webnovel

Prologo

Limang oras at bente y' minutos. Mula Osaka hanggang Hakone.

Pikit mata,

malalim na paghinga,

pagod na utak,

Nagmamakaawang damdamin...

"Tulong! Tulungan mo 'ko..."  Ika ng buong pagkatao ko. Ako si Sunny. 

Lulan ng isang pribadong yate kasama ng iba kong katrabaho, ito ang gabi na sinasabing pinaka-hihintay ng lahat. Ang "Night Of The Butterflies." 

Sa gabing ito, ang katulad kong nabibilang sa Class A at B na escort ay ipapakilala na sa malalaking tao na sumusuporta at laging nasa likod ng "WINGS." Ang pumu-pundo sa lahat.

Ang Wings ay isang escort service agency na para sa mga babaeng malaki ang pangangailangan para mabuhay, para sa luho at para sa katulad kong kailangang ilaan para sa ibang tao. Tinitiis ang paglunok ng laway ng iba't-ibang lalaki, nakikipag-talik sa hindi na mabilang sa daliri. Prostitute kung didiretsohin.

Karamihan ng kasapi sa grupo'y natutunan na'tong tawaging propesyon. At sa bawat singkwentang babae na gusto maka-pasok sa ganitong trabaho, wala pa sa kinse ang pinapalad. Sa akalang papalarin sa buhay sa pamamagitan ng madaling pera, miski isang batang wala pang nalalaman, sumusubok na.

Dito. Susuriin ka mula ulo hanggang kaluluwa. Pinapa-medikal na katulad din sa paghahanap ng matatawag na totoong trabaho. Dito. Binabase ang hitsura, ganda ng pangangatawan, kapal ng apog para sa kung saang grupo ka mabibilang. Class A, B, at C. ano't ano pa man, wala naman pinagkaiba ang trabaho ng bawat isa. Taga benta ng laman mula sa murang halaga hanggang sa para ka ng bumili ng panibagong sasakyan.

At ang isang babaeng tulad ko na nasa Class A. Dinaig ko pa ang lahat ng klase ng bayarang babae. Wala akong karapatan makapili. Basta kayang bayaran ang talent fee ko, hindi na tinitignan ni Madam Osaka kung mamatay tao ba o isang santo ang kakaharapin ko.

Ginusto ko ba 'to? Hindi. Para akong basahan na itinapon sa ibang mundo. Isang iglap, iba't-ibang kwarto na ang namumulatan ko. Iba't-ibang amoy na ang kumapit sa katawan ko. Nakasanayan ko na ba 'to? Hindi. Dahil mula umpisa hanggang sa mga oras na'to, sukang-suka na' ako sa pagkatao ko.