Kumunot ang noo ni Maia nang may maabutang kalesa sa tapat ng abandonadong palasyo at mga kabalyero na labas pasok at may binubuhat na mga kahon.
Agad namang tumakbo patungo sa kaniya si Mindy nang makita siya nito. Hinihingal ito at kinakabahan nang makalapit sa kaniya. "Binibini! P-Patawarin niyo po ako! Hindi ko po sila napigilan sa pagkuha ng inyong mga gamit!"
"A-Ano?" gulat at naguguluhan niyang tanong. Ngunit hindi na niya hinintay ang sagot nito bagkus madali siyang bumaba ng kalesa at pumasok sa palasyo, hindi niya pinansin ang mga kabalyero na bumati at yumuko sa kaniya---na kung sa normal na araw ay mapapansin niya na kakaiba.
Ni minsan ay walang kahit sinong taga-silbi o mga kabalyero ang nagbigay-galang kay Malika.
Nagdirediretso siya sa silid nito kung saan may dalawang kabalyerong naghihintay sa labas. Agad yumuko at nagbigay-galang ang mga ito na lalong nagbigay sa kaniyang isip ng kagitlahanan...at kung siya ay magiging totoo, kilabot sa katawan.
Nilibot niya ang kaniyang tingin sa loob ng silid at naroon si Otis kasama ang ilang mga babaeng tagapaglingkod. Hindi niya akalain na kaya pala ay hindi niya rin nakita ang matanda sa bagong palasyo ay dahil nandito ito at abala sa pagtanggal ng mga gamit ni Malika.
"Ano ang nangyayari dito?" tanong niya kahit may ideya naman siya sa kung ano ang nangyayari.
Sa reaksyon ng Punong Lakan kagabi, masasabi niya na malaki ang problema nito sa pananatili ni Malika sa silid na ito. Hindi siya tiyak kung bakit ngunit malinaw ngayon na madaling-madali ito na siya ay paalisin dito. Ang tanong doon, saan siya planong ilipat ng mga ito?
Ikukulong kaya siya?
Agad siyang nilingon ng Punong Katiwala at magalang na yumuko. "Binibini. Ipinapalipat na po ng inyong Ama ang inyong mga gamit sa bagong palasyo. Doon na po kayo mananatili."
Natigilan siya dahil sa dalawang bagay. Una, hindi niya inaasahan ang mga sinabi nito. At pangalawa, ay ang paraan nito ng pagsasalita.
At pareho iyong masamang balita para sa kaniya.
Kung tunay na siya ay titira sa bagong palasyo, para na rin siyang ikinulong. Mas mahihirapan siyang makakilos doon dahil sa dami ng mga tagapaglingkod at bantay. Sa pagkawala ni Malika, nais na niyang makaalis sa lugar na ito at mamatay ng tahimik sa isang malayong lugar kung saan maaari siyang mamuhay bilang karaniwang tao kahit man lang sa kaunting sandali at hindi na isipin ang kaugalian sa mundong ito na lubos niyang hindi maunawaan.
Habang ang pakikipag-usap at pakikitungo naman ng Punong Katiwala sa kaniya ngayon ay kakaiba rin na tila nagpalalim sa kilabot na kaniyang nadarama na halos kaniyang matiyak na sasama lalo ang kaniyang pakiramdam. Bakit tila bigla itong naging mabait at magalang sa kaniya---katulad ng mga taga-silbi at kabalyero---na hindi niya maiwasang maisip na may plano ang mga ito na iba?
Tinitigan niya ito nang mabuti. "Paano kung ayoko?" tahimik niyang tanong.
Tumayo nang maayos ang matanda, may pagkabigla sa ekspresyon nito. "Binibini?"
Hindi niya inalis ang mga mata dito. Nais niya sanang ibalik dito ang mga salitang sinabi nito sa kaniya noong una niya itong makita, na alam niya ang taglay nitong matalas na pandinig kaya hindi na niya kailangang linawin o ulitin pa ang kaniyang nasabi ngunit pinigilan niya ang sarili. Hindi na siya bata upang patulan at gantihan pa ito.
"Paano kung aking nais na manatili dito?" paglinaw niya.
Ilang sandali na nakatingin lamang sa kaniya si Otis, ganoon din ang mga tagapaglingkod at mga kabalyero, bago ito sumagot. "P-Paumanhin po, Binibini... ngunit mahigpit po na ipinag-uutos ng inyong Ama na kayo po ay makalipat na ngayong araw."
𝘔𝘢𝘩𝘪𝘨𝘱𝘪𝘵 𝘯𝘢 𝘪𝘱𝘪𝘯𝘢𝘨-𝘶𝘶𝘵𝘰𝘴?
Naglakad siya patungo sa maliit na sala sa silid ni Malika at umupo sa kanape, ang kirot sa kaniyang ulo ay mas nagiging mahirap na hindi mapansin. Ayaw man niyang aminin ngunit mukhang hindi niya magagawang mapigilan ang nais ng Punong Lakan. Hangga't maaari, ayaw na niyang makausap ito. Dagdag pa doon, sa mga nangyari kagabi lalo na ang naganap sa silid-kainan, hindi niya alam kung magagawa pa niya itong suwayin o sagutin nang walang mabigat na kapalit.
Aminin man niya o hindi, sa mundong ito, napakataas na posisyon ang mayroon ito at tunay na nabastos niya ito sa harap pa mismo ng mga taga-silbi nito. Hindi niya matatakasan ang kaparusahang ipapataw nito.
Ngunit sa ngayon, kailangan pa niya ng oras. At wala siya ni kaunti niyon upang isipin pa kung ano ang kaniyang kaparusahan sa pambabastos sa isa mga pinaka-iginagalang na Ginoo sa buong kaharian ng Aguem.
Huminga siya ng malalim at itinuon ang kaniyang buong atensyon sa nangyayari sa loob ng silid ni Malika.
Base sa mga nakita niya sa labas at sa mga naiwan pang gamit, malaki ang tyansa na mga damit pa lamang ni Malika ang nakukuha ng mga tagapaglingkod at kabalyero. At magandang balita iyon.
Hindi niya hahayaan na may makakita ng mga talaarawan ni Malika ganoon din ang sisidlan niya ng baril. At mabuti na lamang na nakinig siya sa kaniyang kutob at kaniyang dinala ang baril at mga balisong. Hindi siya tiyak kung anong klaseng problema ang maaaring mangyari kapag---
Bahagyang kumibot ang kaniyang isang mata nang maalala ang damit na kaniyang ipinatahi kay Aling Yara. At bago pa may makapansin sa pagbabago ng kaniyang ekspresyon, agad niya itong pinalitan at inangat ang tingin sa matandang katiwala.
"Ang problema kasi diyan, Otis," simula niya, ang kaniyang tinig ay malatuba. "...aking higit na kinaaayawan na may gumagalaw at humahawak sa aking mga gamit nang hindi ko nalalaman. At bilang ngayon ko lamang narinig at nalaman ang tungkol sa aking paglipat, nais ko munang magkaroon ng oras upang pag-isipan kung ang lahat ba ng gamit dito ay aking ipapalipat o hindi." Nagbigay siya ng pilit na ngiti. "Makaaalis na kayo."
Nanatiling nakatayo ang mga tagapaglingkod at kabalyero. Nakatingin ang mga ito sa Punong Katiwala na tila hinihintay ng mga ito ang sasabihin nito. At doon niya lamang naalala na wala nga palang laban ang mga salita ni Malika sa kahit na sino sa Palasyo Raselis. Malinaw na mas papakinggan ng mga ito si Otis kaysa sa kaniya ngayon.
Bumuntong-hininga siya at tumayo. Bakit nga ba nagsalita pa siya? Nakalimutan niya ba agad ang nangyari sa silid-kainan?
"Masusunod po, Binibini. Ipagpaumanhin niyo po sana ang aming kapangahasan. Kung inyo pong nais, tatanggapin po namin ang kahit anong kaparusahan."
Katulad ng mga tagapaglingkod at mga kabalyero, aaminin ni Maia na nabigla rin siya sa sinabi ng Punong Katiwala. Hindi niya inaasahan na susundin nito ang kaniyang sinabi. Tunay nga na may kakaiba sa ikinikilos at ipinapakita nito.
"Wala akong planong parusahan ang kahit sino," aniya habang sinusubukang basahin ang mga galaw nito. "Lumabas na lamang kayo."
Yumuko ito nang mas malalim, kasabay ng mga tagapaglingkod at mga kabalyero. "Masusunod po, Binibini."
Nagsimulang magsilabasan ang mga tagapaglingkod ganoon din ang matanda ngunit bago pa ito tuluyang makalabas ay lumingon ito muli sa kaniya.
"Binibini?" mahinang simula nito. "Paumanhin po, ngunit, ano po ang aming gagawin sa inyong mga gamit na nasa kalesa na po?"
Naglakad si Maia patungo sa silid-pambihisan, ang kaniyang atensyon ay agad na tumutok sa lugar na kaniyang pakay. At nang makita na naroon pa ang kahon ng damit na kaniyang ipinatahi, naging mas madali ang kaniyang pagdedesisyon.
"Iyong ipamigay na lamang," payak niyang sagot.
"Binibini?!" gulat na sabi ni Otis.
Naalala niya ang nakita sa lugar nila Aling Yara. Bagama't mukhang isang lugar iyon na masigla sa kabila ng kapayakan ng pamumuhay ng mga tao, marami siyang nakitang mga dalaga na walang maayos na kasuotan. At bilang wala na si Malika, hindi na nito magagamit ang ganoong karaming mga bestido. Ni siya ay hindi magagawang maisuot pa ang lahat ng iyon. Mas mainam na rin marahil na kaniya nang simulan ang pag-aayos sa mga naiwang gamit ni Malika.
Pumasok siya nang tuluyan sa silid-pambihisan at sinuri ang mga naiwang damit na sa ngayon ay marami pa rin. Wala pa pala sa kalahati ang nailabas ng mga kabalyero.
"Marami akong nakitang dalagang walang maayos na kasuotan sa Liwan," pagpapaliwanag niya. "Tiyak ako na magagamit doon ang mga damit na iyon."
"T-Tiyak po ba kayo, Binibini?"
Tinitigan niya ito. "Oo. May problema ba?"
Bumilog ang mga mata nito at napaatras bago yumuko. "Wala po, Binibini. Naiintindihan ko po. Masusunod po ang inyong ipinag-uutos."
Nang makalabas ang Punong Katiwala, doon lamang nakahinga nang maayos si Maia. May kakaiba nga sa pakikitungo sa kaniya ng matanda at mukhang kailangan niyang mag-doble ingat. Lalo na kung hindi niya pa alam kung ano ang tunay nitong pakay.
"B-Binibini?"
Nilingon niya si Mindy na hindi niya napansing sumunod pala sa kaniya kanina. Nakatayo ito sa may pinto. "Mindy. Ba---Ah. Natapos mo na ba ang aking pinahahanda sa kusina?"
Tila nabigla ito sa kaniyang tanong ngunit agad ding tumango. "Opo, Binibini."
"Salamat kung gayon." Lumabas siya ng silid-pambihisan at tinitigan ang mesa ni Malika kung saan nakalagay ang mga talaarawan nito. "Kung maaari ay maiwan muna kita dito, Mindy. Ako na ang bahala sa kusina."
Bumilog ang mga mata nito at malinaw na hindi ito sang-ayon kaya nagpatuloy lamang siya sa pagsasalita, "Nais ko na iyong ilagay sa kahon ang lahat ng aking talaarawan at pagkatapos ay iyong ilabas sa likod ng palasyo."
"Sa likod po, Binibini?" gulat at naguguluhang tanong nito.
Nagsimula na siyang maglakad palabas. "Ah... Oo. Aking napagpasyahan na sunugin na ang lahat ng iyon."
Naging madali kay Maia na sabihin iyon sapagkat alam niyang iyon din ang gagawin ni Malika. Isa pa, nabasa at nasaulo na niya ang lahat ng nakasulat doon. Mas makabubuti rin para dito na wala nang kahit sino ang makabasa ng mga iyon.
Napansin niyang hindi sumagot si Mindy kaya nilingon niya ito. "Mindy?"
Gulat na iniangat nito ang tingin sa kaniya. "Ah... O-Opo, Binibini. Masusunod po."
Nagtataka niya itong tinignan dahil tila wala ang atensyon nito dito... na parang lumilipad ang isip nito, at tila ay malungkot ito. At dahil bigla rin itong yumuko, hindi niya tiyak kung tama ba ang kaniyang napansin o marahil ay hindi niya lamang ito narinig nang maayos kaya iba ang dating ng tono nito sa kaniya.
At nang tuluyan na itong sumunod sa kaniya at tahimik na nilabas ang mga talaarawan, hindi na lamang niya iyon inisip nang husto at hindi na rin siya nagtanong. Marahil ay kung anu-ano lang ang pumapasok sa kaniyang isip.
___________________________
Samantala sa bagong palasyo, sa silid-talaan ng Punong Lakan, tahimik at mabigat pa rin ang hangin.
"Iyong Kataasan, ayos lang po ba kayo?"
Inangat ng Punong Lakan ang ulo nitong halos dumikit na sa mesa. Kakasimula pa lamang ng umaga ngunit tila natalo na ng pagod ang itsura at katawan nito.
"Hindi ko alam, Amir," halos pabulong na sagot nito. "Sa mga nangyayari, tila ay walang maayos." Sandali itong huminto na parang may inaalala at pagkatapos ay kumuyom ang mga kamay nito kasabay ng paninigas ng mga panga nito. "Ang mga bagay na iyon... hindi ko akalain na mangyayari ang ganoon sa aking palasyo."
Ramdam ng kabalyero ang galit at dismaya ng Punong Lakan. Sa tagal ng panahon ng kaniyang pagsisilbi dito, ngayon lamang niya muli itong nakita nang ganito. Ngayon lamang muli pagkatapos mawala ng bunsong anak nito na si Binibing Selina.
Ngunit masasabi niya na siya rin ay hindi makapaniwala. Matagal nang nagsisilbi sa Pamilya Raselis ang karamihan sa mga tagapaglingkod kung kaya tunay na nakagugulat ang mga bagay na kanilang nalaman. At ang katotohanan na nangyari ang mga ganoong pang-aabuso at pang-aapi kay Binibining Malika na hindi nila nalalaman ay nakababahala.
At tunay rin na nakalulungkot.
"Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang Punong Lakambini," dagdag ng Punong Lakan na tila ay nawalan na ito ng lakas.
Bumigat ang kaniyang kalooban para dito. Kung tutuusin, wala namang kasalanan ang Mahal na Ginoo sapagkat wala itong alam. Ngunit alam niyang kahit sabihin pa niya ang bagay na iyon ay wala na iyong magagawa. Sapagkat alam niyang bilang pinuno ng Palasyo Raselis, sinisisi na ng Kaniyang Kataasan ang sarili.
"Iyong Kataasan, alam ko po ang katapatan ng inyong mga tagapaglingkod sa inyo at sa inyong pamilya. At akin rin pong nasaksihan ang pagmamahal na mayroon sila sa inyo, lalo na po kay Binibining Selina. Marahil po kaya na sinisisi pa rin nila si Binibining Malika sa pagkawala ng Mahal na Binibini?"
Nagpakawala ng malalim na paghinga ang Punong Lakan bago umiling-iling. "Hindi natin tiyak kung tunay na may ginawang mali si Malika, at kahit ano pa ang dahilan, hindi tama na gawin ang mga bagay na iyon sa isang tao. Ngunit... Ngunit kung ako ay magiging tapat, mas katanggap-tanggap para sa akin kung iyon lamang ang dahilan. Sapagkat kung nagawa ng mga tagapaglingkod ang mga bagay na iyon nang dahil sa nakaraan ng batang iyon, hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman o magagawa."
Katahimikan ang bumalot sa buong silid. Sa kahariang ito---hindi. Masasabi niya na sa mundong ito, laganap at karaniwan pa rin ang diskriminasyon at pang-aabuso sa mga alipin. At isang bagay iyon na sinusubukang alisin at labanan ng Punong Lakan. Kaya hindi rin ito nagdalawang-isip noon na pumayag sa kagustuhan ng Punong Lakambini na kupkupin si Binibining Malika.
At ang isipin na ang mga pinagkakatiwalaan nitong mga tagapaglingkod ay magagawa ang isang bagay na higit nitong kinaayawan...
Tiyak siyang magiging mahirap at masakit iyon para sa Punong Lakan.
"Kasalanan ko ito," mariing sabi ng Punong Lakan na ikinagulat niya. "Hinayaan ko lamang ang batang iyon... sa puntong aking pinili na huwag na siyang pansinin. Ni hindi ko alam na naiwan siya sa lumang palasyo... at... at... hindi ko siya nagawang pakinggan sa tuwing may hinaing ito tungkol sa kinakain nito. Aking akala... Aking akala na siya ay nag-iinarte lamang. Ngunit... Ngunit tunay na may mali pala!"
Sinuklay nito ang mga kamay sa maitim nitong buhok. "Ano itong aking nagawa?! Ako ba ay---Sa aking kalooban ba ay sinisisi ko rin ang batang iyon sa pagkawala ng aking anak kaya hindi ko napansin na may maling nangyayari sa kaniya?"
Bumilog ang mga mata ni Amir. "Iyong Kataasan! Huwag niyo pong sabihin iyan! Hindi po---"
Naputol ang kaniyang pagsasalita nang may kumatok. Ilang segundo ang lumipas bago tumugon ang Punong Lakan. "Pasok."
Marahang bumukas ang pinto at pumasok ang batang kabalyero at kanang kamay ni Ginoong Akila na si Gat Einar. "Iyong Kataasan, naipatawag na po ang lahat ng tagapaglingkod."
Bumuntong-hininga ang Punong Lakan at tumayo. Mabigat ang mga balikat nito na lumabas ng silid.
At bilang kanang kamay nito, ang magagawa lamang ni Amir ay ang sumunod dito at isagawa ang kahit anong iuutos nito. Ngunit bilang kaibigan nito, hindi niya maiwasang makaramdam ng lungkot at awa para dito. Mabuti itong tao at hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari dito.
Oo, marahil ay tunay na napabayaan nito si Binibining Malika ngunit hindi sa kadahilanang akala nito.
Kilala niya ang Ginoo. Hindi nito magagawang isisi sa isang bata ang pagkawala ni Binibining Selina, may kasalanan man si Binibining Malika o wala. Ngunit alam niyang tunay na pinili nito na hindi bigyan ng atensyon ang Binibini. Sapagkat ang batang iyon---
Maraming alaala ang nakakabit sa Binibining iyon.
Mga alaala ng mga tao na tunay na mahalaga sa Mahal na Ginoo.
Bihira niyang makita si Binibining Malika. Ngunit maging siya, nang makita niya ito kagabi, hindi niya maiwasang mabigla sa alaalang bumalik sa kaniya.
Sapagkat lalong lumaki ang pagkakahawig nito sa taong iyon.