Pula, dilaw,berde,bughaw
Sa malawak na kalangitan,aking natatanaw
Matitingkad na kulay, biglang lumilitaw
Sa mundong kaydilim, pag ika'y natatanaw
Kay sarap pagmasdan, bahag-hari sa langit
Habang kasama ka, at sa aki'y nakakapit
Ayaw ko nang matapos,sandaling walang pait
Ang pag-ibig mo kaya'y kailan makakamit?
Natatakot, nangangamba, ipagtatapat ko ba?
Dapat bang pigilan, aking nadarama?
Paano sasabihing "ikaw ay mahal na"
Sa matalik na kaibigang laging kasama
Binuo ang isip, ngalan mo'y sinambit
Ngumiti at sa kamay mo'y hinigpitan ang kapit
Tumitig sa mata, ang sikreto'y sinambit
At di namalayang labi nati'y nagdikit
Pula,dilaw, berde, bughaw
Sa kalangitan ay akin paring natatanaw
Matitingkad na kulay, nanatiling nakalitaw
Mundo'y di na didilim pagka't kasama ko'y ikaw
Kay sarap pagmasdan, bahag-hari sa langit
Lalo ngayong mas mahigpit ang iyong kapit
Hindi na matatapos ang sandali'y di na papait
Ngayong pag-ibig mo'y akin nang nakamit