang mga ito na ikinapagtaka niya. 

"Bro, 'yon ang tawagan namin dito."

Napalingon siya rito. Kumabog ang kanyang dibdib. "Salamat, b-bro."

Napangiti ang mga ito. 

Tila nanikip ang kanyang dibdib sa sobrang kasiyahan.

Alam niya iisang pamilya na sila.

Kaya hindi siya makakapayag na hindi magtatagumpay. 

Hindi ngayon! 

---

Mabibilis ang lakad ni senior Roman papasok sa matayog na gusali habang nakasunod ang may sampung tauhan.

Dumeretso siya sa conference room na kinaroroonan ng mga empleyado para sa pagtitipon. 

Pagkakita sa kanya ay nagsitayo ang mga ito. 

" Good morning chairman! "

Saglit siyang natigilan sa narinig. 

Nasanay kasi siyang senior ang tinatawag sa kanya. 

Minsan nakakalimutan niyang isa nga pala siyang chairman sa sariling kumpanyang legal. 

Tinungo niya ang harapan saka hinarap ang lahat. 

" Please sit down. "

Nagsiupo ang mga opisyal. 

"Senior, maligayang kaarawan!" Masiglang bati ng bise presidente. 

Tumango siya. 

"Nakahanda na ba kayong lahat sa pagdiriwang mamayang gabi?" 

"Yes senior, lahat po kaming naririto ay dadalo." 

"Good. May darating na business partners natin kaya ito na ang simula ng ating pag-angat. Kapag naging partner natin ang isa sa shipping lines ng China madali na lang sa atin ang pagpasok sa lugar nila."

"Chairman, kapag naging business partner na ba natin ang Feng Group of Companies ay tayo lang ang exclusive partner nila sa bansa?"

Tumingin siya sa sekretarya. "Yes, kaya dapat makuha natin sila."

Kapag nakuha nila ang kumpanyang 'yon, magiging magkasosyo na sila sa legal at ilegal na negosyo. 

Walang alam ang mga opisyal ng kumpanya sa tunay niyang trabaho. Ang tanging nakakaalam ay ang kanyang anak at ang iba pang tauhan.

Ang tanging hangad niya, ang tingalain ng iba pang makapangyarihan.

At ngayong gabi, matutupad 'yon. 

Magiging siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat, kahit walang suporta mula sa pamilya ay hindi na iyon mahalaga. 

Salamat sa kanyang nag-iisang anak na tanging nakakaintindi ng kanyang hangarin at pangarap. 

---

"Maayos na ba ang lahat? May medya na bang nakuha?"

"Yes boss, mamaya darating sila." 

Abala ang lahat sa paghahanda ng kaarawan ng kanyang ama sa hotel na gaganapan. 

Sinisigurado ni Xander na matagumpay na maidaos ang pagdiriwang.

Kailangang malaman ng buong Zamboanga Peninsula ang pagsasanib ng kanilang kumpanya sa kumpanya ng China.

Sa ganoong paraan, lalakas ang kanilang kapangyarihan at impluwensiya.

"Ramil," baling niya sa tauhang nasa mga sound system nakatingin sa loob ng control room.

"Yes boss Xander?" Lumapit ang tinawag.

"Maayos na ba 'yan?" tukoy niya sa mga aparato. 

"Yes boss!"

"Good!"

Mula sa itaas pinagmasdan niya ang mga staff ng hotel sa ibaba na masyadong abala sa mga ginagawa maging ang kanyang mga tauhan.

" Kayong lahat makinig!" 

Natigil ang mga ito at nilingon siya.

"Bantayan ninyong maige ang bawat pinto ng function hall na ito! Huwag kayong magpapasok ng wala sa inimbentahan! Maliwanag ba!"

"Yes boss!" 

" Sa oras na hindi matuloy ang partnership dahil sa inyo, lahat kayo mananagot! Maliwanag ba!" 

"Yes boss!" 

Lumapit siya sa mga pinagkakatiwalaang mga tauhan. 

"Maayos na ba ang magbabantay sa labas?" 

Isa sa mga ito ang sumagot. 

"Yes boss, nakapwesto na sila sa itaas ng mga gusali. Kaya alin man sa kalaban ang darating ay hinding-hindi makakapasok at makakapanggulo." 

"Good!" 

"Huwag kayong mag-alala boss, siguradong walang mangyayaring gulo mamaya kaya ipanatag niyo ang kalooban ninyo." 

Humagkis ang kanyang tingin kay Ramil. 

"Paano mo nga nakilala si Villareal?" 

Umigting ang bagang nito saka tumalim ang mga mata. 

"Isa ako sa dating tauhan niya pero pinabayaan niya ako pati na ang mga kasama ko. Ngayon nanganganib kaming lahat at pinaghahanap ng batas," mariing tugon ng kausap. 

Napatango-tango siya. 

"Dito, hindi ko kayo pababayaan. Walang iwanan. Ayusin niyo lang ang inyong trabaho at manatili ang katapatan sa akin ay hindi kayo mapapahamak. Ngunit..." bumalik ang kanyang titig sa tauhang si Ramil. 

"Sa oras na bumaliktad kayo sa akin ay hindi ako mangingiming ubusin ang lahi ninyo! Naintindihan niyo ba!" 

"Yes boss!" sabay na sagot ng lahat. 

" Maliwanag ba!" 

"YES BOSS!" 

Hinding-hindi siya makakapayag na may sisira sa kanilang mga plano dahil ito na ang huli at ito na ang simula ng kanilang tagumpay!

---

Gabi. 

Sa labas ng isang prestihiyosong hotel ay alertong nakamasid ang ilang mga tauhan ng mga Delavega sa itaas ng gusali. Hindi alintana ang kadiliman. 

May hawak na mahahabang armas ang lahat ng mga ito at nakapwesto ng husto, sinisiguradong walang kalaban na makakapasok. 

Sa ibaba ay may mga tauhan ding nagbabantay at nagsidatingan na ang mga dadalo sa naturang pagdiriwang.

Sa loob ay naroon ang mga taong nakasuot ng pormal na pananamit para sa mahalagang okasyon sa gabing ito. 

Ang mga kalalakihan ay naka tuxedo at ang mga kababaihan ay naka gown. 

Panay rin ang pagkikislapan ng kamera sa paligid. 

Puno ng mga pabilog na lamesa ang buong lugar para sa iba pang bisita ng senior na mga negosyante at pulitiko. 

Puno rin ng iba't-ibang pagkain at inumin ang bawat mesang naroon. 

Napakaliwanag ng buong lugar dahil sa naglalakihang ilaw sa paligid. 

Sa harapan ay naroon ang isang kulay puting dingding na nagsisilbing screen kung saan ipinalalabas ang larawan bilang pagpapahiwatig ng "Partnership" ng Delavega Shipping Company at Feng Group of Companies. 

Ito ang mas sentro ng pagdiriwang kaysa sa kaarawan ng senior. 

Sa pinakaharap ay naroon ang isang mahabang mesa na kinaroroonan ng senior at ng iba pang opisyal ng kumpanya. 

Sa kaliwang bahagi naman ay ang mga intsik na investor kasama ang mga tauhan.

Sila ni Mr. Feng ay magkatabi at nasa harapan nila ang mga dokumentong dapat pirmahan para sa pagsasanib ng dalawang kumpanya.

"Ladies and gentle men, good evening!" bati ng lalaking emcee. 

"Tonight we will witness the Partnership of the most Powerful group in Beijing, the Feng Group of Companies headed by Mr. Xiao Feng the Chairman, and Delavega Shipping Lines, Philippines headed by senior Roman Delavega, Chairman." Inilahad ng nagsasalita ang kamay sa kanila.

Nagsipalakpakan ang lahat. 

" Let's start the signing of contract."

Agad silang kumilos at binuklat ang mga folder na naglalaman ng dokumento at nagpirmahan sabay ng kislap ng mga kamera. 

Nang matapos ay nagsitayo sila at nagkamay saka humarap sa kamera. 

Natahimik sila nang muling magsalita ang emcee sa harapan. 

"Congratulations on both parties. 

Tonight is not just for the merging of both companies. 

I would like to inform you that this is a special night for the most humble and powerful man. Senior Roman Delavega! Happy Birthday sir! Any words on this special night? " 

Tumayo siya at sinalubong ng masigabong palakpakan ng lahat, kasabay ng mga pagbati. 

Kasunod ay ang patuloy na kislapan ng mga kamera. 

"Thank you! Thank you so much!" 

Itinaas niya ang kamay bilang pasasalamat. 

Tila malulunod sa galak ang senior sa nangyayari. 

Nagtungo siya sa harapan at nagsalita sa mikropono. 

"Thank you. I am so happy tonight that this event is really happening in my life. This will be the beginning of my journey to success! 

At kung papalarin, babalik tayong muli sa pagseserbisyo sa mahal nating bayan."

Umugong ang matinding bulungan. 

Hanggang sa may isang taga medya ang nagpataas ng kamay. 

" Sir, papasok po ba kayo sa pulitika ulit? "

Napangiti siya bago tumango. 

" Yes, kasi parang tinatawag na tayo sa pagseserbisyo sa ating bayan. "

" Ano po ang tatakbuhan niyo sir?" 

"Malalaman natin sa susunod, sa ngayon ay hindi pa kumpirmado. Hayaan ninyo kapag nasigurado ko na ay ipapaalam ko kaagad. Hangad ko ay mas makakatulong pa sa ating mahal na mamamayan lalo na ngayong tayo ay nakaharap sa isang matinding dagok ng pamumuhay. Iyon lang muna sa ngayon. Maraming salamat."

Muling nagpalakpakan ang lahat. 

Nakangiting nakatingin ang senior sa bawat taong pumapalakpak. 

Napaka sarap sa pandinig ang tunog ng palakpak. 

Alam niya ito pa lang ang simula ng tagumpay! 

Pagkuwan ay bumalik na siya sa inuupuan. 

Muling nagsalita ang emcee. 

"Thank you for that wonderful words sir. And now let's start the celebration. Let's take a look on the screen please and enjoy the night!" 

Lumawak ang kanyang pagkakangiti at nagpasalamat ng husto. 

"Now that you're officially part of the organization, what's your next move now Roman?" untag ng intsik. 

Nilingon niya ito. 

"I'll run on the senate Mr. Feng and be the most influencial man here in the country."

Nagtiim ang kanyang bagang nang maalala ang dating kaibigan. 

Ngayon na ang simula ng kanyang pag-angat. 

'Darating ang araw ako naman ang titingalain mo Jaime Lopez!' 

"Great idea!" Namilog ang mga mata ng kausap. 

"I'll support you all the way!" 

"Thank you. One day I'll be the President in this country," ngisi ng senior. 

"I'll wait for that." 

Napatingin ang kausap na lalake sa kanyang anak na panay ang pagtingin-tingin sa paligid. Naipakilala na niya ang anak kanina sa mga ito. 

"You had the heir, so lucky that he's a man. After this, introduce your son to our group okay?" 

Namilog ang mga mata ng senior sa narinig. 

"Thank you Mr. Feng!" 

"That will be my gift." 

Umawang ang kanyang bibig. 

Napakatagal ng pinangarap niyang mapasali sa organisasyon, kahit siya lang, ngayon ay makakasama pa ang anak. 

Hindi na napigilan ng senior ang maging emosyonal na talagang nagpaluha sa kanya.

Ito na ang pinakamatagal niyang pinakahihintay at sa wakas makakamtan na rin niya ngayong gabi! 

"That's fine Roman." 

Tinapik-tapik siya nito sa balikat. 

Napangiti ang senior at nagpasalamat ng husto. 

Binulungan siya ni Xander. 

"Your lucky day dad." 

Maya-maya ay namatay ang ilaw, ang tanging natirang maliwanag ay ang screen na ginamitan ng projector. 

Unang lumabas ang isang larawan ng senior na may nakalagay na 50th birthday. 

Kasunod ay ang larawan nila ng anak na si Xander. Kapwa sila nakangiti roon habang umiinom ng wine. 

Kasunod ay ang mga empleyado ng kumpanya kasama siya sa loob ng opisina. 

Sunod ay ang larawan niya kasama ang mga kamag-anak. 

Malalayo raw ang tinitirhan ng mga ito kaya kahit isa man ay walang nakadalo. 

Ngunit ang totoong dahilan ay ayaw ng mga ito sa kanya. 

Malayo rin ang loob niya sa mga kamag-anak. 

Kaya kung sakaling maging senador siya o presidente ng bansa, sisiguraduhin niyang kikilalanin siya ng lahat ng pamilya. 

Ilang mga larawan pa na kasama ang mga kaibigan sa negosyo ang ipinakita. 

Hanggang sa umabot sa kanyang pagiging Congressman noon kasama ang mga kapartido. 

Pagkuwan ay may isang video ng lalake ang lumabas. 

Napalunok siya nang makilala ito. 

"Congratulations Roman, I am so proud of you brother! I knew there were times in our life for some mistakes and failure, but time will come you will succeed, and that day came. 

More success. Happy birthday!" 

Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. 

Naramdaman niya ang marahang paghawak ng anak sa kanyang balikat. 

Hindi siya makapaniwalang napansin na rin siya ng kapatid. 

Napakaiksi ng video ngunit nagdulot ng matinding galak sa kanyang puso. 

Natapos ang palabas. 

Muling nagbukas ang ilaw. 

Nagsipalakpakan ang lahat. 

"HAPPY BIRTHDAY SENIOR!" anang emcee na sinabayan ng lahat. 

Tila maluluha na naman siya. 

Nagsimula ang selebrasyon. 

Tumugtog ang isang birthday song habang nagsisikain ang lahat. 

"Did you like my surprise dad?" ngisi ni Xander. 

"Yes hijo. Hindi ko inakalang magsasalita ng ganoon ang kapatid kong si Norman. Salamat."

"Ito na ang araw ng inyong pagbabalik sa pamilya dad. Kikilalanin na kayo ng inyong mga kamag-anak. Magiging proud na sila sa iyo. Happy birthday." 

"Salamat hijo, salamat. Ito na ba ang sinasabi mong birthday gift sa akin?" 

"Yes, dad." 

Niyakap niya saglit ang anak sa sobrang tuwa. 

"This is your day, Roman," anang katabing intsik. 

Kumalas siya at umupo ng pormal. 

"Thank you Mr. Feng." 

"Cheers!" 

Nagpingki ang kanilang kopita at sabay-sabay na uminom. 

Napangiti ang senior. 

Alam niyang pagkatapos ng kainan, tapos na rin ang gabing ito. 

Umpisa na ng panibagong buhay. 

Alam niyang dahil sa nangyari ngayon ay tatanggapin na siya ng pamilya. 

Umpisa na rin ng tagumpay at wala ng makakapigil pa! 

Nilingon niya ang mga bisitang naroroon. 

Lahat ay nagkakasiyahan, puno ng tawanan at ngitian na sinabayan pa ng malakas na tugtog ng musika. 

Kinalabit siya ng anak. 

"Hurry up dad at uuwi na tayo," ani Xander na panay tingin sa suot nitong relo. 

"Bakit ba?" asik niya rito ng pabulong din. 

"Pakiramdam ko kasi parang may hindi magandang mangyayari." 

"Shut-up. Sinisira mo ang araw ko."

Natahimik ang anak saka nilagok ang alak sa baso at tumayo. 

"Saan ka pupunta?" 

"Excuse me, I need to go to wash room," paalam nito sa lahat saka umalis. 

"Your son is an ideal man as an heir, don't you think Roman?" 

"Thank you Mr. Feng."

"After this, tomorrow, let me introduce you to our top officials on Black organization." 

Namilog ang kanyang mga mata sa narinig. 

"Wow! Thank you so much Mr. Feng!" 

"You're welcome Roman. In fact-" 

Namatay ang ilaw kaya natigil sa pagsasalita ang kausap. 

Ang tanging natira ay ang screen ng projector. 

"Anong nangyayari? " tanong ng senior sa kawalan. 

Umugong ang bulungan. 

May lumitaw sa screen. 

Pinapakita roon ang kabuuan ng kanyang kulay puting mansyon mula sa malayo. 

Ang mga nagtatayugang haligi ay kitang-kita. 

"Is this another surprise of your son?" ngisi ng kausap. 

Dahil sa sinabi ng intsik ay napangiti siya. 

Pinapakita siguro ng anak ang estado nila ngayon dahil alam nitong pinapanood sila ng mga kamag-anak. 

Ang lahat na maiingay kanina dahil sa pagkamatay ng ilaw ay natahimik. 

Naglakbay ang video. 

Mula sa entrada hanggang sa pagpasok ng sala. 

Ngunit nakakapagtakang walang taong nakikita kundi ang kabuuan lang ng kanyang bahay. 

Wala ring ingay na naririnig. Hanggang sa naglakbay pa ang video mula sa malawak na sala at tila patungo sa kung saan. 

Kumunot ang kanyang noo at hinintay kung saan ito patungo. 

Doon na siya nanlamig nang matanto kung saan ito papunta. 

Sa kanyang private elevator!

Sa basement kung nasaan ang kanyang laboratory!

Sigurado siyang hindi si Xander ang gunawa nito at hindi ito isang surpresa! 

"Is that your house Roman?" tanong ng katabing intsik. 

Napapalunok na siya lalo pa't pumapasok na ang video sa elevator. 

Walang tao ngunit kusang gumana ang laser kaya nagbukas 'yon. 

'Imposibleng walang tao!' hiyaw niya sa isipan. 

Sigurado siyang edited ang naturang video! 

Ilang sandali pa pababa na ang elevator. 

Mas tumindi ang kanyang kaba at nanlalamig na siya! 

"P-patayin 'yan..." usal ng senior ngunit tila hindi maibuka ang bibig sa tindi ng gumagapang na takot. 

Nagbukas ang elevator at doon na siya sumigaw. 

"PATAYIN 'YAN!" Sa gitna ng katahimikan ay umalingawngaw ang kanyang tinig. 

Ngunit walang nangyari maliban sa pinagtitinginan siya ng lahat. 

"What' s wrong Roman?" tanong ng nagtatakang intsik. 

Subalit hindi niya ito sinagot habang nakatutok sa screen. Pinagpapawisan na ng malamig ang kanyang mga kamay. 

Tuluyang bumukas ang elevator at tumambad ang kanyang laboratory! 

"Hijo de puta!" muli niyang sigaw at tumakbo palayo sa silid. 

Nagimbal ang mga tao at umugong ang matinding usapan. 

Habang nasa pasilyo ay 

hinagilap niya ang cellphone sa loob ng tuxedo at mabilis na tinawagan ang anak. 

"Dad?" 

"PUTANG INA XANDER ANONG NANGYAYARI!" Naglitawan ang litid sa leeg ng senior sa tindi ng pag sigaw. 

"Hinahanap na po dad, hinahanap po namin kung saan 'yon!" 

Pinatayan niya ang anak sa tindi ng galit. 

Nakasalubong niya ang isang lalaking empleyado ng hotel at kinuwelyuhan. 

"Saan ang control room!" 

"D-doon po sir!" turo nito sa dulo. "Samahan ko na po kayo sir!" 

Agad itong nagtungo roon at sumunod siya. 

Napakaingay na ng function hall at nagsimulang magkislapan ang mga kamera na kanina lang ay nanahimik na. 

"Ano 'yan?" tanong ng isa sa mga naroon. 

"Parang laboratory?" sagot ng isa pa. 

Ilang saglit pa, naglakbay na ang video papasok sa isang silid kung saan naroon ang mga kahon-kahon na may lamang kulay dilaw na tila pulbo sa sobrang pino. 

"Shit! Is that... " Hindi napigilang sigaw ng isa sa mga intsik na naroon. 

Dumagsa ang taga medya at tumindi ang pagkislapan ng kamera.

Ang lahat ng mga ito ay nag-unahan patungo sa screen kung saan patuloy sa paglakbay ang video. 

Biglang nagsigawan ang ibang bisita nang mabangga ng mga taga medya. 

Halos himatayin naman ang senior na ngayon ay nasa loob na ng control room at sininghalan ang tauhan. 

"PATAYIN NINYO 'YAN DE PUTA!" 

"S-senior, wala po kaming kontrol sa nangyayari ngayon. Wala po rito sa amin senior , " ang nangangatal sa takot na tugon ng tauhan. 

"ANO! HIJO DE PUTA!" 

Nanginig ang mga kamay na mabilis niyang hinagilap ang cellphone sa bulsa ng suot na tuxedo. 

Agad niyang tinawagan ang anak ngunit hindi nito sinasagot. 

"Putang ina!" 

Tumakbo siya palabas subalit nagitla nang makitang nakalantad na ang kabuuan ng laboratory!

Napakaingay na ng lahat. 

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay biglang may nabasag na kung ano at namatay ang video. 

Nakahinga ng maluwag ang senior.

Muli siyang bumalik sa loob ng control room. 

"Anong nangyari?" 

"May bumasag po sa projector, si boss Xander daw po." 

Ang kaninang maiingay na panauhin at mga taga medya ay kahit paano nakalma. 

Nagmadali siya sa pagbalik ngunit natigil nang tumunog ang kanyang cellphone. 

Hindi niya kilala ang numero ngunit sinagot niya. 

"Hello?" singhal niya habang patuloy sa paglalakad. 

"Happy Birthday Roman!" 

Umalingawngaw ang boses-lalake sa kabuuan ng function hall ng naturang hotel. 

Lahat ng tao ay napatingin kung nasaan nagmula ang boses.

Ngunit walang kaalam-alam ang senior na naririnig ng lahat ang kanilang usapan. 

---

Sinagilahan ng takot si Xander nang marinig ang boses ng lalaking kinamumuhian niya. 

Tinigilan niya ang pagwasak ng projector at hinanap kung saan nagmumula ang boses. 

Mas tumindi pa ang kanyang takot nang umalingawngaw ang tinig ng kanyang ama! 

"VILLAREAAAAALL! DEMONYO KA TALAGA!" 

"Tumingin ka sa gilid may isa pa akong surpresa." 

Mabilis niyang sinunod ang utos at ganoon na lang ang kanyang pagkagimbal nang may lumitaw na naman sa screen na isang video. 

Sa pagkakataong ito ay may tunog na ang nakakapangilabot na video!

"Walang gagalaw!" sigaw ng isang pulis habang sa likuran nakatutok ang mga baril sa kanilang mga tauhang nagbabantay sa gate ng mansyon. 

Ni hindi nakahuma ang mga gwardya at pinagdadakip. 

Sunod-sunod na paglusob ng mga awtoridad sa laboratory at pinagdadakip ang mga trabahante!

"Labas!" 

Walang nagawa ang mga tauhan kundi ang sumunod. 

Halos mawalan ng ulirat si senior Roman sa nasaksihan.

Kitang-kita nito ang paglimas ng mga droga at pinagwawasak ng mga awtoridad ang lahat. 

Sadya lang talagang malas dahil itinaon sa panahong may okasyon kaya wala halos nagbabantay na tauhan sa mansyon, tanging mga gwardya lang. 

Ilang sandali pa umikot ang kamera at tumutok sa mukha ng isang lalaking nakangisi. 

"Delavega! Alam ko mapapanood mo ito. Tingnan mong mabuti kung paano ka tataob!" 

Muli nitong ibinalik ang video sa mga awtoridad na kasalukuyang nagwawasak ng pasilidad. 

Sinabayan ng matinding halakhak ng naturang lalake ang pangyayari. 

"PUTANG INA MO MARAVILLA! PAPATAYIN KITANG HAYOP KA! " Hindi na nakapagpigil si Xander at pinagbabaril ang screen na dingding ngunit walang nangyari at nagpatuloy ang video. 

Nagimbal ang mga tao at nagsipagtakbuhan sa takot na matamaan. 

Nagkagulo ang lahat at nagsipaglabasan. 

"Fuck!" tanging nasambit ni Xander at tumakbo palayo habang tinatawagan ang ama ngunit hindi nito sinasagot. 

Patuloy naman sa pakikipag-usap ang ama sa kalaban. 

"Magbabayad ka Villareal! Sisiguraduhin kong hindi ka na mabubuhay pa!" 

"Huwag mong kalimutan kung sino ang mga pinatay mo na Delavega! Hindi ka tao demonyo ka!" 

Habang tumatakbo ay patuloy siya pagtawag sa ama. 

Patuloy naman ang pakikipag-usap nito sa kalaban. 

"NASAAN KANG DEMONYO KA! AKALA MO BA MAGTATAGAL KA PA? NAGKAKAMALI KA VILLAREAL! MALAPIT KA NG MAMATAY!" 

Halakhak lamang ang tugon ng kabilang linya. 

"Fuck!" Tinigilan ni Xander ang pagtawag sa ama at ang tauhang nasa control room ang kanyang tinawagan. 

"Hello boss?" 

"Nasaan si dad?" 

"Kagagaling lang po rito." 

Pinatay niya ang linya at tumakbo patungong control room. 

"Hindi ka lang talaga nagtatagumpay dahil hanggang ngayon buhay pa rin ako Delavega! 

Kinasabwat mo pa ang mga tauhan mong pulis pero nabigo ka pa rin. 

Bibigyan kita ng pagkakataong kusang susuko sa mga awtoridad Roman." 

"Punyeta! Akala mo ba makakatakas ka pa sa batas? Hah! Ikaw ang sumuko Villareal dahil bilang na ang araw mo! Ikaw ang wanted! Ikaw ang tinutugis ng awtoridad!" 

"Huwag mong kalimutang sa ating dalawa Roman ikaw ang terorista. Kasama mo pa ang leader ng grupo ninyong nagngangalang Xiao Feng!" 

Nanlaki ang mga mata ng intsik nang marinig ang pangalan lalo pa at bumaling ang atensyon ng mga taga medya rito. 

Ilang sandali pa nagkislapan ang mga kamera deretso sa leader ng grupo. 

"W-what's he talking?" anitong umaatras. 

Saglit lang dinagsa ang mga dayuhan ng taga medya. 

Habang nagkakagulo sa loob ng hotel ay nabulabog din ang labas. 

Nagkasagupa ang mga tauhan ng mga Delavega at mga awtoridad. 

Tinawagan ni Xander ang mga tauhan sa itaas ng gusali. 

"Anong nangyayari diyan!" 

Ngunit walang sumagot. 

"Putang ina sumagot kayo!" 

Subalit wala pa ring sumagot. 

Patuloy naman ang usapan nina Roman at Gian. 

"IKAW ANG TERORISTA HAYOP PAPATAYIN KITANG DEMONYO KA!" Nangangalaiting sigaw ng senior. 

"Bahay mo ang nakitaan ng pruweba Roman, bahay mong sa ngayon ay pinasok na ng mga awtoridad at nilimas ang mga droga mo. Umuwi ka na Roman dahil wala ka ng aabutan." 

"HAYOP KA TALAGAAAAAA!" 

Kasabay ng matinding pagsigaw ng senior ay ang sunod-sunod na putok ng baril. 

Nawala ang boses na kausap ng senior matapos pagbabarilin ni Xander ang gilid ng posteng kinaroroonan ng kamera kung saan alam niyang pinapanood sila ng kalaban. 

Eksaktong nagpang-abot sila ng ama. 

"Dad!" 

"XANDER! SAAN KA GALING!" 

"Dad, may malaki tayong problema!" 

"Tama! Hayop na Villareal 'yan! Akala ba niya matatakot niya ako!" 

Nanlumo si Xander sa narinig. 

"Dad, naka broad cast po ang usapan niyo ni Villareal, kaya narinig po ng lahat." 

Nagitla ang ama at tila matutumba ito. 

"Dad!" maagap niyang nahawakan sa balikat ang nanghihinang ama. 

"A-anong sinabi mo?" 

"Parating na po ang mga pulis dito dad."

"ANO!"

"Kailangan na po nating makaalis dito!" Hinila niya ang pulso ng ama at tumakbo palabas. 

"Saan tayo pupunta?" 

"May fire exit dito, bilisan ninyo!" 

Ilang sandali pa tumakbo na sila patungo sa fire exit. 

Nakasalubong nila ang isa pang tauhan. 

"Ramil samahan mo si dad palabas!" 

Bumalatay ang pag-alala ng ama sa anak. 

"Ano? Bakit ano pang gagawin mo?" 

"Susunod ako dad! May babalikan lang ako." 

Wala ng nagawa si senior Roman nang tumakbo pabalik ang anak at iniwan siya kasama ang tauhan. 

---

"Tayo na po senior!" ani Ramil at saka binilisan ang lakad, sumunod siya. 

Pagdating sa pinto ay mabilis nitong binuksan ngunit biglang napaatras. 

"Anong nangyayari?" tanong ng senior nang makitang natigilan ang kasama. 

"Ramil!" 

Tuluyang bumukas ang pinto at bumungad ang taong kailan man ay hindi inaasahan ng senior. 

"Kumusta Roman? Tatakas ka yata?" ngisi ng kaharap. 

Nagtagis ang kanyang mga ngipin habang nakatitig sa dulo ng baril ng kaharap. 

"Hayop!" 

"Ikaw naman demonyo! Akala mo ba makakatakas ka pa?" 

Sinenyas nito ang isang kamay mula sa likuran. 

Saglit lang pinalibutan na sila ng mga kapulisan habang nakatutok lahat ng baril sa kanila. 

"Men, arrest them!" utos ng pinuno ng mga awtoridad. 

"Yes sir!" 

Agad nagsikilos ang mga alagad ng batas at dinakip ang dalawa. 

"Putang ina mo Maravilla! May araw ka ring hayop ka!" nangangalaiting sigaw ng senior habang kinakaladkad ng mga pulis.

"Sa presinto ka manakot Delavega! Lakad!" saka itinulak siya nito palabas. 

Walang- wala sa hinagap ng senior na may masamang mangyayari ngayon. Kuyom ang mga kamay habang nakaposas sa likuran ay kinakaladkad siya ng kalaban. 

Eksaktong nakalabas sila nang salubungin ng nagkikislapang kamera. 

Inulan siya ng iba't-ibang tanong ngunit isa man sa mga ito ay wala siyang sinagot. 

Mas lalo siyang nanlumo nang makita ang mga tauhan ng pinuno ng organisasyon na nakaposas din. 

Subalit napansin niyang wala roon si Mr. Feng. 

Hindi naman magkamayaw sa pagsunod sa kanila ang mga taga medya habang sunod-sunod ang mga tanong. 

"Sir anong masasabi ninyo sa nangyayari ngayon?" 

"Totoo bang miyembro kayo ng terrorist group?" 

"Kasamahan niyo ba ang mga dayuhang ito?" 

"Bahay ba ninyo ang nasa video kanina?" 

At kung anu-ano pa. 

Napapikit na lang si senior Roman at naluha.

Ang buong akala niyang puno ng kasiyahan ay mauuwi pala sa isang masaklap na kabiguan. 

'Ito na pala ang katapusan ko...' 

Habang naglalakad ay halos hindi maisip ng senior kung sino ang nagtaksil. 

Sigurado siyang may nagtaksil kaya nabulilyaso ang plano. 

Nilingon niya ang tauhang si Ramil subalit sa kanyang pagtataka ay hindi na ito nakasunod sa kanya at mas lalong hindi pala ito nakaposas! Katabi pa nito ang matalik na kaibigan ng mortal na kalaban!

Kumabog ng husto ang dibdib ng senior sa naiisip. 

"Hindi..." mariing iling niya habang titig na titig sa tauhan. Ngunit saka niya napansin ang pagngisi ng naturang lalake! 

"HINDIIIII!" Hindi na niya napigilang sumigaw sa tindi ng poot. 

"TRAYDOR PAPATAYIN KITANG HAYOP KA!" Nagpumiglas siya ngunit mas humigpit ang pagkakahawak sa kanya ng mga alagad ng batas.

"MAKINIG KAYONG LAHAT! ANG TAONG ITO..." dinuro siya ng kaibigan ng kalaban. 

Nakuha nito ang atensyon ng lahat. 

"... AY ISANG TERORISTA!" 

Ibinaba nito ang kamay at hinarap ang lahat. 

Tumalim ang kanyang titig sa naturang lalake. 

Kung may baril lang siya ngayon uubusin niya ang bala rito! 

"NAPAKARAMING PINATAY NG TAONG ITO, NGUNIT HINDI NAPAPARUSAHAN DAHIL SA TINDI NG KAPANGYARIHAN NG KASAMAAN! 

KUNG MAKAKALAYA PA ANG TAONG ITO AY WALA NG PAG-ASA ANG ATING BAYAN! WALA NG PAG-ASA ANG MGA NABIKTIMANG HUMIHILING NG KATARUNGAN! 

HUWAG SANANG UMABOT SA PUNTONG ANG KASAMAAN NA MANANAIG... LABAN SA KABUTIHAN!" 

Humulagpos ang kanyang pagtitimpi at akmang susugurin ang kaharap subalit mabilis na humarang ang mga awtoridad. 

"DEMONYO KA MARAVILLA! HINDING-HINDI KITA BUBUHAYIN HAYOP KA!"

Sa pagkakataong ito, ang lahat ng naroon ay sa kanya nakatingin. Mga titig na punong-puno ng panghuhusga at... awa. 

Nanlulumo ang senior habang naghihiyaw sa galit at puno ng pait ang damdamin. 

Nararamdaman na niya ang simula ng kanyang katapusan!

Kumusta po kayong lahat?

Pasensiya na po talaga kung sobrang tagal bago nasundan. Napakahirap lang po talaga maghanap ng mapagkakitaan.

Sana magustuhan po ninyo ang chapter na ito.

I dedicate this chapter to "Daoist705527" thank you po.

Tumatak po talaga sa akin ang sinabi niya sa comment. Nakakataba ng puso at nakaka inspire. Na touch po talaga ako.

Maraming salamat sa mga naghihintay pa rin kahit napakabagal ng update.

Thank you po.

Keep safe every one!

Phinexxxcreators' thoughts