Inangat ni Maia ang kaniyang tingin sa taong pumasok sa silid at nakangiti sa kaniya ang asawa ni Yara na may dala-dalang bandeha na pinagpapatungan ng mga tasa ng tsaa.
Hindi niya maiwasang tignan muli ang kaliwang paa nito. Sa kabila ng kapansanan nito, maingat at tahimik ang paglalakad nito, tanda marahil ng matindi nitong pagsasanay bilang isang mandirigma.
"Ipagpaumanhin po sana ninyo na natagalan ang inyong tsaa. Nakahihiya man po ngunit kinailangan ko pa pong mag-init ng tubig."
Ibinaba nito ang bandeha sa mesa at ibinigay sa kaniya ang isang tasa na kaniya namang tinanggap. "Walang problema," sagot niya bago ininom ang tsaa na tila ikinagulat nito.
Nakataas ang isa niyang kilay nang tinignan niya ito at tanungin. "May problema ba?"
Alanganing nagsalit ang tingin nito sa kaniya at sa upuan sa kabilang gilid ng mesa na tila ay nagpapaalam itong umupo. Tumango na lamang si Maia dahil hindi niya lubusang maintindihan ang kaugalian na kailangan pang magpaalam ng mag-asawa sa kaniya upang umupo sa upuan na pagmamay-ari naman ng mga ito.
"Kung magiging tapat lamang po ako, Binibini," simula ni Namar. "Hindi ko po inaasahan na tatanggapin at iinumin niyo ang tsaa na aking inihain."
Napahinto si Maia at tinignan ang hawak na tasa. "Oh? May dumi o kaya ay lason ba ito?"
Bumilog ang mga mata nito. "Naku po, Binibini! Hindi po ako magtatangka! Ang... Ang ibig ko pong sabihin ay hindi po kayo nandiri... A-At hindi rin po kayo nag-dalawang isip na pumasok sa aming munting tahanan. Magalang rin po kayo sa pakikipag-usap sa amin. Malayong-malayo po sa aking naririnig na mainitin ang inyong ulo, matapobre at maar...te...."
Lalong bumilog ang mga mata nito at halos mawalan ng kulay ang mukha nang mapagtanto ang mga sinabi bago yumuko. "P-Paumanhin po, Binibini! W-Wala po akong masam---"
Bahagyang nagpakawala si Maia ng tawa na nagpahinto at nagpaangat ng tingin ni Namar pabalik sa kaniya. "Ayos lang. Hindi naman na bago sa akin ang mga sinabi niyo. Matagal ko nang naririnig ang mga iyon."
Ibinaba niya ang tingin sa tasa at nang unti-unti niyang mapansin ang repleksyon ni Malika sa tsaa, agad niyang ibinalik ang tingin kay Namar. "At kung marami kayong naririnig tungkol sa akin, marahil ay alam niyo na rin na hindi naman ako tunay na maginoo at kung tutuusin ay mas mataas pa ang katayuan niyo kumpara sa akin."
Natigilan ito at bumuka ang bibig na tila ay nais nitong magsalita ngunit inunahan na niya ito. "Hindi naman isang lihim ang katotohanan na iyon. Hindi niyo kailangang mabigla."
Nilapag niya ang tasa sa mesa, ang kaniyang ekspresyon ay naging mas seryoso. "At bilang nasa usapin tayo ng katotohanan, nabanggit sa akin ni Mindy na isa kayong panday? Totoo ba iyon?" tanong niya kahit alam naman niya ang sagot doon.
"U-Uh... Opo," sagot nito habang kinakamot nito ang kanang pisngi, na sa tingin ni Maia ay hindi dahil makati iyon ngunit marahil ay kinagawian na nito iyon sa tuwing nahihiya ito. "Ngunit hindi ko po masasabi na magaling ako. Ilang taon pa lamang po ako sa ganitong kalakalan."
"Hindi ko naman kailangan ng magaling. Ang kailangan ko ay mapagkakatiwalaan."
"Binibini?" naguguluhang sambit nito.
Umayos ng upo si Maia. "Hindi ko naman kailangan ng magaling ngunit..." Tinitigan niya sa mga mata si Namar bago nagpatuloy, "Maaari ba na aking makita ang iyong pandayan at hayaan akong humusga sa iyong kakayahan?"
"Mahal na Binibini, natapos ko na pong sukatan ang inyong taga-silbi."
Sabay na nilingon ni Maia at ni Namar ang asawa nito na si Yara, na ilang saglit lang ay nasundan ni Mindy na namumula ang mukha, marahil dahil hindi ito sanay na maghubad ng damit sa harap ng ibang tao.
Ang ipinagpasalamat nalang ni Maia ay isinuot muli nito ang roba ni Malika, ngunit maaaring dahil iyon sa sinabi niya dito na hindi niya gusto ang kasuotan nito.
Masama man ang loob niya sa pagsabi niyon, wala naman siyang ibang maisip na mas magandang paraan kung paano ito kukumbinsihin na magsuot ng damit na hindi nito nakasanayan. Mabuti na lamang talaga na masunurin ito kay Malika.
Tumayo si Maia at tinignan si Mindy at pagkatapos ay si Yara. "Mabuti kung gayon. Ngayon, may dalawang bagay pa akong kailangang gawin ngunit kakailanganin ko ang inyong mga tulong. Maaari ba iyon?"
Nagtinginan ang tatlong kasama niya at nang alanganing tumango ang mga ito ay nagsimula siyang maglakad palabas ng silid at pababa sa unang palapag ng bahay.
"Gat Einar," pagkuha niya sa atensyon ng kabalyero na agad tumayo mula sa pagkakaupo nito nang marinig ang kaniyang pagbaba sa hagdan. "Maaari ba na iyong kunin sa kalesa ang aking sisidlan ng mga alahas? Nais kong makita kung babagay iyon sa bestidong aking napili."
Tila nabigla ito, pati ang mag-asawa, nang nabanggit niya ang 'alahas' at agad itong tumindig ng maayos. "M-May dala po kayong sisidlan ng mga alahas?"
Marahil ay nagdududa ito dahil wala naman silang bitbit ni Mindy kanina ngunit dahil pinaghandaan niya ang araw na ito, kahapon pa niya iyon inutos kay Mindy at kay Mang Silas. Isa pa, wala naman siyang dalang sandamakmak na alahas. Isang pares lamang iyon ng lumang kwintas at hikaw ni Malika. Pinili niya ang mga alahas na iyon dahil matagal nang hindi iyon nagagamit at kung sakaling mawala, umaasa siya na hindi gaanong magagalit si Malika.
Paloob siyang bumuntong-hininga. Sino ba ang niloloko niya?
Tiyak siya na magagalit si Malika sapagkat hindi lamang isang pares kundi maraming lumang alahas ni Malika ang kaniyang kinuha at ipinagbili para sa panggastos niya ngayong araw. Bukod kasi sa bestido na kaniyang kinuha, hindi niya maaaring ipangalan sa Palasyo Raselis ang iba pang mga bagay na kaniyang bibilhin ngayong araw. Masisira ang kaniyang mga plano kung nagkataon.
Kaya kahit nakadarama siya ng bigat sa kalooban dahil sa pagnanakaw na kaniyang ginawa, kailangan niyang gawin iyon upang maisagawa nang maayos ang kaniyang misyon.
Mariing pinagdikit ni Maia ang kaniyang mga labi bago nagsalita. "May problema ba doon, Gat Einar?"
Sa katunayan, ang nais lamang sabihin ni Maia ay isang simpleng 'oo' ngunit dahil sa kaniyang pagnanakaw, hindi niya maiwasang maging depensibo.
"Ipagpaumanhin niyo po ang aking kalapastanganan, Binibini." Yumuko ito at nagpaalam sa kaniya. "Kung inyo pong mamarapatin..."
Lumabas si Einar pagkatapos ng munting pagwasiwas ng kamay ni Maia at nang tiyak na siya na hindi na sila maririnig nito ay humarap siya kay Mindy. "Mindy, hintayin mo ang Gat dito at dalhin mo sa itaas ang sisidlan."
"Opo, Binibini," malumanay ngunit maigting na sagot nito.
Tumango siya dito bago binaling ang tingin sa mag-asawa. "At sa inyo pong dalawa, kung maaari ay nais kong makita ang inyong pandayan."
May pag-aalinlangan man ay itinuro ni Namar sa kaniya ang daan patungo sa pandayan nito at sa kabila ng sinabi nito na hindi ito magaling, namangha si Maia sa mga sandatang gawa nito.
Sinuri ni Maia ang iba't-ibang sandata mula sa mga pana, busog at palaso, tabak, arnis hanggang sa mapako ang kaniyang tingin sa isang itim na balisong.
"B-Binibini!" pigil sa kaniya ni Namar at Yara nang akma niyang kukunin ang maliit na sandata.
Nilingon niya ang dalawa habang tuluyang kinuha ang balisong. "Huwag po kayong mag-alala," Sinimulan niyang laruin ang balisong sa kaniyang kamay. "Alam ko kung paano ito gamitin."
Nagulat ang mag-asawa sa paggalaw ng balisong sa kaniyang kamay... at sa katunayan pati siya ay nagulat rin.
Nasa katawan siya ni Malika at sa kaniyang napansin, ang mga kilos at pananalita nito ang lumalabas sa tuwing siya ay may gagawin kung kaya ay hindi niya inaasahan na magiging madali para sa kaniya na gawin ang mga bagay na nagagawa niya noon katulad nalang ang paggamit niya ng patalim. Hindi nga lang ganoon kabilis at kaswabe sa kayang gawin ng kaniyang katawan ngunit ngayon alam niyang kailangan niya lamang sanayin ang katawan ni Malika.
"Kailangan ko ng dalawa nito," pagtukoy niya sa balisong at pagkalapag niya dito, may hinugot siyang papel mula naman sa kaniyang kanang punyos at iniabot ito kay Namar. "At kailangan ko rin ang sandatang ito."
Nagtatakang kinuha ni Namar ang kaniyang inaabot na papel. Tinitigan nito, pati na rin ni Yara, ang nakaguhit dito hanggang sa lalong lumalim ang linya sa mga noo nito.
Lubos na naiintindihan naman ni Maia ang reaksyon ng mga ito. Dahil ang mga bagay na kaniyang ipinapagawa sa mga ito ay wala sa mundong ito.
"Kakaiba po ang sandatang ito, Binibini," ani Namar na nakatuon lamang ang atensyon sa papel.
"At p-para saan po ito, Binibini?" tanong ni Yara, dahilan upang iangat ni Namar ang tingin nito at sa isang saglit lamang ay sabay na yumuko ang mag-asawa.
"Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kalapastanganan, Mahal na Binibini!" natatarantang sambit ni Yara. "Hindi ko po sinasadya."
"Iangat niyo ang inyong ulo," simula ni Maia. "Hindi niyo kailangang humingi ng paumanhin."
Marahang inangat ng mag-asawa ang mga ulo nito at nang maayos na muli ang tayo ng mga ito ay nagpatuloy siya, "Batid ko na ang mga hinihiling ko sa inyo ay mga bagay na hindi karaniwan kaya aking naiintindihan kung kayo ay may mga katanungan."
Nagsimula siyang maglakad at suriing muli ang mga sandata na nakikita at matapos ng ilang sandaling pag-iisip ay hinarap niya ang dalawa. "Hinahanap ko ang aking tunay na pamilya... ang aking tunay na pagkatao. At sa kadahilanang iyon, may mga bagay na aking kinakailangan... Isa na doon ang proteksyon para sa aking sarili." Humalukipkip siya. "Hindi ko inaasahan na lubos niyong maiintindihan ang aking dahilan ngunit..." Lumapit siya kay Namar at inilahad dito ang kaniyang kanang palad. "Kung labis ito para sa inyo, hihilingin ko na lamang na ang pag-uusap na ito at ang nakaguhit sa papel na iyan ay inyong kalimutan."
Katahimikan ang bumalot sa silid at lumipas iyon nang magsalita si Namar, at piniling hindi ibalik sa kaniya ang papel. "Binibini, makakaasa po kayo na aking ibibigay ang lahat ng aking makakaya upang igawa ang sandatang ito para sa inyo..."
"Ngunit?" pagboses ni Maia sa pag-aalinlangan nito.
"Uh..." Tumikhim si Namar. "Kung inyo pong mamarapatin... Makapangyarihan po ang inyong pamilya at bilang anak ng Palasyo Raselis, bakit hindi niyo po idulog ang paghahanap sa inyong pamilya sa Punong Lakan, Mahal na Binibini?"
Ramdam ni Maia ang tensyon na bumalot kay Yara nang banggitin ng asawa nito ang Palasyo Raselis, marahil hindi nito inaasahan na sa makapangyarihang pamilyang iyon, na ang katungkulan ay nag-iisa lamang sa buong kaharian at kasunod lamang sa Prinsipe, nagmula si Malika.
Bumuntong-hininga si Maia at malungkot na sinalubong ang mga mata ni Namar. "Hangga't maaari ay nais kong maiwasan na maisip ng pamilyang tumulong sa akin na wala akong pagpapahalaga sa mga bagay na kanilang ginawa para sa akin. Hindi ko kayang gawin iyon. Isa pa, ang paghahanap sa tunay kong pinagmulan ay aking problema. Isang bagay ito na aking kailangang gawin nang mag-isa."
Nagtinginan ang mag-asawa at marahang tumango, ramdam niya ang lungkot at simpatya ng mga ito na kaniyang inaasahan. "Lubos po naming naiintindihan, Binibini. Makakaasa po kayo sa aming tulong, bagama't maliit lamang."
Nagbigay ng maliit na ngiti si Maia. "Maaaring maliit para sa inyo ngunit malaking bagay para sa akin. Maraming salamat."
Nagulat ang mag-asawa at bahagyang yumuko. "Wala pong anuman, Binibini. Isang karangalan po sa amin na kayo ay matulungan."
Nagbago ang ekspresyon ni Maia. Sa kabila ng pagsisinungaling at pagpapanggap na malungkot sa harap ng mga ito, hindi pa rin siya sang-ayon sa kung paano pakitunguhan ng mga tao sa lipunang ito ang mga taong galing sa maginoong pamilya.
Ngunit sino nga ba siya para sabihin iyon? Kung susuriin, ang kapal ng kaniyang pagmumukha upang isipin ang bagay na iyon. Wala siyang karapatang husgahan kung paano ang pakikitungo ng mga ito sa mga maginoo kung pinagsasamantalahan niya ang katotohanang iyon.
Hindi ba at ginagamit niya ang katayuan ni Malika ngayon upang makuha ang kaniyang nais? Na sa kabila ng hindi niya pagsang-ayon sa karamihan sa kaugalian sa mundong ito, patuloy niyang ginagamit ang mga iyon... kay Mindy, kay Yara, kay Namar, kay Einar...
At tiyak siya pati sa mga taong makakahalubilo niya sa hinaharap.
Tumalikod siya sa mag-asawa. Napaka-impokrita niya. Wala naman siyang pinagkaiba sa mga ito na ginagawa ang 'nakaugalian'. Kung tutuusin nga ay mas malala ang kaniyang ginagawa sapagkat wala siyang pinagkaiba sa mga maginoo sa lipunang ito at sa mga taong mapang-abuso sa pinanggalingan niyang mundo. Kapareho niya lamang ang mga taong iyon na pinagsasamantalahan ang kanilang kapangyarihan at katayuan sa lipunan.
Noong una, akala niya ay bumabalik lamang siya sa dati niyang gawain nang mapunta siya sa mundong ito. Iyon pala... sa lumipas na mga taon, hindi siya nagbago kahit kaunti.
Tila nanikip ang dibdib at lalamunan ni Maia. Kailangan niyang mapag-isa. "Uh... May isang bagay pa akong kailangang gawin."
"Ano po iyon, Binibini?" tahimik na tanong ni Namar.
Humarap siya sa mga ito matapos ng isang malalim na hinga. "Bago iyon, kailangan ko ng sapin sa paa at..." Nilibot niya ang tingin sa pandayan. "May iba pa ba kayong daan palabas dito? Iyong hindi ako makikita ng kabalyerong aking kasama?"